Isang Kahanga-hangang Pagtatagpo
“ANG pinakakasiya-siyang bagay na nagawa ko sa aking buhay!” Ganiyan inilarawan ni Kristie ang kaniyang kahanga-hangang pagtatagpo. Ganito kaya ang iyong madama kung sakaling makakasama mong lumangoy ang mga lampasut (dolphin) sa Gulpo ng Mexico?
Ang lahat ay tuwang-tuwang mapanood ang mga lampasut na lumalangoy o nagtatanghal ng kahanga-hangang gawa sa tubig, gaya ng paglalakad nang patalikod sa kanilang mga buntot, tumatalun-talon sa tubig na nakagugulat ang taas, o pinahihintulutan ang mga tao na sumakay sa mga ito. Ang basta panonood sa mga palabas na ito ay magpapangyari sa isang tao na lumusong sa tubig at makipaglaro sa mga lampasut na iyon.
Ganito lagi ang nadarama ni Kristie. Pagkatapos isang araw, habang siya’y namamangka at lumalangoy sa Gulpo ng Mexico, biglang lumitaw ang isang ulo sa harapan niya. Hindi nagtagal, waring tatlong nag-uusyosong mga lampasut ang nag-akala na nakatagpo sila ng makakalaro. Noong una’y medyo takot si Kristie, subalit ang kaniyang takot ay nauwi sa tuwa habang siya’y nakikipaglaro sa mga lampasut. Basta siya’y nagrelaks anupat hinayaan ang mga ito na magpalabas, titingnan niya kung ano ang susunod na gagawin ng mga ito.
Ganito ang sabi ni Kristie: “Isang lampasut ang biglang tatambad sa aking harapan—at magkakatinginan kami. Masusumpungan ko ang aking sarili na hinahaplos ito at nakikipag-usap rito—gaya ng ginagawa ko sa aking aso.”
Dahil sa katalinuhan ng lampasut, ang mga ito’y kilalang mga tagalibang, at ganiyan ang sinasabi ng karamihan sa mga tagasanay dahil sa pagiging palakaibigan ng mga ito sa tao, ang mga lampasut ay hindi kailangang laging suhulan ng pagkain upang magtanghal ng kanilang mga kahanga-hangang gawa.
Nang tanungin kung ano ang pinakanakasisiyang bagay sa pakikisama sa mga lampasut, si Liz Morris, isang dalubhasa sa pagsusuri sa paggawi ng hayop sa Sea World sa Florida, E.U.A., ay nagsabi: “Sa palagay ko ay ang kanilang likas na pag-uugali. Dahil sa labis na mapaglaro ang mga ito at likas na mausyoso, magkakaroon ka talaga ng malapit na kaugnayan sa mga ito . . . Mahusay ang kanilang pagtugon sa mga haplos at pagmamahal.” Sa ipinangako ng Diyos na bagong sistema ng mga bagay, lahat tayo’y magkakaroon ng maraming kahanga-hangang pagtatagpo na gaya ng kay Kristie.