Pagmamasid sa Daigdig
Pagtulong sa mga Bingi sa Aprika
“Pinapurihan ng UNAD NEWS ang walang pag-iimbot na interes at pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova upang matuto ng sign language,” ang sabi ng babasahin ng Uganda National Association of the Deaf (UNAD). Iniulat ng babasahin na isang grupo ng nakaririnig na mga Saksi sa Kampala, Uganda, ang nag-aral ng sign language na may layuning pangalagaan ang espirituwalidad ng mga taong may kapansanan sa pandinig sa bansang iyan. Sinabi pa ng ulat na ang dalawang mahuhusay na interprete ay “mga regular pioneer o buong-panahong [mga ministro] sa isa sa mabilis lumago at lubusang iginagalang na relihiyon, na kilala sa buong mundo dahil sa lubusang pagsunod nito sa mga turo sa Bibliya.”
Maghugas ng Iyong mga Kamay!
Itinaguyod kamakailan ng American Society for Microbiology ang pananaliksik upang matiyak kung gaano karaming tao ang naghuhugas ng kanilang mga kamay pagkatapos magtungo sa isang pampublikong palikuran, ang ulat ng The New York Times. Ayon sa ipinakita, halos alam ng lahat na dapat silang maghugas ng kanilang mga kamay. Sa isang surbey sa telepono sa 1,004 na may sapat na gulang, 94 na porsiyento ang nagsabi na sila’y naghuhugas pagkatapos gumamit ng pampublikong palikuran. Subalit naghuhugas nga ba sila? Natuklasan ng mga mananaliksik na sumusubaybay sa mga palikuran sa limang malalaking lunsod sa Amerika na sa 6,333 katao, 61 porsiyento lamang sa mga lalaki at 74 na porsiyento sa mga babae ang naghugas ng kanilang kamay pagkatapos na gumamit ng palikuran. Madaling maikakalat ng maruruming kamay ang mga sakit, at maaaring magkasakit ang maraming tao sa pamamagitan lamang ng isang taong naghahanda ng pagkain na hindi naghugas ng mga kamay. Ang isang bahagi ng problema ay ang kawalan ng pagsubaybay ng magulang. “Malimit na hindi sinasabihan ng mga ina sa ngayon ang kanilang mga anak na hugasan ang kanilang mga kamay,” ang sabi ni Dr. Gail Cassell. “Hindi itinuturo ng mga paaralan ang bagay na ito. Kailangan tayong paalalahanan na ito’y mahalaga.”
Tumawa, at Mabuhay Nang Mas Matagal?
Matagal nang pinaniniwalaan na ang pagtawa ay mabuting kagamutan. Ipinasiyang tuklasin ng mga siyentipiko sa State University of New York sampung taon na ang nakaraan kung bakit nga ganito. Isiniwalat nila kamakailan ang natuklasan nila na ang pagtawa ay nakatutulong upang lumabas ang malalakas na hormone na nagpapalakas sa sistemang imyunidad ng isang tao. Ang isang grupo ng mga hormone, na tinatawag na cytokines, ay natuklasang tumutulong sa gawain ng mga puting selula ng dugo, na kinakailangan upang ilihis ang virus at baktirya at siyang sumisira sa posibleng mga selula sa kanser. Ang mga ito’y “isa [lamang] sa mga elemento na ang antas ay tumataas dahil sa pagtawa,” ang sabi ng The Sunday Times ng London. Ang kaugnayan sa pagitan ng pagtawa at cytokines ang umakay sa mga mananaliksik na tagurian ang mga ito bilang masayang mga hormone. Kaya, tinatawag ng pahayagan ang pagtawa “bilang isang resipe para sa mahabang buhay.”
Ang Simbahang Katoliko sa “Panahon ng Panganib”
Sinasabi ng isang dokumentong inilabas ng isang grupo na kasama ang pitong obispo na ang Simbahang Katoliko ay nasa “panahon ng panganib,” ang ulat ng Star-Telegram, ng Arlington, Texas. Ang dokumento ay “nananawagan sa simbahan na lunasan ang malalang pagkakabaha-bahagi nito,” ang sabi ng pahayagan. Ipinakikita ng surbey na marami sa 60 milyong Katoliko sa Estados Unidos ang hindi sumasang-ayon sa mga turo ng simbahan gaya ng hindi pag-aasawa ng mga pari at ang ordinasyon ng mga babae. Sa isang news conference na naglabas ng dokumento, ipinahayag ng yumaong kardinal na si Joseph Bernardin ang kaniyang pagkabahala tungkol sa “isang tumitinding pagkakabaha-bahagi sa loob ng simbahan at, kung minsan, ng espiritu ng masamang hangarin” na humahadlang sa misyon ng simbahan. “Bilang resulta, ang pagkakaisa ng simbahan ay nanganganib,” aniya. “Ang tapat na mga miyembro ng simbahan ay nanghihina at ang ating pagpapatotoo sa pamahalaan, lipunan at kultura ay nakokompromiso.”
Pag-unlad sa Pamamagitan ng Paggunita sa Lumipas
Bago pa ang mga transistor, nariyan ang mga vacuum tube. Ngayo’y ginugunita ng mga mananaliksik ang lumipas. “Sinusuri naming muli ang mga vacuum tube mula sa mga taon ng 1940,” ang sabi ng pisikong si Griff L. Bilbro, ng North Carolina State University. “Subalit ngayo’y sinasamantala namin ang bagong mga materyales at mga kasangkapang dinisenyo sa pamamagitan ng computer upang mahulaan ang ginagawa ng mga ito sa napakatataas na frequency, na ginagamit sa radar at mga cellular phone.” Ang isang pagkakaiba ng luma at bagong mga tubo ay ang sukat ng mga ito. Ang bagong mga tubo ay maliliit at sari-sari ang sukat na halos kasinliit ng ulo ng posporo. Ginagawa ang mga ito sa pamamagitan ng “pagkakaha sa mga electrode sa diyamante, pagkatapos ay inaalisan ng hangin sa loob,” ang sabi ng magasing Science News. “Ang malaking pagkakaiba ng bagong vacuum tube na diyamante at ng malalaking babasaging bombilya 50 taon na ang nakaraan ay ang init ng mga ito. Ang lumang mga tubo ay kailangan munang magbaga upang maglabas ng daloy ng mga electron. Ang bagong mga tubo ay naglalabas ng kuryente sa normal na temperatura.” Maliban pa sa mas tumatagal kaysa mga semiconductor at mga chip ng computer, nahihigitan din ng bagong mga tubo ang mga ito sa pinakamainit na temperatura, boltahe, at radyasyon.
Mga “Lifeguard” na Lampasot
Isang taong lumalangoy sa Dagat na Pula ang maaaring nailigtas ng isang grupo ng mga lampasot (dolphin), ang ulat ng Journal of Commerce. Si Mark Richardson, ng Britanya, ay lumalangoy sa baybayin ng Ehipto nang siya’y salakayin ng isang pating. Pagkatapos na siya’y pagkakagatin sa kaniyang tagiliran at braso, siya’y pinalibutan ng tatlong lampasot na hugis bote ang nguso na “ikinakampay ang kanilang mga palikpik at buntot upang itaboy ang pating.” “Ang mga lampasot ay patuloy na pumalibot kay G. Richardson hanggang sa matulungan siya ng kaniyang mga kaibigan.” Ayon sa Journal, “ang gayong paggawi ng mga lampasot ay karaniwan kapag iniingatan ng mga ina ang kanilang mga anak.”
“Fast-Food” na Komunyon
Isang Amerikanong negosyante, si Jim Johnson, ay gumagawa ng mga naitatapong nakapaketeng bagay na ginagamit sa Komunyon sa simbahan, ang ulat ng Christianity Today. Ang maliliit na kulay lilang plastik na inuman, na halos kasinliit at kasinghugis ng pang-isahang lalagyan ng gatas ng kape, ay naglalaman ng isang lagukang katas ng ubas o alak. May kasama rin itong ostiya sa loob ng dobleng-takip na lalagyan. Ayon kay Johnson, ang produkto ay mas madaling ihanda at iligpit, matipid, at malinis. Mahigit sa 4,000 simbahan ang bumaling na sa bagong produkto, bagaman may ilang reklamong bumangon tungkol sa paraan ng “maramihang pagbebenta” sa Komunyon. Ganito naman ito sinalungat ni Johnson: “Inihanda ni Jesus ang kauna-unahang pagkaing fast-food nang kaniyang pakainin ang libu-libo.”
Sumasakay na mga Kalapati
Matagal nang napapansin na ang mga kalapati sa London ay nakikisakay sa subwey kasama ng mga tao, ang ulat ng magasing New Scientist. Isa pa, sinasabi ng mga tao na alam pa nga ng mga ibon kung saan silang istasyon dapat bumaba. Pagkatapos ng isang paanyaya ng magasin, maraming mambabasa ang sumulat upang ikuwento ang kanilang mga karanasan sa mga manlalakbay na ibong ito. Halimbawa, isang lalaki ang sumulat: “Noong 1974-76, lagi kong nakikita ang isang kalapati na mapusyaw na pula ang kulay na sumasakay sa subwey sa Paddington at bumababa sa susunod na istasyon.” Isa pang lalaki ang nagsabi na gayundin ang kaniyang nakitang panoorin noon pang 1965. Wari bang ang mga kalapati ay nakalilibre ng pamasahe sa mga tren sa London sa halos 30 taon na!
Ginawang Legal ng Estado ng Australia ang Euthanasia
Isang lalaki sa Northern Territory sa Australia ang naging kauna-unahang tao na namatay sa ilalim ng bagong batas ng estado na nagpapahintulot sa pagpapatiwakal sa tulong ng doktor, ang ulat ng The New York Times. Ang lalaki ay nasa edad niyang 60 at pinahihirapan ng kaniyang kanser sa prostate na itinuturing na wala nang lunas. “Ito ang kauna-unahang pagkakataon kailanman na legal na winakasan ng isang tao ang kaniyang buhay,” ang sabi ni Dr. Philip Nitschke, ang manggagamot na nagsaksak ng nakamamatay na dosis ng barbiturates sa tao. “Ang lalaki ay nakakonekta sa isang makina na nagpapangyari sa kaniya na patayin ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagpindot sa isang buton ng laptop computer sa tabi ng kama,” ang paliwanag ni Nitschke. Gayunman, napapaharap sa matinding pagtutol ng bagong batas. Isinasaalang-alang ng pambansang parlamento ang paggawa ng batas upang alisin ang batas, at ang batas ay hinahamon sa korte ng ilang doktor at mga simbahan.
Binagong mga Simbahan
Ayon sa pahayagang Olandes na Het Overijssels Dagblad, halos 300 simbahan sa Netherlands ang ginawa nang mga supermarket, apartment, mga bulwagan ng pagtatanghal, at opisina. Dahil sa pagbaba ng bilang ng mga nagsisimba sa Netherlands nang halos 50 porsiyento sa loob ng mahigit na 15 taon, maraming simbahan ang natutuwang makasumpong ng isa na handang bumalikat ng kanilang pananagutan sa napakamahal na pagmamantini nito. Ang ilang simbahan ay ipinagbili sa napakaliit na halagang isang guilder (halos 60 sentimo, U.S.)! Gayunman, nagdulot ng kirot ng damdamin ang ginawang pagbabago sa dating simbahan na maging komersiyal na gusali, lalo na sa mga may edad na. Ganito ang sabi ng isang awtoridad: “Matagal na silang nagsisimba roon. Doon sila binautismuhan at ikinasal, at ngayon ay nakikita nila na ginagawa ng mga tao ang pinakakaraniwang mga bagay roon . . . , maging ang pagmumurahan.”