Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 6/09 p. 22-23
  • Dapat Mo Bang Katakutan ang Patay?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dapat Mo Bang Katakutan ang Patay?
  • Gumising!—2009
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • May Nalalaman ba ang mga Patay?
  • Kasinungalingan​—Pandaraya
  • Ano ang Nangyayari Kapag ang Isa’y Namatay?
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Ano ang Mangyayari Kapag Namatay Tayo?
    Matuto Mula sa Dakilang Guro
  • Isang Mas Mabuting Pag-asa ng Kaluluwa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Buhay Pagkatapos ng Kamatayan—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Gumising!—2009
g 6/09 p. 22-23

Ang Pangmalas ng Bibliya

Dapat Mo Bang Katakutan ang Patay?

Naniniwala ang mga miyembro ng tribong Annang sa Nigeria na kung hindi bibigyan ng naaangkop na papuri at paggalang ang mga patay sa kanilang libing, ang kanilang kaluluwa ay magdadala ng problema​—pati na ng kamatayan​—sa mga kapamilya. Naniniwala rin ang ilang Tsino na kapag hindi sinunod ang mga tradisyon sa paglilibing, mananakit o papatay pa nga ang kaluluwa ng mga patay.

SA MARAMING kultura sa buong daigdig, karaniwan na ang paniniwala na kapag namatay ang isang tao, may isang bagay na humihiwalay sa katawan​—ang kaluluwa o espiritu. Marami rin ang naniniwala na ang kaluluwang ito o espiritu ay maaaring makialam sa buhay ng mga kapamilya o kaibigan.

Pero mayroon nga ba talagang bagay na humihiwalay sa katawan at patuloy na nabubuhay pagkamatay ng tao? At maaari bang saktan ng “bagay” na iyon ang mga buháy? Ano ang pangmalas ng Bibliya?

May Nalalaman ba ang mga Patay?

Sinasabi ng Bibliya na ang mga patay ay “walang anumang kabatiran,” o nalalaman. Sinasabi rin nito na ang mga patay ay “inutil sa kamatayan.” (Eclesiastes 9:5; Isaias 26:14) Hinggil sa unang taong si Adan, ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.”​—Genesis 2:7.

Pansinin na si Adan ay nilalang na isang kaluluwa, samakatuwid nga, isang buháy na persona. Ayon sa Bibliya, hindi binigyan si Adan ng kaluluwa na maaaring mabuhay nang hiwalay sa kaniyang katawan. Kaya namatay si Adan nang magkasala siya. Siya ay naging isang “patay na kaluluwa.” (Bilang 6:6) “Ang kaluluwa na nagkakasala​—iyon mismo ang mamamatay,” ang sabi pa ng Bibliya. (Ezekiel 18:4) Lahat tayo ay nagmana ng kasalanan, o di-kasakdalan, mula sa unang taong si Adan. Kaya kapag namatay tayo, namamatay ang kaluluwa.​—Roma 5:12.

Sa paglalarawan sa kalagayan ng mga patay, hindi gumagamit ang Bibliya ng misteryosong mga termino, kundi mga pananalitang maiintindihan natin, gaya ng “matulog sa kamatayan.” (Awit 13:3) Minsan sinabi ni Jesus tungkol sa isang 12-taóng-gulang na batang babae: “Hindi siya namatay kundi natutulog.” “Pinasimulan . . . siyang pagtawanan [ng mga tao] nang may panlilibak, sapagkat alam nilang ito ay namatay.” Pero ipinaliliwanag ng Bibliya na ginising siya ni Jesus mula sa pagkakatulog sa kamatayan.​—Lucas 8:51-54.

Ganiyan din nang mamatay si Lazaro. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na pupuntahan niya si Lazaro “upang gisingin siya mula sa pagkakatulog.” Hindi naunawaan ng mga alagad kung ano ang ibig sabihin ni Jesus, kaya “sinabi ni Jesus sa kanila nang tahasan: ‘Si Lazaro ay namatay.’” May binanggit din si apostol Pablo tungkol sa “mga natutulog sa kamatayan” at sinabi niyang sa takdang panahon ng Diyos, bubuhayin silang muli.​—Juan 11:11-14; 1 Tesalonica 4:13-15.

Kapansin-pansin, walang sinasabi sa Bibliya na may isang kaluluwang patuloy na nabubuhay pagkamatay ng isang tao. Kaya walang dahilan para katakutan ang mga patay. Kung gayon, bakit napakaraming naniniwala na may isang bahagi ng tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng isang indibiduwal? At bakit natatakot ang mga tao na sasaktan sila ng mga patay?

Kasinungalingan​—Pandaraya

Itinuturo ng mga huwad na relihiyon na hindi talaga namamatay ang mga tao. Noon pa mang sinaunang panahon, marami nang tao sa buong daigdig ang naniniwala na imortal ang kaluluwa. Kaya kapag namatay ang ilang tagapamahala​—gaya ng mga Paraon ng sinaunang Ehipto​—pinapatay ang kanilang mga alipin para mapaglingkuran nila ang kanilang panginoon sa kabilang-buhay.

Marami ang nililigalig ng pinaniniwalaan nilang mga kaluluwa, o espiritu, ng mga patay. Iniisip nila na ang mga lumiligalig sa kanila ay ang galít na mga kaluluwa ng namatay nilang mga kamag-anak o iba pang tao. Pero maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na hindi ito totoo. Ang di-nakikitang mga puwersang espiritu na tinatawag na mga demonyo ang nasa likod ng panggugulong iyon, at tuwang-tuwa silang ligaligin at takutin ang mga tao.​—Lucas 9:37-43; Efeso 6:11, 12.

Sinasabi ng Kasulatan na si Satanas ang “ama ng kasinungalingan,” na “laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.” Siya at ang kaniyang mga demonyo ang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Juan 8:44; 2 Corinto 11:14; Apocalipsis 12:9) Sa katunayan, si Satanas ang pinagmulan ng kasinungalingan na ang kaluluwa ay imortal at maaaring manakit sa mga buháy.

Pero ang mga naniniwala sa Bibliya ay hindi nadadaya ng mga kasinungalingang iyon. Nalaman nila ang katotohanan na sinisikap ni Satanas na dayain ang mga tao para maniwala silang maaaring makipag-usap ang mga patay sa mga buháy. Maliwanag ang sinasabi ng Bibliya: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Oo, mababasa sa Salita ng Diyos ang mga katotohanang magpapalaya sa atin mula sa kasinungalingan tungkol sa kalagayan ng mga patay!​—Juan 8:32.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ May anuman bang nalalaman ang mga patay?​—Eclesiastes 9:5; Isaias 26:14.

◼ Bakit napakaraming naniniwala na may isang bahagi ng tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng isang indibiduwal?​—Juan 8:44.

◼ Saan natin malalaman ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay?​—Juan 8:32; 17:17.

[Blurb sa pahina 23]

Hindi ang mga patay kundi ang masasamang espiritung nilalang ang natutuwang manligalig sa mga tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share