Hipon—Isang Masarap na Pagkain Mula sa Palaisdaan?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ECUADOR
OO, ANG masarap na pagkaing dagat na ito na nasisiyahang kainin ng napakaraming tao ay kalimitang nagmumula sa isang palaisdaan. Subalit, hindi ito kailanman napapansin ng isang bumibili sapagkat kakaunti ang pagkakaiba ng hipon na lumaki sa palaisdaan, kung gayon nga, mula sa uring lumaki sa karagatan. Ang totoo, ang maraming sapa-sapaan ng hipon sa Ecuador na puno ng maliliit na hipon ay tuwirang nagmula sa karagatan.
Ang maliliit pang hipon na ito, na wala pang kalahating pulgada ang haba, ay nilalambat sa mga wawa na nahahanayan ng punong bakawan sa kahabaan ng baybayin o mga lugar na binabasagan ng alon, ng mga mangingisdang tinatawag na larveros. Pagkatapos ang mga ito ay dinadala sa mga sapa-sapaan upang palakihin. Gayunman, hindi makapaglalaan ng sapat na hipon sa ganitong paraan. Kaya, maraming palaisdaan ng hipon ang dumedepende sa mga pamisaan na may makabagong mga pamamaraan sa pag-aalaga ng laman-dagat upang magkaroon ng maliliit pang hipon sa kanilang mga sapa-sapaan. Suriin nating mabuti kung paano tumatakbo ang isang alagaan ng hipon.
Pagdalaw sa Pamisaan
Ang pamisaan na aming dinalaw ay matatagpuan sa isang magandang baybayin sa Baybayin ng Pasipiko. Ang isang pamisaan ng hipon ay dapat na nakapuwesto nang malapit sa isang malaking bahagi ng tubig-alat upang matugunan ang mga pangangailangan nito ng masalimuot na sistema ng paghahatid ng tubig. Ang tubig mula sa karagatan ay binobomba, sinasala, at pinaiinitan kung kailangan, at dinadala sa iba’t ibang tangke sa loob.
Kami’y sinalubong ng isang palakaibigang grupo ng mga biyologong nakasuot ng pangkaraniwang damit, at ng iba pang manggagawa. Una kaming huminto sa silid para sa hustong paggulang ng hipon. Dito, ang nasa hustong gulang na ligaw na hipon ay pinangangalagaan sa mga palakihang tangkeng may 17,000 litro ng tubig. “Hindi kinakain ang mga hipong ito,” ang sabi ng aming giya. “Ang mga ito’y hinuli nang malalaki na at dinala rito para sa pagpaparami ng hipon.”
Sinusunod ang mahigpit na iskedyul sa ilaw sa silid para sa hustong paggulang ng hipon. Sa pagitan ng 3:00 n.h. at hatinggabi—ang panahon ng pagpaparami—pinapatay ang mga ilaw na mahihina ang liwanag, at hahanapin ng mga manggagawa sa pamamagitan ng flashlight ang babaing hipon na handa nang mangitlog. Ang mga babaing uri ng hipon na tinatawag na Penaeus vannemei ay madaling makita, yamang inilalagay ng mga lalaki ang mga semilya nito sa labas ng kanilang tiyan. Minsang mamataan ng mga manggagawa ang isang buntis na babaing hipon, ito’y inaalis at dinadala sa mas maliit, 260-litrong tangke ng papisaan ng itlog.
Doon ang buntis na babae ay inilalagay sa isang plataporma na malapit sa itaas ng tangkeng hugis balisungsong—isang babae sa bawat tangke—hanggang sa maipangitlog nito ang kaniyang 180,000 o mahigit pang itlog. Habang ang mga itlog ay inilalabas, ang mga ito’y nagiging pertilisado sa oras mismo na ito’y madiit sa kumpol ng semilya na parang gelatin. Pagkatapos, ang mga itlog at ang tubig ay sinasala sa pamamagitan ng dulo ng tulad-imbudong tangke na pangitlugan. Itinatala ng mga teknisyan ang dami ng itlog sa bawat pangingitlog.
Mga oras pagkatapos na mapisa, ang mga binhi ay inililipat na kontrolado ang dami sa tinatawag na mga culture tank (mga tangkeng alagaan). Ang mga ito’y mistulang malalaking banyera, at ang mga ito’y makapaglalaman ng halos 11,000 litro ng tubig. Sa susunod na 20 hanggang 25 araw, ang mga tangkeng ito’y nagsisilbing tahanan ng lumalaking binhi, na kumakain ng lumot at tuyong pagkaing dagat.
Kung Saan Lumalaki ang Hipon
Ang hipon, na tinatawag ngayong mga postlarva (lumalaking binhi), ay inililipat sa mga palaisdaan. Minsang naroroon, kapuwa ang mga hipon na nagmula sa pamisaan at ang kanilang mga kamag-anak na hipon na lumaki sa karagatan ay tumatanggap ng iisang pangangalaga. Ang mga ito’y inilalagay sa maliliit na sapa-sapaan upang makontrol ang kanilang pakikibagay sa bagong temperatura at pagiging maalat ng tubig. Pagkalipas ng ilang araw, ang mga ito’y handa na para sa malalaking sapa-sapaan. Ang mga sapa-sapaang ito na gawa ng tao ay karatig ng imbakang kanal. Ang tubig ay laging binobomba mula sa karagatan o wawa patungo sa kanal na ito. Ang karatig na mga sapa-sapaan ay mula sa halos 5 hanggang 10 ektarya ang laki. Sa loob ng tatlo hanggang limang buwan, ang maliliit pang hipon ay hinahayaang lumaki sa mga sapa-sapaang ito.
Sa panahong ito ng paglaki, ang antas ng oksiheno sa tubig sa mga sapa-sapaang ito ay sinusubaybayan araw-araw. Isa pa, ang bilis ng paglaki ng hipon ay sinusuri linggu-linggo upang maisaayos ang programa sa pagpapakain. Sinisikap na mapanatili ang pagbigat ng timbang na 1 hanggang 2 gramo bawat linggo.
Panahon ng Anihan
Sa panahon ng anihan, habang ang sapa-sapaan ay inaalisan ng tubig, ang hipon ay nilalambat o binobomba palabas habang ang mga ito’y malapit na sa pinakapinto ng sapa-sapaan. Pagkatapos, ang kaaani pa lamang na hipon ay huhugasan at tatabunan ng yelo para sa agad na paghahatid sa planta na magkakahon nito. Doon, malibang sabihin ng bumibili, ang mga ulo ng hipon ay inaalis, subalit ang mga buntot ay naiiwan na hindi inaalisan ng balat. Ang mga hipon ay huhugasan at pagbubukud-bukurin ayon sa laki, pagkatapos ang mga ito’y ikakahon at palalamigin sa yelo para ikarga, karaniwang sa mga kahon na limang libra ang bigat.
Kaya sa susunod na masarapan ka sa hipon, maaalaala mo na ang masarap na pagkaing dagat na ito ay maaaring pinalaki sa sapa-sapaan sa lugar na gaya ng Latin Amerika o Asia.
[Larawan sa pahina 24]
Ang laki ng hipon sa panahon ng anihan
[Larawan sa pahina 24]
Ang mga mangingisdang naglalambat ng maliliit pang hipon
[Larawan sa pahina 25]
Mga culture tank sa loob ng pamisaan
[Larawan sa pahina 25]
Ang paglilinis ng hipon sa plantang nagkakahon nito
[Larawan sa pahina 25]
Ang pagkakahon ng hipon ayon sa laki