Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 12/22 p. 19-23
  • Pinalakas Upang Maharap ang mga Pagsubok sa Hinaharap

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinalakas Upang Maharap ang mga Pagsubok sa Hinaharap
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pasiya at ang mga Resulta Nito
  • Mga Aral na Natutuhan Mula sa Pagsubok
  • Pagsasanay Para sa Aking Gawain sa Buhay
  • Maliit, Magulong Simula
  • Ang Aking Tapat na Kasama
  • Iba’t Ibang Atas
  • Isang Maligayang Buhay ng Paglilingkod sa Iba
  • ‘Paghawak sa Araro at Hindi Paglingon’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Paghingi ng Tawad ng Isang Serip
    Gumising!—1998
  • Kung Bakit Ako Nalulugod sa Paggawa ng mga Alagad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Pinasigla ng mga Misyonero ang Pandaigdig na Paglawak
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 12/22 p. 19-23

Pinalakas Upang Maharap ang mga Pagsubok sa Hinaharap

GAYA NG INILAHAD NI EDWARD MICHALEC

Ang serip ng Wharton, Texas, E.U.A., ay galit na galit. Palibhasa’y ikaapat na itong pagpiit sa akin, siya’y sumigaw: “Bakit hindi ka sumunod sa mga utos?”

“May karapatan akong gawin ito,” ang tugon ko. Lalo pa itong ikinagalit ng serip, at pinaghahampas niya ako ng isang panghampas na bakal na kung tawagin ay “blackjack.” Ang iba pang opisyal ay nakisali sa pagbugbog, kinulata ako sa pamamagitan ng puluhan ng kanilang baril.

NANGYARI iyan halos 60 taon na ang nakalipas. Ginugunita ito, naunawaan ko na ginamit ng Diyos na Jehova ang mga kalagayang iyon upang sanayin ako na maharap ang hamon ng pagiging isa sa dadalawa lamang na mga Saksi ni Jehova sa Bolivia, isang bansa sa Timog Amerika na kasinlaki ng Pransiya. Ang aking karanasan ay makatutulong sa iyo na makita kung paano maaari kang palakasin ni Jehova kapag nakaharap mo ang iba’t ibang pagsubok.

Noong 1936, samantalang nagtatrabaho sa isang tindahan na nagkukumpuni ng radyo sa Boling, Texas, narinig ko ang isang pagsasahimpapawid ng pahayag ni Joseph F. Rutherford, ang presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society. Binanggit ng kaniyang pahayag ang tungkol sa mga pagpapala na dadalhin ng Kaharian ng Diyos sa masunuring sangkatauhan. Talagang nakaakit ito sa akin. (Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4) Nang maglaon ay nasumpungan ko ang ilang aklat ni Rutherford sa aming personal na aklatan at binasa ko ang mga ito.

Ang aking madrasta ay nangamba sa interes ko sa tinatawag niyang “lahat ng matatandang relihiyosong aklat na iyon.” Itinago niya ito at nagbantang susunugin ang mga ito. Nang sumulat ako sa Samahang Watch Tower para sa mga suskrisyon sa Ang Bantayan at The Golden Age, ang naunang pangalan ng Gumising!, hiniling ng Samahan si William Harper, ng katatatag na Wharton Congregation, na dumalaw sa akin. Di-nagtagal, ang aking madrasta, ang aking kuya, ang aking nakababatang kapatid na lalaki sa ama, at ako ay pawang nag-aaral ng Bibliya na kasama ni Brother Harper. Di-nagtagal, sinagisagan naming lahat ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Noong 1938, si Shield Toutjian, isang naglalakbay na kinatawan ng Samahan, ay dumalaw sa aming tahanan sa Boling at nagbigay ng isang pahayag sa Bibliya. Ang aming sala ay napuno ng tao​—ang mga tao ay nakatayo pa nga sa mga daanan ng pinto patungo sa karatig na mga silid. Si Brother Toutjian ay nagsalita tungkol sa pagbabata ni propeta Jeremias sa pangangaral sa mga tao noong kaniyang kaarawan sa kabila ng kanilang pagsalansang. (Jeremias 1:19; 6:10; 15:15, 20; 20:8) Sa pamamagitan ng mga pahayag na iyon, pinalalakas kami ni Jehova para sa mga pagsubok na makakaharap namin.

Isang Pasiya at ang mga Resulta Nito

Agad kong natanto na kailangan kong magpasiya. Bago pa nito, ako’y nag-aral tungkol sa negosyo at naghangad akong maging tanyag sa daigdig ng negosyo. Ang negosyo ko ay nagbebenta at nagkukumpuni ng radyo at nagtrabaho ako sa isang kompanya ng telepono, na nagkakabit ng mga linya ng telepono. Subalit ngayon ay naunawaan ko na ang tunay na tagumpay sa buhay ay nagsasangkot sa pagbibigay kaluguran sa ating Maylikha, ang Diyos na Jehova. Kaya isinara ko ang aking negosyo at inayos ko ang bahay-kotse. Noong Enero 1, 1939, nakisama ako sa isang grupo ng mga payunir, buong-panahong mga ministro, malapit sa Three Rivers, sa Karnes County, Texas.

Noong Setyembre 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II sa Europa. Sinamantala ng mga mananalansang ang kalagayan upang siraang-puri ang mga Saksi ni Jehova. Sinasabi nila na kami ay mga kakampi ng kaaway o mga espiya para sa Kapangyarihang Axis. Marami ang naniwala sa gayong mga maling paratang at nagpasimulang guluhin kami. Maaga noong mga taon ng 1940, ako’y nakulong ng siyam o sampung beses, pati na yaong panahong nabanggit kanina nang ako’y bugbugin nang husto ng serip at ng kaniyang mga kasama. Ako’y naospital pagkatapos niyan.

Nagkataon, ang serip ding ito nang dakong huli ang nag-alok na huwag uusigin ang isang lalaking pinararatangan ng ilegal na pagsusugal na may kapalit na kahilingan​—na ako’y bugbugin ng lalaki, isang matipunong manggagawa sa langis. Dahil dito, isang araw samantalang ako’y nag-aalok ng mga magasin sa lansangan, sinalakay ako ng lalaki sa pamamagitan ng kadena! Lumitaw ang ilang nakaatas na mga kinatawan, subalit sa halip na arestuhin siya, ako ang ikinulong nila! Nang maglaon, sinabi ng sumalakay sa akin ang dahilan ng kaniyang di-pinukaw na pagsalakay at humingi ng tawad.

Mga Aral na Natutuhan Mula sa Pagsubok

Ang pagharap sa mga pagsubok na iyon ay aktuwal na nagpalakas sa aking pananampalataya sa Diyos. Sa isang bagay, wala akong naramdamang kirot habang ako ay binubugbog, subalit natatandaan ko ang kahinahunan at kapayapaan na nadama ko pagkatapos nito. (Gawa 5:40-42) Kaya nga, natutuhan kong gawin ang gaya ng ipinayo ni apostol Pablo: “Magalak tayo samantalang nasa mga kapighatian, yamang alam natin na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagbabata.” (Roma 5:3) Pagkatapos, nagunita ko ang mga pambubugbog na tinanggap ko, lalo nitong pinagtibay ang pasiya ko na sa tulong ni Jehova kailanma’y hindi ko hahayaang patahimikin ako ng sinuman sa mga ahente ni Satanas.

Bukod pa riyan, natutuhan ko ang isa pang mahalagang aral. Ang aking walang taktikang sagot, “Mayroon akong karapatang gawin ito,” ay pumukaw sa galit ng serip. Nang maglaon, hinarap niya akong muli, sa pagkakataong ito’y nag-iinit sa galit sapagkat ang mga Saksi ay hindi nakikisangkot sa digmaan. (Isaias 2:4) Dahil sa sinisikap na pukawin ako sa galit, siya’y nagtanong: “Kung ikaw ay tawagin upang maglingkod sa iyong bansa, pupunta ka ba?”

Palibhasa’y natutuhan ko na ngayon ang aral tungkol sa taktika, ako’y sumagot: “Kung natitiyak ko na ito ang kalooban ni Jehova, tiyak na pupunta ako.” Napahupa ng sagot na iyan ang kaniyang galit, at wala nang nangyari pa.

Pagsasanay Para sa Aking Gawain sa Buhay

Isang tampok na bahagi ng aking buhay ay ang pagdalo sa ikatlong klase ng Watchtower Bible School of Gilead, noong 1944. Ang paaralang ito ay nag-aalok ng limang-buwang kurso ng pagsasanay para sa gawaing misyonero. Bago pumasok sa paaralang ito, takot akong magsalita sa harap ng mga tagapakinig. Subalit ang regular na pagpapahayag sa harap ng halos isang daang estudyante, kadalasan sa labas sa isang walang bubong na teatro, ay talagang nakatulong sa akin. Ang aming instruktor sa pagsasalita sa madla, si Maxwell Friend, ay sasabad at sisigaw: “Brother Michalec, hindi kita marinig!” Sa gayo’y natanto ko na sa katunayan ako pala ay may malakas na tinig.

Pagkatapos ipahayag ni Nathan H. Knorr, presidente ng paaralan noon, na ang aking misyonerong atas ay sa Bolivia, natatandaan ko ang payo niya sa akin: “Masusumpungan mo ang maraming mapagpakumbabang mga tao roon. Maging maibigin, matiyaga, at makonsiderasyon ka sa kanila.” Palibhasa’y nagaganap pa noon ang Digmaang Pandaigdig II, kailangan naming maghintay sandali bago umalis patungo sa aming mga atas. Sa wakas, noong Oktubre 25, 1945, kami ni Harold Morris​—isang kaklase ko​—ay dumating sa El Alto Airport, sa labas lamang ng La Paz, ang kabiserang lunsod ng Bolivia. Sa gayon kami ay naging ang dadalawa lamang Saksi sa ikatlong pinakamalaking bansa sa Timog Amerika.

Inihatid kami ng isang bus pababa mula sa paliparan, na 4,100 metro sa ibabaw ng antas ng dagat, tungo sa kabiserang lunsod, ang La Paz, na umaabot sa pinakasahig at mga gilid ng malaking bangin. Isang hamon na makibagay sa pamumuhay sa isang altitud na mahigit tatlong kilometro sa ibabaw ng antas ng dagat.

Maliit, Magulong Simula

Dumalaw kami agad sa mga tao sa bahay-bahay. Sila’y mababait at matiyaga sa amin habang pinagsisikapan namin ang aming limitadong Kastila. Di-nagtagal ang bawat isa sa amin ay nagdaraos ng mula 18 hanggang 20 lingguhang mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Pagkalipas ng anim na buwan, noong Abril 16, 1946, isang maliit, maligayang grupo ang nakipagtipon sa amin para sa taunang pagdiriwang ng kamatayan ni Kristo. Pagkaraan ng maikling panahon, apat pang mga nagtapos sa Gilead ang dumating, kasama si Elizabeth Hollins, na nang maglao’y napangasawa ko.

Di-nagtagal kami ni Brother Morris ay dumalaw sa iba pang mga lunsod, pati na ang Cochabamba at Oruro, ang ikalawa- at ikatlong-pinakamalaking mga lunsod sa Bolivia. Nang ibalita ko kay Brother Knorr ang tungkol sa interes na nasumpungan namin at ang literatura sa Bibliya na naipasakamay namin, iminungkahi niya na dalawin namin ang mga lunsod na ito tuwing ikatlong buwan o higit pa upang tulungan yaong mga nagpakita ng interes. Marami sa palakaibigan, mapagpatuloy na mga taong ito nang maglaon ang naging mga Saksi ni Jehova.

Yamang noong nakaraang taon pa lamang natapos ang Digmaang Pandaigdig II, ang Bolivia ay dumaranas ng pulitikal na kaguluhan. Ang pulitikal na pagpapaligsahan at ang takot na muling lumitaw ang Nazi sa Timog Amerika ay humantong sa marahas na mga demonstrasyon at pataksil na mga pagpatay sa lansangan. Noong tag-araw ng 1946, napatay ang presidente ng bansa, at ang kaniyang bangkay ay ibinitin sa isang poste na nakaharap sa palasyo ng presidente. Kung minsan, dahil sa karahasan ay imposible para sa mga tao ang kahit na lumabas ng kanilang mga bahay.

Habang si Elizabeth ay nagdaraan sa pangunahing plasa sakay ng bus isang araw, nakita niya ang tatlong binata na nakabitin sa mga haligi. Dahil sa pagkasindak, siya’y napasigaw. Isang kapuwa pasahero ang nagsabi: “Kung hindi mo gusto ang nakita mo, tumalikod ka.” Ang mga pangyayaring iyon ay nagkintal sa aming isip ng pangangailangan na lubusang magtiwala kay Jehova.

Gayunman, sa gitna ng kaguluhan, ang katotohanan ng Bibliya ay nag-uugat sa mapagpakumbabang mga puso. Noong Setyembre 1946, isang tanggapang sangay ang itinatag sa La Paz, at ako’y nahirang na tagapangasiwa ng sangay. Isang inuupahang apartment na kinaroroonan ng tanggapan ay nagsilbi ring isang tahanang misyonero. Pagkalipas ng ilang buwan, nang maitatag ang unang kongregasyon sa Bolivia, ang apartment ding ito ang nagsilbing dako para sa aming mga pulong.

Sinimulan din naming magkaroon ng mga pahayag pangmadla noong 1946. Ang bulwagan ng Aklatang Pambayan sa kabayanan ng La Paz ay ginamit para sa unang pahayag pangmadla. Isang palakaibigang lalaking taga-Yugoslavia na nakikipag-aral sa amin ang nagpaanunsiyo sa lokal na pahayagan upang ianunsiyo ang pahayag. Punung-puno ang bulwagan. Yamang nakikipagpunyagi pa ako sa aking Kastila, gayon na lamang ang nerbiyos ko tungkol sa pagbibigay ng pahayag. Subalit sa tulong ni Jehova ang pulong ay naging matagumpay. Gaya ng nangyari, iyan ang una sa isang serye ng apat na mga pahayag sa bulwagang iyon.

Noong 1947 ay tumanggap kami ng anim pang mga misyonerong nagtapos sa Gilead, at karagdagan pang apat noong 1948. Ang mga tahanan na nauupahan namin ay may ilang modernong mga kaginhawahan o mga kaalwanan. Bukod sa pakikiagapay sa abalang iskedyul ng misyonero, kaming naunang mga misyonero ay kailangang magtrabaho nang part-time upang magkapera nang mapalitan ang aming lumang mga damit. Ang pagtungo sa mga lunsod ay isa ring hamon. Kadalasan, ako’y naglalakbay sa malamig na mga daan sa bundok na nakasakay sa likod ng isang trak na walang bubong. Subalit kami’y patuloy na binibigyan ni Jehova ng nakapagpapalakas na pampatibay-loob sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon.

Noong Marso 1949, dumating si Brother Knorr at ang kaniyang kalihim na si Milton Henschel mula sa New York at dumalaw sa aming tatlong tahanang misyonero, sa La Paz, Cochabamba, at Oruro. Anong laking pampatibay-loob na marinig ang tungkol sa malalaking pagsulong sa maraming lupain at tungkol sa bagong Tahanang Bethel at mga pasilidad sa paglilimbag na itinatayo sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn! Iminungkahi ni Brother Knorr na kami’y magkaroon ng bahay at Kingdom Hall sa mas sentrong lugar sa La Paz. Sinabi rin niya sa amin na higit pang mga misyonero ang ipadadala.

Noong dakong huli ng 1949, nagkaroon kami ng aming unang pansirkitong asamblea, sa lunsod ng Oruro. Nakapagpapatibay-loob sa marami sa ating bagong Kristiyanong mga kapatid na magkakilala sa kauna-unahang pagkakataon. Noon, naabot ng Bolivia ang pinakamataas na bilang na 48 mga tagapaghayag ng Kaharian at may tatlong kongregasyon.

Ang Aking Tapat na Kasama

Dahil sa pakikibahagi sa mga taon ng paglilingkod misyonero na magkasama, kami ni Elizabeth ay higit na nagkakilala at nagkaibigan. Sa wakas, noong 1953, kami’y nagpakasal. Siya’y nagsimula sa ministeryo bilang payunir noong Enero 1939, na gaya ko. Mahirap din para sa kaniya ang unang mga taon na iyon ng pagpapayunir. Dahil sa kaniyang lakas-loob sa gawaing pangangaral, siya man ay ibinilanggo, na ipinarada sa mga lansangan na parang isang karaniwang kriminal.

Inaamin ni Elizabeth na siya’y natakot nang makibahagi siya sa paglalakad sa pangunahing mga lansangan at may dalang mga paskil na kababasahan ng: “Ang Relihiyon ay Isang Silo at isang Raket.” Subalit ginawa niya ang itinagubilin sa amin ng organisasyon ni Jehova na gawin namin noong panahong iyon. Gaya ng sabi niya, ginawa niya ito alang-alang kay Jehova. Ang mga karanasang iyon ay nagpalakas sa kaniya para sa mga pagsubok na binata niya noong unang mga taon sa Bolivia.

Iba’t Ibang Atas

Mga ilang taon pagkatapos ng aming kasal, ginugol namin ang malaking panahon sa gawaing paglalakbay. Kami’y dumalaw hindi lamang sa apat na kongregasyon sa Bolivia kundi sa lahat ng nabubukod na mga grupo ng mga interesadong tao gayundin sa bawat bayan na ang populasyon ay mahigit sa 4,000. Ang layunin namin ay hanapin at linangin ang anumang interes sa katotohanan ng Bibliya sa gitna ng mga taong nakatira sa mga dakong iyon. Nakatutuwang makita na noong kalagitnaan ng mga taóng 1960, may mga kongregasyon sa halos lahat ng maliliit na bayan na dinalaw namin mga sampung taon na maaga rito.

Samantala, nagkaroon ako ng mga problema sa kalusugan na pinalala ng mataas na altitud ng La Paz. Kaya noong 1957 isang kapatid na lalaki ang kumuha sa pananagutan ng pangangasiwa sa sangay, at kami ni Elizabeth ay naatasan sa tahanang misyonero sa Cochabamba, isang lunsod sa isang libis sa mas mababang altitud. Sa aming unang pulong, naroroon ang ilang misyonero subalit walang isa mang katutubong taga-Bolivia. Nang umalis kami sa Cochabamba pagkalipas ng 15 taon, noong 1972, mayroon nang dalawang kongregasyon. Ngayon ay may 35 kongregasyon na sa libis ng Cochabamba, na may mahigit na 2,600 tagapaghayag ng Kaharian!

Kami’y inilipat noong 1972 sa Santa Cruz sa tropikal na mababang lupa. Dito pa rin kami nakatira sa dalawang silid sa itaas ng isang Kingdom Hall. Nang kami’y dumating, ang Santa Cruz ay may dalawa ring kongregasyon, subalit ngayon mayroon nang mahigit na 45, na may mahigit na 3,600 mamamahayag na nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano.

Tuwang-tuwa kami na kami’y nanatili sa aming misyonerong atas nitong mahigit na 50 taon upang makita ang pagtitipon ng mga 12,300 bayan ni Jehova sa bansang ito! Talagang natutuwa kaming makapaglingkod sa mga mahal na mga kapatid na ito.

Isang Maligayang Buhay ng Paglilingkod sa Iba

Bago ako umalis para sa aking misyonerong atas, ang legal na tagapayo ng Samahang Watch Tower, si Hayden C. Covington, isang kapuwa taga-Texas, ay nagsabi: “Ed, sa Texas malaki ang lugar na ating nagagalawan. Ngunit sa isang tahanang misyonero, makikisiksik ka sa iba. Mangangahulugan ito ng paggawa ng mga pagbabago.” Tama siya. Ang pamumuhay na kasama ng iba nang malapitan ay isang hamon, subalit isa lamang ito sa maraming hamon na nakakaharap ng isang misyonerong Kristiyano.

Kaya kung pag-iisipan mong umalis ng bahay upang maglingkod kay Jehova sa ibang dako, tandaan na ang buhay ng isang tunay na tagasunod ni Kristo ay ang maglingkod sa iba. (Mateo 20:28) Kaya nga, dapat na ihanda ng isang misyonero ang kaniyang isip na tanggapin ang buhay ng pagkakait-sa-sarili. Maaaring isipin ng ilan na sila’y tatanggap ng katanyagan. Marahil ay gayon nga​—kapag sila’y nagpaalam sa mga kaibigan at mga kamag-anak doon sa kanila. Subalit iyan ay naglalaho pagdating niya sa maliit na bayan o sa pook ng mahirap na lunsod na siya niyang magiging atas. Ano ang payo ko?

Kapag nakaharap mo ang mga suliranin, gaya ng mga suliranin sa kalusugan, mga damdamin ng pamamanglaw sa iyong pamilya, o marahil mga problema sa pakikisama sa iyong Kristiyanong mga kapatid sa isang atas, tanggapin mo ang lahat ng ito bilang bahagi ng iyong pagsasanay. Kung gagawin mo iyon, ikaw ay gagantimpalaan balang araw, gaya ng isinulat ni apostol Pedro: “Pagkatapos ninyong magdusa ng kaunting panahon, ang Diyos ng buong di-sana-nararapat na kabaitan . . . ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo.”​—1 Pedro 5:10.

Si Edward Michalec ay namatay noong Hulyo 7, 1996, habang inihahanda ang artikulong ito para sa paglalathala.

[Larawan sa pahina 19]

Sa Bolivia noong 1947

[Larawan sa pahina 20, 21]

Ang mga klase sa pagpapahayag sa madla ay kadalasang ginaganap sa labas, gaya ng makikita sa kamakailang larawang ito ng ampiteatro sa Gilead

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ng aking asawa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share