Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 7/8 p. 20-24
  • Pangalan ng Diyos ang Bumago ng Aking Buhay!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pangalan ng Diyos ang Bumago ng Aking Buhay!
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Buhay sa Reserbasyon
  • Pag-aasawa​—Ilusyon at Kabiguan
  • Ang Una Kong Ideya Tungkol sa Tunay na Diyos
  • Ang Aking Unang Pakikipag-usap sa mga Saksi
  • Ang Epekto ng mga Kristiyanong Pagpupulong
  • Dalawang Mabibigat na Desisyon
  • Pag-asa sa Hinaharap
  • Teokratikong Pagpapalawak sa Lupain ng mga Navajo
  • Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kanila?
    Gumising!—1996
  • Pagharap sa mga Hamon sa Naiibang Teritoryo
    Gumising!—2004
  • Sinubukan Kong Maglingkod sa Dalawang Panginoon
    Gumising!—2003
  • Kung Paano Naglaho ang Kanilang Daigdig
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 7/8 p. 20-24

Pangalan ng Diyos ang Bumago ng Aking Buhay!

AYON SA SALAYSAY NI SANDY YAZZIE TSOSIE

SA PAGSISIKAP na makapagtago, kami ng aking mga kapatid na babae ay nasa ilalim ng kama habang naghahagikgikan at naghahampasan noong kumatok ang mga Mormon sa aming pinto.a Nang sa wakas ay buksan ko ang pinto, walang-galang kong sinabi sa kanila na kami’y tradisyonal na Navajo at ayaw naming makipag-usap sila sa amin tungkol sa alinmang relihiyon ng mga puti.

Ang aming mga magulang ay pumunta sa istasyon ng mga kalakal para mámili ng mga pangangailangan. Sa paglubog pa ng araw ang balik nila. Nang sila’y umuwi, nalaman nila na hindi ako naging magalang sa mga Mormon. Binigyan nila ako ng magandang payo na huwag ko nang uulitin kailanman ang walang-galang na pakikitungo sa sinuman. Tinuruan kami na maging magalang at mabait sa mga tao. Natatandaan ko pa nang isang araw ay may isang di-inaasahang bisita na dumating. Nagluto ng pagkain ang aking mga magulang sa labas. Magiliw nilang inanyayahan ang bisita na maunang kumain, at pagkatapos ay kami naman.

Buhay sa Reserbasyon

Nakatira kami sa Howell Mesa, Arizona, siyam na milya sa hilagang-kanluran ng Hopi Indian Reservation, na malayo sa nagsisiksikang mga lunsod at bayan. Ito’y nasa timog-kanlurang Estados Unidos, na kinaroroonan ng pagkagagandang tanawin ng disyerto, na manaka-naka’y tinatampukan ng mga bunton ng kakaibang pulang batong-buhangin. Maraming mesa​—matataas at matatarik na talampas. Mula sa mga ito ay natatanaw namin ang aming nanginginaing mga tupa sa layong limang milya. Gustung-gusto ko ang katahimikan ng lupaing ito, ang aking lupang-tinubuan!

Noong ako’y haiskul, naging napakalapít ko sa aking mga pinsan na sumusuporta noon sa American Indian Movement (AIM).b Lubos kong ipinagmamalaki ang pagiging isang Katutubong Amerikano at sinasabi ko sa mga puti ang aking opinyon tungkol sa mga dekada ng paniniil, na sa palagay ko’y kagagawan ng Bureau of Indian Affairs (BIA). Di-gaya ng aking mga pinsan, hindi ko hayagang ipinakikita ang aking pagkapoot. Itinatago ko iyon sa aking dibdib. Iyan ang umakay sa akin upang mapoot sa sinumang may Bibliya.

Ikinatuwiran ko na Bibliya ang dahilan kung kaya nagkaroon ang mga puti ng kapangyarihang agawin ang aming lupain at mga karapatan at ang aming kalayaang magsagawa ng aming sariling sagradong mga seremonya! Pinalsipika ko pa nga ang pirma ng aking ama para hindi ako makasali sa mga relihiyosong seremonya ng Protestante at Katoliko kapag kami’y sapilitang pinagsisimba noong ako’y nasa boarding school. Ang intensiyon ng mga paaralang iyon ay upang mahubog kami at limutin namin ang aming pamanang Indian. Ni hindi nga kami pinagsasalita sa aming sariling wika!

Matindi ang aming paggalang sa kalikasan at sa aming kapaligiran. Tuwing umaga ay humaharap kami sa silangan, nagdarasal, at nagpapasalamat sa pamamagitan ng pagsasaboy ng polen ng sagradong mais.c Ito ang pormal na pagsasanay sa akin sa pagsamba ayon sa paraan ng mga Navajo, at may pagmamalaki kong tinanggap ito nang buong puso. Hindi ako naakit sa ideya ng Sangkakristiyanuhan hinggil sa pagpunta sa langit, ni naniwala man ako sa isang maapoy na pagpapahirap sa impiyerno. Nakatalaga ang puso ko na tumira sa lupa.

Kapag bakasyon namin sa paaralan, natatamasa ko ang pagkamalapit sa isa’t isa ng aming pamilya. Ang paglilinis ng hogan​—ang tirahan naming mga Navajo​—paghahabi, at pag-aalaga ng mga tupa ang aking araw-araw na rutin. Kaming mga Navajo ay maraming siglo nang mga pastol ng tupa. Tuwing lilinisin ko ang aming hogan (tingnan ang larawan sa ibaba), napapansin ko ang isang maliit na kulay-pulang aklat na naglalaman ng aklat ng Bibliya na Mga Awit at ilang aklat ng “Bagong Tipan.” Sinisipa-sipa ko lamang iyon, anupat hindi man lamang nagkainteres sa mga nilalaman at kahulugan niyaon. Pero hindi ko naman itinapon iyon.

Pag-aasawa​—Ilusyon at Kabiguan

Nang makapagtapos na ako sa haiskul, nagplano akong pumasok sa trade school sa Albuquerque, New Mexico. Gayunman, nakilala ko ang aking mapapangasawa bago ako umalis. Bumalik ako sa reserbasyon ng mga Navajo, na tinatawag naming Rez, upang mag-asawa. Maraming taon nang kasal ang aking mga magulang. Nais kong sundan ang kanilang mga yapak, kaya nag-asawa rin ako. Gustung-gusto ko ang pagiging isang maybahay at siyang-siya ako sa aming buhay pampamilya, lalo na nang isilang ang aming anak na lalaki na si Lionel. Masayang-masaya kaming mag-asawa​—hanggang sa narinig ko na lamang isang araw ang napakasakit na balita!

May ibang babae ang aking asawa! Winasak ng kaniyang kataksilan ang aming pagsasama. Halos mabaliw ako at gayon na lamang ang aking pagkamuhi sa kaniya. Gusto kong maghiganti! Subalit habang pinaglalabanan namin sa aming diborsiyo ang aming anak at pinansiyal na suporta, naging malulungkutin na ako, anupat pakiramdam ko’y wala na akong halaga at pag-asa. Tumatakbo ako noon nang milya-milya upang maibsan ang aking kalungkutan. Madali akong umiyak at nawalan na ng ganang kumain. Pakiramdam ko’y nag-iisa na lamang ako.

Pagkalipas ng ilang panahon, nagkaroon ako ng kaugnayan sa isang lalaking tulad ko ring may problema sa asawa. Parehong naghihirap ang aming kalooban. Nakiramay siya sa aking damdamin at naglaan ng emosyonal na suportang kailangan ko. Sinabi ko sa kaniya ang nasa kaibuturan ng aking isip at damdamin tungkol sa buhay. Nakinig naman siya, na nagpakitang nagmamalasakit siya. Nagplano kaming magpakasal.

Pagkatapos ay natuklasan kong isa rin pala siyang taksil! Bagaman mahirap at masakit, iwinaksi ko siya sa aking buhay. Pakiramdam ko’y itinakwil ako at lubha akong nanlumo. Galit na galit ako, gusto kong maghiganti at magpatiwakal. Dalawang beses kong tinangkang tapusin ang aking buhay. Gusto ko nang mamatay.

Ang Una Kong Ideya Tungkol sa Tunay na Diyos

Marami akong iniluha habang nagdarasal sa isang Diyos na hindi ko kilala. Subalit may tendensiya akong maniwala na may isang Kataas-taasang Persona na lumalang sa kagila-gilalas na uniberso. Napukaw ang aking pag-uusisa ng magagandang paglubog ng araw at binulay-bulay ko ang kabaitan ng Personang iyon sa pagpapahintulot sa atin na masiyahan sa mga kababalaghang ito. Unti-unti kong minahal ang personang iyon na hindi ko kilala. Sinimulan kong sabihin sa kaniya: “Diyos ko, kung talaga pong umiiral kayo, tulungan po ninyo ako, gabayan po ninyo ako, at pasayahin po ninyo akong muli.”

Samantala, nabahala ang aking pamilya, lalo na ang aking ama. Umupa ang aking mga magulang ng mga albularyo upang pagalingin ako. Sinabi ng aking ama na ang isang magaling na albularyo ay hinding-hindi humihingi ng pera, at tinutupad niya ang kaniyang adhikain. Upang mapaluguran ang aking mga magulang, ilang beses akong sumali sa mga relihiyosong seremonya ng Blessing Way ng mga Navajo.

Maraming araw akong nagmukmok sa loob ng hogan na ang tanging katabi ay isang radyo. Galit ako habang pinakikinggan ang mga paghatol ng isang klerigo dahil sa ayaw kong tanggapin si Jesus sa aking puso. Inis na inis ako! Sawang-sawa na ako sa relihiyon ng mga puti at maging sa aking sariling relihiyon! Nagpasiya akong hanapin ang Diyos sa aking sariling paraan.

Sa aking pagmumukmok, muli kong napansin ang maliit na kulay-pulang aklat na iyon. Natuklasan kong iyon pala’y bahagi ng Bibliya. Sa pagbabasa ng Mga Awit, napag-alaman ko ang tungkol sa pagdurusa at panlulumo ni Haring David, at nakadama ako ng kaaliwan. (Awit 38:1-22; 51:1-19) Gayunman, dahil sa aking amor propyo, binale-wala ko ang lahat ng nabasa ko. Hinding-hindi ko matatanggap ang relihiyon ng mga puti.

Sa kabila ng aking panlulumo, naalagaan ko pa ring mabuti ang aking anak. Siya ang pinagmulan ng aking pampatibay-loob. Nagsimula akong manood ng relihiyosong mga programa sa TV na may mga padasal. Inangat ko ang telepono at desperadong tumawag sa isang numerong 800 para humingi ng tulong. Ibinagsak ko ang telepono nang sabihin sa akin na kailangan kong mag-abuloy ng $50 o $100!

Ang mga paglilitis sa hukuman para sa diborsiyo ay naging dahilan ng aking panlulumo, lalo na kapag nakikita kong nagsisinungaling ang aking asawa sa hukom ng tribo. Natagalan din bago natapos ang aming kaso sa diborsiyo dahil sa paglalaban namin kung kanino dapat mapunta ang aming anak. Ngunit nanalo ako. Maibigin akong sinuportahan ng aking ama sa panahon ng paglilitis nang walang salita. Nakita niyang labis akong nasaktan.

Ang Aking Unang Pakikipag-usap sa mga Saksi

Ipinasiya kong mamuhay nang paisa-isang araw. Minsan ay napansin ko ang isang pamilyang Navajo na nakikipag-usap sa aking mga kapitbahay. Hindi ko mapigilang matyagan sila. Ang mga bisita ay nagsasagawa ng isang uri ng pagbabahay-bahay. Pumunta rin sila sa aming tahanan. Si Sandra, isang Navajo, ay nagpakilala bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang pangalang Jehova ang nakatawag ng aking pansin higit sa anupaman. Sinabi ko: “Sinong Jehova? Tiyak na kayo’y isang bagong relihiyon. Bakit hindi itinuro sa akin ang pangalan ng Diyos sa simbahan?”

May-kabaitan niyang binuksan ang kaniyang Bibliya sa Awit 83:18, na nagsasabi: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Ipinaliwanag niya na ang Diyos ay may personal na pangalan at na ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay isang saksi para kay Jehova. Nag-alok siyang turuan ako tungkol kay Jehova at kay Jesus at nag-iwan sa akin ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.d Sa tuwa ko, sinabi kong: “Oo. Gusto kong subukan ang bagong relihiyong ito!”

Natapos ko ang aklat sa loob ng magdamag. Bago at naiiba ang mga nilalaman nito. Ipinaliwanag nito na may layunin ang buhay, at iyon ang kailangan ko upang mapanauli ang aking interes sa buhay. Sinimulan kong pag-aralan ang Bibliya, at laking tuwa ko nang masagot mula sa Bibliya ang marami sa aking mga tanong. Pinaniwalaan kong lahat ang aking natutuhan. Makatuwiran ito, at ito na nga ang katotohanan!

Sinimulan kong ituro kay Lionel ang katotohanan sa Bibliya nang siya’y anim na taóng gulang. Nanalangin kaming magkasama. Pinalakas namin ang isa’t isa taglay sa isipan na nagmamalasakit si Jehova at na kailangang magtiwala kami sa kaniya. Kung minsan ay nawawalan ako ng lakas na harapin ang mga problema. Gayunman, napakalaki ng naitulong ng pagyakap ng kaniyang maliliit na bisig, kasabay ng may-tiwala at may-katiyakang pagsasabing, “Huwag na po kayong umiyak, Inay, aalagaan tayo ni Jehova.” Napakalaking kaaliwan niyan sa akin at nagbigay sa akin ng determinasyon na ipagpatuloy ang pag-aaral ng Bibliya! Walang lubay akong nanalangin para humingi ng patnubay.

Ang Epekto ng mga Kristiyanong Pagpupulong

Ang aming pagtanaw ng utang na loob kay Jehova ang nag-udyok sa amin upang maglakbay ng 240 kilometro, balikan, para makadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Tuba City. Dumadalo kami nang dalawang beses sa isang linggo kung tag-araw at buong maghapon ng Linggo kung mga buwan ng taglamig dahil sa masamang lagay ng panahon. Minsan nang masiraan kami ng sasakyan, nakisakay kami patungo sa Kingdom Hall. Nakapapagod ang mahahabang paglalakbay, subalit ang sinabi ni Lionel na hindi kami dapat lumiban sa pulong malibang naghihingalo na kami ay nagkintal sa akin ng kahalagahan ng di-pagwawalang-bahala sa espirituwal na instruksiyon mula kay Jehova.

Sa mga pulong, madali akong mapaluha kapag kinakanta namin ang mga awiting pang-Kaharian na nagdiriin ng buhay na walang hanggan na wala nang mga kahirapan sa buhay. Nakakuha ako ng kaaliwan at pampatibay-loob mula sa mga Saksi ni Jehova. Sinunod nila ang landas ng pagiging mapagpatuloy sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa amin sa kanilang mga tahanan para mananghalian at magmeryenda, at nakisali kami sa kanilang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Nagpakita sila sa amin ng interes at sila’y nakinig. Ang matatanda lalo na ang gumanap ng isang mahalagang papel upang pakitaan kami ng empatiya at patibayin ang aming pananalig na nagmamalasakit ang Diyos na Jehova. Maligaya ako sa pagkakaroon ng tunay na mga kaibigan. Sila’y nakapagpapagaan ng kalooban at umiyak pa ngang kasama ko nang akala ko’y hindi ko na kayang magpatuloy pa.​—Mateo 11:28-30.

Dalawang Mabibigat na Desisyon

Kung kailan kontento na ako sa mga paglalaan ni Jehova, saka naman bumalik ang aking kasintahan upang makipagkasundo. Mahal ko pa rin siya at hindi ko matanggihan ang kaniyang mga pakiusap. Nagplano kaming magpakasal. Akala ko’y mababago siya ng katotohanan. Iyan ang pinakamalaking pagkakamali ko sa buhay! Hindi ako naging maligaya. Lubha akong binagabag ng aking budhi. Sa aking pagkabahala, inayawan niya ang katotohanan.

Nagtapat ako sa isa sa matatanda. Nangatuwiran siya sa akin mula sa Kasulatan at nanalanging kasama ko para sa aking magiging desisyon. Napag-isip-isip kong hindi ako kailanman sasaktan o dudulutan ni Jehova ng kirot pero magagawa iyon ng di-sakdal na mga tao, gaano man natin sila kamahal. Sa katunayan, natutuhan kong walang seguridad sa pagsasama nang di-kasal. Nagpasiya ako. Napakahirap at napakasakit tapusin ang relasyong ito. Bagaman mahihirapan ako sa pinansiyal, kinailangan kong magtiwala kay Jehova nang aking buong puso.

Mahal ko si Jehova at ipinasiya kong maglingkod sa kaniya. Noong Mayo 19, 1984, sinagisagan ko ang pag-aalay ng aking buhay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Ang aking anak na si Lionel ay isa ring bautisadong Saksi ni Jehova. Tumanggap kami ng maraming pag-uusig mula sa aking pamilya at dating asawa, subalit patuloy naming inilagay sa mga kamay ni Jehova ang mga bagay-bagay. Hindi kami nabigo. Huminahon ang aking pamilya at tinanggap nila ang aming bagong paraan ng pamumuhay pagkalipas ng 11 mahahabang taon.

Mahal na mahal ko sila, at ang tangi kong hangarin ay ang bigyan nila si Jehova ng pagkakataon upang lumigaya rin sila. Buong-tapang akong ipinagtanggol ng aking ama, na nag-akalang naulila na siya sa akin dahil sa panlulumo at pagpapatiwakal. Masaya na siyang makita na ako’y maligaya nang muli. Natuklasan kong ang pananalangin kay Jehova, pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, at pagkakapit ng Salita ng Diyos ay mahalaga upang maghilom ang nasugatang damdamin.

Pag-asa sa Hinaharap

Inaasam-asam ko ang panahon na lahat ng bakas ng pagdurusa, di-kasakdalan, kasinungalingan, at poot ay lubusan nang mawawala. Naguguniguni ko ang lupain naming mga Navajo na hitik na hitik sa walang-katapusang pananim, lakip ang mga punungkahoy ng milokoton (peach) at apricot na dati’y naririto. Nakikini-kinita ko ang kagalakan ng iba’t ibang tribo na nakikibahagi sa pagbabago ng kanilang tigang na lupang-tinubuan tungo sa isang magandang paraiso sa tulong ng mga ilog at ulan. Naguguniguni ko na ibinabahagi namin ang lupain sa aming mga karatig na Hopi at iba pang mga tribo sa halip na maging magkakaribal na gaya nitong kamakailang kasaysayan. Nakikita ko ngayon kung paano pinagkakaisa ng Salita ng Diyos ang lahat ng lahi, tribo, at angkan. Makikita ko sa hinaharap ang muling pagsasama-sama ng mga pamilya at mga kaibigan at ng kanilang namatay na mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Iyon ay magiging isang panahon ng malaking pagsasaya taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan. Hindi ko maubos-maisip na may sinumang tatanggi na matutuhan ang tungkol sa napakagandang pag-asang ito.

Teokratikong Pagpapalawak sa Lupain ng mga Navajo

Nakatutuwang makita ang isang Kingdom Hall sa Tuba City at mapagmasdan ang pagsulong ng apat na kongregasyon sa mga reserbasyon ng Navajo at Hopie​—ang Chinle, Kayenta, Tuba City, at Keams Canyon. Nang una akong magpatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro noong 1983, naguguniguni ko lamang noon na balang araw ay pangangasiwaan ito sa wikang Navajo. Ngayon, hindi na ito bunga lamang ng aking guniguni. Mula noong 1998, ang paaralan ay pinangangasiwaan na sa wikang Navajo.

Ang pagsasabi sa iba na may personal na pangalan ang Diyos ay nagdulot ng walang-katapusang pagpapala. Ngayong nababasa at naibabahagi ko na ang nakapagpapatibay-pananampalatayang pananalita sa aming sariling katutubong wika na masusumpungan sa mga brosyur na Nihookáá’gi Hooláágóó liná Bahózhoóodoo! (Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!), Ha’át’fíísh éí God Nihá yee Hool’a’? (Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?), at ang pinakabago, Ni Éí God Bik’is Dííleelgo Át’é! (Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos!), labis-labis ang aking katuwaan anupat di-kayang maipaliwanag ng mga salita. Nagpapasalamat ako sa uring tapat at maingat na alipin dahil sa pangunguna sa gawaing pagtuturong ito ng Bibliya upang ang lahat ng bansa at tribo at wika ay makinabang, kabilang na ang mga taong Navajo, ang Diné.​—Mateo 24:45-47.

Buong panahon ang aking trabaho upang suportahan ang aking sarili subalit regular akong nakapag-o-auxiliary pioneer. Pinahahalagahan ko ang aking pagiging walang asawa at hinahangad na paglingkuran si Jehova nang walang hadlang. Nasisiyahan ako at naliligayahan na sabihin sa aking mga kababayan at sa iba, lalo na sa mga nawawalan ng pag-asa, na “si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”​—Awit 34:18.

Hindi ko na nadaramang ang Bibliya ay relihiyon ng mga puti. Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay para sa lahat ng gustong matuto at magkapit nito. Kapag may dumalaw na mga Saksi ni Jehova sa iyo, hayaan mong ipakita nila sa iyo kung paano ka magiging tunay na maligaya. Dala nila sa iyo ang mabuting balita ng pangalan ng Diyos na si Jehova, ang pangalang bumago sa aking buhay! “Aoo,’ Diyin God bízhi’ Jiihóvah wolyé.” (“Oo, ang pangalan ng Diyos ay Jehova.”)

[Mga talababa]

a Para sa detalyadong impormasyon tungkol sa relihiyon ng Mormon, tingnan ang Gumising!, Nobyembre 8, 1995.

b Ang AIM ay isang organisasyon ukol sa karapatang sibil na itinatag ng isang Katutubong Amerikano noong 1968. Palagi nitong pinupuna ang BIA, isang ahensiya ng pamahalaan na itinatag noong 1824, na diumano’y magtataguyod ng kapakanan ng mga Indian sa bansa. Madalas na nagpapaupa ang BIA ng mineral, tubig, at iba pang mga karapatan sa mga reserbasyon sa mga hindi Indian.​—World Book Encyclopedia.

c Ang polen ay itinuturing na isang sagradong sangkap at ginagamit sa pagdarasal at mga ritwal, na sumasagisag sa buhay at pagbabago. Naniniwala ang mga Navajo na ang katawan ay nagiging banal kapag ang isa’y naglalakbay sa isang landas na sinabuyan ng polen.​—The Encyclopedia of Native American Religions.

d Inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na inililimbag ngayon.

e Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang seryeng “Mga Amerikanong Indian​—Anong Kinabukasan ang Naghihintay sa Kanila?” sa Setyembre 8, 1996, isyu ng Gumising!

[Larawan sa pahina 21]

Isang karaniwang hogan ng mga Navajo

[Larawan sa pahina 21]

Kasama ang aking anak na si Lionel

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ang mga kaibigang Ruso sa internasyonal na kombensiyon sa Moscow noong 1993

[Larawan sa pahina 24]

Kasama ang aking espirituwal na pamilya sa Kayenta Congregation, Arizona

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share