Paglalantad sa Ugat ng Mapang-abusong Pananalita
“Mula sa kasaganaan ng puso ang bibig ay nagsasalita.”—MATEO 12:34.
MGA dalawang milenyo na ang nakalipas, sinabi ni Jesu-Kristo ang mga salita sa itaas. Oo, ang mga salita ng isang tao ay kadalasang nagpapabanaag ng kaniyang kaloob-loobang damdamin at mga motibo. Ang mga ito ay maaaring maging kapuri-puri. (Kawikaan 16:23) Sa kabilang dako naman, ang mga ito ay maaaring maging mapandaya.—Mateo 15:19.
Ganito ang sabi ng isang babae tungkol sa kaniyang kabiyak: “Wari bang bigla na lamang siyang nagagalit, at ang pakikisama sa kaniya ay kadalasang tulad ng paglalakad sa isang dakong may nakabaóng bomba sa lupa—hindi mo kailanman malalaman kung ano ang magpapasabog dito.” Inilalarawan ni Richard ang kahawig na kalagayan sa piling ng kaniyang asawa. “Si Lydia ay laging handang makipag-away,” sabi niya. “Hindi lamang siya basta nagsasalita; nang-uupasala siya sa palabang paraan, dinuduro ako ng kaniyang daliri na para bang ako’y isang bata.”
Mangyari pa, ang mga pagtatalo ay maaaring lumitaw maging sa pinakamainam na pag-aasawa, at lahat ng mga asawang lalaki at babae ay nakapagsasalita ng mga bagay na pinagsisisihan nila sa dakong huli. (Santiago 3:2) Subalit higit pa ang kasangkot sa mapang-abusong pananalita sa pag-aasawa; kasangkot dito ang mapandusta at mapamintas na pananalita na ang layon ay pangibabawan, o supilin, ang asawa. Kung minsan, ang nakasasakit na pananalita ay ikinukubli ng pakunwaring kahinahunan. Halimbawa, inilarawan ng salmistang si David ang isang taong malumanay magsalita, subalit nakatatakot naman sa loob: “Ang mga salita ng kaniyang bibig ay mas malambot kaysa sa mantikilya, ngunit ang kaniyang puso ay nakahilig sa pakikibaka. Ang kaniyang mga salita ay lalong banayad kaysa sa langis, gayunman ito’y mga bunót na tabak.” (Awit 55:21; Kawikaan 26:24, 25) Ito man ay tahasang may masamang hangarin o nagbabalatkayo, maaaring wasakin ng masakit na pananalita ang pag-aasawa.
Kung Paano Ito Nagsisimula
Anu-ano ang dahilan kung bakit ang isang tao ay gumagamit ng mapang-abusong pananalita? Karaniwan na, ang paggamit ng gayong pananalita ay matutunton pabalik sa kung ano ang nakikita at naririnig ng isa. Sa maraming bansa ang pagtuya, pang-iinsulto, at paghamak ay itinuturing na kanais-nais at nakatatawa pa nga.a Ang mga asawang lalaki lalo na ay maaaring maimpluwensiyahan ng media, na kadalasa’y inilalarawan ang “tunay” na mga lalaki bilang dominante at agresibo.
Sa katulad na paraan, ang marami na gumagamit ng mapanirang pananalita ay pinalaki sa mga tahanan kung saan ang galit, hinanakit, at panlilibak ay laging namumutawi sa bibig ng magulang. Kaya naman, mula sa murang gulang, inaakala nila na ang uring ito ng paggawi ay normal.
Ang isang batang pinalaki sa gayong kapaligiran ay hindi lamang natututo ng gayong paraan ng pagsasalita; maaari rin niyang isaisip ang isang pilipit na pangmalas sa kaniyang sarili at sa iba. Halimbawa, kung ang matalas na pananalita ay itinutuon sa bata, siya ay maaaring lumaki na nakadaramang siya’y walang-halaga, anupa’t napupukaw pa nga sa galit. Subalit kumusta naman kung basta naririnig lamang ng isang bata na berbal na sinasaktan ng kaniyang ama ang kaniyang ina? Kahit na napakamusmos pa ng bata, maaari niyang makuha ang ginagawang paghamak ng kaniyang ama sa mga babae. Maaaring matutuhan ng isang batang lalaki mula sa paggawi ng ama na dapat supilin ng lalaki ang mga babae at na ang paraan upang masupil sila ay ang takutin sila o saktan sila.
Ang magagaliting magulang ay maaaring magpalaki ng isang magagaliting anak, na lálakí naman upang maging “panginoon ng pagngangalit” na gumagawa ng “maraming pagsalansang.” (Kawikaan 29:22, talababa sa Ingles) Sa gayon ang pamana ng nakapipinsalang pananalita ay maaaring ipasa mula sa isang salinlahi tungo sa susunod na salinlahi. Taglay ang mabuting dahilan, pinayuhan ni Pablo ang mga ama: “Huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak.” (Colosas 3:21) Kapansin-pansin, ang salitang Griego na isinaling “pukawin sa galit,” ayon sa Theological Lexicon of the New Testament, ay maaaring magdala ng diwa ng “ihanda at pakilusin para sa pakikidigma.”
Mangyari pa, hindi maidadahilan ang impluwensiya ng magulang sa pag-upasala sa iba, berbal man o sa ibang paraan; subalit natutulungan nitong ipaliwanag kung paanong ang isang hilig sa paggamit ng matalas na pananalita ay maaaring mapatanim nang malalim. Maaaring hindi pisikal na sinasaktan ng isang lalaki ang kaniyang asawa, subalit inaabuso ba niya ang babae sa pamamagitan ng kaniyang mga salita at mga sumpong? Maaaring isiwalat sa isang tao ng isang pagsusuri sa sarili na namana niya ang ginagawang paghamak ng kaniyang ama sa kababaihan.
Maliwanag, ang mga simulaing nabanggit ay maaari ring kumapit sa mga babae. Kung berbal na inaabuso ng isang ina ang kaniyang asawa, maaaring pakitunguhan ng anak na babae ang kaniyang asawa sa katulad na paraan kapag siya’y nag-asawa na. Ganito ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Lalong maigi na tumahan sa isang iláng na lupain, kaysa mamuhay na kasama ng masakit-magsalita at magagaliting babae.” (Kawikaan 21:19, The Bible in Basic English) Gayunman, ang lalaki ay kailangang pakaingat sa bagay na ito. Bakit?
Ang Kapangyarihan ng mga Maniniil
Ang asawang lalaki ay karaniwan nang may higit na kapangyarihan sa pag-aasawa kaysa asawang babae. Siya ay halos lagi nang mas malakas ang katawan, na gumagawa ng anumang mga banta ng pisikal na pananakit na lalo pang nakatatakot.b Bukod pa riyan, ang lalaki ay kadalasang mayroong mas mabuting mga kasanayan sa trabaho, higit na kasanayan sa pamumuhay nang hindi umaasa sa iba, at higit na pinansiyal na bentaha. Dahil dito, ang babaing berbal na sinasaktan ay malamang na makadamang siya’y nasusukol at nag-iisa. Maaari siyang sumang-ayon sa pananalita ng pantas na si Haring Solomon: “Ako mismo ay bumalik upang makita ko ang lahat ng gawa ng paniniil na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha niyaong mga siniil, subalit sila’y walang mang-aaliw; at sa panig ng mga naniniil sa kanila ay may kapangyarihan, anupat wala silang mang-aaliw.”—Eclesiastes 4:1.
Maaaring malito ang isang asawang babae kung ang kaniyang asawa ay nagpapalipat-lipat sa pagitan ng magkabilang pagmamalabis—minsang magalang, minsang mapamintas. (Ihambing ang Santiago 3:10.) Bukod pa riyan, kung ang kaniyang asawang lalaki ay sapat na tagapaglaan sa materyal, ang isang asawang babae na tudlaan ng matalas na pananalita ay baka makonsiyensiya sa pag-iisip na may problema sa kanilang pag-aasawa. Maaari pa nga niyang sisihin ang kaniyang sarili sa paggawi ng kaniyang asawa. “Gaya ng isang asawang babae na pisikal na binubugbog,” ang pag-amin ng isang babae, “lagi kong iniisip noon na ako ang dahilan ng berbal na pag-abuso.” Ganito naman ang sabi ng isa pang asawang babae: “Ako’y napaniwala na kung sisikapin ko lamang na unawain siya at ‘maging matiisin’ sa kaniya ay makasusumpong ako ng kapayapaan.” Nakalulungkot nga, ang pagmamalupit ay kadalasang nagpapatuloy.
Tunay ngang kalunus-lunos na ginagamit sa maling paraan ng maraming asawang lalaki ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagdomina sa babae na pinangakuan nilang iibigin at pakamamahalin. (Genesis 3:16) Subalit ano ang maaaring gawin sa gayong kalagayan? “Ayaw kong umalis,” sabi ng isang asawang babae, “gusto ko lamang na huminto siya ng pag-abuso sa akin.” Pagkatapos ng siyam na taon ng pag-aasawa, ganito ang inamin ng isang asawang lalaki: “Natanto ko na ako’y nasa isang berbal na mapang-abusong pakikipag-ugnayan at na ako ang nang-aabuso. Talagang gusto kong magbago, sa halip na umalis.”
May tulong para doon sa ang pag-aasawa ay napahirapan ng nakasasakit na pananalita, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Maliwanag, totoo rin ito noong unang siglo. Binabanggit ng The New International Dictionary of New Testament Theology na “para sa mga Griego ay isa sa mga sining ng buhay ang malaman kung paano iinsultuhin ang iba o babatahin ang mga insulto laban sa sarili.”
b Ang berbal na pagsalakay ay maaaring maging isang tuntungang-bato sa karahasan sa pamilya. (Ihambing ang Exodo 21:18.) Ganito ang sabi ng isang tagapayo para sa mga binubugbog na babae: “Ang bawat babaing nagtutungo rito para sa legal na pangangalaga laban sa mga pambubugbog, pananaksak, o pananakal na nagsasapanganib sa kaniyang buhay ay nagkaroon, bilang karagdagan, ng mahaba at masakit na kasaysayan ng pang-aabuso na hindi sa pisikal.”
[Blurb sa pahina 6]
Kalunus-lunos, ginagamit sa maling paraan ng maraming asawang lalaki ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagdomina sa babae na pinangakuan nilang iibigin at pakamamahalin
[Larawan sa pahina 7]
Ang isang bata ay naiimpluwensiyahan ng paraan ng pakikitungo ng kaniyang mga magulang sa isa’t isa