Pagmamasid sa Daigdig
Sinabi ng Papa na ang mga Indibiduwal, Hindi ang Simbahan, ang Dapat Sisihin
Sa isang sulat para sa mga lider ng simbahan, lingkod-bayan, at sa mga mamamayan ng Rwanda, sinikap ni Papa John Paul II na pawalang-sala ang Iglesya Katolika Romana mula sa pananagutan ng paglipol ng lahi roon noong 1994. “Ang simbahan mismo ay hindi dapat papanagutin mula sa mga pagkakamaling ginawa ng mga miyembro nito na lumabag sa batas ng ebanghelyo,” aniya. Gayunman, sinabi rin ng papa: “Ang lahat ng miyembro ng simbahan na nagkasala sa paglipol ng lahi noon ay dapat na magkaroon ng tibay ng loob na batahin ang mga bunga ng kanilang mga ginawa.” Ito’y waring ang kauna-unahang pagkakataon na tinalakay ng papa sa madla ang paratang na nakisali ang mga pari sa Rwanda at masiglang nanulsol sa pagpaslang na kumitil ng 500,000 katao at ang paratang na walang ginawa ang Katolikong herarkiya upang patigilin ito. Sinabi ng isang komentaristang Batikano na si Luigi Accattoli, na sumusulat sa pahayagang Corriere della Sera sa Italya, na ang sinabi ng papa sa mga Katoliko na hindi nila dapat takasan ang katarungan “ay sumaling sa mainit na isyu,” sapagkat “kabilang sa mga inakusahang lumipol ng lahi, may mga pari rin na nanganlong sa ibang bansa.” Ang karamihan ng mga tao sa Rwanda ay Katoliko.
“Pagbabago sa mga Pamilya”
“Nagbago nang napakalaki ang kayarian ng karaniwang mga pamilya sa Canada anupat ang mga mag-asawa na may mga anak ay binubuo lamang ng 44.5 porsiyento ng lahat ng pamilya,” ang ulat ng The Globe and Mail. Sa kabaligtaran, “noong 1961, ang mga mag-asawang may anak ay binubuo ng halos 65 porsiyento ng lahat ng pamilya sa Canada.” Ang isa pang nakagugulat na bilang ay ang pagdami ng bilang ng mga mag-asawang nagsasama nang di-kasal, na halos tatlong ulit ang idinami, mula 355,000 noong 1981 tungo sa 997,000 noong 1995. Ganito rin ang sabi ng surbey, na isinagawa ng Statistics Canada: “Kung ang nagaganap na pagdidiborsiyo, pag-aasawang-muli at pagsasama nang di-kasal ay magpapatuloy na dumami, maaasahan ang higit pang pagbabago sa mga kayarian ng pamilya.”
Ang Pagkahumaling ng Pransiya sa Kulto
“Bakit napakalaking oras ang ginugugol ng mga Pranses sa mga manghuhula at mga psychic sa mga panahong ito?” ang tanong ng The New York Times. “Iniulat na higit kailanman parami nang paraming Pranses ngayon ang sumasangguni sa mga manghuhula at sa mga panghuhulang gumagamit ng numero. . . . May katibayan ang Pamahalaan na lumalaganap ang mahiko. Noong nakaraang taon, sinabi ng mga awtoridad sa pagbubuwis na halos 50,000 nagbabayad ng buwis, ang pinakamataas na bilang higit kailanman, ang nagdeklara ng kanilang kita mula sa kanilang hanapbuhay bilang astrologo, nanggagamot, espiritista at mga katulad na trabaho. Kung paghahambingin, wala pang 36,000 ang bilang ng paring Romano Katoliko sa bansa at halos 6,000 naman ang sikayatrista.” Para sa ilan, ang bagay na ito ay nagpapahiwatig ng pagkatakot sa kung ano ang maaaring mangyari sa dulo ng milenyo. Minamalas naman ng iba ito bilang resulta ng pagbagsak ng itinatag na mga institusyon, gaya ng relihiyon. Ang mga gumagawa ng ganitong trabaho ay nagsasabi na napakalaki ng ipinagbago ng kanilang mga kliyente nitong nakaraang mga taon. Noon, karamihan sa mga kliyente ay mga babae. Sa ngayon ay halos magkapantay na ang bilang ng mga lalaki at babae. At sa halip na magtanong tungkol sa sakit at pag-ibig, itinatanong ngayon ng mga tao ang tungkol sa kanilang mga trabaho.
Ang mga “Vending Machine” sa Hapon
“Halos wala nang bagay ang hindi makukuha sa isang vending machine sa Hapon,” ang sabi ng The Washington Post. Inilalabas ng mga vending machine ang nakabalot nang mga regalo, mga CD, serbesa, kalsonsilyo, itlog, perlas, laruang elepante, panty hose, isang-gamitang mga kamera, at halos lahat ng bagay na maiisip mo. May mga “vending machine na hindi mo na kailangan pang yumukod” na naglalabas ng mga bagay sa tapat ng dibdib, mabababang makina na hindi nakasasagabal sa tanawin, at mayroon pa ngang mga makina na pinalamutian ng mga bulaklak o iba pang adorno. “Ang Hapon ay halos kasinlaki lamang ng Montana, subalit halos kasindami na rin nito ang mga vending machine sa buong Estados Unidos,” ang sabi pa ng artikulo. “Ang karamihan ng mga vending machine sa Hapon ay nasa labas; mayroon pa ngang isa na nasa tuktok ng Bundok Fuji.” Ang mga gamit na matataas ang presyo ay makukuha sa labas sapagkat ang bandalismo ay mababa sa Hapon. Napakamahal ng puwesto, kaya ginagamit ng mga may-ari ng tindahan ang mga vending machine bilang karagdagan sa kanilang mga istante. Masusumpungan ang mga ito sa halos bawat kanto ng lansangan sa Tokyo. Gayunman, ang ilang grupo ng mga tao ay nababahala dahil ang mga inuming de-alkohol, serbesa, at sigarilyo ay makukuha ng sinumang bata na makapaghuhulog ng mga barya.
Dumarating na “Bagyo ng Krimen” ng Tin-edyer
“Ang marahas na krimen sa Estados Unidos ay ‘tila tumitiktak na time bomb’ na sasabog sa susunod na ilang taon,” ang sabi ng The New York Times hinggil sa isang ulat ng Council on Crime in America, isang organisasyon ng mga tagausig at mga dalubhasa sa pagpapatupad ng batas. “Samantalang hindi na gaanong gumagawa ng karahasan ang mga nasa hustong gulang, ang dami ng karahasan sa gitna ng mga tin-edyer ay tumaas nang husto sa nakalipas na sampung taon. . . . Ang bawat henerasyon ng mga tin-edyer sapol noong mga taon ng 1950 ay higit na naging marahas kaysa noon.” Sa taóng 2005, ang bilang ng mga lalaking nasa 14 hanggang 17 taong gulang ay darami ng 23 porsiyento, at ang pagdaming ito ang ikinababahala ng mga dalubhasa. Dahil sa nababahala na ang pinakamasasamang kriminal ay ang mga lalaking nagpasimula sa kanilang masamang paggawi sa maagang edad, ganito ang sabi ni John J. DiIulio, Jr., isang propesor sa pulitika at ugnayang pampubliko sa Princeton University: “Tayo’y nasa yugto ng paghupa bago dumating ang bagyo ng krimen.” Ipinakita ng kaniyang ulat, na tinipon ng Council on Crime in America, na halos sangkatlo ng lahat ng mararahas na krimen ay ginawa ng mga taong dinakip ngunit napagkalooban ng parol, subok na paglaya, o pansamantalang paglaya bago ang paglilitis. Pananagutan ng pamahalaan na ingatan ang mga mamamayan nito, ang sabi ng ulat, subalit nabigong gawin ito.
Dumarami ang Pag-oopera Nang Walang Dugo
Noong dakong huli ng 1996 isang ospital sa Hartford, Connecticut, E.U.A., ang sumali sa 56 na iba pang ospital sa buong bansa na may “mga walang-dugong pagamutan para sa mga Saksi ni Jehova,” ang ulat ng The Hartford Courant. “Pagkatapos na pag-aralan ang ideyang ito, natanto ng mga namamanihala sa ospital na ang mga kahilingan ng mga Saksi ni Jehova ay hindi na labis na naiiba sa karamihan ng iba pang pasyente.” Sa tulong ng mga gamot at makabagong pamamaraan ng pag-oopera, nakapagsasagawa ang mga doktor ng organ transplant at joint replacement gayundin ang open-heart, kanser, at iba pang pag-oopera—lahat ay hindi ginagamitan ng dugo. Karagdagan pa, maraming propesyonal na nangangalaga sa kalusugan ang tahasan ngayong kumikilala sa mga panganib ng pagpapasalin ng dugo. Tapatang inamin ni Dr. David Crombie, Jr., puno sa pag-oopera sa Hartford Hospital, ang ganito: “Ako’y sinanay na gumamot noong panahong ang dugo ay ipinalalagay na isang gamot na pampalakas. Ngayon ito’y ipinalalagay na isang lason.” Walang pagbabagong ipinagbabawal ng Bibliya ang pagpasok ng dugo sa katawan.—Genesis 9:4; Levitico 17:14; Gawa 15:28, 29; 21:25.
Ikaw ba’y Naiigting Dahil sa Teknolohiya?
Binago nang husto ng mga cellular phone, pager, fax machine, mga computer, at modem ang komunikasyon. Gayunman, ipinalalagay ni Dr. Sanjay Sharma, na may pantanging interes sa pakikitungo sa kaigtingan, na ang bagong teknolohiyang ito ay nanghimasok na rin sa pagsasarili at panahon ng pagpapahingalay ng mga tao. Ang bunga ay kaigtingan dahil sa teknolohiya (technostress). Gaya ng iniulat sa The Toronto Star, “ang kaigtingan ay isang malaking sanhi ng pagkakasakit, kawalan ng mabungang gawain at maagang pagkamatay.” Kasali sa mga epekto ang pagtaas ng presyon ng dugo, sakit sa puso, pagiging sumpungin, pagsakit ng ulo, tensiyon sa kalamnan, di-pagkatulog, panlulumo, at paghina ng sistemang imyunidad. Paano mo maiiwasang maigting dahil sa teknolohiya? Mangyari pa, laging mabuti na magpatingin sa inyong doktor. Karagdagan pa, iminumungkahi ng ulat ang regular na pag-eehersisyo, pagbabakasyon kung dulo ng sanlinggo, at pagpapaaraw sa araw-araw, na siyang “nagpapakilos sa paglalabas ng mga hormone na lumalaban sa panlulumo at kaigtingan.” Sa kahuli-hulihan, “isara ang mga ringer ng inyong telepono at fax machine. Hayaang ang mga answering machine ang kumuha ng inyong mga tawag.”
Itim na Ibon na Alarma sa Kotse
Nagdudulot ng di-pangkaraniwang problema ang mga itim na ibon sa bayan ng Guisborough sa North Yorkshire sa Inglatera—ginugulat nila ang mga tao sa kahimbingan ng tulog kung madaling araw sa pamamagitan ng pagtulad sa mga alarma ng kotse. “Kapag nagmadaling lumabas ang mga may-ari upang harapin ang mga magnanakaw kalimitang nasusumpungan nila ang isang itim na ibon sa kalagitnaan ng pag-awit nito,” ang ulat ng The Times ng London. “Ito’y may himig at tono na katulad na katulad ng alarma ng kotse,” ang komento ng isang tagaroon. “Nalilinlang talaga kami.” At hindi gaanong katagalan ang pagpapaliban. Habang ipinapasa ng isang ibon ang bagong awit sa isa pang ibon, ang tunog ay lalong nagiging pangkaraniwan. Ang totoo, halos 30 uri ng ibon sa Britanya ang may kakayahang tularan ang ibang mga tunog. Ang common starling ang pinakamagaling sa kanilang lahat at madaling nakatutulad sa huni ng iba pang ibon. Ang isa ay kilala sa pagtulad sa tunog ng telepono na gayon na lamang ang pagkakahawig anupat imposibleng makilala ang imitasyon mula sa tunay na tunog.
Uso Pa Rin ang Kapistahang Pagano
Ang Araw ni San Juan Bautista “ay walang kaugnayan sa Katolikong santo kaysa inaakala ng isa,” ang ulat ng Folha de S. Paulo sa Brazil. Bagaman ang kapistahan ay “natataon sa araw ng diumano’y pagsilang ng santo, . . . ang tunay na pag-alaala ay may diwa ng pagsasaka at pagiging pagano.” Bilang pagbubuod sa mga natuklasan ng antropologong si Câmara Cascudo, sinasabi ng pahayagan na “ang kulto ng araw ng Aleman at Celt” ay nagdiriwang ng kapistahan sa panahon ng anihan “upang itaboy ang mga demonyo ng pagkabaog, salot sa ani, at tagtuyot.” Pagkalipas ng mga taon, dinala ng mga taga-Portugal ang kapistahan sa Brazil. Ang isang tampok ng kapistahan na nagpapatuloy pa rin sa ilang bansa ay ang pagsisiga para kay San Juan. Saan nagmula ang gawaing ito? “Ang tradisyon . . . ay nauugnay sa pagsamba sa diyos-araw, na sinasamba upang huwag siyang lumayo nang husto sa lupa at upang maiwasan ang matinding taglamig,” ang sabi ng pahayagan.