Kapag ang mga Salita ay Naging Sandata
“May isang nagsasalita nang hindi nag-iisip na parang mga saksak ng tabak.”—KAWIKAAN 12:18.
“MGA ilang linggo pagkatapos ng kasal, nagsimula na ito,” sabi ni Elaine.a “Masasakit na salita, mapanghamak na mga komento, at mga pagsisikap na hiyain ako. Hindi ako makapapantay sa aking asawa. Maaaring pilipitin at pasamain ng kaniyang mabilis na isip at dila ang lahat ng sinasabi ko.”
Sa buong itinagal ng pag-aasawa niya si Elaine ay napasailalim ng isang tusong uri ng pagsalakay na hindi nag-iiwan ng mga pilat at nagtatamo ng kaunting simpatiya. Nakalulungkot nga, ang kaniyang kalagayan ay hindi bumuti sa paglipas ng panahon. “Kami’y 12 taon nang kasal,” aniya. “Hindi lumilipas ang isang araw na hindi siya namimintas at nanunuya sa akin, na gumagamit ng matatalas, bulgar na pananalita.”
Ang Bibliya ay hindi nagpapakalabis kapag sinasabi nitong ang dila ay maaaring maging “isang di-masupil na nakapipinsalang bagay, . . . punô ng nagdudulot-kamatayang lason.” (Santiago 3:8; ihambing ang Awit 140:3.) Totoo ito lalo na sa pag-aasawa. “Sinumang nagsasabing ‘mababali ng mga patpat at mga bato ang aking mga buto subalit hinding-hindi ako masasaktan ng mga salita’ ay maling-mali,” sabi ng isang asawang babae na nagngangalang Lisa.—Kawikaan 15:4.
Ang mga asawang lalaki ay maaari ring maging tudlaan ng berbal na pagsalakay. “Alam mo ba kung ano ang katulad na mamuhay na kasama ng isang babaing palagi kang tinatawag na isang sinungaling, tanga o masahol pa roon?” ang tanong ni Mike, na ang apat na taóng pag-aasawa kay Tracy ay patungo na sa diborsiyo. “Hindi ko mauulit sa harap ng kagalang-galang na mga kasama ang mga bagay na sinasabi niya sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit hindi ko siya makausap at kung bakit ako nagpapagabi sa trabaho. Mas natatahimik ako sa trabaho kaysa umuwi ng bahay.”—Kawikaan 27:15.
Taglay ang mabuting dahilan, si apostol Pablo ay nagpayo sa mga Kristiyano: “Ang . . . hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Subalit ano ba ang “mapang-abusong pananalita”? Inuuri ito ni Pablo na iba sa “hiyawan” (Griego, krau·geʹ), na nagpapahiwatig ng basta pagtataas ng boses. Ang “mapang-abusong pananalita” (Griego, bla·sphe·miʹa) ay mas tumutukoy sa nilalaman ng mensahe. Kung ito ay mapang-api, may masamang hangarin, mapandusta, o mapang-insulto, kung gayon ito ay mapang-abusong pananalita—ito man ay pasigaw o pabulong.
Ang mga Sugat ng mga Salita
Maaaring pahinain ng paulit-ulit na pagsasalita nang matalas ang isang pag-aasawa, kung paanong maaaring maagnas ng mga alon sa karagatan ang matigas na bato. “Habang tumitindi at nagtatagal,” ang sulat ni Dr. Daniel Goleman, “lalong lumalaki ang panganib. . . . Ang kinagawiang pamimintas at paghamak o pagkasuklam ay mapanganib na mga tanda sapagkat ipinahihiwatig nito na ang isang asawang lalaki o babae ay humatol na nang masama sa kanilang kabiyak sa kanilang isipan.” Habang naglalaho ang pagmamahal, ang mag-asawa, gaya ng pagkakasabi rito ng isang aklat, “ay nagiging kasal sa legal na paraan, subalit hindi sa emosyonal na paraan.” Sa kalaunan, sila ay maaaring maghiwalay na.
Subalit, maaaring hindi lamang pag-aasawa mismo ang maapektuhan ng nakasasakit na pananalita. Ganito ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Dahil sa kirot ng puso ay nababagbag ang diwa.” (Kawikaan 15:13) Ang igting dahil sa paulit-ulit na pinagwiwikaan ng nakasasakit na mga salita ay maaaring lubhang makapinsala sa kalusugan ng isa. Halimbawa, isiniwalat ng isang pagsusuri na isinagawa ng University of Washington (E.U.A.) na ang isang babaing dumaranas ng paulit-ulit na panlalait ay malamang na mas madaling tablan ng sipon, sakit sa pantog, yeast infection, at mga sakit sa tiyan at bituka.
Sinasabi ng maraming asawang babae na nagbata kapuwa ng berbal at pisikal na pananakit na ang mga salita ay mas masakit kaysa mga kamao. “Ang mga pasâ mula sa kaniyang mga sampal ay sa wakas gagaling at maglalaho,” sabi ni Beverly, “ngunit hinding-hindi ko malilimutan ang masasakit na bagay na sinabi niya tungkol sa hitsura ko, sa pagluluto ko, kung paano ko inaalagaan ang mga bata.” Gayundin ang nadarama ni Julia. “Alam kong para itong kabaliwan,” sabi niya, “ngunit mas gugustuhin ko pang saktan niya ako at pagkatapos ay tapos na kaysa sa patuloy na pahirapan ang isip ko.”
Subalit bakit ba binabatikos at labis na kinagagalitan ng ilang tao ang isa na sinasabi nilang mahal nila? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang katanungang ito.
[Talababa]
a Ang ilang pangalan sa seryeng ito ng mga artikulo ay binago.
[Blurb sa pahina 4]
“Mas gugustuhin ko pang saktan niya ako at pagkatapos ay tapos na kaysa sa patuloy na pahirapan ang isip ko”
[Blurb sa pahina 4]
“Alam mo ba kung ano ang katulad na mamuhay na kasama ng isang babae na palagi kang tinatawag na isang sinungaling, tanga o masahol pa roon?”