Musika, Droga, at Alak ang Dati Kong Buhay
AKO ay isang Katutubong Amerikano. Ang aking ama, na namatay apat na taon na ang nakalipas, ay isang Chippewa, mula sa Sugar Island, Michigan, E.U.A. Ang aking ina, mula sa Ontario, Canada, ay mula sa mga bansang Indian ng Ottawa at Ojibwa. Dahil sa aking tatay ako ay naging isang miyembro ng tribo ng Sault Sainte Marie ng mga Chippewa Indian. Dahil sa impluwensiya ng misyong Katoliko at ng mga boarding school, kami’y pinalaking Katoliko, na nangangahulugan ng pagdalo sa Misa tuwing Linggo.
Ang aking pagkabata sa reserbasyon ng mga Indian ay simple at maligaya. Mula sa pangmalas ng isang bata, ang mga tag-araw ay mahaba, mabagal, at mapayapa. Kami’y nakatira sa liblib na dako—wala kaming tubig sa gripo at walang mga kasilyas sa loob ng bahay, at kami’y naliligo sa lawa o sa isang banyerang paliguan. Ang aming palaruan ay sa labas ng bahay. Ang mga kabayo, baka, at iba pang mga hayop sa bukid ang aming libangan. Nang panahong iyon, naisip ko na sana ang buong daigdig ay maging gayon magpakailanman.
Ang Hamon ng Paglaki
Nang ako’y lumaki na at nag-aral sa paaralang bayan, ang mga pagdalaw ko sa reserbasyon ay naging madalang. Naging okupado ako sa paaralan, isports, at musika. Bilang isang tin-edyer noong mga taon ng 1960, ako’y naimpluwensiyahan ng espiritu ng panahong iyon. Nang ako’y tumuntong ng 13, ang droga at alak ang naging regular na bahagi ng aking buhay. Uso ang paghihimagsik laban sa lipunan, at kinapopootan ko ang lahat ng pinaniniwalaan ng sistema. Hindi ko maunawaan kung bakit ginagawa ng mga tao ang hindi makataong mga bagay sa isa’t isa.
Halos nang panahong ito, nagkaroon ako ng aking unang gitara. Ang aming pamilya ay mahilig sa musika. Ang aking tatay ay tumutugtog ng piyano at isang mananayaw ng tap, at ang kaniyang mga kapatid ay mahilig din sa musika. Kaya kapag nagsama-sama si Itay at ang aking mga tiyo, kami’y tumutugtog ng mga musikang jig at nagsasayawan hanggang madaling-araw. Gusto ko ito. Di-nagtagal, natuto akong tumugtog ng gitara at sumali ako sa isang banda ng rock-and-roll. Tumugtog kami sa mga sayawan sa paaralan at sa iba pang mga pagdiriwang. Iyan ay humantong sa mga bar at mga nightclub, na natural na nangangahulugan ng higit na alak at droga. Ang marihuwana at methamphetamine (speed) ay naging bahagi ng aking istilo ng buhay.
Paglilingkod Militar sa Vietnam
Noong ako’y 19, ako’y nag-asawa at magiging isang ama. Sa edad ding iyon, ako’y napatala sa U.S. Marines. Labis-labis na panggigipit ito para sa akin. Upang makayanan ito, nanatili akong lango sa droga at alak sa loob ng 24 na oras isang araw.
Ako’y naatasang magsanay sa Marine Corps Recruit Depot sa San Diego, California, at pagkatapos sa higit pang pagsasanay sa Camp Pendleton, California. Ako’y naging isang sinanay na militar na opereytor ng radyo sa larangan ng digmaan. Ito’y noong katapusan ng 1969. Ngayon, ang tunay na pagsubok ay dumarating—ang paglilingkod sa Vietnam. Kaya, sa gulang na 19, mga ilang buwan pa lamang akong nagtapos sa haiskul, nasumpungan ko ang aking sarili na nakatayo sa mapulang lupa ng Vietnam. Gaya ng totoong bagay sa maraming Katutubong Amerikano, ang pagkamakabayan ay nag-udyok sa akin na maglingkod sa militar sa kabila ng mga kawalang-katarungang nagawa ng lipunan laban sa amin bilang mga miyembro ng isang minorya.
Ang aking unang atas ay sa 1st Marine Air Wing, sa labas lamang ng Da Nang. Halos 50 lalaki—mga kabataang lalaki nga—ang may pananagutan para sa pagpapanatili ng mga sistema ng komunikasyon para sa bakuran ng militar. Kami ang may pananagutan sa dako na mula sa DMZ (demilitarized zone) sa pagitan ng Hilagang Vietnam at Timog Vietnam hanggang sa halos 80 kilometro sa timog ng Da Nang.
Ang mga nagsilikas ay nagdagsaan sa Da Nang, at nagsulputan ang bayan ng mga barungbarong sa palibot. Marami ring ampunan. Lubhang naantig ang aking damdamin nang makita ko ang mga bata, na marami ay may salantang katawan. Ipinagtaka ko ang bagay na sila’y pawang mga batang babae o mumunting batang lalaki. Di-nagtagal ay natuklasan ko ang dahilan. Ang mga batang lalaki mula sa gulang na 11 taon at pataas ay nakikipaglaban sa digmaan. Nang maglaon, nakilala ko ang isang kabataang sundalong taga-Vietnam, at tinanong ko ang edad niya. “Katorse” ang sagot niya. Siya’y nakipagbaka na sa loob ng tatlong taon! Hindi ako makapaniwala. Ipinagunita niya sa akin ang aking 14-anyos na kapatid na lalaki, maliban sa bagay na ang pinagkakaabalahan ng aking kapatid na lalaki ay hindi ang pagpatay kundi ang Little League baseball.
Noong ako’y naglilingkod sa marines, nagkaroon ako ng mga katanungang nangangailangan ng mga kasagutan. Isang gabi, nagtungo ako sa simbahan sa aming bakuran. Ang Katolikong kapelyan ay nagbigay ng isang sermon tungkol kay Jesus, sa kapayapaan, at pag-ibig! Gusto kong sumigaw. Ang kaniyang sermon ay kabaligtaran ng lahat ng nangyayari roon. Pagkatapos ng seremonya nagtanong ako sa kaniya kung paano niya mabibigyan-matuwid ang pagiging isang Kristiyano at kasabay nito ay makipaglaban sa digmaang ito. Ang sagot niya? “Buweno, Praybeyt, ganito tayo nakikipaglaban para sa Panginoon.” Lumabas ako at nasabi ko sa aking sarili na hinding-hindi na ako magkakaroon ng anumang kaugnayang muli sa simbahan.
Nang matapos na ang aking atas sa militar, alam kong ako’y mapalad dahil sa ako’y buháy; subalit sa mental at moral na paraan ako’y dumanas ng matinding paghihirap. Ang pagkarinig, pagkakita, at pagkaamoy sa digmaan at kamatayan araw-araw ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa aking murang isip at puso. Kahit na ito ay pawang nangyari mahigit na 25 taon na ang nakalipas, ang mga alaala ay parang kahapon lamang.
Pagpupunyagi Upang Umangkop sa Buhay ng Sibilyan
Pag-uwi ko ng bahay, pinagtuunan ko ng pansin ang aking karera sa musika. Napakagulo ng aking personal na buhay—ako’y may-asawa at may isang anak, at malakas pa rin akong kumonsumo ng droga at alak. Ang aking kaugnayan sa aking asawa ay naging maigting, at ang resulta ay diborsiyo. Iyan marahil ang pinakamaigting na yugto sa aking buhay. Sinimulan kong ibukod ang aking sarili at nakasumpong ako ng kasiyahan sa labas ng bahay, pangingisda sa liblib na mga dako ng Minnesota at Upper Michigan.
Noong 1974, ako’y lumipat sa Nashville, Tennessee, na may layong pasulungin ang aking karera sa musika bilang isang gitarista at mang-aawit. Ako’y tumugtog sa maraming nightclub, laging umaasang makapasok sa kasalukuyang musika. Subalit ito ay isang mahirap na hamon—napakaraming mahuhusay na manunugtog ng gitara, na pawang nagsisikap na maging popular na mga musikero.
Gayunman, nang bumubuti na ang mga bagay para sa akin at nadarama ko na ang posibilidad ng propesyonal na tagumpay, may nangyari na nakasindak sa akin.
Mapanganib na Istilo ng Buhay
Ako’y dumalaw sa isang dating kakilala na nakasama ko sa ilegal na pagbebenta ng droga. Binati niya ako sa pinto na may 12-gauge na baril. Bahagyang nakasemento ang kaniyang katawan, at ang kaniyang bibig ay nakatali ng alambre dahil sa isang basag na panga. Nagsasalita na nakatiim ang mga ngipin, sinabi niya sa akin kung ano ang nangyari. Lingid sa aking kaalaman, siya’y nasangkot sa isang ilegal na organisasyon na nangangalakal ng droga sa Nashville, at naglaho ang maraming cocaine. Siya ang itinuro ng mga maimpluwensiyang tao sa kalakalan ng droga. Nagsugo sila ng mga tagapagpatupad, o mga butangero, upang bugbugin siya. Sinabi nila sa kaniya na isauli ang cocaine o bayaran ang halaga nito sa ilegal na bilihan na $20,000. Hindi lamang siya pinagbantaan kundi nanganib din ang kaniyang asawa at anak. Sinabi niya sa akin na hindi ligtas para sa akin na ako’y makitang kasama niya at na marahil dapat na akong umalis. Naunawaan ko ang ibig niyang sabihin at ako’y umalis.
Ang insidenteng ito ay nagpangyari sa akin na medyo matakot para sa aking buhay. Dahil sa hindi ko natalos ito, ako’y naging bahagi ng isang marahas na daigdig. Ang karamihan ng mga taong nakikilala ko sa mga kasama ko sa musika at droga ay nagdadala ng baril. Muntik na nga akong bumili ng isang kalibre 38 na baril para sa aking sariling proteksiyon. Natanto ko na habang ako’y lumalapit sa kasalukuyang industriya ng musika, lalong malaki ang kabayaran. Kaya, nagpasiya akong umalis sa Nashville at nagpaplanong magtungo sa Brazil upang mag-aral ng musikang Latin-Amerikano.
Maraming Tanong, Kaunting mga Kasagutan
Sa kabila ng aking negatibong mga karanasan sa relihiyon, mayroon akong matinding pagnanais na sumamba sa Diyos. At mayroon pa rin akong di-masagot na mga katanungan. Kaya nagsimula akong hanapin ang katotohanan. Dumalo ako sa iba’t ibang hindi denominasyong mga grupo ng relihiyon subalit hindi pa rin ako nasisiyahan. Naalaala ko ang isang simbahang dinaluhan ko sa Minnesota. Pinaikli ng pastor ang sermon dahil sa naglalaro ang Vikings na koponan sa football ng Minnesota sa oras na iyon. Hinimok niya kaming lahat na magsiuwi at manalangin para sa tagumpay ng Vikings! Tumayo ako at umalis. Ang mababaw na kaisipan na iniuugnay sa Diyos sa paimbabaw na mga gawain sa isports ay nakayayamot sa akin hanggang sa ngayon.
Samantalang ako’y nagtatrabaho sa Duluth, Minnesota, isang kaibigan ang nag-iwan ng isang magasing Bantayan sa aking apartment. Binasa ko ang pagtalakay nito ng Mateo kabanata 24, at ito’y pawang totoo. Pinag-isip ako nito, ‘Sino ba itong mga Saksi ni Jehova? Sino ba si Jehova?’ Hindi ako nagkaroon ng mga kasagutan hanggang noong 1975. Ang kaibigan ko ring iyon ang nag-iwan sa akin ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggana at isang Bibliya.
Nang gabing iyon ay binasa ko ang aklat. Sa katapusan ng unang kabanata, alam kong natagpuan ko na ang katotohanan. Para bang naalis ang isang lambong sa aking isipan. Tinapos ko ang aklat, at kinabukasan ako’y nagtungo sa kabilang kalsada sa ilang kapitbahay na Saksi at hiniling ko sa kanila na aralan ako sa Bibliya.
Tinalikdan ko ang mga plano kong maglakbay tungo sa Brazil at nagsimula akong dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Sa tulong ni Jehova, lubusan kong naihinto ang droga at alak, nakaalpas pagkalipas ng 12 taon ng pagdepende rito. Sa loob ng ilang buwan, ako’y nakikibahagi na sa ministeryo sa bahay-bahay.
Gayunman, may problema akong dapat harapin. Hindi ako kailanman nagkaroon ng isang permanenteng trabaho, at ang mismong ideya na nakatali sa isang iskedyul ay ayaw na ayaw ko. Ngayon ay kailangan kong maging isang responsableng tao, yamang minsan pang pumasok si Debi sa aking buhay. Idini-date ko siya noon; subalit nag-aaral siya sa kolehiyo upang maging isang guro, at ako naman ay magiging isang musikero. Ngayon ay tinanggap din niya ang katotohanan ng Bibliya, at kami’y muling naging malapit sa isa’t isa. Kami’y nagpakasal at pagkatapos kami’y nabautismuhan bilang mga Saksi sa Sault Sainte Marie, Ontario, Canada, noong 1976. Nang maglaon, kami’y nagkaroon ng apat na anak—tatlong lalaki at isang babae.
Upang paglaanan ang aking pamilya, nagbukas ako ng isang tindahan ng musika at nagturo ng jazz improvisation at gitara. Namahala rin ako ng isang maliit na recording studio at paminsan-minsan ay tumutugtog ako sa mga nightclub. Pagkatapos, hindi ko inaasahan, dumating ang mga pagkakataon sa akin upang makabalik sa nangungunang propesyonal na daigdig ng musika. Tatlong beses akong nilapitan upang tumugtog bilang backup para sa kilalang mga mang-aawit. Narito ang aking malaking pagkakataon—sa katunayan, ang aking ikatlo sa loob ng dalawang taon. Ako’y inalok na magtungo sa Los Angeles, California, upang tumugtog na kasama ng isang kilalang grupong jazz. Subalit batid kong ito’y mangangahulugan ng pagbabalik sa madalas na pagbibiyahe, mga konsiyerto, at mga sesyon sa pagrerekord. Pinag-isipan ko ang alok sa loob halos ng limang segundo at magalang na nagsabi, “Salamat na lamang po.” Ang basta pag-alaala sa aking nakalipas na buhay sa droga, alak, at panganib mula sa mga butangero ay nagpangyari sa akin na matanto na hindi ito sulit. Ang aking bagong buhay bilang isang Kristiyano kasama ng aking asawa at mga anak ay mas mahalaga sa akin.
Sa loob ng ilang taon ako’y nagtrabaho bilang isang broadcast engineer para sa mga programang pang-edukasyon at dokumentaryo na ipinalalabas sa telebisyong PBS (Public Broadcasting Service). Sa aking kasalukuyang trabaho, ako ang nag-aayos ng video communication sa Hopi Reservation para sa isang unibersidad sa gawing hilaga ng Arizona.
Balik sa Aking mga Kababayan
Dalawampung taon na ang nakalipas mula nang gawin ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova. Nakadalawampung taon na rin ako ng maligayang pag-aasawa. Si Debi, ang aming anak na lalaking si Dylan, na 19 anyos, at ang aming anak na babae, si Leslie, na 16 anyos, ay pawang nasa buong-panahong paglilingkod. Sa katunayan, si Dylan ngayon ay naglilingkod sa palimbagan at farm complex ng Samahang Watchtower sa Wallkill, New York. Ang aming dalawang nakababatang mga anak na lalaki, si Casey, 12 anyos, at si Marshall, 14, ay nag-alay kay Jehova at nabautismuhan kamakailan.
Tatlong taon na ang nakalipas nang tanggapin namin ang paanyaya na lumipat kung saan may mas malaking pangangailangan para sa pangangaral Kristiyano at nagtungo kami sa Keams Canyon, Arizona, upang maglingkod kasama ng Navajo at Hopi na mga Indian. Ako’y isang matanda sa kongregasyon. Isang kasiyahang mamuhay minsan pa na kasama ng mga Katutubong Amerikano. Dahil sa pagkakaiba sa pagitan ng kultura at mga kalagayan sa pamumuhay rito at doon sa karaniwang Amerikanong arabal, para bang pakiramdam nami’y nasa gawaing misyonero kami. Nilisan namin ang isang malaki, komportableng tahanan upang mamuhay—kaming anim—sa isang mas maliit na mobile home. Mas mahirap ang buhay rito. Maraming tahanan ang walang instalasyon ng mga tubo sa loob ng bahay, mga kasilyas lamang sa labas ng bahay. Ang ilang pamilya ay naglalakbay ng napakalayo kung taglamig upang kumuha lamang ng kahoy at uling. Ang tubig ay sinasalok sa mga balon ng bayan. Maraming kalsada ang hindi sementado at hindi makikita sa isang mapa. Bilang isang bata sa reserbasyon, tinanggap ko ang lahat ng iyan. Ngayon, pinahahalagahan namin ng pamilya ko kung gaano kalaking pagpapagal at enerhiya ang kinakailangan upang gawin lamang ang kailangang araw-araw na mga gawain sa buhay.
Bagaman ang mga Indian ay may sarili nilang hurisdiksiyon sa mga reserbasyon, nakakaharap pa rin nila ang katulad na mga problemang nagpapahirap sa lahat ng mga pamahalaan—alitang panloob, paboritismo, kakulangan ng mga pondo, paglustay, at krimen pa nga sa gitna ng kanilang mga opisyal at mga lider. Nakakaharap ng mga Indian ang mga salot ng alkoholismo, pag-abuso sa droga, kawalan ng trabaho, pag-abuso sa loob ng pamilya, at mga suliranin sa pag-aasawa at sa pamilya. Sinisisi pa rin ng ilan ang mga puti sa kanilang kasalukuyang kalagayan, subalit ang mga puti ay pinahihirapan din ng katulad na mga salot. Gayunman, sa kabila ng panggigipit mula sa pamilya, mga kaibigan, at katribo, maraming Katutubong Amerikano ang tumutugon sa gawaing pagtuturo sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova. Nauunawaan nila na ang pakikipagkaibigan sa Diyos ay sulit sa anumang halaga. Ang marami ay naglalakbay ng mahigit na 120 kilometro papunta lamang upang dumalo sa mga pulong Kristiyano. Maligaya naming ibinabahagi ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga Navajo at mga Hopi.
Inaasam-asam ko ang araw kapag ang pamamahala ni Jehova ay ‘dadalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa’ at kapag ang lahat ng masunuring sangkatauhan ay mamumuhay na magkasama sa kapayapaan at pagkakaisa bilang isang nagkakaisang pamilya. Ang buhay sa panahong iyon ay magiging gaya ng ninanais ko nang ako’y isang batang Chippewa sa Canada. (Apocalipsis 11:18; 21:1-4)—Gaya ng inilahad ni Burton McKerchie.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.; ngayo’y hindi na inililimbag.
[Larawan sa pahina 13]
Hinahanap ko ang mga sagot sa aking mga katanungan tungkol sa Diyos
[Mga larawan sa pahina 15]
Itaas: Ang aking pamilya at, sa kaliwa, isang kaibigang Navajo
Ibaba: Ang aming “mobile home” malapit sa Kingdom Hall