Sino ang Nag-imbento ng Kurbata?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALEMANYA
SA BUONG daigdig mga 600 milyong lalaki ang regular na gumagamit ng kurbata. Sa Alemanya ang karaniwang lalaki ay nagmamay-ari ng halos 20 kurbata. Maraming lalaki ang nagtatanong na may pagkayamot, habang naglalagay ng kurbata, ‘Kanino ba kasing idea ito?’ Saan ba nagmula ang kurbata?
Ang Steenkerke, isang bayan sa Belgium, ang nag-aangking siyang “nag-imbento” ng kurbata. Noong 1692, ang mga hukbong Ingles ay gumawa ng sorpresang pagsalakay sa mga hukbong Pranses na nakaistasyon doon. Ayon sa pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Sonntagszeitung, “ang mga opisyal [na Pranses] ay wala nang panahon upang magdamit nang maayos. Mabilisan, itinali nila ang kanilang unipormeng mga bupanda (scarf) sa kanilang leeg na may maluwag na buhol at isinuksok ang mga dulo nito sa mga ohales ng kanilang dyaket. Ayun, ang pasimula ng kurbata sa orihinal nitong anyo.”
Subalit, ang usong bagong bagay ng mga sundalo ay hindi naman talagang walang-katulad. Binabanggit ng mga dalubhasa tungkol sa kasaysayan ng mga kurbata na mga dantaong maaga, ang mga mandirigma para sa Intsik na emperador na si Cheng (Shih Huang Ti) ay gumamit ng tulad-bupandang tela na itinitiklop sa palibot ng leeg, na nagpapahiwatig ng kanilang ranggo.
Subalit, marahil ang pinakabantog ay ang mga bupanda na ginamit ng mga Croatiano na nakipagbaka para kay Haring Louis XIV ng Pransiya. Noong parada ng tagumpay sa Paris, ang mga Pranses ay lubhang naakit ng mga bupanda ng mga Croatiano anupat tinawag nila ang mga ito na cravates, mula sa Cravate, isang Croat, at nagsimulang gumamit din ng mga bupanda. “Mula noon,” sulat ng nabanggit na pahayagan, “patuloy na lumaganap ang kausuhan ng mga kurbata, bagaman ang mga sundalo sa Steenkerke ang unang gumamit ng bupanda tungo sa isang ibinuhol na kurbata.”
Noong panahon ng Rebolusyong Pranses (1789-99), ipinahihiwatig ng isang tao ang kaniyang pulitikal na hilig sa pamamagitan ng kulay ng “croat,” o bupanda, sa kaniyang leeg. Noong ika-19 na siglo, “natuklasan” ng eleganteng lipunan sa Europa ang anyong ito ng kasuutan. Mula noon tumaas ang ranggo ng kurbata mula sa militar at pulitikal na tanawin at pumasok sa kasuutan ng kalalakihan sa pangkalahatan. Sa ngayon ang kurbata ay hindi lamang tinatanggap sa maraming lipunan; sa ilang lugar, ito pa nga ay sapilitan.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Historic Costume in Pictures/Dover Publications, Inc., New York