Ang Iyong Relihiyon—Isa Bang Barkong Di-dapat Iwan Kailanman?
ISANG barko ang nasa gitna ng isang bagyó. Ang mga tripulante, na desperadong nagsusumikap na mailigtas ang kanilang sasakyan, ay napapaharap sa isang mahalagang desisyon: ang manatili sa sasakyan o iwan ang barko at iligtas ang kanilang sarili. Alam mo ba na ang nakasisindak na senaryong ito ay ginagamit bilang isang ilustrasyon sa teolohiya?
Malimit na inihahambing ng mga teologo, lalo na ng mga Katolikong iskolar, ang kanilang simbahan sa isang barko na nagsisikap makaligtas sa bagyó. Sinasabi nila na ang barkong ito, na si Jesus o si Pedro ang nasa timon, ay kumakatawan sa tanging paraan ng kaligtasan. Ang paninindigan ng klero ay, ‘Huwag kailanman iwan ang barko. Nakaranas na ang simbahan ng malulubhang panganib noon, ngunit ito’y isang barkong nakaligtas sa lahat ng bagyong nagdaan sa kasaysayan.’ Ang ilan ay nagsasabi, ‘Bakit ito iiwan? Mayroon pa bang mapagpipilian? Bakit hindi manatili at tumulong na ugitan iyon tungo sa mas kalmadong tubig?’
Kasuwato ng matalinghagang pananalitang ito, marami sa mga taong kabilang sa lahat ng uri ng relihiyon ang nangangatuwiran, ‘Alam kong mali ang aking relihiyon sa maraming bagay, ngunit umaasa akong ito’y magbabago. Ayokong iwan ito. Ibig kong magkaroon ng bahagi sa pagtulong na mapagtagumpayan nito ang mga suliranin.’ Ang ganitong uri ng pangangatuwiran ay baka udyok ng tapat na pagmamahal sa kinamulatang relihiyon ng isa o maging ng takot na “pagtaksilan” ito.
Ang isang halimbawa may kaugnayan dito ay si Hans Küng, isang kilalang kritikong teologo na Katoliko, na nag-isip-isip: “Dapat ko kayang iwan ang barko sa panahon ng bagyó, anupat pababayaan ang mga kasama kong naglalayag hanggang sa ngayon na harapin ang hangin, limasin ang tubig, at marahil ay makipagpunyagi upang makaligtas?” Sumagot siya: “Hindi ko isusuko ang aking impluwensiya sa loob ng simbahan.” Ang isa pang pagpipilian ay ang “paghiwalay sa simbahang ito, dahil sa pagkukulang nito, bilang kapalit ng pag-ibig sa mas mataas na mga simulain, at marahil, upang maging mas mapananaligang mga Kristiyano.”—Die Hoffnung bewahren.
Subalit makapananatili ba ang isang tao sa bapor ng kaniyang sariling simbahan sa pag-asang ang Diyos, sa kaniyang awa, ay magpapataan ng walang-takdang panahon sa lahat ng relihiyon para magreporma? Iyan ay isang maselang na tanong. Gaya ng ipinakikita ng ilustrasyon, ang dali-daling pag-alis sa nanganganib na barko sa pamamagitan ng pagsakay sa mabuway na panligtas na mga bangka ay maaaring mapanganib ding gaya ng kung mananatili sa papalubog na barko. Isang katalinuhan bang manatili sa isang simbahan anuman ang maging halaga nito, anuman ang kalagayan nito? Anu-anong posibilidad ng pagrereporma ang iniaalok ng mga relihiyon sa ngayon? Hanggang kailan sila pahihintulutan ng Diyos sa paggawa ng labag sa kaniyang kalooban?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Chesnot/Sipa Press