Kung Minsan ba’y Nadadaig Ka ng Kasakiman?
IKAW ba’y nakadalo na sa isang handaan na doo’y saganang-sagana ang masasarap na pagkain at mga alak at ikaw ay natuksong magpakabundat? Marami ang sasang-ayon na, kung minsan, sila’y nadadaig ng kasakiman. Lagi bang naaaring paglabanan ito? O kung minsan ay nadadaig ka rin nito, na ang resulta ay ang sumasakit na ulo o anumang masamang epekto? Ano ba ang ilan sa mga resulta ng kasakiman? Paano mo madadaig ito? Ito’y isang mahalagang bagay, sapagkat sinasabi ng Bibliya na walang ‘masakim na tao na magmamana ng kaharian ng Diyos.’—1 Corinto 6:10.
Ang kasakiman ay isang labis na paghahangad ng kalabisang mga bagay na kinakailangan mo. Ito’y may iba’t-ibang anyo, kasali na ang: pag-ibig sa salapi, paghahangad ng katanyagan, katakawan sa pagkain, inumin, sekso, at materyal na mga ari-arian. Ito ang pangunahing sanhi ng maraming kasamaan sa ngayon. Bakit ang pangangalunya, pakikiapid at lahat ng uri ng krimen ay dumadami? Bakit angaw-angaw na mga tao ang bundat na bundat at ang iba pang angaw-angaw ay nagugutom naman? Bakit napakaraming salapi ang sinasayang sa sugal at mga loterya? Ano ang dahilan ng paglustay sa pondong pansarili at pangmadla, ng pagsasamantala na ginagawa ng komersiyo, at ng katiwalian ng mga pinunong-bayan? At ano ang dahilan ng mga digmaan na ang ibinubunga’y pagkapariwara at pagdurusa? Ang kasakiman.
Kasakiman sa Sekso at ang Bunga Nito
Maraming anyo ang kasakiman at ito’y nagpapababa sa uri ng buhay ng isang tao. Halimbawa, isang lalaking may asawa at mahusay na pamilya ang pinangibabawan ng kasakiman sa sekso. Isang araw, nang siya’y lasing, sinundan niya ang dalawang batang babae na pauwi na sa kanilang tahanan, upang pagsamantalahan sila. Ngunit ang ama ng dalawang batang ito at isang kamag-anak ay lumabas at siya’y binugbog. Siya’y dinala sa ospital na basag ang bungo, lansag ang panga at malubha ang pagkapinsala ng kaniyang mata. Ang kaniyang anak na babae na nasa kabataan pa ay naapektuhang mabuti at pinurbahan nito na magpatiwakal. Ang kaniyang buong pamilya ay nagitla at isinaisip nila na ito’y isang malaking insulto sa kanila. Anong pagkamahal-mahal na halaga na ibayad dahilan sa kasakiman sa sekso!
Isang karanasan ni Haring David ng Israel ang magpapatunay dito. Si David noon ay marami nang asawa. Subalit isang araw natanaw niya sa ibabaw ng kaniyang bubong ang magandang babaing si Bath-sheba na naliligo. Sa halip na agad tumalikod upang huwag na niyang makita iyon, binulay-bulay niya ang kasarapan ng pakikiapid sa babaing ito. At nang magkagayo’y nakiapid na nga siya sa babaing ito samantalang ang asawa nito, si Uria, ay nakikipagbakang kasama ng hukbo ni David.
Nang si Bath-sheba ay magdalangtao, pinurbahan ni David na ikubli ang kaniyang pakikiapid nang kaniyang pauwiin si Uria at iniutos niya na sipingan ang kaniyang asawa. Subalit, nang mabigo ang pakanang iyon, napaharap sa kaniya ang malungkot na pangyayari na hahantong sa pagbato kay Bath-sheba bilang isang mangangalunya, kaya gumawa siya ng paraan upang si Uria ay mapahantad sa panganib sa digmaan upang mamatay. Subalit nakikita ni Jehova ang lahat. Kaniyang sinugo ang propetang si Nathan upang pagwikaan si David dahilan sa kaniyang napakasamang mga ginawa—ang pangangalunya at pagpapangyari na mamatay ang asawa ng babaing iyon. Si David ay totoong nagsisi sa kaniyang puso at may kababaang-loob na tinanggap niya ang pagsaway sa kaniya. Gayunpaman, siya’y nagbayad din nang malaki. Ang kaniyang unang anak kay Bath-sheba ay namatay nang ito’y isang sanggol pa lamang, at ang kaniyang pamilya, magmula na noon, ay dinatnan ng maraming kapahamakan.—2 Samuel 11:1–12:23; kabanata 13.
Ang babalang halimbawang ito ng pagbibigay-daan sa tukso ay nagpapatunay sa sunud-sunod na hakbang bago magkasala ang isa ayon sa inilalahad sa Bibliya: “Bawat isa ay natutukso pagka nahihila at nahihikayat ng kaniyang sariling pita. Kung magkagayon, ang pita kapag naglihi na ay nanganganak ng kasalanan; ang kasalanan naman kapag naisagawa na, ay nagbubunga ng kamatayan.” (Santiago 1:14, 15) Ang pagkakamali ni David ay nasa bagay na pinayagan niya na ang binhi ng masakim na hangarin sa sekso ay mag-ugat at yumabong sa kaniyang puso. Minsang napukaw na ang makasalanang hangarin, pinayagan na niya ang pagkagahaman sa sekso ang magtulak sa kaniya upang magkasala.
Anong laking pagkakaiba ang iginawi ni Jose sa Ehipto nang siya’y akitin ng asawa ni Potipar upang kaniyang sipingan ito! Paano naapektuhan ng tuksong ito si Jose? Ang ulat ay nagsasabi sa atin: “At nangyari na samantalang kaniyang hinihimok si Jose na sipingan siya, ito’y hindi kailanman nakinig sa kaniya.” Kahit noo’y wala pa ang Sampung Utos na nagbabawal sa pakikiapid, gayunma’y sinagot ni Jose ang kaniyang pagpupumilit: “Paano kong magagawa ang malaking kasamaang ito at aktuwal na magkasala sa Diyos?” At sa wakas isang araw kaniyang niyakap si Jose, at ang sabi, “Sipingan mo ako!” Si Jose ba ay nagpalumagak doon at sinubukan niyang ipangatuwiran ang kaniyang gagawin? Si Jose ay “tumakas at naparoon sa labas.” Hindi man lamang niya pinayagan na ang kasakiman sa sekso ay maipunla sa kaniyang puso. Siya’y tumakas.—Genesis 39:7-16.
Walang taimtim na Kristiyano ang aktuwal na makapagpaplano na sumunod sa isang landasin na nagpapakilala ng pagkagahaman sa sekso. Si David ay hindi nagsaplano na magkasala ng gaya ng nagawa niyang pagkakasala. Kaya ang kaniyang halimbawa ay dapat mag-udyok sa bawat isa sa atin na pagtibayin ang ating pasiya na labanan ang anumang hilig na maging gahaman sa seksuwal na mga bagay. Maging tayo man ay—walang asawa o may asawa, nasa kabataan o may edad na—kailangang lubusang disidido tayo na labanan ang anumang tukso pagka napaharap sa atin.—Roma 13:13, 14.
Kasakiman sa Salapi at ang Ibinubunga Nito
Ang isang halimbawa ng isang masakim na tao ay ang pinakapusakal na traidor sa kasaysayan ng sangkatauhan—si Judas Iscariote. Nang siya’y piliin ni Jesus bilang isang apostol, tiyak na siya’y tapat naman hanggang sa punto na siya magkasala ng kasakiman. Sa katunayan, ginawa siya ni Jesus na tagapag-ingat ng kanilang pananalapi. Subalit dumating ang panahon na nagsimula si Judas ng pagnanakaw doon sa salaping iyon. “Siya’y isang magnanakaw at siya ang may hawak ng kahon ng salapi at kaniyang kinukuha ang salaping inilalagay doon.”—Juan 12:6.
Maliwanag kung gayon, si Judas ay naging isang magnanakaw, isang taong masakim. Nang ang Paskua ay malapit na noong 33 C.E., pagkatapos na sawayin ni Jesus, si Judas ay nakipagsabuwatan sa mga punong-saserdote at kaniyang ipinagbili ang Panginoon sa halagang 30 pirasong pilak. Nang maglaon, nadama ni Judas ang kalubhaan ng kaniyang pagkakasala at siya’y nagpatiwakal. Ang kasakiman ay nagbuwis ng isa niyang biktima.—Lucas 22:3; Mateo 26:14-16.
Marami ang masasamang ibinubunga ng kasakiman. Marami na nagkakamal ng katakut-takot na salapi ang sa maluhong pamumuhay ginagasta iyon. Ayaw nila ng simpleng pagkain at ang kinahihiligan nila ay mga pagkaing de-luho na pawang labis na dinalisay. Subalit ang pagmamalabis sa gayong mga pagkain na ang mayayaman lamang ang nakakabili ay malimit na nagdudulot sa kanila ng pagkaimpatso o malulubhang sakit na maaaring magdala ng kamatayan. Ganito ang sabi ng isang eksperto sa medisina: “Pinatutunayan ng mga kompanya ng seguro na ang pagmamalabis sa pagkain at ang paglabis sa timbang sa mga taong maygulang ay nagpapaiksi ng buhay.”
Ang higit na dapat pag-isipan ng isang Kristiyano ay ang panganib na idinudulot ng kasakiman sa kaniyang espirituwalidad. Dahilan sa materyalismo ang mga ibang asawang babaing Kristiyano, na kumikita ang mga asa-asawa ng sapat naman, ay naghahanapbuhay kahit na ang kapalit nito ay pagpapabaya sa kanilang mga anak at hindi sila gaanong nakakabahagi sa gawaing pangangaral. Ito ang humila sa mga kabataang Kristiyano na padala sa kislap ng mga trabahong may malalaking suweldo at hindi man lamang nila pinag-iisipan ang pagpasok sa buong-panahong ministeryo. Ang pagbibigay-daan sa pita ng laman, maging iyon man ay kasakiman sa bawal na sekso o kasakiman sa salapi (mga kalayawan at mga ari-arian na mabibili nito) ay maaaring humantong sa malulubhang pagkakasala at pati sa pagkawala ng buhay na walang hanggan. “Sapagkat ang pag-iisip ng sa laman ay nagdadala ng kamatayan, . . . sapagkat kung mabuhay kayo nang ayon sa laman ay tiyak na mamamatay kayo.”—Roma 8:6, 13.
Paano Natin Maiiwasan o Madadaig ang Kasakiman?
Minsang ang kasakiman ay nangibabaw sa isang tao, mahirap na alisin ito. Kaya naman ang pag-iwas ay mas mabuti kaysa sa paglunas dito. Kailangang sugpuin ng mga magulang ang hilig sa kasakiman una muna sa kanilang sarili at pagkatapos ay sa kanilang mga anak. Karamihan ng mga anak ay nahihilig na maging mapag-imbot. Ayon sa isang istorya isang araw daw ay ipinapasyal ni Abraham Lincoln ang kaniyang dalawang maliliit na anak, ngunit sila’y umiiyak. Isang kapitbahay ang nagtanong: “Ano ba ang nangyayari sa mga batang iyan?” Ang sabi ni Lincoln: “Gaya ng nangyayari sa buong sanlibutan. Mayroon akong tatlong pili, at isa’t-isa sa kanila ay humihingi ng tigdadalawa sila.”
Ang mga magulang ay dapat na magsikap na “sanayin” ang kanilang mga anak ayon sa daan ng kawalang-pag-iimbot at pagpapakundangan sa iba, gawin nila ito ng panay-panay at taglay ang pag-ibig. (Kawikaan 22:6) Ito’y tutulong sa kanila nang malaki sa panahon na ang mga batang yao’y nasa pagkatin-edyer na ang seksuwal na mga pita at iba pang mapag-imbot na hangarin ay matitindi. Ang mga kabataan ay malimit na napapaharap sa panahong ito sa seksuwal na kagipitan. Gayunpaman, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pakikiapid at ang anumang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masasambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro, na mga bagay na di-nararapat . . . Sinumang mapakiapid o mahalay o masakim na tao—na ibig sabihin ang pagiging mapagsamba sa idolo—ay walang anumang mamanahin sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.”—Efeso 5:3-5.
Pansinin na ang isang “masakim na tao” ay isa rin namang “mapagsamba sa idolo.” Sa papaano nga? Yaong mga taong haling na haling sa sekso, sa pag-ibig sa salapi (gaya ng makikita sa mga magnanakaw, manglulustay, at mga sugalero), sa katakawan sa pagkain at pag-inom, o ambisyoso sa kapangyarihan at katanyagan, sila ay nagiging mga alipin ng ganiyang mga pita at ang mga ito ay ginagawa nilang kanilang mga idolo, wika nga. Ang pangunahing pakay nila sa buhay ay ang masapatan ang kanilang masakim na hangarin. Ang mga Kristiyano na gumagawa ng ganiyang mga bagay ay ‘mga taong masasakim’ ayon sa tawag ng Bibliya, at hindi dapat manatili sa kongregasyon. Ang pagsamba sa kanilang “mga diyos” ay pinangibabaw nila sa pagsamba kay Jehova, na “isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon.”—Exodo 20:3-6, 17.
Ang pakikinig sa mga programa sa radyo o panonood ng mga panoorin sa telebisyon o pagbabasa ng mga aklat o mga magasin na pumupukaw ng kasakiman sa mga nakapipinsalang mga bagay ay napakamapanganib para sa mga Kristiyano—bata man at matanda. Alalahanin na hindi inalis ni David ang kaniyang tingin kay Bath-sheba nang ito’y naliligo at, sa sandali ng kahinaan, siya’y pinangibabawan ng kasakiman sa sekso. Iyo bang isinasara ang TV o ikaw ay lumalabas sa sine pagka ang ipinalalabas ay tungkol sa imoralidad?
Bagamat si David ay nagkasala, siya’y may matinding pag-ibig kay Jehova. Ito ang tumulong sa kaniya na makabangon buhat sa kaniyang pagkadupilas. Gayundin naman, isang matagal nang Kristiyano sa Aprika ang nakabangon buhat sa pagkadapa dahilan sa kasakiman sa salapi. Dahilan sa mga ilang kahirapan ay napabaon siya sa utang. Yamang siya ang humahawak ng pananalapi ng kompanya na kaniyang pinagtatrabahuhan, siya’y natukso na “manghiram” ng salapi nang walang pahintulot. Pinahintulutan niyang ang “binhi” ng kasakiman ay tumubo, at siya’y lumustay ng isang malaking halaga. Nang ang kaniyang mga among pinagtatrabahuhan ay mag-usisa tungkol sa bagay na iyon, siya’y nabahala kaya siya’y tumakas buhat sa bansang iyon, iniwan ang kaniyang asawang babae at mga anak. Subalit hindi nagtagal at siya’y inusig ng kaniyang budhi, at natalos niya na siya’y nakagawa ng isang malaking pagkakamali. Siya’y bumalik sa kanilang bansa at binayaran niyang unti-unti ang buong halaga. Siya’y sinaway ng mga hinirang na matatandang Kristiyano at ngayon ay nakagawa na siya ng malaking pagsulong.
Ano ang tumulong sa kaniya upang makabangon sa kaniyang nagawang pagkakasala? Ang panalangin at pagbabasa ng Bibliya. Natuklasan niya na ang maraming mga pananalita sa mga awit ni David ay nakapupukaw ng kaniyang sariling puso, at natulungan siya na manalangin nang lalong taimtim at nang may kabuluhan. Narito ang mga ilang halimbawa ng mga awit na iyon: “Ipakita mo sa akin ang iyong biyaya, Oh Diyos, ayon sa iyong kagandahang-loob. Sang-ayon sa kasaganaan ng iyong kaawaan pahirin mo ang aking mga pagkakasala. Likhan mo ako isang pusong dalisay, O Diyos, at lagyan mo ako ng isang bagong espiritu, isang matatag.” “Ilayo mo ang iyong lingkod sa mga gawang kapalaluan; huwag nawa akong pangibabawan ng mga iyan.”—Awit 51:1, 10; 19:13.
Kung nais mong maiwasan o madaig ang kasakiman, ikaw ay “lumapit sa Diyos, at siya’y lalapit sa iyo.” (Santiago 4:8) Pagka ang puso ng isang Kristiyano ay puno ng pag-ibig kay Jehova, sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano, at sa marami na nangangailangan ng tulong sa mga panahong ito ng kahirapan, ang pangit na “binhi” ng kasakiman ay lalong mahirap na tumubo sa kaniya. Isa pa, ang banal na espiritu ay isang mahusay na tagapatay sa kasakiman! Kayat hayaan mong ang lakas na iyan ang sumagana sa iyong puso, at linisin dito ang maruruming pita at halinhan iyon ng matinding pagnanasang maglingkod kay Jehova. At kung magkagayon ang nakaririmarim na pita ng kasakiman ay hindi mananaig sa iyo.
[Larawan sa pahina 23]
Si Judas Iscariote ay dinaig ng kasakiman
[Larawan sa pahina 24]
“Napatunayan ng mga kompanya ng seguro na ang kalabisan sa pagkain at ang labis na timbang ay hindi nagpapahaba ng buhay’