Pagkaligtas sa Isang Sakim na Daigdig
“PAANO ako makaliligtas?” Nakaharap ni James Scott ang katanungang iyan nang siya’y mawala sa Kabundukan ng Himalaya. Talagang nanganib siyang manigas sa ginaw o mamatay sa gutom. Nagunita niya ang nakita niyang mga tao sa mga paligsahan ng karate na “unti-unting nawawalan ng lakas, bawat suntok ay umuubos ng kanilang diwa, hanggang . . . sila’y lubusang hindi na makalaban.” Aniya: “Ganiyan ang nadama ko habang isinasara ko ang siper ng aking tulugang bag at nanghihinang kumain ng niyebe. Ako’y nanlumo at nawala na ang lahat ng pagnanais kong mabuhay. Kailanman ay hindi pa ako nakadama ng labis na pagkatalo.”—Lost in the Himalayas.
Sa diwa, marami ngayon ang katulad niya—nasilo sa isang daigdig na pinangingibabawan ng kasakiman. Nadarama mong ikaw ay unti-unting nanghihina at natatalo. Iilang tao ang ganap na makaliligtas sa kagyat na mga epekto ng kasakiman. Depende sa kung saan ka nakatira sa daigdig, iba-iba ang mga problemang makakaharap mo—lubhang naiiba ang epekto ng kasakiman sa mga tao sa nagpapaunlad na mga bansa kaysa roon sa mayayamang bansa. Gayunman, anuman ang mga problema, marahil ay matututuhan mong maligtasan naman ito sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan hanggang sa dumating ang tulong. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa mahalagang payo na ibinigay ng mga eksperto sa kaligtasan.
Dalawang punto ang litaw na litaw sa kanilang payo. Ang una ay iwasang palalain ang mahirap nang situwasyon. “Ang iyong estratehiya,” sabi ng The Urban Survival Handbook, “ay dapat na ang umiwas sa di-kinakailangang mga panganib . . . at bawasan ang pinsalang dulot niyaong hindi mo maiiwasan.” Ang ikalawa—at marahil ang mas mahalaga—ay may kinalaman sa saloobin. “Ang pagkaligtas,” sabi ng The SAS Survival Handbook, “ay nakasalalay hindi lamang sa pisikal na pagbabata at kaalaman kundi rin naman sa mental na saloobin.”
Gawin Mo ang Magagawa Mo sa Ilalim ng mga Kalagayan
“May napapaslang sa Estados Unidos sa bawat 22 minuto, napagnanakawan tuwing 47 segundo at malubhang nasasalakay tuwing 28 segundo,” ulat ng Staying Alive—Your Crime Prevention Guide. Sa ganiyang mga kalagayan, ano ang magagawa mo? Sa paano man, mapagsisikapan mong iwasan na gawin ang iyong sarili na kitang-kitang mapupuntirya o madaling mabibiktima. Maging alisto at maingat. Gawin ang magagawa mo upang bawasan ang panganib.a
Halimbawa, huwag mong palalain ang kalagayan sa pamamagitan ng pagiging madaling lokohin. Ang The New York Times ay nag-uulat na 18 porsiyento ng mga Amerikano ang umaamin na naging mga biktima ng pandaraya—nalinlang ng libu-libong dolyar ng mga taong walang budhi na naghahanap ng mahihinang biktima. Kadalasang ang mga biktima ay ang mga may edad na gaya ng isang 68-anyos na biyuda na pinagnakawan ng $40,000. Ang kaniyang karanasan ay napalagay sa ulong balita: “Kung Ikaw Ay Matanda Na, Dolyar ang Nakikita ng mga Manlilinlang.”
Ngunit hindi mo kinakailangang maging isa pang walang kamalay-malay at walang magawang biktima na naghihintay na pagsamantalahan. Ang Staying Alive ay nagbababala sa atin: “Mag-ingat sa lobo na nakadamit tupa.” Isang 70-anyos na lola ang sumunod sa payong ito. Siya’y inalok ng kabuuang seguro na sasagot sa mga kuwenta sa paggamot, sa halagang $10 lamang isang buwan. “Ang gagawin lamang ni Lola,” sabi ng ulat, “ay magbigay ng $2,500 paunang bayad sa ahente.” Hindi niya ginawa iyon. Sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono sa kompanya ng seguro, natuklasan niya na ang lalaki ay isang manloloko. “Samantalang sinisilbihan niya ang ahente ng ikalawang tasa ng tsa, dumating ang mga pulis at dinampot ang lalaki.”
Ang paggawa ng magagawa mo upang pangalagaan ang iyong sarili ay mahalaga sa payong ibinigay sa Bibliya. “Ang sinumang walang karanasan ay nagtitiwala sa bawat salita, subalit isinasaalang-alang ng pantas ang kaniyang mga hakbang.” (Kawikaan 14:15; 27:12) Niwawalang-bahala ng marami ang Bibliya anupat itinuturing itong makaluma at di-praktikal. Subalit ang praktikal na payo nito ay makatutulong sa iyo na makaligtas. Ang pantas na si Haring Solomon ay sumulat: “Ang karunungan [gaya ng masusumpungan sa Bibliya] ay pananggalang na gaya ng salapi na pananggalang; ngunit ang kahigitan ng kaalaman ay na iniingatan ng karunungan ang buhay ng mga nagtataglay niyaon.”—Eclesiastes 7:12.
Nasumpungan itong totoo ng maraming mambabasa ng Gumising! Halimbawa, ang ilan ay naipagsanggalang sa pamamagitan ng pagsigaw nang malakas nang pagbantaang halayin o ng iba pang karahasan, kasuwato ng binabanggit sa Deuteronomio 22:23, 24. Sinunod ng iba ang payo ng Bibliya na umiwas sa anumang “nagpaparumi alin sa katawan o sa espiritu.” (2 Corinto 7:1, The Twentieth Century New Testament) Sa gayo’y naingatan nila ang kanilang sarili mula sa mga naglalako ng tabako at droga, na nagpayaman sa kanilang mga sarili sa ikapipinsala ng kalusugan ng mga tao. Naiwasan din ng maraming mambabasa ang mga silo ng mga mangangaral sa TV at ng gutom-sa-kapangyarihang mga pulitiko na nangungurakot ng salapi. (Tingnan ang kahon, pahina 7.) Basahin ang Bibliya. Baka magulat ka sa dami ng praktikal na tulong na ibinibigay nito.
Iwasan na Mahawahan ng Kasakiman
Mangyari pa, may isa pang panganib mula sa kasakiman—ikaw man ay maaaring maging sakim. Aalisin nito ang iyong maiinam na moral na katangian na nagpapangyaring maiba ka sa mga hayop. Inilalarawan ang isang commercial free-for-all kung saan sinusunggaban ng mga negosyante ang lahat ng makukuha nilang pakinabang, isang nagmamasid ang siniping nagsabi: “Talagang sinasamantala ng masisiba ang lahat ng pagkakataon upang kumita. Ang kasakiman . . . ay hindi masupil.” Iyan ay mas nakaiinsulto sa mga baboy kaysa sa mga oportunistang negosyante! Talagang hindi nila pinapansin ang mabuting payo na ibinigay ni Jesu-Kristo: “Panatilihin ninyong nakadilat ang inyong mga mata at magbantay laban sa bawat uri ng kaimbutan.”—Lucas 12:15.
Ibinigay ni Jesu-Kristo ang payong iyan sapagkat alam niya kung gaano kalubha mo maaaring mapinsala ang iyong sarili kapag kumapit nang mahigpit sa iyo ang kasakiman. Ang masakim na pagnanasa sa materyal na mga bagay—at gayundin, ang masakim na pagnanasa sa kapangyarihan o sekso—ay maaaring maging nagniningas na pita sa iyong buhay, na nag-aalis sa iyo ng anumang panahon o hilig na mayroon ka upang mabahala sa mga tao o sa espirituwal na mga pamantayan. “Ang salapi,” sabi ni Anthony Sampson sa kaniyang aklat na The Midas Touch, ay “bumalot sa maraming katangian ng relihiyon.” Sa paanong paraan? Ang salapi ay naging isang diyos. Ang lahat ng iba pang bagay ay isinasakripisyo sa altar ng kasakiman at pakinabang. Ang mahalagang salik ay ang pakinabang. Mas malaki, mas mabuti. Gayunman, sa katunayan, gaano man karaming panahon ang ibigay mo rito, ang kasakiman sa materyal na mga bagay ay hindi kailanman lubusang nasisiyahan. Ganito ang sabi ng Eclesiastes 5:10: “Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni siya mang umiibig sa kayamanan ay masisiyahan sa pakinabang.” Sa katulad na paraan, “siyang umiibig” sa kapangyarihan, mga ari-arian, o sekso ay hindi kailanman masisiyahan, gaano man karami ang makuha niya.
Huwag Mawalan ng Pag-asa na Ikaw ay Masasagip
Ang isang mahalagang susi sa kaligtasan ay ang pagpapanatili ng isang umaasa at positibong pangmalas. Kung minsan kaunti lamang ang magagawa mo upang matakasan ang epekto ng sakim na mga tao. Halimbawa, ang nagugutom na mga tao ay kadalasang kaunti lamang ang magagawa upang matakasan ang kanilang kagyat na problema. Subalit, huwag mawalan ng pag-asa; huwag kang sumuko. “Napakadaling sumuko, manlupaypay at malipos ng pagkaawa-sa-sarili” kapag nahantad sa isang malupit o mapanganib na kapaligiran, sabi ng The SAS Survival Handbook. Huwag sumuko sa negatibong mga kaisipan at mga damdamin. Maaaring magtaka ka kung gaano ka makapagbabata. “Naipakita ng mga lalaki’t babae na sila’y maaaring makaligtas sa pinakamasamang mga kalagayan,” sabi ng handbook ding iyon. Paano nila nagawa ito? Sila’y nakaligtas, sabi nito, “dahil sa kanilang determinasyon na makaligtas.” Maging determinado na huwag madaig ng sakim na sistemang ito.
Si James Scott, nabanggit kanina, ay nasagip sa wakas mula sa maaaring naging libingan niya sa Himalaya. Sinabi niya na ang kaniyang pagpupunyaging makaligtas ang nagturo sa kaniya ng isang mahalagang aral. Ano ba iyon? “Walang hamon sa buhay ang napakahirap upang harapin,” aniya. Si Tim Macartney-Snape, isang may karanasang umaakyat ng bundok na labis na humanga sa pagbabata ni James Scott hanggang sa masumpungan itong buháy, ay nakapulot din ng aral. Sabi niya: “Habang may anumang silahis ng pag-asa, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa.” Kaya, gaano man sa wari kadilim ang mga bagay, lalo mo lamang pinalalala ang mga bagay kung mawawalan ka ng pag-asa. Huwag kailanman mawalan ng pag-asa na ikaw ay masasagip.
Subalit mayroon bang anumang “silahis ng pag-asa,” anumang makatotohanang tsansa na masagip mula sa isang daigdig na puno ng kasakiman? Mawawala ba kailanman ang mga taong sakim na sumisira sa planetang ito at pumipinsala sa buhay ng bilyun-bilyon? Sa katunayan, may isang tiyak na pag-asa ng pagsagip. Isaalang-alang ang sagot ng Bibliya sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Karahasan—Maiingatan Mo ang Iyong Sarili,” sa Abril 22, 1989, na labas ng Gumising!, mga pahina 7-10.
[Kahon sa pahina 7]
Ang Napapanahong mga Babala ng Bibliya
Kawikaan 20:23 “Dalawang uri ng timbangan ay karumal-dumal kay Jehova, at ang timbangang di-tapat ay hindi mabuti.”
Jeremias 5:26, 28 “Sa gitna ng aking bayan ay nakasumpong ng mga taong balakyot. Sila’y patuloy na nagbabantay, gaya ng mga pagbabantay ng mga nanghuhuli ng ibon. Sila’y naglagay ng mapangwasak na bitag. Sila’y nanghuhuli ng mga tao. Sila’y nagsitaba; sila’y nagsikintab. Sila’y nag-umapaw din sa masasamang bagay. Hindi nila ipinagtanggol ang legal na usapin, maging ang legal na usapin ng ulila, upang sila’y magtagumpay; at ang kahatulan ng mga dukha ay hindi nila hinahatulan.”
Efeso 4:17-19 “Kaya nga, ito ang sinasabi ko at pinatototohanan sa Panginoon, na hindi na kayo patuloy na lumalakad kung paanong ang mga bansa ay lumalakad din sa kawalang-kapakinabangan ng kanilang mga pag-iisip, samantalang sila ay nasa kadiliman sa kaisipan, at hiwalay mula sa buhay na nauukol sa Diyos, dahil sa kawalang-alam na nasa kanila, dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso. Palibhasa’y nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal, ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa mahalay na paggawi upang gumawa ng bawat uri ng kawalang-kalinisan na may kasakiman.”
Colosas 3:5 “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa na may kinalaman sa pakikiapid, kawalang-kalinisan, seksuwal na pagnanasa, nakasasakit na nasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.”
2 Timoteo 3:1-5 “Subalit alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito; at mula sa mga ito ay lumayo ka.”
2 Pedro 2:3 “May kaimbutan na pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga salitang palsipikado. Subalit kung tungkol sa kanila, ang hatol mula nang sinauna ay hindi kumikilos nang mabagal, at ang pagkapuksa sa kanila ay hindi natutulog.”