Karalitaan—Ang ‘Di-napapansing Kagipitan’
“MARAMI tayong nababalitaan tungkol sa nakababahalang malalaking suliranin ng pag-init ng globo at mga suson ng ozone at polusyon sa karagatan,” ang sabi ng tagapayo ng United Nations na si Dr. Mahbub Ul-Haq, subalit sinabi pa niya: “Ang pag-init ng globo at ang marami pang ibang nakababahalang kagipitan ay papatay pa lamang [samantalang] ang di-napapansing kagipitan ay kumikitil na ng maraming buhay sa nagpapaunlad na mga bansa araw-araw.” Nagkomento si Dr. Ul-Haq tungkol sa isa sa mga kagipitang ito. “Ang karukhaan,” aniya, “ay talagang ang pinakamatinding pumapatay.” Paano?
Para sa marami sa 1.3 bilyon katao sa buong mundo na nabubuhay sa isang dolyar o wala pa sa isang araw, ang karukhaan ang tunay na nagiging nakamamatay na kasakunaan. Umaabot sa 18 milyon katao, ang ulat ng magasin na UN Chronicle, ang namamatay dahil sa “mga sakit na may kaugnayan sa karukhaan” bawat taon. Ang bilang na ito’y nakagugulat! Isip-isipin ang mga ulong balita na “nakaaagaw-pansin” kung, halimbawa, ang buong populasyon ng Australia, na mga 18 milyon, ay nagugutom sa isang taon! Subalit, ang pagkamatay ng milyun-milyong nagdarahop na ito, ang komento ng pagsasahimpapawid ng UN Radio ay “hindi gaanong pinag-uusapan.” Ang totoo, ito’y isang ‘di-pinapansing malaking kapahamakan.’
Upang matigil ang pagwawalang-bahala, pinag-usapan ng mga kinatawan mula sa 117 bansang dumalo sa kauna-unahang World Summit for Social Development ang mga paraan upang lutasin ang problema ng karukhaan sa daigdig. “Isang daan at limampung taon na ang nakalilipas nang maglunsad ang daigdig ng isang krusada tungkol sa pang-aalipin,” ang paalaala ni James Gustave Speth, ang administrador ng United Nations Development Programme. “Sa ngayon ay dapat tayong maglunsad ng isang pandaigdig na krusada laban sa laganap na karukhaan.” Bakit gayon na lamang ang pagkabahala? Ang karukhaan, ang babala niya, “ay nagbubunga ng pagkasiphayo at kawalang katatagan at [siyang] nagsasapanganib sa ating daigdig.”
Gayunman, kahit pinag-uusapan na ng mga delegado ang mga pamamaraan upang wakasan ang karukhaan, ipinakikita ng ‘orasan ng karukhaan,’ na siyang patuloy na sumusubaybay sa bilang ng mga sanggol na isinisilang sa dukhang mga pamilya araw-araw, na lumulubha ang kalagayan ng karukhaan sa buong daigdig. Ipinakikita ng orasan, na nakatanghal sa isang lugar ng kombensiyon, na noong buong linggo ng summit, halos 600,000 bagong-silang ang naidagdag sa nag-uumapaw na dami ng mahihirap. Sa katapusan ng huling araw ng summit, isinara ang orasan na nakatanghal; subalit ang totoo, gaya ng sabi ni Speth, “patuloy na tumitiktak ang orasan.” Ang tanong ngayon ay, Mapapansin kaya ito?