Mula sa Aming mga Mambabasa
Pornograpya sa Internet Natanggap ko ang isyu ng Hunyo 8, 2000 na may seryeng “Pornograpya sa Internet—Anong Pinsala ang Magagawa Nito?” Talagang ang tindi ng epekto nito sa akin! Humigit-kumulang isang buwan bago iyon, nakita ko ang aking asawang lalaki na tumitingin sa pornograpya sa computer; kaiinstala pa lamang niya ng computer nang mismong araw na iyon. Binuksan ko ang pinto nang di-inaasahan at nakita ko siyang tumitingin sa isang mahalay na larawan. Hindi ko masabi sa inyo kung ano ang nagawa nito sa aming ugnayan. Humingi siya nang paumanhin, ngunit ibinaba niya ang dangal ng aming pag-aasawa.
L. K., Estados Unidos
Nais kong ipahayag ang aking pasasalamat sa mga artikulong ito. Pinaglalabanan ko ang suliranin ng panonood ng pornograpya sa loob ng halos walong taon. Kamakailan ay nanalangin ako at nagpasiyang ihinto ang aking pagkasugapa sa pornograpya. Nang araw na iyon ay natanggap ko ang mga artikulong ito.
L. M., Estados Unidos
Noong nakalipas na ilang buwan, nakakita ako ng isang pornograpikong Internet site nang di-sinasadya. Nagsimula akong tumingin sa iba pang mga site na mas mahahalay. Bilang resulta, ibinukod ko ang aking sarili, nanlumo ako, at nawalan ng pag-ibig sa espirituwal na mga bagay. Napakadali na maging sugapa sa mga larawang ito. Ngunit ngayon ay puspusan akong magsisikap na ihinto ang pagkasugapang ito.
M. G., Estados Unidos
Mga Kurbata Nais kong ipahayag ang aking pagpapahalaga sa nakawiwiling artikulo na “Mga Kurbata—Noon at Ngayon.” (Hunyo 8, 2000) Isa akong ina ng tatlong bata, at tinuturuan ko silang ibigin si Jehova. Ang aking panganay na anak na lalaki ay 13 taóng gulang, at sinuman sa aming dalawa ay hindi marunong magbuhol ng kurbata upang magampanan niya ang mga atas sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Ang aking asawa, na isang di-mananampalataya, ay hindi pa kailanman nakapagsuot nito. Salamat sa pagpapakita sa amin kung paano magbuhol ng kurbata sa gayong kasimpleng paraan.
M. B., Estados Unidos
Ako po ay 11 taóng gulang, at kakatwa mang sabihin, ang mga larawan sa wakas ang nakapagturo po sa akin kung paano ibubuhol ang aking kurbata. Ngayon ay magagamit ko na po ang lahat ng kurbata sa aking aparador!
A. P., Italya
Ebolusyon Ilang nakalilitong mga bagay sa isang tapat na debate hinggil sa paksa ng ebolusyon ang lumitaw sa artikulong “Makatuwiran ba ang Ebolusyon?” (Hunyo 8, 2000) Sinabi ninyo: “Kapani-paniwala ba na ang gagamba ay di-sinasadyang nakagawa ng isang pamamaraan sa paggawa na napakasalimuot anupat kailangan pa itong unawain ng tao?” Bakit hindi? Hindi naman taglay ng mga siyentipiko ang lahat ng kaalaman.
C. W., Australia
Ang paggawa ng gagamba sa seda ay nagsasangkot ng ilang mekanismo na kamangha-mangha ang kasalimuutan anupat hindi pa rin ito maunawaan ng mga siyentipiko pagkatapos ng mga dekada ng pananaliksik. Ngunit, may pagmamatigas nilang sinasabi na ang lahat ng ito ay produkto ng ebolusyon. Naniniwala kami na ito at ang iba pang maraming halimbawa ay simpleng paglalarawan sa kawalang katuwiran ng ebolusyon at nagpapahiwatig na ang paniniwala sa teoriyang iyan ay higit na nakakatulad ng haka-haka kaysa ng siyensiya.—ED.
Hindi pa ako kailanman nakabasa ng anumang bagay hinggil sa isang punto na lagi kong nadarama na siyang matibay na katuwiran laban sa lohika ng ebolusyon: Paano nahati ang ating mga ninuno (anuman ang tingin ng ilan hinggil sa kanila) at naging dalawang magkaibang sekso? Ang pagsasabi na nangyari ito sa loob ng milyun-milyong taon ay malabong makapagpaliwanag ng mga bagay-bagay, yamang ang isang babae ay hindi maaaring magdalang-tao nang unti-unti.
H. R., Estados Unidos
May makatuwirang punto ang aming mambabasa, isa na aming ikinomento sa aming artikulo ng Mayo 8, 1997 na, “Wala Bang Pundasyon ang Ebolusyon?” Sinabi namin: “Tayo’y inaasahang maniwala na sa pamamagitan ng pagkakataon, nagawa rin ng ebolusyon na lumitaw ang lalaki at babae na magkasabay upang mapanatili ang bagong uri. Upang lalo pa itong palabuin, kailangan din nating maniwala na ang lalaki’t babae ay hindi lamang sabay na lumitaw kundi lumitaw rin sa iisang lugar! Kung hindi sila magtatagpo, hindi darami ang tao!”—ED.