Buháy ba ang mga Patay? Kung Ano ang Sinasabi ng mga Tao
ANG matandang negra ay tila may malubhang sakit. Ang kaniyang mga paa ay pagkasakit-sakit na halos hindi siya makalakad. Ang kaniyang hitsura ay kakatuwa—ang buhok ay may kulapol na luwad, nakasuot ng maraming bandana, at ang mga kamay at paa ay may anting-anting. Bakit? Sapagkat sa loob ng mahigit 50 taon siya’y may paniwala na inaalihan siya ng mga espiritu ng kaniyang mga ninuno. Mga doktor ng kulam ang naghatol ng luwad, bandana, at anting-anting upang siya’y “gumaling.”
Isang pambihirang paniwala ba? Hindi. Sa Aprika lamang, napakaraming tao ay naniniwala na ang mga patay na ninuno ay “nakapuprotekta o nakapagpaparusa sa kanilang mga inapo sa pamamagitan ng pagbibigay ng bahagyang karamdaman o masamang suwerte,” ayon sa aklat na African Heritage. Ang pagsamba sa mga ninuno ay kaugalian din sa maraming panig ng daigdig. Bagaman ito ay baka tila nakapagtataka, ang gayong pagsamba ay malamang na may kaugnayan sa mga relihiyosong paniniwala sa lugar na kinatitirhan mo. Paano nagkagayon?
Ang mga Hindu at ang iba pa ay naniniwala sa reinkarnasyon. Ang mga espiritista ay naniniwala na maaari mong makausap ang mga patay sa pamamagitan ng mga medium. Ang mga Katoliko ay tinuruan na pagkamatay karamihan ng mga tao ay kailangang malinis sa purgatoryo bago makarating sa langit at ang mga balakyot ay nagpupunta sa impierno. Ang mga Protestante ay naniniwala na ang mga taong mabubuti ay sa langit pupunta at ang masasama ay pinahihirapan sa impierno, at marami ang naniniwala na ito’y nasa Bibliya. Ang mga taong nakaranas ng halos kamatayan ay kumbinsido na may isang bagay na nananatiling buháy pagka ang katawan ay namatay na.
Bagaman ang mga relihiyon ay may iba-ibang paniwala tungkol sa tinatawag na kabilang-buhay, karamihan ay mayroong pagkakaisa ng paniwala—na ang mga patay ay buháy.
Ang kamatayan ay kakila-kilabot na kaaway, na dumarating sa mga tao sa lahat ng lahi—mayaman at mahirap, bata at matanda. Sinasabi ng Bibliya: “Kayo nga’y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw at pagdaka’y napapawi.” (Santiago 4:14) Araw-araw maraming mga tao ang namamatayan ng kanilang mga mahal sa buhay.
Kaya naman, maraming tao ang nagtatanong: ‘Saan sila pumaroon? Sila ba’y talagang patay o sila ba’y buháy pa rin sa mga ibang dako? Makita pa kaya natin sila uli? Saan tayo makakasumpong ng mga sagot na katotohanan?’