Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang Pag-ibig na Nagbubuklod
NOONG 1978 isang napakalakas na bagyo sa Hilagang Atlantiko ang humampas sa marangyang barkong Queen Elizabeth 2. Ang mga alon na kasintaas ng sampung palapag na gusali ang nagwasak sa barko, anupat ginawa itong parang lumulutang-lutang na tapón. Tumilapon ang mga muwebles at mga pasahero habang ang barko ay pinaghahampasan sa magkabi-kabila. Kapansin-pansin naman, maliliit na pinsala lamang ang nangyari sa 1,200 pasahero. Ang mahusay na inhinyeriya, mga gamit, at pagtatayo ang nagpanatiling buo sa barko.
Mga daan-daang taon na ang nakalipas isa ring barko ang pinaghampasan ng isang maunos na bagyo. Sina apostol Pablo at ang 275 iba pa ang nakalulan dito. Sa takot na mawasak ang barko dahil sa nagngangalit na bagyo, gumamit ang mga magdaragat ng waring mga “pantulong”—mga kadena at lubid—sa ilalim ng barko sa tagiliran nito upang hindi makalas ang mga tabla na bumubuo sa pinakakatawan ng barkong naglalayag na ito. Ang lahat ng pasaherong nakalulan ay naligtas, bagaman nasira ang barko.—Gawa, kabanata 27.
Ang mga pagsubok sa buhay kung minsan ay baka magpangyari sa ating makadama na para bang tayo’y nasa barkong nasa maunos na dagat. Ang tulad alon na kabalisahan, pagkasira ng loob, at panlulumo ay maaaring makatangay sa atin, anupat nasusubok ang ating pag-ibig hanggang sa sukdulan nito. Upang mapagtiisan ang gayong mga bagyo at upang maiwasan ang pinsala, kailangan din natin ang tulong.
Kapag Dumating ang Bagyo
Ang pananampalataya at pagbabata ni apostol Pablo ay nakaulat sa Bibliya. Siya’y nagpaalipin alang-alang sa sinaunang mga kongregasyong Kristiyano. (2 Corinto 11:24-28) Ang kaniyang mabubuting gawa sa gawain ng Panginoon ay nagbigay ng maliwanag na patotoo ng kaniyang masidhing pag-ibig sa kaniyang kapuwa at ng kaniyang matibay na kaugnayan sa Diyos. Subalit, ang buhay ni Pablo ay hindi laging madali. Kapuwa sa literal at makasagisag na paraan, maraming bagyong tiniis ang apostol.
Noong panahon ni Pablo, kapag napaharap sa isang maunos na bagyo ang barko, ang kaligtasan ng mga pasahero at ng barko ay nakadepende sa kadalubhasaan ng tripulante gayundin sa kakayahan ng barko na manatiling buo. Totoo rin naman ito nang napaharap ang apostol sa makasagisag na mga bagyo. Bagaman nabata ni Pablo ang hirap ng katawan, pagkabilanggo, at pagpapahirap, ang pinakamatinding mga bagyo na humamon sa kaniyang espirituwalidad at katatagan ng emosyon at ng kaniyang kakayahan na ipagpatuloy ang pag-ibig ay nagmula sa kongregasyong Kristiyano mismo.
Halimbawa, nagpagal nang walang panghihinawa si Pablo sa loob ng isa’t kalahating taon upang maitatag ang kongregasyon sa lunsod ng Corinto. Ang kaniyang mga karanasan sa mga taga-Corinto ang nagpangyari sa kaniya na magkaroon ng masidhing damdamin para sa kawan. Tinukoy pa nga ni Pablo ang kaniyang sarili bilang isang ama sa kanila. (1 Corinto 4:15) Subalit, sa kabila ng ulat ng kaniyang pagmamahal at masikap na paggawa sa kongregasyon, si Pablo ay pinagsalitaan nang may pang-aabuso ng ilan sa Corinto. (2 Corinto 10:10) Sa kabila ng lahat ng ginawa niyang pagsasakripisyo-sa-sarili, nakasisira nga ng loob iyan!
Paano ngang ang mga taong tumanggap ng saganang pag-ibig ni Pablo ay naging napakalupit at mapanghamak? Tiyak na nadama ni Pablo na para bang siya’y winawasak, gaya ng isang barkong pinaghahampasan ng isang unos. Anong dali nga para sa kaniya na sumuko, na makadamang ang lahat ng kaniyang pinagpagalan noong nakalipas ay walang kabuluhan, o maghinanakit! Ano ang nagpangyaring maging matatag si Pablo? Ano ang humadlang sa kaniya na huwag maigupo ng pagkasira ng loob?
Ang Pag-ibig na Nagpapanatili sa Ating Matatag
Walang pag-aalinlangang iniwan si Pablo sa isipan ng kaniyang mga mambabasa kung may kinalaman sa pinagmulan ng kaniyang lakas at ng kaniyang hangarin. Ganito ang kaniyang sulat: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa amin.” (2 Corinto 5:14) Itinuro ni Pablo ang nakatataas na pinagmumulan ng kalakasan at hangarin. Ang nagtutulak na puwersa ay “ang pag-ibig na taglay ng Kristo.” Ganito ang sinabi ng isang iskolar sa Bibliya may kinalaman sa kasulatang ito: “Hindi sinabi ni Pablo na ang ating pag-ibig kay Kristo ang nagpapanatili sa ating matatag sa ating ministeryo . . . Iyan ay bahagi lamang. Ang ating pag-ibig kay Kristo ay pinagniningas at patuloy na pinasisigla ng kaniyang pag-ibig sa atin.”—Amin ang italiko.
Ang pag-ibig na ipinakita ni Kristo sa pamamagitan ng pagdanas niya mismo ng napakasakit na kamatayan sa pahirapang tulos—sa gayo’y ibinigay ang kaniyang sakdal na buhay tao bilang pantubos upang maligtas ang lahat ng nananampalatayang mga tao—ang nag-udyok, nagtulak, nagpakilos kay Pablo na patuloy na maglingkod alang-alang kay Kristo at sa kapatiran. Sa gayon, ang pag-ibig ni Kristo ang sumupil kay Pablo, pumigil sa kaniya mula sa kasakiman, at nagtakda ng kaniyang mga tunguhin sa paglilingkod sa Diyos at sa kapuwa.
Ang totoo, ang pinagmumulan ng hangaring nasa likod ng tapat na buhay ng isang Kristiyano ay ang pag-ibig ni Kristo. Kapag tayo’y napapaharap sa mga pagsubok na maaaring may nakapanghihinang epekto sa ating katawan, emosyon, at espirituwalidad, ang nagtutulak na puwersa ng pag-ibig ni Kristo ang nagpapangyari sa atin na lumampas sa hangganan kung saan maaaring sumuko ang isa na hindi gaanong naudyukan. Ito ang nagbibigay sa atin ng lakas na magbata.
Hindi tayo makaaasa sa ating di-sakdal na emosyon upang tayo’y makapanatili at maudyukan. Ito’y lalo nang totoo kapag ang ating mga pagsubok ay dumating na bunga ng pagkasiphayo o pagkabalisa. Sa kabilang dako, ang pag-ibig ni Kristo ay may kapangyarihan na makapanatili tayong matatag sa ating ministeryo, upang makapagpatuloy tayo at maudyukan tayo, anupat ating mababata ang personal na mga pagsubok. Ang pag-ibig ni Kristo ay nagpapangyari sa isang Kristiyano na magbata nang hindi lamang higit pa sa inaasahan ng iba kundi marahil higit pa sa kaniya mismong inaasahan.
Isa pa, yamang ang pag-ibig ni Kristo ay nagtatagal, ang epekto ay hindi kailanman nagwawakas. Ito ang nagtutulak na puwersa na hindi nag-aalinlangan o humihina. “Ang pag-ibig ay hindi nabibigo.” (1 Corinto 13:8) Pinangyayari tayo nito na sumunod sa kaniya nang may katapatan, anuman ang mangyari.
Ang mga pagsubok sa emosyon ay isang napakalakas na puwersa na maaaring magwasak sa atin. Kaya naman, anong halaga nga na ating bulay-bulayin ang pag-ibig na ipinakita sa atin ni Kristo. Ang pag-ibig ni Kristo ang magpapanatili sa ating matatag. Ginagawang posible ng kaniyang pag-ibig na maiwasang mawasak ang ating pananampalataya. (1 Timoteo 1:14-19) Isa pa, ang pag-ibig ni Kristo ang magpapangyari sa ating gawin ang buong makakaya natin upang maluwalhati ang isa na gumawang posible sa kapahayagan ng pag-ibig ni Kristo, ang Diyos na Jehova.—Roma 5:6-8.