Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 9/22 p. 18-20
  • Ano ang Magagawa Upang Iligtas ang mga Bahura ng Korales?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Magagawa Upang Iligtas ang mga Bahura ng Korales?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sasali ba ang Lahat ng mga Bansa sa Laban?
  • Korales—Nanganganib at Namamatay
    Gumising!—1996
  • Namamatay na mga Bahura ng Korales—May Pananagutan ba ang mga Tao?
    Gumising!—1996
  • Pagdalaw sa Great Barrier Reef
    Gumising!—1991
  • Korales
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 9/22 p. 18-20

Ano ang Magagawa Upang Iligtas ang mga Bahura ng Korales?

MARAMING siyentipiko sa buong daigdig ang naniniwala na nararanasan na ang pag-init ng globo at na ito’y patuloy na iinit habang ang nagpapaunlad na mga bansa ay sumusulong tungo sa pag-unlad sa industriya. Mga tatlong bilyong metriko tonelada ng carbon dioxide (CO2) ang ibinubuga taun-taon sa atmospera ng lupa sa pamamagitan ng pagsunog ng mga gatong, gaya ng karbón, langis, at kahoy, para sa enerhiya, at sa pamamagitan ng pagsunog sa kagubatan. Ayon sa ilang siyentipiko, ang tinatawag na “greenhouse effect,” mula sa mga gas ng sinunog na gatong, ay nagbabantang painitin ang atmospera ng 3 hanggang 8 antas Fahrenheit sa kalagitnaan ng susunod na siglo. Ang pag-init na ito ay makamamatay sa mga korales at sa mga pamayanan ng bahura.

Subalit ang kamatayan ng mga bahura ng korales ay lubha ring makaaapekto sa buhay sa lupa. Ganito ang sabi ng magasing Natural History: “Gayunman, ang mga bahura ng korales, sa ganang sarili ay mahalagang mga salik sa pag-init ng lupa at maaaring kasinghalaga ng masinsing mga kagubatan sa tropiko sa pagbawas ng mga gas na nagpapainit sa lupa. Habang iniimbak nila ang kalsiyum karbonato para sa kanilang mga kalansay, inaalis ng mga korales ang maraming CO2 mula sa mga karagatan. Kung walang zooxanthellae [ang lumot na nakatira sa korales], ang dami ng carbon dioxide na isasailalim ng mga korales sa metabolismo ay lubhang mababawasan. Balintuna nga, pabibilisin ng pinsalang ito sa ecosystem sa ilalim ng dagat ang mismong proseso na humahadlang sa pagkamatay nito.”

Ang ilang siyentipiko ay naniniwala na ang iba pang gas na inilalabas sa pamamagitan ng pagsunog ay nakadaragdag sa pag-init ng lupa. Isa na rito ang nitrous oxide, at gayundin ang mga chlorofluorocarbon (mga CFC). Sa katunayan, ang bawat molekula ng CFC ay 20,000 ulit na mabisa sa pagkulong sa init na gaya ng isang molekula ng CO2. Ang mga CFC ay pinuntirya rin bilang ang pangunahing sanhi ng pagnipis ng ozone layer, na nagsasanggalang sa buhay sa lupa mula sa nakapipinsalang mga sinag na ultraviolet. Ang ozone sa Hilagang Polo at sa Timog Polo ay numipis nang husto anupat ito’y nagkaroon ng mga butas. Iyan ay lalo pang masamang balita para sa mga korales. Ang mga eksperimento na naglalantad sa maliit na mga bahura ng korales sa unti-unting tumitinding liwanag na ultraviolet na pinahihirapan na nga ng mainit na tubig ay nagpalala sa pagputi ng korales. Ganito ang malungkot na sinabi ng magasing Scientific American: “Kahit na kung huminto ang pagbubuga ng chlorofluorocarbon ngayon, ang kemikal na mga reaksiyon na nagiging sanhi ng pagkawasak ng ozone sa stratosphere ay magpapatuloy sa di-kukulanging isang siglo. Simple lang ang dahilan: ang mga chlorofluorocarbon ay nananatili sa atmospera nang matagal at patuloy na kakalat sa stratosphere mula sa imbakan sa troposphere sa loob ng mahabang panahon pagkatapos huminto ang mga pagbuga.”

Sa personal na antas, ang mga indibiduwal ay maaaring responsableng kumilos sa pamamagitan ng hindi pagpaparumi sa mga karagatan o sa tabing-dagat ng mga basura o mga pamparumi. Kung pupunta ka sa isang bahura, sundin ang mga tagubilin na huwag hipuin o tuntungan ang korales. Huwag kumuha o bumili ng mga subenir na korales. Kung namamangka malapit sa mga bahura sa tropiko, dumaong sa mabuhanging kailaliman o pumugal sa dakong inilalaan ng mga awtoridad ng marina. Huwag pabilisin o bulabugin ang ilalim sa pamamagitan ng propeler. Huwag itapon ang dumi ng bangka sa karagatan; humanap ng mga daungan at mga marina na tatanggap nito. Si Bill Causey, manedyer ng Looe Key National Marine Sanctuary (Florida, E.U.A.), ay nagsabi: “Malamang na ang tao ang lumilikha ng problema na siyang dahilan ng pagiging di-timbang. Dapat na maging palaisip tayo tungkol dito sa buong globo. Kung patuloy nating pagbubutihin ang kabatiran ng publiko sa banta na mawala ang mahalagang ecosystem, kung gayon baka mabago natin ang kalagayan.”

Sa antas na panrehiyon, ipinapasa at ipinatutupad ang mga batas upang pangalagaan ang mga bahura ng korales. Inihahabla ng estado ng Florida ang mga may-ari ng bapor na pumipinsala sa mga bahura nito. Ang mga may-ari ng isang barkong pangkargada na umararo ng ilang acre ng korales nang ito’y sumadsad ay nagbayad ng multang $6 na milyon. Ang bahagi ng salaping nakuha ay ginamit upang isauli ang tirahan ng mga nabubuhay na bagay sa dagat. Sa kasalukuyan, sa paggamit ng pantanging mga pandikit, ang mga biyologo ay nagsisikap na ikabit-muli ang korales na napinsala ng isang barko noong 1994. Isa pang multa, na $3.2 milyon, ang ipinataw laban sa isang kompanya dahil sa mga pinsalang nagawa nito sa isang bahura sa Florida ng isa sa mga barkong pangkargada nito. Ang iba pang mga bansa ay gumagawa ng katulad na mga batas. Ang popular na mga lugar para sa pagsisid, gaya ng Cayman Islands sa Caribbean, ay may limitadong mga dako kung saan ipinahihintulot ang pagsisid. Nilikha ng Australia ang Great Barrier Reef Marine Park nito upang supilin ang mga gawain doon. Subalit gaya ng nakita nating lahat, mientras mas maraming maninisid, mas maraming pinsala sa mga bahura.

Sasali ba ang Lahat ng mga Bansa sa Laban?

Sa pangglobong antas, ang nababahalang mga siyentipiko at mga lider ay naghihinuha na ang lunas ay hindi kaya ng isang bansa o kahit ng isang grupo ng mga bansa. Ang polusyon ay dinadala sa buong globo sa pamamagitan ng umiikot na daloy ng hangin at tubig, na sumasalpok sa mga bahura. Ang indibiduwal na mga bansa ay walang hurisdiksiyon sa ibayo ng kanilang mga teritoryong dagat. Ang mga dumi na itinatambak sa karagatan ay sa wakas nagtutungo sa mga dalampasigan. Isang nagkakaisang pangglobong pagsisikap at lunas ang kinakailangan.

Walang-alinlangang maraming taimtim at may kakayahang mga tao sa daigdig ang patuloy na magpupunyagi upang iligtas ang kasindak-sindak na mga kayamanang korales ng lupa. Maliwanag at lubhang kailangan ang isang pandaigdig na pamahalaan na nakababatid at nagmamalasakit sa kapaligiran ng lupa. Nakatutuwa naman, sasagipin ng Maylikha mismo ang kapaligiran ng lupa. Nang gawin ng Diyos ang unang mga tao, sinabi niya: “Magkaroon sila ng pananakop sa isda [at sa lahat ng buhay-dagat] sa dagat.” (Genesis 1:26) Yamang hindi inabuso o pinagsamantalahan ng Diyos ang buhay-dagat, ang kaniyang utos sa sangkatauhan ay dapat mangahulugan na dapat pangalagaan ng tao ang kapaligiran ng lupa. Ganito ang hula ng Bibliya: “May mga bagong langit [makalangit na Kaharian ng Diyos] at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Sa malapit na hinaharap, lubusang lilinisin ng makalangit na pamahalaang iyon ang maruming lupa na ito, pati na ang mga karagatan nito. Sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Kaharian ng Diyos ay mangangalaga at lubusang masisiyahan sa magagandang karagatan at sa kanilang mga naninirahan sa dagat.

[Mga larawan sa pahina 18]

Background: Isang magandang bahura ng korales sa karagatang Pasipiko, malapit sa Fiji

Mga nakasingit: 1. Isang malapitang kuha ng isang clown fish sa ilalim ng dagat, 2. mga korales na parang mesa, 3. isang naglilinis na hipon sa korales

[Credit Line]

Background sa pahina 18: Fiji Visitors Bureau

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share