Pagkuha ng Larawan—Kung Paano Ito Magagawa Nang Tama
Iilang bagay ang pinakaiingat-ingatan nang higit kaysa mga larawan ng mga minamahal na kaibigan at mga miyembro ng pamilya. Sa paano man, ang isang magandang larawan ay higit pa sa basta kuha lamang; ito’y isang larawan na nilayon upang bihagin ang pinakadiwa ng buong katauhan ng isa!
Ang problema ay na ang mga propesyonal na kuha ay napakamahal—hindi makaya ng ilan sa atin. At kapag ikaw mismo ang kumuha ng larawan, di-magtatagal ay masusumpungan mong higit pa ang nasasangkot kaysa pagtutok at pagkuha lamang. Ito’y sa dahilang ang magandang larawan ay hindi lamang naglalakip ng bagay na kinukunan kundi ng liwanag din naman, ng bagay na nasa likuran (background), ng kapaligiran, ng tindig, ng bukas ng mukha, at ng kulay.
Magkagayon man, kung ikaw ay may kamera at handa kang matuto sa sarili mo mismo ng ilan sa pangunahing mga pamamaraan, maaari kang kumuha ng kasiya-siyang mga larawan. Paano? Upang masagot iyan, itatanong natin ang ilang bagay sa isang propesyonal na litratista na may sampung taon nang karanasan sa larangang ito.
• Una sa lahat, ano ang sekreto ng pagpapangiti sa kinukunan? Tiyakin mong ang iyong kinukunan ay nasa kondisyong magpakuha! Halimbawa, sabihin na nating gusto mong kunan ng larawan ang isang maliit na batang babae. Kung siya ay pagod o gutom, mahirap siyang kunan. Isa pa, ang pagkahapo ay lilikha ng tensiyon sa kaniyang mukha at mga mata, na makasisira sa larawan. Kaya himukin siyang umidlip at magmeryenda bago magsimula ang pagkuha ng larawan.
Makatutulong din na makipag-usap sa tao. Maging masigla at masayahin. Gawin siyang relaks sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya, subalit huwag siyang patawanin nang labis. Magpapangyari itong sumingkit ang mata at magdadala ito ng dugo sa mukha. Sikaping kumuha ng iba’t ibang ekspresyon ng mukha. Mientras marami kang kuha, mas marami ang pagkakataon mong makuha ang pinakamabuting bagay na magpapakilala sa taong iyon.
• Kumusta naman ang damit at pag-aayos? Sa kuha ng grupo, napakagandang tingnan kung magkakabagay ang kulay. Halimbawa, kung kumukuha ka ng larawan ng pamilya, imungkahi mong magsuot sila ng magkakabagay na mga kulay. O marahil ay pagsuutin mo sila ng iisang kulay. Subalit, tandaan na ang malalaking tao ay magandang tingnan sa maiitim na kulay at ang payat na mga tao ay magandang tingnan sa mapupusyaw na kulay.
Dapat mo ring bigyang pansin ang detalye: Maayos ba ang bagsak ng damit, anupat kakaunti lamang ang kulubot? Tuwid ba ang kurbata? Maayos ba ang buhok? Maaaring hindi mapansin ng iyong mata ang buhok na nakatikwas, subalit makikita ito ng kamera! Kung ang iyong kinukunan ay babae, tama ba ang paglalagay ng kaniyang make-up?
• Kumusta ang mga taong may salamin sa mata? Dahil sa sinag, maaari itong maging problema. Una, sumilip sa kamera upang makita kung may anumang hindi kinakailangang sinag. Kung mayroon, pakilusin nang dahan-dahan ang ulo ng kinukunan hanggang sa mawala ang sinag sa sentro ng mata o lubusan nang mawala. Kung minsan, makatutulong na ibaba ang baba ng kinukunan—subalit mag-ingat na huwag makalikha ng dobleng baba!
• Mahalaga pa ba kung ano ang mga bagay na nasa likuran (background)? Oo naman! Ang magulong mga bagay sa likuran na may sala-salabid na kawad, mga daanan, o kotse ay makasisira lamang ng iyong larawan. Kaya maghanap ng background na makapagpapaganda o makadaragdag ng interes sa iyong kinukunan, gaya ng isang puno, isang namumulaklak na palumpong, isang kahoy na bakod, o maging sa tabi ng isang luma nang kamalig.
• Kumusta naman kung ikaw ay kumukuha ng larawan sa loob ng bahay? Maaari mong paupuin ang iyong kinukunan sa isang silya o sopa sa harapan ng dingding na may maliwanag na kulay o isang halamang pambahay. Lalong kanais-nais na kunan ang isang taong nagtatrabaho o abala sa kaniyang libangan o gawain, na nasa bangko, mesa, o may mga kagamitan sa pananahi sa likuran.
• Ano kung hindi ka makasumpong ng magandang background? Sikaping huwag maipokus ang mga bagay na nasa likuran. Ito’y pinakamabuti sa mga kuha sa labas ng bahay kung saan maipupuwesto mo ang iyong kinukunan nang malayo sa mga bagay na nasa likuran. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pag-aayos sa f-stop, o laki ng lente ng aperture o pinakamata ng kamera. Ang mas mababang bilang ng f-stop, gaya ng f5.6, ay makapagpapalinaw nang husto sa iyong kinukunan subalit malabo naman ang iyong likuran.—Tingnan ang larawan 1.
• Ano naman ang mga tip para sa komposisyon o may sining na pag-aayos? Una sa lahat, makatutulong na ilagay ang iyong kamera sa isang patungan o tripod; sa gayon ay maitutuon mo ang iyong isip ng higit sa komposisyon. Sa pangkalahatan, ang mga kuha ay alin sa buong katawan, three-quarter length (mula baywang pataas), o close-up (ulo at balikat o basta ang ulo). (Tingnan ang larawan 2.) Ang anumang lente sa pagitan ng 105 at 150 milimetro ay maganda para sa kuhang pangkuwadro. Kung hindi mo maisaayos o mabago ang lente ng iyong kamera, lumapit ng higit sa iyong kinukunan o umatras hanggang sa makuha mo ang gusto mong kuha. Siyanga pala, makabubuti rin naman na magpalabis ng lugar sa ulo, sa mga gilid nito, at sa paanan kapag ikinukuwadro ang kuha. Sa ganitong paraan maiiwasan mong maputol ang ulo, ang paa, o ang katawan kapag pinalaki mo ang larawan. Alam mo, mientras pinalalaki mo ang larawan, maaaring mas malaking bahagi ng kinukunan ang nawawala, depende sa laki ng kuwadro ng larawan.
Ang isang nakatutulong na alituntunin ay ang tinatawag na rule of thirds. Nagsasangkot ito ng pagpupuwesto ng mukha o mata ng iyong kinukunan sa layong sangkatlo mula sa itaas, ibaba, o tagiliran ng larawan. (Tingnan ang larawan 3.) Gayunman, kung minsan makabubuti rin na ang mga mata ay nasa sentro ng litrato.
• Kumusta naman ang tindig ng kinukunan? Gawin mong nakaharap sa kamera ang iyong kinukunan na nasa posisyong nakarelaks, alin sa nakaupo, nakatayo, o nakahilig, subalit bahagyang tumagilid. Kung ang mukha ay masyadong bilugan, ikiling nang kaunti ang ulo o katawan ng kinukunan upang kalahati lamang ng mukha ang naliliwanagan. Ang kalahati na nasa madilim na bahagi ang dapat na pinakamalapit sa kamera. Gagawin nitong magtinging payat ang mukha. Sa kabilang banda, kung ibig mong lumitaw nang mas buung-buo ang mukha, pakilusin mo ang ulo o katawan ng tao hanggang sa suminag ang liwanag sa buong mukha.
Magbigay ng partikular na pansin sa mga kamay. Ang mga ito’y dapat na magtinging relaks at nasa posisyong natural para sa iyong kinukunan, gaya ng mabining paglalagay nito sa baba o sa tagiliran ng mukha. Kung nakatayo ang tao, iwasan ang pangkaraniwan-sa-lahat na pagkakamali na basta nakababa ang mga bisig sa tabi na tuwid na tuwid ang mga kamay na nakaturo sa ibaba. Mas makabubuti na may hawak na isang bagay ang mga kamay o nasa natural na ayos.
• Ano naman ang mga tip para sa pagkuha ng larawan sa mag-asawa? Sikaping ihilig nang bahagya ang kanilang mga ulo sa isa’t isa. Karaniwang pinakamabuti na iwasang magkapantay silang dalawa. Maaari mo silang ayusin na ang mga mata ng isang tao ay nasa bandang ilong ng isa pang tao.—Tingnan ang larawan 4.
• Pag-usapan naman natin ang liwanag. Kailan ang pinakamabuting oras sa araw upang kumuha ng larawan sa labas ng bahay? Sa bandang hapon na. Ang hangin ay karaniwang kalmado na, at ang kulay ng liwanag ay mas matingkad. Ilagay sa tamang lugar ang iyong kaibigan upang ang sinag ng araw ay lumiwanag sa isang panig ng mukha, na basta patatsulok ng liwanag ang makikita sa kabilang panig ng mukha na natatakpan. Maiiwasan nitong bahagyang mapapikit ang tao. Kung ibig mong kumuha ng bista ng mukha sa tagiliran lamang, ipuwesto ang iyong kamera sa dakong may anino ng mukha. Siyanga pala, tiyakin mo na natatabingan ang lente ng iyong kamera mula sa sinag ng araw.
• Ano naman kung napakatindi ng liwanag? Ipuwesto mo ang iyong kaibigan anupat ang araw ay nasa likuran niya.
• Hindi ba magkakaroon ng anino ang kaniyang mukha? Oo, pero maaari mo namang gamitin ang iyong flash upang siyang magbigay liwanag sa madilim na bahagi. Awtomatikong nagagawa ito ng ilang kamera. Ang isa pang solusyon ay gawing katulong ang iyong kaibigan. Maaaring tanganan niya ang isang reflector o isang malaking piraso ng puting karton at patatalbugin nito ang sinag ng araw sa mukha ng iyong kinukunan.
• Kumusta naman ang liwanag sa loob ng bahay? Maaari kang gumamit ng natural na liwanag sa pamamagitan ng pagpupuwesto sa iyong kinukunan sa tabi ng bintana. Ang isang manipis na kurtina ay maaaring magkalat ng liwanag. Kung kinakailangan, maaari kang gumamit ng flash fill-in o isang reflector na karton upang mapaliwanag ang bahagi ng mukha na waring napakadilim.—Tingnan ang larawan 5.
• Ano naman kung walang sapat na liwanag? Sa gayong kalagayan kailangang gamitin mo ang iyong flash. Ipuwesto ang iyong kinukunan sa isang lugar na may dingding na puti. Ihilig ang iyong flash upang ang liwanag ay tumalbog sa dingding. Dahil sa ang liwanag ay nagmumula sa tabi, makokontrol mo ng higit kung gaano kalaking bahagi ng mukha ang dapat masilawan.
Sabihin pa, makikipagsapalaran ka upang magkaroon ng magagandang resulta. Subalit ang pangunahing mga simulain sa pagkuha ng larawan ay simple. Sa maingat na pagpaplano at pagbibigay pansin sa detalye, magkakaroon ka, maging sa pinakasimpleng mga kamera, ng magandang kuha ng larawan—isa na pakaiingat-ingatan mo at ng iyong mahal sa buhay sa darating pang mga taon!