Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 6/22 p. 24-25
  • Kapag Naglalaho ang mga Dragon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag Naglalaho ang mga Dragon
  • Gumising!—2005
  • Kaparehong Materyal
  • Sumasayaw na mga Kabayo ng Karagatan
    Gumising!—2004
  • Mumunting Kabalyero sa Dagat
    Gumising!—2005
  • Dagat
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Dagat na Patay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 6/22 p. 24-25

Kapag Naglalaho ang mga Dragon

“NANG tatlong talampakan na lamang ang layo ko, biglang nagbago ang paggawi ng dragon,” ang kuwento ni David Hall sa magasing Ocean Realm. “Tumigil ito sa panginginain at lumayo, anupat naglaho sa katabi nitong mga damong-dagat at buong-kahusayang nawala na lamang sa aking paningin.” May-pagkamangha niyang sinabi: “Napakahusay magbalatkayo ng hayop na ito.” Sa pagkakataong iyon, pinalad si Hall na masaksihan ang isa sa pinakakahanga-hangang halimbawa ng pagbabalatkayo sa ilalim ng tubig​—ang leafy sea dragon ng Australia.

Ang mga leafy sea dragon ay mabagal kumilos at sobrang nakadepende sa pagbabalatkayo upang makaiwas sa gutóm na mga isdang maninila. Dahil sa manilaw-nilaw na berdeng mga guhit sa kanilang katawan at sa kakatwang hanay ng mga nakausling bahagi na parang mga dahon, nagagawa nilang humalo sa mga damong-dagat sa palibot nila anupat halos hindi na sila makita. Lumalangoy pa nga sila nang paindayog at paugóy na kagayang-kagaya ng paggalaw ng inaanod na damong-dagat.

Dahil sa husay nila sa pagbabalatkayo, agad silang nakalalapit sa kanilang paboritong pagkain, ang pagkaliliit na mga hipon. “Napakahusay nilang manlinlang anupat hindi sila itinuturing ng mga hipon bilang panganib,” ang sabi ng isang nagmamasid. Bigla na lamang sinasakmal ng sea dragon ang mga hipon habang lumalangoy ito, anupat hinihigop ng mahaba nitong nguso at nilulunok itong lahat. Ang maikling ekspedisyong ito ay matagal masundan​—na umaabot nang tatlong araw​—kapag nananatiling walang kibo ang sea dragon, habang nakaabang sa anumang nagdaraang masisila.

Ang mga leafy sea dragon ay matatagpuan lamang sa mabababaw na katubigan sa kahabaan ng timugang baybayin ng Australia. Ang kanilang alun-along katawan at parang dahon na mga banderita ay katulad ng mga pangkapistahang dragon ng mga Tsino, na pinagkunan ng pangalan ng mga ito. Yamang humahaba nang hanggang 43 sentimetro, sila ang mas malalaking miyembro ng uring ito ng isda kabilang na ang mga sea horse.

Pagdating sa pagpaparami, nagpapalit ng papel ang lalaki at babae. Oo, ang lalaki ang nagbubuntis at nanganganak! Kapag malapit na ang tagsibol, ang magiging ama ay nagkakaroon ng sagana-sa-dugong palimliman na may mga 120 maliliit na uka, o lukbutan ng itlog, sa may buntot nito. Pagkaraan, inililipat ng babaing sea dragon sa palimlimang ito ang kaniyang mga itlog na kulay matingkad na rosas, anupat ibinabaon ang bawat itlog sa kani-kaniyang sariling lukbutan. Pagkalipas ng apat hanggang anim na linggo, isinisilang ang mga batang sea dragon na 20 milimetro ang haba, anupat ang bawat isa’y maliit na replika ng kaniyang mga magulang.

Oo, ang nakatutuwang mga nilalang na ito ay isa na namang halimbawa ng malikhaing talino at pagkaartistiko ng Diyos na Jehova!​—Awit 104:24, 25.

[Mga larawan sa pahina 25]

Buntis na lalaking “leafy sea dragon” na may mga itlog; makikita sa nakasingit na larawan ang malapitang kuha ng palimliman

[Mga larawan sa pahina 25]

Nakabalatkayong “leafy sea dragon”; itinatampok ang hayop sa nakasingit na larawan

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Lahat ng larawan maliban sa palimliman: Michael Morris-Immersedimagery@scubadiving.com

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share