Gunigunihin ang Isang Sanlibutang Walang Kasakiman
NAKIKINI-KINITA mo ba ang isang sanlibutang doo’y nagtutulungan ang mga tao imbis na magkumpitensiya? Kung saan tinatrato ng mga tao ang iba gaya ng ibig nilang itrato sa kanila? Ang mga ito ang katangian ng isang sanlibutang walang kasakiman. Anong kanais-nais na sanlibutan iyon! Darating kaya iyon? Oo, darating. Subalit papaanong ang kasakiman—na napakalalim na ang pagkakaugat sa tao—ay mapapawi?
Upang makuha natin ang kasagutan, una muna’y kailangang maunawaan natin ang pinagmulan ng kasakiman. Ipinakikita ng Bibliya na ito’y hindi naman isang kaugalian na mula pa noong una ng lahi ng sangkatauhan. Ipinagugunita sa atin ni propeta Moises na walang depekto na gaya nga halimbawa ng kasakiman ang sa unang-una pa’y natuklasan sa unang tao, ang sakdal na paglalang ng isang walang-kasakimang Maylikha: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan.” Kung gayon, saan ba nanggaling ang kasakiman? Ang unang mag-asawa ang nagtulot na ito’y tumubo sa kanilang sarili—si Eva nang dahil sa masakim na pag-aasam-asam na kaniyang makakamtan sa pagkain ng bungang-kahoy na ibinawal ng Diyos, si Adan naman ay sa may kasakimang paghahangad na huwag niyang maiwala ang kaniyang magandang asawa. Isinusog ni Moises, sa mga salitang kapit din kay Adan at Eva: “Sila’y nagpakasama; sila’y hindi kaniyang mga anak, ang kapintasan ay kanilang sarili.”—Deuteronomio 32:4, 5; 1 Timoteo 2:14.
Nang panahon ng pangglobong Baha noong kaarawan ni Noe, ganiyan na lang ang pagkamalaganap ng kasakiman at kayamuan na anupa’t “ang kasamaan ng tao ay sagana sa lupa at bawat hilig ng kaisipan ng kaniyang puso ay pawang masama lamang sa tuwina.”—Genesis 6:5.
Ang dominanteng saloobing ito ng kasakiman sa tao ay nagpatuloy hanggang ngayon, waring umaabot na sa sukdulan sa kasalukuyang lipunang di-marunong magpasalamat at masakim.
Ang Pag-aalis sa Kasakiman sa Pamamagitan ng Edukasyon
Kung papaanong ang kasakiman sa gitna ng mga tao ay umunlad, ang kabaligtaran nito ay posible rin. Ang kasakiman ay maaaring madaig. Subalit, upang ito’y mangyari, ang wastong edukasyon at pagsasanay ay kailangan, na may istriktong mga alituntunin o mga tuntunin ng asal na kailangang sundin. Marahil ito’y tila totoo naman kung pakikinggan, ngunit sino ba ang makapagbibigay ng ganiyang uri ng edukasyon at makasisiguro na ang natutuhan ay isasagawa—kahit na sapilitan kung kinakailangan?
Ang ganiyang edukasyon ay kailangang manggaling sa isang sa ganang sarili’y walang kasakiman. Hindi kailangang magkaroon ng mapag-imbot na mga motibo o umasang magkakaroon ng kapalit ang gayong pagsasanay. Isa pa, ang kahalagahan at pagiging praktikal ng kawalang-imbot ay kailangang ituro at ipakilala. Ang taong natututo ay kailangang makumbinsi hindi lamang ng bagay na ang gayong paraan ng buhay ay posible kundi na iyon ang paraan na dapat piliin, na magdadala ng kapakinabangan sa kaniyang sarili at sa mga taong nasa palibot niya.
Tanging ang Diyos ng langit ang makapagbibigay ng ganitong uri ng edukasyon, sapagkat sinong tao o organisasyon sa lupa ang magkakaroon ng kinakailangang kuwalipikasyon at karanasan? Lahat ng tao ay diskuwalipikado ayon sa liwanag ng katotohanang ito sa Bibliya: “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 3:23.
Nakatutuwa naman, si Jehova, na Diyos ng langit, ay mayroon ng gayong edukasyon sa kaniyang nasusulat na aklat-aralan, o manual, ang Banal na Bibliya. Ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang kampeon ng ganitong uri ng pagtuturo nang siya’y isang tao sa lupa. Sa may kalagitnaan ng bantog na Sermon sa Bundok ni Jesus, kaniyang binanggit ang isang paraan ng buhay na mukhang kakatuwa nang marinig ng karamihan na mga tagapakinig, sapagkat tungkol iyon sa kawalang-imbot kahit na sa mga kaaway o mga mananalansang ng isang tao. Sinabi ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at idalangin ang mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyong kayo’y mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya sa mga taong balakyot at pati sa mabubuti ang kaniyang araw at nagpapaulan sa mga taong matuwid at di-matuwid. Sapagkat kung ang iniibig ninyo’y yaon lamang umiibig sa inyo, ano ang ganti sa inyo? Hindi baga ganiyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis?”—Mateo 5:44-46.
Ang isang bahagi ng misyon ni Jesus sa lupa ay ang magsanay ng walang-imbot na mga tagapagturo upang sila naman ay makapagturo sa iba ng paraang ito ng buhay na walang kasakiman. Pagkatapos na mamatay at buhaying-muli si Jesus, si apostol Pablo ay naging isa sa gayong mga tagapagturo. Sa ilan sa kaniyang kinasihang mga liham, ipinayo ni Pablo na supilin ang kasakiman. Halimbawa, siya’y sumulat sa mga taga-Efeso: “Ang pakikiapid at ang lahat ng uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal.”—Efeso 5:3.
Sa katulad na paraan ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo sa mga lalaki at mga babae na sugpuin ang masasakim na hilig. Nang dumating ang panahon ang mga ito ay naging kuwalipikado rin na humayo at magturo sa iba ng gayong maka-Diyos na pamumuhay.
Mga Katotohanan ng Bibliya na Ikinakapit
Ngunit marahil ay itatanong mo: ‘Ang mga tao bang di-sakdal, na pinag-ugatan na ng kasakiman, ay talagang makapagsisikap upang mabunot iyon sa kanilang mga pagkatao?’ Oo, puwede. Kung sa bagay, hindi nila lubusang magagawa iyon, ngunit sa lawak na kapansin-pansin. Ating isaalang-alang ang isang halimbawa nito.
Isang kumpirmadong magnanakaw ang naninirahan sa Espanya. Ang kaniyang tahanan ay punô ng nakaw na mga bagay. At nang magkagayo’y nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Kaya naman, ang kaniyang budhi ay nagsimulang bumagabag sa kaniya, kaya’t ipinasiya niyang ibalik sa mga may-ari ang mga bagay na kaniyang ninakaw. Kaniyang nilapitan ang kaniyang dating amo at ipinagtapat niya na ito’y kaniyang ninakawan ng isang bagong washing machine. Ang amo, na lubhang humanga sa kaniyang binagong saloobin, ay nagpasiya na huwag ipaalam iyon sa pulisya kundi hinayaan na lamang niya ang dating magnanakaw na bayaran ang halaga ng washing machine.
Pagkatapos, ang nagbagong magnanakaw ay nagpasiya na dalawin ang lahat ng mga taong kaniyang natatandaan na kaniyang ninakawan at ibalik ang ninakaw na mga bagay. Bawat isang kaniyang dinalaw ay nagpahayag ng pagkamangha na dahil sa kaniyang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, nagawa niya ang malaking pagbabagong ito ng saloobin.
Ngayon isang tunay na problema ang napaharap sa kaniya. Hindi niya kilala ang mga may-ari ng marami sa mga bagay na naroon pa rin sa kaniya. Kaya, pagkatapos na manalangin kay Jehova, siya’y naparoon sa headquarters ng pulisya at kaniyang inilagak doon ang anim na radyong stereo na kaniyang ninakaw sa mga kotse. Nagtaka ang mga nasa pulisya, palibhasa’y mayroon siyang malinis na rekord sa harap nila. Kanilang ipinasiya na siya’y dapat magbayad ng multa at magdusa ng maikling pagkabilanggo.
Ang dating magnanakaw na ito ngayon ay may malinis na budhi, yamang tinalikdan na niya ang kaniyang buhay na lipos ng krimen at kasakiman upang maging bahagi ng pambuong-daigdig na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Libu-libong nahahawig na mga halimbawa ang dagling masasabi. Bagaman yaong mga gumawa ng gayong mga pagbabago sa kanilang buhay ay isang munting bahagi lamang ng mga tao sa lupa, ang bagay na marami ang nakagawa ng gayon ay nagpapakita ng kapangyarihan sa ikabubuti na nanggagaling sa pagkaalam at pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya.
Sa bawat taon, parami nang paraming tao ang sumusunod sa ganitong paraan ng buhay. Ang pagtuturo ng Bibliya ay nagaganap sa mahigit na 60,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa. Sa panahong ito ang mga Saksi ay hindi umaasang baguhin ang sanlibutan sa kabuuan, na pinapawi ang kasakiman sa gitna ng libu-libong milyon na nabubuhay sa ngayon. Gayunman, ipinakikita ng hula sa Bibliya na malapit na malapit na ngayon, isang paraan ng buhay na walang kasakiman ang iiral sa buong lupa!
Isang Bagong Sanlibutan na Walang Kasakiman
Hindi magkakaroon ng dako ang kasakiman at pag-iimbot sa dumarating na bagong sanlibutan. Tinitiyak sa atin ni apostol Pedro na ang katuwiran ay magiging isang tatak hindi lamang ng “mga bagong langit” kundi gayundin ng “bagong lupa.” (2 Pedro 3:13) Ang kasakiman ay isa sa “mga dating bagay” na mapaparam na kasama ng sakit, dalamhati, at maging kamatayan man.—Apocalipsis 21:4.
Samakatuwid, kung ikaw ay nanlulumo sa patuloy na lumulubhang kasakiman at sa mapag-imbot na paraan ng buhay na makikita sa buong palibot natin ngayon, magalak ka! Magsimula ka na ngayon na mamuhay para sa napipintong bagong sanlibutan na hindi na magtatagal at magiging isang katuparan na. Sa tulong ng Diyos, magsikap na alisin sa iyong sariling buhay ang kasakiman. Makiisa ka sa pagtulong sa iba upang makita ang mga pakinabang na mismong sa sandaling ito ay maaaring tamasahin sa pamamagitan ng pamumuhay-Kristiyano. Maglagak ka ng iyong pananampalataya at pagtitiwala sa pangako ng Diyos na Jehova na ang kasakiman sa pinakamadaling panahon ay kabilang sa maraming mga di-kanais-nais na mga bagay na ‘hindi na maaalaala pa, ni papasok man sa ating puso.’—Isaias 65:17.
[Larawan sa pahina 5]
Binanggit ni Jesus ang isang paraan ng buhay na kawalang-imbot ang itinataguyod, hindi ang kasakiman
[Larawan sa pahina 7]
Kaylapit-lapit na—isang sanlibutan na walang kasakiman