Mula sa Aming mga Mambabasa
Panimbang Pagkatapos na mabasa ko ang artikulong “Ang Kaloob ng Diyos na Panimbang” (Marso 22, 1996), naantig ako na pasalamatan kayo. Sa kasalukuyan ako’y nag-aaral ng audiology, at wala ni isa man sa mga aklat na pinag-aaralan ko ang may impormasyong kasingkumpleto at kasindaling unawain na gaya ng artikulo ng Gumising! Napakahusay rin ng pagkakaguhit ng tainga.
J. P. A., Brazil
Mga Kurbata Maraming salamat sa artikulong “Sino ang Nag-imbento ng Kurbata?” (Mayo 8, 1996) Bilang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova, ako’y nagkukurbata bagaman mahigit sa 30 Celsius digri ang init ng panahon samantalang nangangaral sa bahay-bahay. Malimit kong isipin na ang kurbata ay maaaring inimbento ng ilang malulupit na inkisidor noong ika-13 siglo anupat upang mapaamin ang isang erehe ay tinatakot ito alinman sa gamitan ng rack, thumbscrew, pakuluan sa langis, o pagsuutin ng kurbata sa tanghaling tapat.
W. B., Estados Unidos
Maaaring inaakala ng ilan na ang pagkukurbata ay isang pagpapahirap sa anumang lagay ng panahon. Subalit, nakatutuwa naman sa mga kultura kung saan ang kurbata ay itinuturing na angkop na kasuutan, karaniwan nang natitiis ng mga Saksi ni Jehova ang pagsusuot ng kurbata kapag sila’y nasa ministeryo at kapag dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong.—ED.
Walang-Usok na Tabako Sa klase namin sa paaralan tungkol sa kalusugan, pinag-aaralan namin ang hinggil sa droga. Ipinakita ko sa aking guro ang isang kopya ng Abril 22, 1996, labas ng Gumising! na may artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Walang-Usok na Tabako—Ito ba’y Hindi Nakapipinsala?” Pinagawa niya ako ng 30 kopya ng artikulo upang maipamigay niya ang mga ito at mabasa niya ito sa kaniyang mga klase. Nagandahan dito ang mga bata sa aking klase, at nakapagpasakamay pa ako ng ilang magasin sa kanila.
M. C., Estados Unidos
Seksuwal na Panliligalig Salamat sa seryeng “Kapag Wala Na ang Seksuwal na Panliligalig!” (Mayo 22, 1996) Dahil sa naibahagi ko ang magasin sa iba, nasumpungan ko na maraming babae ang nagpapasalamat sa mga mungkahi kung paano maiiwasan ang panliligalig at kung ano ang gagawin kapag nililigalig. Mga ilang linggo na ang nakararaan ako mismo ay nakaranas na molestiyahin sa trabaho at ipinagbigay-alam ko ito sa pulisya. Ako’y pinapurihan sa paraan ng pagharap ko sa situwasyon.
Hindi ibinigay ang pangalan, Alemanya
Ako’y talagang nagpapasalamat sa mga artikulo. Ako ngayon ay nasa ikalawang taon ng sekundaryang paaralan, at nakaranas ako ng panliligalig, subalit hindi ko sinabi kailanman ang tungkol dito kaninuman. Hinimok ako ng mga artikulong ito na magtapat sa aking mga magulang at sa aking mga guro. Ngayon ay may katatagan na akong harapin ang mga nanliligalig.
K. Y., Hapon
Ako’y 21-taong-gulang na sekretarya at naranasan ko kamakailan lamang ang seksuwal na panliligalig ng aking amo. Samantalang pinag-iisipan ko kung paano ko siya lalapitan upang sabihin ang aking nadarama, natanggap ko ang labas ng Gumising! Binigyan ko ang aking amo ng isang kopya, na kaniya namang binasa. Humingi siya ng paumanhin at nangako na hindi na kailanman uulitin ang ginawa niya sa akin.
D. N. I., Nigeria
Pinahahalagahan ko ang inyong paghahantad ng mahalagang bagay na ito, subalit ayon sa inyong mga larawan, ang mga lalaki lamang ang gumagawa ng panliligalig. Maliwanag, kayo’y may kinikilingan.
H. T., Estados Unidos
Karamihan sa mga mananaliksik ay nagsasabi na nalalamangan ng mga babae sa bilang ang mga lalaki bilang mga biktima ng seksuwal na panliligalig. Magkagayon man, kinilala ng mga artikulo na ang kalalakihan ay maaari ring ligaligin, gaya ng nabanggit na mga espesipikong halimbawa.—ED.
Ang karamihan ng mga artikulo sa paksang ito ay nagdiriin lamang ng mga bagay na dapat gawin ng mga babae upang maingatan ang kanilang mga sarili subalit nakaligtaan ninyong turuan ang kalalakihan na igalang ang mga babae. Tutal, kung walang mga nanliligalig, walang magaganap na panliligalig. Tinalakay ng inyong artikulo ang “Wastong Paggawi Para sa Kalalakihan.” Kung tungkol naman dito, karapat-dapat itong papurihan.
O. C., Taiwan