Mula sa Salitang Nakasasakit Tungo sa Salitang Nakagagaling
“Kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila.”—KAWIKAAN 18:21.
ANG panlalait—isang sinasadyang paggamit ng mapang-insulto, mapang-abusong pananalita—ay maliwanag na hinahatulan sa Bibliya. Sa ilalim ng Batas Mosaiko, ang isa na nanlait sa kaniyang mga magulang ay maaaring parusahan ng kamatayan. (Exodo 21:17) Kaya, hindi minamalas ng Diyos na Jehova ang bagay na ito nang gayun-gayon lamang. Hindi itinataguyod ng kaniyang Salita, ang Bibliya, ang ideya na anuman ang nangyayari ‘sa loob ng tahanan’ ay hindi gaanong mahalaga habang ang isa ay nag-aangking naglilingkod sa Diyos. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Kung ang sinumang tao ay nag-aakalang siya ay isang pormal na mananamba at gayunma’y hindi nirerendahan ang kaniyang dila, kundi patuloy na nililinlang ang kaniyang sariling puso, ang anyo ng pagsamba ng taong ito ay walang saysay.” (Santiago 1:26; Awit 15:1, 3) Kaya nga kung berbal na inaabuso ng isang lalaki ang kaniyang asawa, lahat ng kaniyang iba pang gawaing Kristiyano ay magiging walang saysay sa paningin ng Diyos.a—1 Corinto 13:1-3.
Bukod pa riyan, ang isang Kristiyano na mapanlait ay maaaring matiwalag sa kongregasyon. Maaari pa nga niyang maiwala ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 5:11; 6:9, 10) Maliwanag, ang isang taong nakasasakit sa pamamagitan ng kaniyang mga salita ay kailangang gumawa ng malaking pagbabago. Subalit paano ito magagawa?
Pagsisiwalat ng Problema
Maliwanag, ang isang maysala ay hindi magbabago maliban nang nauunawaan niyang mabuti na siya ay may malubhang problema. Nakalulungkot nga, gaya ng napansin ng isang tagapayo, ang maraming lalaki na gumagamit ng mapang-abusong pananalita ay “nag-aakalang ang kanilang paggawi ay hindi naman talagang pag-abuso. Sa mga lalaking ito, ang gayong pagkilos ay lubhang normal at siyang ‘likas’ na paraan ng pagsasamahan ng mga mag-asawa.” Sa gayon, hindi nakikita ng marami ang pangangailangan na magbago hanggang sa ang kalagayan ay tuwirang itawag sa kanilang pansin.
Kadalasan, pagkatapos ng may-pananalanging pagsasaalang-alang sa kaniyang kalagayan, ang asawang babae ay mauudyukang magsalita na—alang-alang sa kaniyang sariling kapakanan at sa kapakanan ng kaniyang mga anak at dahil sa pagkabahala sa katayuan ng kaniyang asawa sa harap ng Diyos. Totoo, nariyan sa tuwina ang pagkakataon na maaaring palubhain ng pagsasalita ng asawang babae ang mga bagay at na ang kaniyang mga salita ay maaaring sagutin ng mga pagkakaila. Marahil ay maiiwasan ito ng asawang babae sa pamamagitan ng maingat na patiunang-pag-iisip kung paano niya bubuksan ang usapan. “Mistulang mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak ang salitang sinalita sa tamang panahon para doon,” sabi ng Bibliya. (Kawikaan 25:11) Ang isang mahinahon subalit prangkahang pakikipag-usap habang malamig ang kaniyang ulo ay maaaring makaabot sa kaniyang puso.—Kawikaan 15:1.
Sa halip na magparatang, dapat na sikaping ipahayag ng asawang babae ang kaniyang sarili mismo kung paano siya naaapektuhan ng nakasasakit na pananalita. Ang mga pananalitang “ako” ay kadalasang siyang pinakamabuti. Halimbawa, ‘Nasaktan ako dahil . . .’ o ‘Nagdamdam ako nang sabihin mo sa akin . . .’ Ang gayong pananalita ay mas malamang na makaabot sa puso, sapagkat pinupuna nito ang problema sa halip na ang tao.—Ihambing ang Genesis 27:46–28:1.
Ang matatag subalit mataktikang pakikialam ng asawang babae ay maaaring magkaroon ng mabubuting resulta. (Ihambing ang Awit 141:5.) Napatunayan ito ng isang lalaking tatawagin nating Steven. “Nahalata ng aking asawa ang mapang-abusong hilig na nasa akin na hindi ko napansin, at naglakas-loob siya na sabihin sa akin ang tungkol dito,” ang sabi niya.
Paghingi ng Tulong
Ano ang magagawa ng asawang babae kung ayaw aminin ng kaniyang asawa ang problema? Sa puntong ito ang ilang asawang babae ay humingi ng tulong mula sa labas. Sa gayong gipit na kalagayan, maaaring lapitan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang matatanda sa kongregasyon. Hinihimok ng Bibliya ang mga lalaking ito na maging maibigin at mabait kapag nagpapastol sa espirituwal na kawan ng Diyos at, kasabay nito, ay “sumaway doon sa mga sumasalungat” sa nakapagpapalusog na turo ng Salita ng Diyos. (Tito 1:9; 1 Pedro 5:1-3) Bagaman hindi nila tungkulin na manghimasok sa personal na mga bagay ng mga mag-asawa, ang matatanda ay matuwid lamang na mabahala kapag nasasaktan ang damdamin ng isang asawa sa pamamagitan ng matalas na pananalita ng kaniyang kabiyak. (Kawikaan 21:13) Palibhasa’y mahigpit na nanghahawakan sa mga pamantayan ng Bibliya, hindi pinapayagan o binabale-wala ng mga lalaking ito ang mapang-abusong pananalita.b
Maaaring mapadali ng matatanda ang pag-uusap sa pagitan ng mag-asawa. Halimbawa, isang matanda ang nilapitan ng isang babae na nagsabi tungkol sa napakatagal nang berbal na pananakit ng kaniyang asawa, isang kapuwa mananamba. Isinaayos ng matanda na makipagkita sa kanilang dalawa. Habang nagsasalita ang isa, hiniling niya ang isa pa na makinig nang hindi sumasabad. Nang panahon na ng babae na magsalita, sinabi niya na hindi na niya matiis ang mapusok na galit ng kaniyang asawa. Sa loob ng mga taon, sabi niya, para bang may nakabuhol sa kaniyang sikmura sa pagtatapos ng bawat araw, na hindi niya kailanman nalalaman kung siya kaya ay galit pagpasok niya sa pintuan. Kapag nagalit na siya, sasabihin niya ang mapandustang mga bagay tungkol sa pamilya ng babae, sa kaniyang mga kaibigan, at sa kaniyang pagkatao mismo.
Hiniling ng matanda sa asawang babae na ipaliwanag kung ano ang nadarama niya sa pananalita ng kaniyang asawa. “Nadarama kong para bang napakasama ko na anupat walang sinuman ang maaaring magmahal sa akin,” aniya. “Kung minsan ay tinatanong ko ang nanay ko, ‘Inay, mahirap po ba akong pakisamahan? Ako po ba’y mahirap mahalin?’ ” Habang inilalarawan ng babae kung ano ang nadarama niya sa mga sinasabi ng kaniyang asawa, umiyak ang kaniyang asawang lalaki. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita niya kung gaano katindi ang pananakit niya sa kaniyang asawa sa pamamagitan ng kaniyang mga salita.
Maaari Kang Magbago
Ang ilang Kristiyano noong unang siglo ay nagkaroon ng problema tungkol sa mapang-abusong pananalita. Pinayuhan sila ng Kristiyanong apostol na si Pablo na alisin ang “poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita.” (Colosas 3:8) Subalit, ang matalas na pananalita ay higit na suliranin ng puso kaysa ng dila. (Lucas 6:45) Iyan ang dahilan kung bakit idinagdag ni Pablo: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad kasama ng mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong mga sarili ng bagong personalidad.” (Colosas 3:9, 10) Kaya ang pagbabago ay nagsasangkot hindi lamang ng pagsasalita nang naiiba kundi rin naman ng pagdama nang naiiba.
Ang asawang lalaki na gumagamit ng nakapipinsalang pananalita ay maaaring nangangailangan ng tulong upang matiyak kung ano nga ba ang nag-uudyok sa kaniyang paggawi.c Nanaisin niyang taglayin ang saloobin ng salmista: “Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang aking mga kaisipang nakababagabag, at tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin.” (Awit 139:23, 24) Halimbawa: Bakit niya nadarama ang pangangailangan na pangibabawan, o supilin, ang kaniyang kabiyak? Ano ang nagpapangyari sa berbal na pananakit? Ang kaniya bang mga pananakit ay isang sintomas ng mas matinding hinanakit? (Kawikaan 15:18) Siya ba’y pinahihirapan ng mga damdamin ng kawalang-halaga, marahil dahil sa pagpapalaki na kakikitaan ng mapamintas na pananalita? Ang mga tanong na iyon ay makatutulong sa isang lalaki na makita ang ugat ng kaniyang paggawi.
Ngunit, ang mapang-abusong pananalita ay mahirap alisin, lalo na kung ito’y naitimo na ng mga magulang na berbal na mapanuya mismo o ng isang kultura na nagtataguyod ng mapagdominang paggawi. Subalit ang anumang bagay na natutuhan ay maaaring—sa paglipas ng panahon at sa pagsisikap—itiwarik. Ang Bibliya ang pinakamalaking tulong tungkol sa bagay na ito. Matutulungan nito ang isa na itiwarik maging ang pag-uugaling matibay ang pagkakatatag. (Ihambing ang 2 Corinto 10:4, 5.) Paano?
Wastong Pangmalas sa Atas-Diyos na mga Tungkulin
Kadalasan, ang mga lalaking berbal na nakapipinsala ay may pilipit na pagkaunawa sa atas-Diyos na mga tungkulin para sa mag-asawa. Halimbawa, binabanggit ng manunulat ng Bibliya na si Pablo na ang mga asawang babae ay dapat na “magpasakop sa kanilang mga asawang lalaki” at na “ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae.” (Efeso 5:22, 23) Maaaring akalain ng asawang lalaki na ang pagkaulo ay nagbibigay sa kaniya ng karapatan na lubusang manupil. Subalit hindi gayon. Ang kaniyang asawang babae, bagaman nagpapasakop, ay hindi niya alipin. Siya ay “katulong” at “kapupunan” niya. (Genesis 2:18) Kaya, ganito pa ang sabi ni Pablo: “Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.”—Efeso 5:28, 29.
Bilang ulo ng kongregasyong Kristiyano, hindi kailanman labis na kinagalitan ni Jesus ang kaniyang mga alagad, anupat nag-aalala sila kung kailan naman ang susunod na bugso ng pamimintas. Sa halip, siya ay magiliw, sa gayo’y pinananatili ang kanilang dignidad. “Pananariwain ko kayo,” ang pangako niya sa kanila. “Ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso.” (Mateo 11:28, 29) Ang may-pananalanging pagbubulay-bulay kung paano isinagawa ni Jesus ang kaniyang pagkaulo ay makatutulong sa asawang lalaki na malasin ang kaniyang pagkaulo sa mas timbang na aspekto.
Kapag Bumangon ang Tensiyon
Ang pagkaalam sa mga simulain ng Bibliya ay isang bagay; ibang bagay naman ang pagkakapit nito habang nasa ilalim ng panggigipit. Kapag bumangon ang tensiyon, paano maiiwasan ng asawang lalaki na bumalik sa kinaugaliang matalas na pananalita?
Hindi isang tanda ng pagkalalaki para sa asawang lalaki na maging masalita kapag siya ay nagagalit. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Siya na mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa makapangyarihang lalaki, at siya na sumusupil sa kaniyang diwa kaysa isa na sumasakop ng isang lunsod.” (Kawikaan 16:32) Sinusupil ng isang tunay na lalaki ang kaniyang diwa. Siya’y nagpapakita ng empatiya sa pagsasaalang-alang: ‘Paano naaapektuhan ng aking mga salita ang aking asawang babae? Ano ang madarama ko kung ako ang nasa kaniyang kalagayan?’—Ihambing ang Mateo 7:12.
Gayunman, kinikilala ng Bibliya na ang ilang kalagayan ay maaaring pumukaw ng galit. Tungkol sa gayong mga kalagayan ang salmista ay sumulat: “Kayo’y maligalig, ngunit huwag magkasala. Magbulay-bulay kayo ng inyong puso, sa inyong higaan, at kayo’y magsitahimik.” (Awit 4:4) Binanggit din ito sa ganitong paraan: “Hindi masama na magalit, ngunit masamang manakit nang berbalan sa pamamagitan ng pagiging mapanuya, mapanghamak o mapandusta.”
Kung nadarama ng asawang lalaki na hindi na niya masupil ang kaniyang pananalita, maaaring pag-aralan niyang tumigil sandali. Marahil ay makabubuting lumabas ng silid, maglakad-lakad, o humanap ng isang pribadong dako upang magpalamig. Ang Kawikaan 17:14 ay nagsasabi: “Bago pa sumiklab ang away, umalis ka na.” Ipagpatuloy ang pag-uusap kapag kalmado na ang damdamin.
Mangyari pa, walang isa man na sakdal. Ang asawang lalaki na nagkaroon ng problema may kinalaman sa matalas na pananalita ay maaaring bumalik muli sa dating gawi. Kapag nangyari ito, dapat siyang humingi ng tawad. Ang pagsusuot ng “bagong personalidad” ay isang patu-patuloy na proseso, subalit isa na umaani ng malaking gantimpala.—Colosas 3:10.
Mga Salitang Nakagagaling
Oo, “kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila.” (Kawikaan 18:21) Ang nakasasakit na pananalita ay dapat na palitan ng mga salitang nakapagpapatibay at nagpapalakas sa pag-aasawa. Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Mga kaiga-igayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.”—Kawikaan 16:24.
Ilang taon na ang nakalipas, isang pagsusuri ang isinagawa upang matiyak kung anong mga salik ang nagpapangyari na ang malalakas na pamilya ay kumilos nang mabisa. “Nasumpungan ng pagsusuri na naiibigan ng miyembro ng mga pamilyang ito ang isa’t isa, at patuloy nilang sinasabi sa isa’t isa na naiibigan nila ang isa’t isa,” ulat ng espesyalista sa pag-aasawa na si David R. Mace. “Sinasang-ayunan nila ang isa’t isa, binibigyan nila ng personal na kahalagahan ang isa’t isa, at sinasamantala nila ang bawat makatuwirang pagkakataon upang magsalita at kumilos nang may pagmamahal. Natural lamang, ang resulta ay na nasisiyahan sila sa piling ng bawat isa at napatitibay nila ang isa’t isa sa mga paraan na gumagawang kasiya-siya sa kanilang pagsasamahan.”
Walang asawang lalaki na may takot sa Diyos ang makatotohanang magsasabing iniibig niya ang kaniyang asawa kung sinasadya niyang saktan siya sa pamamagitan ng kaniyang mga salita. (Colosas 3:19) Mangyari pa, totoo rin ito sa asawang babae na berbal na nananakit sa kaniyang asawa. Tunay, obligasyon ng mag-asawa na sundin ang payo ni Pablo sa mga taga-Efeso: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibigay nito kung ano ang mabuti sa mga nakikinig.”—Efeso 4:29.
[Mga talababa]
a Bagaman tinutukoy namin ang maysala bilang isang lalaki, ang mga simulain dito ay kumakapit din sa mga babae.
b Upang maging kuwalipikadong maglingkod o patuloy na maglingkod bilang isang matanda, ang isang lalaki ay hindi dapat na manakit. Hindi siya maaaring isa na pisikal na nananakit ng tao o nambubulyaw sa kanila ng masasakit na salita. Ang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay dapat na mamahala sa kanilang sariling sambahayan sa isang mahusay na paraan. Gaano man siya kabait gumagawi sa labas ng kaniyang tahanan, ang isang lalaki ay hindi kuwalipikado kung siya ay isang mapang-api sa loob ng tahanan.—1 Timoteo 3:2-4, 12.
c Kung naisin man ng isang Kristiyano na magpagamot, iyon ay isang personal na pasiya. Gayunman, dapat na tiyakin niyang hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya ang anumang paggamot na tinatanggap niya.
[Larawan sa pahina 9]
Maaaring matulungan ng isang Kristiyanong matanda ang mag-asawa na mag-usap
[Larawan sa pahina 10]
Dapat na magsumikap ang mga mag-asawa na unawain ang isa’t isa