Mumunting Kabalyero sa Dagat
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA
MGA balyena, lumbalumba, pating—walang alinlangan na pinupukaw ng malalaking nilalang na ito sa dagat ang iyong imahinasyon. Gayunman, sa dagat ay may “mga nilalang na buháy, maliliit at malalaki.” (Awit 104:25) Sa mga palamasid sa mga detalye, ang mas maliliit na nilalang ay kawili-wili ring pagmasdan.
Halimbawa, paroo’t parito sa sahig ng karagatan ang mga nilalang na inilalarawan bilang “nakabaluting mga kabalyero sa dagat.” Di-tulad ng ilan sa tunay na mga kabalyero noong edad medya, marami sa mumunting “kabalyero” na ito ay nakasuot ng napakagagandang baluti na may iba’t ibang kulay at disenyo. Ang maliliit na nilalang na ito sa dagat ay kabilang sa isang grupo ng mga hayop na tinatawag na mga krustasyo at karaniwan nang kilala bilang mga hipon.
Mula sa Plankton Tungo sa Plato
Baka iniisip mong masarap na pagkaing-dagat lamang ang mga hipon.a Gayunman, pambihira ang iba’t ibang yugto ng buhay ng mga hipon bago sila maging pagkain ng tao. Iniipit ng ilang babaing hipon sa kanilang tiyan ang pertilisadong mga itlog nila hanggang sa mapisa ang mga ito, samantalang ang ibang mga hipon naman ay basta na lamang nag-iiwan ng mga itlog sa tubig, kung saan mag-isang napipisa at lumalaki ang mga ito.
Kapag napisa ang mga itlog ng hipon, tinatawag ang mga ito na mga zoea at pagkatapos, dumaraan ang mga ito sa maraming yugto ng pagiging larva na ibang-iba ang anyo sa may-gulang na hipon. Matapos gumugol ng panahon kasama ng mga kulupon ng mga plankton, sa wakas ay mamamalagi ang mga zoea sa sahig ng karagatan at magiging kahugis na ng karaniwang hipon, hanggang sa unti-unting gumulang ang mga ito.
Pagpapalit ng Baluti
Paano lumalaki ang may-gulang na mga hipon gayong nasa loob sila ng matigas na baluti? “Ang prosesong ito (na tinatawag ding ecdysis), ay nagsasangkot ng pagtubo ng isang bago at malambot na talukap-balat sa loob ng lumang talukap-balat,” ang sabi ng aklat na A Field Guide to Crustaceans of Australian Waters. “Pagkatapos ay naghuhunos ng lumang talukap-balat at sumisipsip ng tubig ang hayop, anupat pinalolobo ang nababanat at bago pang talukap-balat upang bigyang-daan ang paglaki sa hinaharap.” Ganito ang paliwanag ng aklat na Australian Seashores: “Kailangang ilabas ng hayop ang buong katawan nito, pati ang lahat ng bahagi ng katawan (at marami ang mga ito), malalaki at malalakas, o maliliit at maseselan, mula sa matigas na lumang talukap-balat. Ang mga bahagi ng katawan ay hinihila palabas kung paanong inilalabas ng isa ang kaniyang mga daliri mula sa isang guwantes.”
Paano nahihila palabas ng mga krustasyo ang malalaking bahagi ng kanilang katawan, tulad ng mga kalamnan ng sipit nito, mula sa makikipot na puwang sa pagitan ng mga hugpungan? Ganito ang sabi ng awtor na si W. J. Dakin: “Posible lamang ito dahil ang nabubuhay na mga bahagi ng hayop ay malalambot at maaaring hilahin palabas sa makikipot na puwang. Ang totoo, sa panahon ng ecdysis, ang dugo ay naililipat mula sa mga biyas tungo sa iba pang mga bahagi ng katawan, upang madaling mapipî ang mga biyas kapag inilalabas.” Kapareho pa rin ng bagong talukap-balat ang hugis, guhit, at disenyo ng kulay ng lumang talukap-balat—at may mabuting dahilan naman ito.
Mga Kulay na Pambalatkayo, ang Iba Naman ay Pang-anunsiyo
Ang ilang hipon na naninirahan sa mga galamay ng mga anemone ay may mga bahagi ng katawan na nalalagusan ng liwanag o kaya ay may talukap-balat na kakulay mismo ng mga anemone. Ang nakabalatkayong mga hipong ito ay nakapagkukubli sa mga galamay ng mga anemone at nagbabayad ng utang na loob sa pamamagitan ng paglilinis, anupat inaalis ang anumang pira-pirasong yamutmot na naiipon sa mga anemone.
Ang ibang mga hipon naman ay may matitingkad na kulay, isa na rito ang mga cleaner shrimp (mga hipong tagapaglinis). Kadalasan ay magkakasamang naninirahan ang mga ito sa ilalim ng nakausling mga bato sa bahura, at waring iniaanunsiyo ng kanilang matitingkad na kulay ang inilalaan nilang serbisyo sa paglilinis. Ang mga isdang may mga parasito ay umaaligid malapit sa tahanan ng mga cleaner shrimp, sa gayon ay inaanyayahan ang mga hipon na umakyat sa katawan ng mga isda. Nakapapasok pa nga nang walang pangamba ang mga hipon kahit sa loob ng bibig at hasang. Pagkatapos ay inaalis at kinakain ng “mga doktor na hipon” na ito ang anumang parasito at ang malauhog na balot ng isda.
Anuman ang kanilang kulay at papel na ginagampanan, isang bagay ang tiyak hinggil sa kagila-gilalas na mumunting nilalang na ito—ang kanilang baluti ay higit na kahanga-hanga kaysa sa baluti ng sinumang sinaunang kabalyero.
[Talababa]
a Ibinabatay ng ilang siyentipiko ang pagkakaiba ng mga hipon at mga sugpo sa kaugalian ng mga ito sa pagpaparami at sa hugis ng kanilang talukap-balat.
[Larawan sa pahina 23]
“Hingebeak shrimp”
[Larawan sa pahina 23]
“Transparent anemone shrimp”
[Larawan sa pahina 23]
“Emperor shrimp”
[Larawan sa pahina 23]
“Anemone shrimp”
[Larawan sa pahina 23]
“Cleaner shrimp”
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Lahat ng larawan maliban sa cleaner shrimp: © J and V Stenhouse