Buháy ba ang mga Patay? Kung Ano ang Sinasabi ng Diyos
ISANG munting eruplano ang nagbibiyahe galing sa isang siyudad sa Timugang Aprika patungo sa isang bayan na mga 250 milya (400 km) ang layo. Sakay ng eruplano ang piloto at ang kaniyang anak na batang babae, edad 12-anyos. Nang sila’y patungo sa isang biglaang paglapag, ang eruplano ay bumagsak, at namatay sila kapuwa.
“Ang Diyos na Jehova lamang ang nakakabatid ng kirot ng aking damdamin at pagkaulila, pati na rin ang pagsusumikap kong harapin ang kasawiang iyon,” ang nagunita ni Betty, ang asawa at ina. Paano siya nakaagwanta? “Ako ay palaging nananalangin at walang lubay na humihingi ng tibay ng loob at ng lakas na mapagtagumpayan ko ang aking sarili upang matulungan ko naman ang iba na magtagumpay.” Malaking kaaliwan ang nakakamit din naman ni Betty buhat sa sinasabi ng Diyos tungkol sa kalagayan ng mga patay at sa pag-asa ng pagkabuhay-muli.
Ano ba ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga patay? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ang mga patay ay wala nang nalalaman na anuman.” (Eclesiastes 9:5, The Jerusalem Bible) Samakatuwid ang mga patay ay walang malay. Simpling-simple nga ang sinasabing iyan. Kung gayon ay bakit karamihan ng mga tao ay naniniwala sa kabaligtaran niyan? Sapagkat sila ay nalinlang ng isang pagkalaki-laking pambuong-lupang sinaunang pandaraya!
Isang Pambuong-Lupang Pandaraya
Lahat na ito ay nagsimula sa unang-unang kasinungalingan na sinalita kailanman. Ang makasaysayang pag-uulat ng Bibliya sa aklat ng Genesis ang nagbibigay ng mga detalye. Sinasabi nito: “Sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon walang pagsalang mamamatay ka.” (Genesis 2:17) Si Jehovang Diyos ang nagsalita niyan sa unang lalaki, si Adan. Ihambing ito sa Genesis 3:1-4, na kung saan si Satanas, na nagsalita sa pamamagitan ng ahas, ay humikayat kay Eva na sumuway sa Diyos, at ang sabi: “Tunay na hindi kayo mamamatay.” Sinalungat ni Satanas ang sinabi ng Diyos. Sa gayo’y sinalita niya ang unang kasinungalingan, at naging “ang ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44; Apocalipsis 12:9.
Ngunit si Adan at si Eva ay nangamatay, at ganoon din ang walang bilang na angaw-angaw na mga iba pa. Papaanong ang sinungaling na si Satanas ay nakalusot diyan? Nang malaunan ay itinanim niya ang ideya na, bagaman namamatay ang katawan, mayroon namang isang bagay na patuloy na nabubuhay. Nang malaunan ito’y naging doktrina ng mga sinaunang relihiyon at napalakip sa pilosopyang Griego. Kaya naman, ang paniwala sa pagkawalang kamatayan ng kaluluwa ay halos palasak sa buong sansinukob. Sa marami na naniniwalang ang kanilang mga nangamatay ay buháy pa rin sa ibang lugar, ito’y isang nakaaaliw na guniguni. Subalit, ang mahalagang tanong ay: Ito ba ay totoo?
Ang Iyo Bang Kaluluwa ay Imortal o Walang Kamatayan?
Ang salitang “immortality” (o pagkawalang kamatayan) ay tatlong beses makikita sa Bibliya (sa Ingles), at lahat na ito’y naroon sa Kasulatang Griegong Kristiyano. Sa pagkagamit nito ay nagliliwanag ang isang bagay: Ang tao ay hindi likas na walang kamatayan.
Halimbawa, isaalang-alang ang mga salita ni apostol Pablo sa 1 Timoteo 6:15, 16 na kung saan kaniyang tinutukoy si Jesu-Kristo bilang “ang Hari ng mga nagpupuno bilang mga hari at Panginoon ng mga nagpupuno bilang mga panginoon, ang tanging isa na walang kamatayan.” Paanong si Jesus ay naiiba sa lahat ng iba pang “mga hari” at “mga panginoon”? Siya’y walang kamatayan; sila ay hindi gayon.
Totoo, ang pagkawalang kamatayan ay ipinangakong ibibigay sa mga tagasunod ni Kristo na tinawag na maghaharing kasama niya sa langit. (1 Pedro 1:3, 4) Sa gayon, sa 1 Corinto 15:53, 54 ay mababasa natin: “Itong may kamatayan ay kinakailangang magbihis ng walang kamatayan. Datapuwat pagka . . . itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat: ‘Nilamon na magpakailanman ang kamatayan.’” Ngunit pansinin na ang pagkawalang kamatayan ay ‘ibinibihis.’ Ito’y isang gantimpala para sa tapat, na piniling mga Kristiyano. Ito’y hindi isang bagay na minamana ng lahat ng tao.
Isa pa, hindi sinasabi ng Bibliya na ang tao ay mayroon o binigyan ng isang kaluluwa. Sa halip, ito’y nagsasabi: “At nilalang ni Jehovang Diyos ang tao sa alabok ng lupa at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang may buhay.” (Genesis 2:7; ihambing ang 1 Corinto 15:45.) Ang pagiging isang bagay ay may malaking pagkakaiba sa pagkakaroon ng isang bagay. Walang sinumang tututol na ang pagiging isang aso ay iba sa pagkakaroon ng isang aso! Gayundin, ang pagiging isang kaluluwa ay hindi pareho ng pagkakaroon ng isang kaluluwa.
Hindi lahat ng tao’y pinagkakalooban ng pagkawalang kamatayan sapagkat sa Bibliya’y maraming pagtukoy sa pagkamatay ng kaluluwa. Halimbawa: “Ang kaluluwa na nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4, 20) “Oo, sinumang kaluluwa na hindi makikinig sa Propetang iyan ay lubusang pupuksain sa gitna ng bayan.”—Gawa 3:23.
Yamang tayo’y walang mga kaluluwang walang kamatayan, ano ba ang nangyayari pagka tayo ay namatay? Tayo’y “natutulog,” dahilan sa haing pantubos na inihandog ni Kristo may pag-asa ng pagkabuhay-muli. (1 Corinto 15:22) Nang si Lazaro ay mamatay sinabi ni Jesus: “Ako’y paroroon upang gisingin siya sa pagkatulog.” Pagkatapos ay ipinaliwanag niya: “Si Lazaro ay namatay.” (Juan 11:11-14) Binanggit din ni Pablo ang tungkol sa “mga nangatutulog sa kamatayan.” (1 Tesalonica 4:13, 14; 1 Corinto 15:20) Kung gayon, kung ang mga nangamatay ay nangatutulog . . .
Magkakaroon ba ng Pagkagising?
Pag-isipan ang nakapanggigilalas na tanawing ito: Isang pulutong ng mga tao ang nagkakatipon sa harap ng yungib sa Betaniya malapit sa Jerusalem. Si Jesus ay naroroon kasama ni Maria at ni Marta, mga kapatid ni Lazaro na namatay kamakailan at ang bangkay ay nakahimlay sa isang yungib na sinarhan ng isang malaking bato. “Alisin ninyo ang bato,” ang utos ni Jesus. Si Marta ay tumutol: “Panginoon, ngayon ay umaalingasaw na siya, sapagkat ito ang ikaapat na araw.” Subalit pagkatapos ng maikling panalangin si Jesus ay humiyaw: “Lazaro, lumabas ka!” At ang taong si Lazaro ay lumabas nga! (Juan 11:38-44) Naguguniguni mo ba ang pagkamangha at kagalakan ng mga naroroon—lalo na ni Maria at si Marta?
Kung si Lazaro ay buháy noong apat na araw na iyon, hindi kaya niya isiwalat iyon sa lahat ng naroroon? Walang ulat na nagsasabing may binanggit siyang karanasan samantalang siya’y patay, at isa pa itong nagpapatunay sa sinasabi ng Bibliya, “Ang mga patay ay wala nang nalalamang anuman.”—Eclesiastes 9:5, JB.
Ang nangyari kay Lazaro ay hindi isang pambihirang pangyayari. Sa isang lugar na tinatawag na Nain, nakasalubong ni Jesus ang libing ng isang binata na noo’y ililibing na lamang. Sinabi ni Jesus: “Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!” At ano ang nangyari? “Ang taong patay ay umupo at nagsalita.” (Lucas 7:11-17) Subalit, dito na naman, ang binata ba ay may sinabing anupaman tungkol sa isang lugar na pinupuntahan ng mga patay? Wala, sapagkat maliwanag na siya’y patay lamang.
Sina Jesus, Pablo, Pedro, Elias, at Eliseo ay bumuhay ng mga taong nangamatay na. Walang isa man sa mga nangamatay ang nagsabi na may buhay pagkamatay.
Ang kamangha-manghang mga himalang ito ay nagbibigay ng pangitain ng tanging paraan na ang lubhang karamihan ng mga patay ay maaaring mabuhay uli—sa pamamagitan ng panunumbalik sa buhay sa lupa sa ilalim ng paghahari ng Kaharian ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat ang oras ay dumarating na lahat ng mga nasa alaalang libingan ay makakarinig ng tinig [ko] at magsisilabas.” (Juan 5:28, 29) Ito’y magiging isang totoong pagkaliga-ligayang karanasan para sa mga taong magkakapribilehiyong mabuhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo na may isang libong taon, na ngayon ay napakalapit na. (Apocalipsis 20:4, 6) Ang pag-asang pagkabuhay-muli sa ganang sarili ay nagpapatunay na ang mga patay ay hindi buháy. Kung ang mga tao’y bubuhaying-muli, kailangan munang sila’y mga patay na walang buhay.
Baka ang Iba’y Magtanong . . .
Kumusta naman ang mga sinasabi ng mga medium at ng mga iba pa na sila’y tumatanggap ng mga mensahe buhat sa mga patay? Hindi ba ito nagpapatunay na ang mga patay ay buháy? Hindi. Si Satanas ay napakatuso, isang pusakal na magdaraya na kadalasa’y “nagkukunwaring isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14, The New English Bible) Siya at ang kaniyang mga demonyo ay maaari, at malimit, na magkunwaring mga espiritu ng mga taong nangamatay na! Kaya, ang kautusan ni Jehova sa Israel ay malinaw na nagsasabi: “Sinuman na sumasangguni sa isang espiritistang medium . . . o sinuman na nakikipagsanggunian sa mga patay . . . ay kasuklam-suklam kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Sinasabi rin ni Jehova na yaong mga namihasa sa gawang espiritismo “ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos” kundi sila’y lilipulin.—Galacia 5:19-21; Apocalipsis 21:8.a
Kumusta naman yaong mga nagsasabi na sila’y nakaranas na ng halos kamatayan na nga? Pinatutunayan ba niyan na ang espiritu o kaluluwa ay umaalis sa katawan pagkamatay? Si George Gallup, Jr., isang tagasurbey ng opinyon-publiko sa E.U., ay nagsiyasat ng paksang ito at kaniyang inilathala ang mga resulta sa Adventures in Immortality. Ang mga doktor at mga siyentipiko na kinapanayam ay may duda tungkol sa pagiging totoo ng gayong mga karanasan. Sinabi ng isang biophysicist sa Maryland: “Ito’y mga karanasan ng isang isip na nasa kalagayang di-normal . . . Ang utak ay isang napakamasalimuot na sangkap at ito’y maaaring magpalabas ng maraming daya pagka iyong minaltrato—malasin mo na lamang ang mga karanasan sa mga drogang hallucinogenic.” Sabi naman ng isang saykayatris sa Ohio: “Ang mga report na ito ay guniguni o mga pangyayaring bungang-isip.” Anang isang siyentipiko sa Michigan: “Ito’y mga guniguning likha ng masaklap na karanasan.”
Si Gallup ay sumapit sa konklusyon na ang mga ulat tungkol sa halos kamatayan na ay hindi “sa anumang paraan maituturing na katunayan ng pagkawalang kamatayan o ng kabilang buhay.” Isinusog paniya: “Baka ito’y wala kundi dramatikong mga guniguni na mga bungang-isip lamang ng mga taong dumaranas ng mga kahirapan ng pangangatawan.” Binanggit din niya na may mga relihiyosong mauutak na ang paliwanag sa gayong mga karanasan ay “bahagi iyon ng isang pamamaraang makademonyo upang paglalangan ang mga tao.” (Amin ang italiko.) Ang sinalita ng Diyos na Jehova noong sinaunang panahon ay totoo pa rin: “Ang mga patay ay wala nang anumang nalalaman.”—Eclesiastes 9:5, JB.
Ano ang Dapat Mong Gawin?
Mag-ingat laban sa mga ideya o mga turo na nakasalig sa unang kasinungalingan ni Satanas—“tunay na hindi kayo mamamatay.” (Genesis 3:1-5) Tanggapin ang itinuturo ng Salita ng Diyos, na kapag ang isang tao’y namatay ay “nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:4) Tanggapin din naman ang sinasabi nito na ang natutulog na mga patay ay babangon sa panahon ng maningning na paghahari ng Kaharian ng Diyos, na idinadalangin ng marami, pagka “magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli kapuwa ang mga matuwid at ang mga di-matuwid.”—Gawa 24:15; Mateo 6:9, 10.
Ang masasakiting babae na binanggit sa ating unang artikulo ay nagalak nang sabihin sa kaniya kung ano ang sinasabi ng Diyos tungkol sa mga patay at sa magdarayang mga demonyong espiritu. Kaniyang pinagsisira ang kaniyang mga anting-anting at iba pang mga bagay na may kinalaman sa espiritismo at nakadama siya ng kaginhawahan pagkaraan ng mga ilang araw. Kaniya ngayong tinutulungan ang mga iba na makalaya buhat sa pagsamba sa mga demonyo.
Ang biyuda naman na naulila dahil sa pagkasawi ng kaniyang mga mahal sa buhay nang bumagsak ang eruplanong sinasakyan ay inaliw nang ganitong kaisipan: Yamang ang mga patay ay wala nang nalalamang anupaman, sila’y wala nang kamalayan tungkol sa panahon. Kaya’t buhat sa kanilang pangmalas sila’y gigisingin sa malapit na hinaharap sa isang makalupang paraiso sa ilalim ng Kaharian ng Diyos! Siya’y natutuwang tumulong sa mga iba upang makaalam ang mga ito na sa di na magtatagal “tunay na papahirin ni Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8) Kaniyang inaasam-asam ang araw na, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, babalik na buháy ang kaniyang mga mahal sa buhay.
[Talababa]
a Tingnan din ang pulyetong Unseen Spirits—Do They Help Us? Or Do They Harm Us? na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.