Isang Pamayanan sa mga Tukod na Kahoy
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Benin
“ANG Ganvié ay isa sa pangunahing kilalang pang-akit na lugar para sa mga turista sa Benin,” sabi ng isang giya sa paglalakbay sa Kanlurang Aprika. Ganito pa ang sabi ng isa: “Ang mga Aprikano mismo ay hangang-hanga sa Ganvié; mas marami kang makikitang mga Aprikanong turista kaysa mga taga-kanluran.”
Ang Ganvié ay totoong kakaiba. Ito’y isang nayon na may 15,000 nakatira na itinayo sa mga tukod na kahoy sa ibabaw ng tubig sa Lake Nokoué, sa hilaga ng Cotonou, Benin. Sa Ganvié ay walang mga bisikleta, walang mga kotse, walang mga bangketa, at walang mga lansangan. Kung ang mga nakatira ay ibig na magpunta sa paaralan, sa palengke, sa klinika, sa tahanan ng kapitbahay, o saanman, sila’y sumasakay sa bangka na inukit mula sa punong iroko.
Karamihan ng mga pamilya ay may ilang bangka—isa para kay Itay, isa para kay Inay, at kung minsan ay isa para sa mga anak. Maagang natututo ang mga bata na magsagwan. Sa edad na limang taon, maaari nang mamangka ang isang bata. Hindi magtatagal malakas na ang loob niyang tumayo sa bangka upang maghagis ng isang maliit na lambat sa pangingisda. Tuwang-tuwa ang ilang kabataan na magpalabas sa mga bisita sa pamamagitan ng pagtayo sa kanilang ulo sa kanilang mga bangka.
Sa mga lumulutang na palengke sa Ganvié, ang mga tindera, na ang karamihan ay mga babae, ay nakaupo sa kanilang mga bangka na dala ang kanilang mga paninda na nagtambakan sa kanilang harapan—mga espesiya, prutas, isda, gamot, panggatong na kahoy, serbesa, at maging mga radyo. Dahil sa nalililiman ng mga sumbrerong balanggot na may malalaking paldiyas mula sa tropikal na araw, nagtitinda sila sa iba na nagsasagwan ng kanilang mga bangka roon upang mamili. Kung minsan ang mga nagtitinda ay mga batang babae. Huwag kang padaya sa kanilang mga edad! Maaga nilang natutuhan ang sining ng tusong pagbebenta ng isang nagtitinda.
Samantalang ang mga babae ay bumibili at nagtitinda sa palengke, ang mga lalaki ay abala naman sa kanilang pangingisda, o panghuhuli ng isda para maging mas tumpak. Kasali sa kanilang pamamaraan sa pangingisda ang pagtarak ng daan-daang sanga sa ilalim ng maputik na lawa, na lumilikha ng makapal na kagubatan ng mga patpat. Ang mga isda ay nagkukulumpunan upang manginain sa nabubulok na mga sanga. Pagkalipas ng ilang araw ay babalik ang mga lalaki na dala ang kanilang mga lambat upang hulihin ang mga isda.
Mula sa Taguan Tungo sa Pang-akit na Lugar sa Turista
Ang Toffinu sa Ganvié ay hindi laging ang “Mga Tao ng Tubig,” gaya ng pagkakilala sa kanila ngayon. Kasing-aga noong ika-18 siglo, sila’y nagsilikas sa lawa at latian upang makatakas sa pag-uusig ng kalapit na Aprikanong kaharian. Sinasabi ng mga iskolar na ang pangalang Ganvié ay nagpapabanaag sa kasaysayan nito, yamang sa wikang Toffin, ang salitang gan ay isinaling “tayo’y ligtas” at ang salitang vie ay nangangahulugang “pamayanan.” Kaya, ang pangalan ng kabisera ng kabayanan ng lawa ay maaaring malayang maisasalin na “ang pamayanan ng mga tao na sa wakas ay nakasumpong ng kapayapaan.”
Ang paghahanap ng matatakasan sa latiang lugar sa palibot ng Lake Nokoué ang pinakamabisang estratehiya, yamang ang relihiyosong mga paniniwala ng kalabang kaharian ay hindi nagpapahintulot sa sinumang sundalo na maglakbay sa tubig o sa mga lugar na maaaring bahain. Kaya ang lawa ay naglaan ng kapuwa kabuhayan at kanlungan mula sa mga kaaway. Isang kabalintunaan na ang kilala na ngayong pamayanan, na binibisita ng maraming turistang nakabangkang de motor, ay minsang naging dakong taguan.