Kung Paano Naglaho ang Kanilang Daigdig
SA LOOB ng maraming taon ang kasaysayan ng Estados Unidos ay binuo sa pananalitang, “Paano nadaig ang Kanluran (How the West was won).” Ipinakita ng mga pelikula sa Hollywood ang pagtawid ng mga dayuhang puti sa mga kapatagan at bundok ng Amerika, na may mga ala-John Wayne na mga sundalo, mga koboy, at mga dayuhang nakikipaglaban sa mababagsik, malulupit, namamalakol na mga Indian. Habang ang mga puti ay naghahanap ng lupain at mga ginto, ang ilan sa mga pari at pastor ng Sangkakristiyanuhan ay nagliligtas naman diumano ng mga kaluluwa.
Paano minamalas ang kasaysayang iyan mula sa pananaw ng naunang tagaroon, ang mga katutubo sa Amerika? Sa pagdating ng mga Europeo, “napilitang harapin [ng mga Indian] ang pagpasok sa kanilang kapaligiran ng pinakagahamang tulisan na kailanma’y nakaharap nila: ang mga mananalakay na puting Europeo,” sabi ng aklat na The Native Americans—An Illustrated History.
Pagkakasundong Humantong sa Sigalot
Sa pasimula, ang marami sa mga Europeo na unang dumating sa Hilagang-Silangan ng Amerika ay pinakitunguhan ng mga katutubo nang may kabaitan at pakikipagkaisa. Sabi ng isang ulat: “Kung hindi dahil sa tulong ng mga Powhatan, ang Britanong kolonya sa Jamestown, Virginia, ang unang permanenteng kolonya ng Inglatera sa Bagong Daigdig, ay hindi sana nakatagal sa una nitong pagdanas ng napakatinding taglamig noong 1607-08. Gayundin naman, nabigo sana ang dayuhang kolonya sa Plymouth, Massachusetts, kung hindi dahil sa tulong ng mga Wampanoag.” Ipinakita ng ilang katutubo sa mga dayuhan kung paano ang pagpapataba sa lupa at pagpapatubo ng mga pananim. At magiging gaano katagumpay kaya ang ekspedisyong Lewis at Clark noong 1804-06—upang makakita ng isang praktikal na madaraanan sa pagitan ng Louisiana Territory at ng tinatawag ngayon na Oregon Country—kung walang tulong at pakikialam ng babaing si Sacagawea na isang Shoshone? Siya ang kanilang naging “sagisag ng kapayapaan” nang makasagupa nila ang mga Indian.
Subalit, dahil sa paraan ng paggamit ng mga Europeo sa lupain at sa limitadong mapagkukunan ng pagkain, ang pagdagsa ng mga dayuhan sa Hilagang Amerika ay nagdulot ng tensiyon sa pagitan ng mga nandarayuhan at ng mga katutubo. Ipinaliwanag ng taga-Canadang istoryador na si Ian K. Steele na noong ika-17 siglo, may 30,000 Narragansett sa Massachusetts. Ang kanilang puno na si Miantonomo, “palibhasa’y nakararamdam ng panganib, . . . ay nagsikap na mapalawak pa ang pakikipag-alyansa sa mga Mohawk upang makalikha ng matatag na panlahatang kilusan ng pagtatanggol na Amerindian.” Iniulat na sinabi niya sa mga Montauk noong 1642: “[Dapat] tayong magkaisa na gaya nila [mga Ingles], kung hindi ay agad tayong malilipol na lahat, sapagkat alam ninyong maraming usa at mga balat ng hayop ang ating mga ninuno, ang ating kapatagan ay punô ng mga usa, gaya rin ng ating mga kagubatan, at ng mga [pabo], at ang ating mga loók ay punô ng mga isda at mga labuyo. Ngunit matapos kamkamin ng mga Ingles na ito ang ating lupain, pinutol nila ang mga damo ng kanilang mga karit, at itinumba ang mga punungkahoy ng kanilang mga palakol; kinain ng kanilang mga baka at kabayo ang damo, at sinira ng kanilang mga baboy ang ating mga paros sa dalampasigan, at tiyak na magugutom tayong lahat.”—Warpaths—Invasions of North America.
Ang pagsisikap ni Miantonomo na makabuo ng isang nagkakaisang paninindigan sa mga Katutubong Amerikano ay nabigo. Noong 1643, sa isang digmaang pantribo, nabihag siya ng Pinunong si Uncas mula sa tribo ng mga Mohegan, na nagsuko sa kaniya sa mga Ingles bilang isang rebelde. Sa legal na paraan ay hindi mahatulan at maipapatay ng mga Ingles si Miantonomo. Nakaisip sila ng mabuting paraan. Nagpatuloy si Steele: “Palibhasa’y hindi maipapatay [si Miantonomo], na labas sa hurisdiksiyon ng alinman sa mga kolonya, ipinapatay siya ng mga komisyonado kay Uncas, na may sumaksing mga Ingles upang matiyak na ito’y naisagawa.”
Ipinakikita nito hindi lamang ang madalas na labanan ng nandarayuhang mga kolonista at ng mga naninirahang katutubo kundi gayundin naman ang nakapipinsalang alitan at pagtataksil sa gitna ng mga tribo, na umiiral na bago pa man nakarating sa Hilagang Amerika ang mga puti. Ang mga Britano, sa kanilang pakikidigma sa mga Pranses para sa kolonyal na pananakop sa Hilagang Amerika, ay kinampihan ng ilang tribo, samantalang ang iba naman ay sumuporta sa mga Pranses. Alinmang panig ang matalo, lahat ng tribong nasangkot ay dumanas ng malaking pinsala.
“Agwat ng Di-Pagkakaunawaan”
Ito ang isang pangmalas ng pananakop ng mga Europeo: “Ang hindi maunawaan ng mga lider ng mga bansang Indian, madalas na hanggang sa ito’y huli na, ay kung paano minamalas ng mga Europeo ang mga Indian. Sila’y hindi itinuturing na puti o Kristiyano. Sila’y mga taong-bundok—mararahas at malulupit—sa isip ng marami, isang peligroso at manhid na paninda sa mga mangangalakal ng mga alipin.” Ang ugaling ito ng pagiging mapagmataas ay nagbunga ng mapangwasak na epekto sa mga tribo.
Ang pangmalas ng mga Europeo ay hindi maunawaan ng mga Katutubong Amerikano. May “isang agwat ng di-pagkakaunawaan,” gaya ng tawag dito ng tagapayong Navajo na si Philmer Bluehouse sa kamakailang pakikipanayam sa Gumising! Hindi mababa ang pangmalas ng mga katutubo sa kanilang sibilisasyon kundi, sa halip, naiiba, anupat may lubos na naiibang mga pamantayan. Bilang halimbawa, ang pagbebenta ng lupain ay walang-wala sa isipan ng mga Indian. Maaangkin mo ba at maipagbibili ang papawirin, ang hangin, ang tubig? Kung gayon ay paano maaangkin at maipagbibili ng isa ang lupa? Iyan ay naririto para gamitin ng lahat. Samakatuwid, hindi binakuran ng mga Indian ang lupain.
Sa pagdating ng mga Britano, Kastila, at Pranses, naganap ang inilalarawan bilang isang “kapaha-pahamak na pagtatagpo ng dalawang magkaibang kultura.” Ang lehitimong populasyon ay mga taong sa loob ng daan-daang taon ay natutong mamuhay na kasuwato ng lupain at ng kalikasan at nakaaalam kung paano mabubuhay nang hindi sinisira ang pagiging timbang ng kapaligiran. Subalit, di-nagtagal at minalas ng mga puti ang mga taál na tagaroon bilang mas mababa, mababagsik na kinapal—na dahil sa pansariling pakinabang ay kinalimutan ang kanilang sariling kalupitan sa panunupil sa kanila! Noong 1831, binuo ng Pranses na istoryador na si Alexis de Tocqueville ang nangingibabaw na opinyon ng mga puti tungkol sa mga Indian: “Sila’y hindi ginawa ng langit na maging sibilisado; sila’y kailangang mamatay.”
Ang Pinakamabagsik na Mamamatay-Tao
Nang pumasok pakanluran ang mga bagong dayuhan patawid sa Hilagang Amerika, nagpatuloy ang paghihigantihan sa pamamagitan ng karahasan. Kaya mga Indian man o mga Europeo ang unang sumalakay, ang bawat panig ay kapuwa gumagawa ng kabuktutan. Kinatatakutan ang mga Indian dahil sa kanilang reputasyon ng pag-aalis ng anit ng kaaway, isang gawang ipinalalagay ng ilan na natutuhan nila sa mga Europeo na nagkakaloob ng kabayaran para sa mga anit. Gayunman, ang mga Indian ay naging talunan dahil sa nakahihigit na lakas ng kalaban—sa bilang at sa mga sandata. Kadalasa’y napipilitang umalis na lamang ang mga tribo sa lupain ng kanilang mga ninuno o kaya’y mamatay na sila roon. Madalas na kapuwa ito nangyayari—nililisan nila ang kanilang lupain at pagkatapos ay napapatay o namamatay dahil sa sakit at gutom.
Magkagayunman, hindi ang kamatayan sa pakikidigma ang pangunahing dahilan ng pagkaubos ng mga tribong katutubo. Sumulat si Ian K. Steele: “Ang pinakamabagsik na sandata sa pagsalakay sa Hilagang Amerika ay hindi baril, kabayo, Bibliya, o Europeong ‘sibilisasyon.’ Iyon ay ang salot.” Hinggil sa epekto ng mga sakit ng Matandang Sanlibutan (Silangang hemispero) sa mga lupain sa Amerika, ganito ang sabi ni Patrica Nelson Limerick, propesor ng kasaysayan: “Nang madala sa Bagong Sanlibutan (Kanlurang Hemispero), ang mga sakit na ito [na kung ilang siglo muna bago naligtasan ng mga Europeo]—ang bulutung-tubig, tigdas, trangkaso, malarya, yellow fever, tipus, tuberkulosis, at, higit sa lahat, bulutong—ay kumalat agad. Ang namamatay sa sunud-sunod na mga nayon ay umabot sa 80 o 90 porsiyento.”
Inilarawan ni Russell Freedman ang epidemya ng bulutong na kumalat noong 1837. “Ang unang tinamaan ay ang mga Mandan, mabilis na sumunod ang mga Hidatsa, ang mga Assiniboin, ang mga Arikara, ang mga Sioux, at ang mga Blackfoot.” Halos maubos na lahat ang mga Mandan. Mula sa populasyon na mga 1,600 noong 1834, sila’y nangaunti hanggang 130 na lamang noong 1837.
Ano ang Nangyari sa mga Kasunduan?
Hanggang sa araw na ito ay saulado pa ng matatanda ng tribo ang petsa ng mga kasunduang nilagdaan ng pamahalaan ng E.U. sa harap ng kanilang mga ninuno noong ika-19 na siglo. Ngunit ano ba talaga ang inilalaan ng mga kasunduang iyon? Kadalasan na’y ang nakapipinsalang pakikipagpalit ng mabuting lupain sa isang tigang na reserbadong lupain at sa pag-asa sa gobyerno para sa kanilang ikabubuhay.
Ang isang halimbawa ng panghahamak na naranasan ng mga tribong tagaroon ay ang kaso ng mga lupain ng Iroquois (mula silangan hanggang kanluran, Mohawk, Oneida, Onondaga, Cayuga, at Seneca) pagkatapos na magapi ng mga kolonistang Amerikano ang mga Britano sa digmaan ng pagsasarili, na nagwakas noong 1783. Ang mga Iroquois ay kumampi sa mga Britano, at ang napala nila, ayon kay Alvin Josephy, Jr., ay ang pagpapabaya at pang-iinsulto. “Isinuko [ng mga Britano] sa Estados Unidos ang pamamahala sa mga lupain ng mga Iroquois nang hindi man lamang isinaalang-alang [ang mga ito].” Idinagdag pa niya na maging ang mga Iroquois na kumampi naman sa mga kolonistang laban sa mga Britano “ay pinuwersa ng sakim na mga negosyante at mangangalakal ng lupa at ng pamahalaan mismo ng Amerika.”
Nang itawag ang isang pulong para sa kasunduan noong 1784, tinagubilinan ni James Duane, isang dating kinatawan ng Continental Congress’ Committee on Indian Affairs, ang mga ahente ng pamahalaan na “pahinain ang anumang natitirang pagtitiwala-sa-sarili ng mga Iroquois sa pamamagitan ng sadyang pagpapamukha sa kanila na sila’y mababang uri.”
Ang kaniyang palalong mungkahi ay isinagawa. Sinakop ang ilang Iroquois bilang mga bihag, at ang mga “negosasyon” ay isinagawa sa dulo ng baril. Bagaman itinuturing nilang sila’y hindi naman nadaig sa labanan, kinailangang isuko ng mga Iroquois ang lahat ng kanilang lupain sa kanluran ng New York at Pennsylvania at tanggapin ang isang maliit na sukat ng lupang reserbasyon sa New York State.
Gayunding taktika ang ginamit sa karamihan ng mga tribong tagaroon. Sinabi rin ni Josephy na ang mga ahenteng Amerikano ay gumamit ng “panunuhol, pananakot, alkohol, at pagkontrol sa mga di-awtorisadong kinatawan sa pagtatangkang agawin ang lupain sa mga Delaware, Wyandot, Ottawa, Chippewa [o Ojibwa], Shawnee, at iba pang mga lupain sa Ohio.” Hindi nga kataka-taka na di-nagtagal ay nawalan ng tiwala ang mga Indian sa mga puti at sa kanilang mga pangakong napapako!
Ang “Mahabang Paglalakad” at ang Landas ng mga Luha
Nang sumiklab ang Digmaang Sibil sa Amerika (1861-65), itinaboy nito ang mga sundalo papalayo sa lugar ng mga Navajo sa Timog-kanluran. Sinamantala ng mga Navajo ang pansamantalang pamamahingang ito upang salakayin ang mga kolonyang Amerikano at Mexicano sa Rio Grande Valley sa teritoryo ng New Mexico. Ipinadala ng pamahalaan si Koronel Kit Carson at ang kaniyang New Mexico Volunteers upang masawata ang mga Navajo at upang mailipat sila sa isang reserbadong lupain na nasa isang tigang na piraso ng lupaing tinatawag na Bosque Redondo. Itinaguyod ni Carson ang pagsira sa mga ani ng lupain upang magutom at mapalayas ang mga Navajo mula sa kahanga-hangang Canyon de Chelly, sa hilagang-silangan ng Arizona. Pininsala pa man din niya ang mahigit na 5,000 puno ng milokoton (peach).
Tinipon ni Carson ang humigit-kumulang 8,000 Navajo at pinuwersa sila sa “Mahabang Paglalakad” na halos 300 milya patungo sa kampong piitan sa Bosque Redondo sa Fort Sumner, New Mexico. Sabi ng ulat: “Nanunuot ang lamig ng panahon, at ang maraming tapon na kulang sa makapal na damit at pagkain ay nangamatay sa daan.” Napakahirap ng kalagayan sa reserbadong lupain. Kinailangang hukayin ng mga Navajo ang lupa sa pagsisikap na makasumpong ng masisilungan. Noong 1868, pagkatapos mapagtanto ang napakalaki nilang pagkakamali, binigyan ng pamahalaan ang mga Navajo ng 3.5 milyong acre ng lupang tinubuan ng kanilang mga ninuno sa Arizona at New Mexico. Umuwi sila, ngunit anong laking hirap muna ang kanilang dinanas!
Sa pagitan ng 1820 at 1845, sampu-sampung libong mga Choctaw, Cherokee, Chickasaw, Creek, at Seminole ang pinalayas sa kanilang lupain sa Timog-silangan at pinuwersang magmartsa pakanluran, sa ibayo ng Mississippi River, patungo sa ngayo’y Oklahoma, daan-daang kilometro ang layo. Sa malupit na kalagayan ng taglamig, marami ang namatay. Ang sapilitang pagmartsa pakanluran ay naging napakasamang tulad ng Landas ng mga Luha.
Ang kawalang-katarungang ginawa sa mga Katutubong Amerikano ay pinatunayan pa ng pananalita ng Amerikanong heneral na si George Crook, na tumugis sa mga Sioux at Cheyenne sa hilaga. Sinabi niya: “Halos hindi pinakinggan kailanman ang panig ng mga Indian. . . . Nang magsimula ang pag-aalsa [ng mga Indian] saka naman bumaling ang atensiyon ng madla sa mga Indian, anupat hinahatulan ang kanilang paggawa ng krimen at kabuktutan, samantalang ang mga taong siyang tunay na may kagagawan kung kaya sila nagkaganito ay nakaligtas sa parusa . . . Tanging mga Indian lamang ang higit na nakaaalam sa katotohanang ito, kaya sila’y mapagpapaumanhinan kung wala man silang nakikitang katarungan sa isang pamahalaang walang ginawa kundi ang sila’y parusahan, samantalang pinahihintulutan nito ang mga puti na sila’y pagnakawan hanggang gusto nila.”—Bury My Heart at Wounded Knee.
Kumusta na ngayon ang mga Katutubong Amerikano pagkaraan ng mahigit na sandaang taon ng pananakop ng mga Europeo? Sila ba’y nanganganib na maglaho bilang resulta ng asimilasyon? Anong kinabukasan ang naghihintay sa kanila? Isasaalang-alang ng susunod na artikulo ang mga ito at ang iba pang mga tanong.
[Kahon sa pahina 9]
Isang Napakahirap na Buhay Para sa mga Babae
Samantalang ang mga kalalakihan ang mga nangangaso at nakikidigma sa karamihan ng mga tribo, walang katapusan naman ang trabaho ng mga babae, lakip na ang pagpapalaki ng mga anak, pagtatanim at pag-aani ng mga butil, at pagbabayo nito upang maging harina. Ganito ang paliwanag ni Colin Taylor: “Ang pangunahing papel ng mga babae ng Plains . . . ay ang mangalaga ng itinayong sambahayan, mag-anák at maghanda ng pagkain. Sa mga lipunang hortikultura sila rin ay nangangalaga ng mga bukid, . . . samantala, doon naman sa mga tribo sa kanluran na nangangaso ng mga galang bupalo (buffalo), sila’y tumutulong sa pagkatay ng hayop, dinadala ang karne sa kampo at pagkatapos ay inihahanda ang karne at balat para magamit sa hinaharap.”—The Plains Indians.
Ganito naman ang sabi ng ibang reperensiya hinggil sa mga Apache: “Ang pagsasaka ay trabaho ng mga babae at walang anumang masama o kahiya-hiya rito. Tumutulong ang mga lalaki, ngunit ang mga babae ang may higit na pagpapahalaga sa pagsasaka kaysa sa mga lalaki. . . . Palaging ang mga babae ang nakaaalam ng pagsasagawa ng mga ritwal sa agrikultura. . . . Karamihan sa mga babae ay nananalangin habang pinatutubigan ang lupa.”—The Native Americans—An Illustrated History.
Mga babae rin ang gumagawa ng pansamantalang mga tirahan na tepee ang tawag, na karaniwang tumatagal nang dalawang taon. Itinatayo nila at tinatanggal ang mga ito kapag kailangang lumipat ang tribo. Walang alinlangan, napakahirap ng buhay ng mga babae. Ngunit gayundin ang kanilang mga kalalakihan bilang mga tagapagtanggol ng tribo. Ang mga babae ay iginagalang at nagtataglay ng maraming karapatan. Sa ilang tribo, gaya ng mga Hopi, ang mga babae ang may hawak ng ari-arian kahit sa ngayon.
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
Ang Hayop na Nagpabago ng Kanilang Daigdig
Ang mga Europeo ay nagpasok ng hayop sa Hilagang Amerika na nagpabago ng istilo ng buhay ng maraming tribo—ang kabayo. Noong ika-17 siglo, ang mga Kastila ang unang nagpasok ng mga kabayo sa kontinente. Naging bihasa ang mga Katutubong Amerikano sa pagsakay sa kabayo nang walang siya, gaya nang nakita agad ng mga sumasakop na Europeo. Sakay ng kabayo, napakadaling manghuli ng bupalo ang mga katutubo. At ang mga galang tribo naman ay mas madaling nakapananalakay sa kanilang kalapit na mga tribong may mga permanenteng nayon at sa gayo’y nakapananambong, nakapanggagabot ng mga babae at ng mga alipin.
[Mapa/Larawan sa pahina 7]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang ika-17 siglong mga lokasyon ng ilang tribo sa Hilagang Amerika
Kutenai
Spokan
Nez Perce
Shoshone
Klamath
Hilagang Paiute
Miwok
Yokuts
Serrano
Mohave
Papago
Blackfoot
Flathead
Crow
Cheyenne
Ute
Arapaho
Jicarilla
Hopi
Navajo
Apache
Mescalero
Comanche
Lipan
Plains Cree
Assiniboin
Hidatsa
Mandan
Arikara
Yanktonai
Teton
Sioux
Yankton
Pawnee
Oto
Kansa
Kiowa
Osage
Quapaw
Caddo
Wichita
Atakapa
Tonkawa
Santee
Iowa
Missouri
Illinois
Chickasaw
Alabama
Choctaw
Creek
Timucua
Ojibwa
Sauk
Fox
Kickapoo
Miami
Shawnee
Cherokee
Catawba
Powhatan
Tuscarora
Delaware
Erie
Susquehanna
Potawatomi
Iroquois
Huron
Ottawa
Algonquian
Sokoki
Massachuset
Wampanoag
Narragansett
Mohegan
Montauk
Abnaki
Malecite
Micmac
[Credit Lines]
Indian: Gawang-sining batay sa larawan ni Edward S. Curtis; Hilagang Amerika: Mountain High Maps® Copyright © 1995 Digital Wisdom, Inc.
[Mga larawan sa pahina 8]
Artistikong mga habi at alahas ng mga Navajo
[Larawan sa pahina 11]
Canyon de Chelly, ang simula ng “Mahabang Paglalakad”