Isang Daigdig na Walang Krimen—Paano?
ANG pakikipagbaka laban sa organisadong krimen ay nagaganap ngayon sa buong daigdig. “May kapansin-pansing pagsulong sa pakikipaglaban sa Mafia sa loob ng napakaikling panahon,” pahayag ng U.S.News & World Report, “pangunahin nang dahil sa isang batas, ang Racketeer Influenced and Corrupt Organizations Act, o RICO.” Pinahihintulutan nito ang paghatol sa mga sindikato ng krimen salig sa isang parisan ng gawaing pandaraya, hindi lamang sa indibiduwal na mga gawa. Ito lakip na ang impormasyong nakuha sa pamamagitan ng mga wiretap (pagkakabit ng alambre sa mga linya ng telepono upang makinig sa usapan) at mula sa tagapagsuplong na mga miyembro ng gang na naghahangad ng mababaw na hatol ay gumaganap ng isang bahagi sa tagumpay ng pakikipagbaka laban sa Mafia sa Estados Unidos.
Sa Italya rin naman ay mahigpit ang pagsalansang ng mga awtoridad laban sa mga gang. Sa mga lugar tulad ng Sicily, Sardinia, at Calabria, kung saan malakas ang organisadong krimen, nagpadala ng mga sundalo na magpapatrolya sa mga gusaling pampubliko at mahahalagang lugar upang mahadlangan ang mga pag-atake ng mga miyembro ng sindikato. Itinuturing ito ng pamahalaan na waring katulad ng isang gera sibil. Yamang nasa bilangguan na ang mga kilabot na pinuno ng mga sindikato ng krimen at nasasakdal ang isang dating punong ministro dahil sa diumano’y kaugnayan niya sa Mafia, nakakakita ang Italya ng ilang tagumpay.
Sa Hapón ay hinigpitan ng pamahalaan ang yakuza nang ipatupad nito ang Anti-Organized Crime Law noong Marso 1, 1992. Sa ilalim ng batas na ito, minsang ituring na gayon ang isang organisasyon ng mga gangster, ito’y ipinagbabawal buhat sa 11 gawa ng marahas na pamimilit, kasali na ang paghingi ng suhol, pakikibahagi sa sapilitang paghingi ng salapi kapalit ng proteksiyon, at pakikialam sa paglutas ng mga alitan kapalit ng isang halaga. Sa pagpapatupad ng batas na ito, tunguhin ng pamahalaan na mapigil ang lahat ng pinagmumulan ng kinikita ng sindikato. Matindi ang naging epekto ng batas sa mga sindikato ng krimen. Nalansag ang ilang grupo, at nagpatiwakal ang isang puno ng sindikato—maliwanag na dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng batas.
Totoo naman, mahigpit ang pakikipagbaka ng mga pamahalaan at mga ahensiya sa pagpapatupad ng batas laban sa organisadong krimen. Gayunpaman, ganito ang sabi ng Mainichi Daily News, nang nag-uulat tungkol sa isang komperensiya ng mga hukom at mga opisyal ng pulisya buhat sa buong daigdig noong 1994: “Lumalaking mas malakas at mas mayaman ang organisadong krimen sa halos lahat ng panig ng daigdig, anupat nagkakamal ng hanggang sa 1 trilyong dolyar isang taon sa kabuuang kita.” Nakalulungkot, limitado lamang ang pagsisikap ng tao na burahin ang mga sindikato ng krimen mula sa balat ng lupa. Ang isang dahilan nito ay na sa maraming kaso ang katarungan ay mabagal at di-tiyak. Sa maraming tao, ang mga batas ay madalas na waring nakakiling nang pabor sa kriminal, hindi sa biktima. Sinabi ng Bibliya mga 3,000 taon na ang nakalilipas: “Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kayat ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nagagalak sa paggawa ng kasamaan.”—Eclesiastes 8:11.
Pag-alpas Mula sa mga Sindikato ng Krimen
Bukod pa sa pagbuwag sa organisadong krimen mula sa labas, sinikap ng mga pamahalaan na matulungan yaong mga nasa loob upang makaalpas mula sa mga sindikato ng krimen. Hindi madali ang gayong hakbang. Ayon sa isang matandang kasabihan, “ang tanging paraan upang makaalis sa Mafia ay sa loob ng isang kabaong.” Upang makaalis ang isang gangster mula sa organisasyon ng yakuza, kailangan niyang magbayad ng malaking halaga o ipaputol ang kaniyang maliit na daliri o ang isang bahagi nito. Upang makaragdag sa pagkatakot na nasasangkot sa pagputol ng kaugnayan sa sindikato, ang isang dating gangster ay kailangang humarap sa katotohanan na dapat siyang magkaroon ng malinis na pamumuhay. Malimit na tatanggihan ang kaniyang pag-aaplay sa trabaho. Gayunman, sa ilang bansa ay may mga linya ng telepono na itinalagang laging bukas upang matulungan ang mga gangster na nagsisikap makaalpas at nahihirapang makasumpong ng mga disenteng trabaho.
Upang maharap ang mga panggigipit mula sa sindikato at ang pagtatangi ng lipunan, kailangan ng isang gangster ang malakas na pangganyak upang magpakatino. Ano kaya ang makapagpapakilos sa kaniya? Maaaring iyon ay ang pag-ibig sa kaniyang pamilya, pananabik sa isang mapayapang buhay, o ang hangaring gumawa ng tama. Subalit ang pinakamalakas na pangganyak ay inilalarawang mabuti ng kasaysayan ni Yasuo Kataoka sa susunod na artikulo.
Si Yasuo Kataoka ay isang halimbawa ng daan-daang tao na lubusang nagbago ng kanilang buhay. Ang kanilang dating tulad-hayop na mga katangian ay hinalinhan na ng bagong personalidad na “nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa totoong katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:24) Ngayon, ang mga taong dati’y tulad ng mga lobo ay naninirahang payapa kasama ng mahihinahon, tulad-tupang mga mamamayan, at tinutulungan pa man din nila ang iba!—Isaias 11:6.
Tumakas Mula sa Espiritu ng Sanlibutan
Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, hindi lamang nasa ilalim ng di-nakikitang awtoridad ni Satanas na Diyablo ang lahat ng sindikato ng krimen kundi ang buong sanlibutan din naman. Hindi pa man din ito natatalos ng mga tao, ngunit inorganisa ni Satanas ang sanlibutan upang isakatuparan ang kaniyang buktot na mga layunin. Kung paanong naglalaan ng kayamanan at pakunwaring kaayusang pampamilya ang mga sindikato ng krimen, gumaganap siya ng isang papel ng isang mapagkawanggawang panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga tao ng kayamanan, kasiyahan, at pagkadama ng pagkakaisa. Bagaman hindi ninyo natatanto ito, baka kayo ay nasilo na ng kaniyang balakyot na mga pakana. (Roma 1:28-32) Sinasabi sa atin ng Bibliya na “ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos.” (Santiago 4:4) Hindi ligtas na maging matalik na kaibigan ng sanlibutang ito, na nasa ilalim ng satanikong impluwensiya. Ang Maylalang ng sansinukob ay may isang hukbo ng mga anghel sa ilalim ni Jesu-Kristo na handang damputin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo upang linisin ang sanlibutang ito mula sa kanilang balakyot na impluwensiya.—Apocalipsis 11:18; 16:14, 16; 20:1-3.
Kung gayon ay paano kayo makaaalpas mula sa impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas? Hindi sa pamamagitan ng pamumuhay na tulad ng isang ermitanyo kundi sa pamamagitan ng paglaya mula sa mga saloobin at kaisipan na nangingibabaw sa sanlibutan sa ngayon. Upang magawa ito, kailangan ninyong paglabanan ang mga panakot na taktika ni Satanas at tanggihan ang mga pangganyak na iniaalok niya upang panatilihin ang kaniyang mahigpit na hawak sa mga tao. (Efeso 6:11, 12) Nangangahulugan ito ng mga pagsasakripisyo, ngunit makaaalpas kayo tulad ng ginagawa ng iba kung determinado kayo at kung sasamantalahin ninyo ang tulong na iniaalok ng mga Saksi ni Jehova.
Ano ang kasunod sa paglilinis ng Diyos sa maligalig na sanlibutang ito ng krimen? “Kung tungkol sa supling ng mga balakyot, sila nga’y tiyak na puputulin,” sabi ng Bibliya, at nagpatuloy pa ito: “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:28, 29) Kung magkagayon, wala nang dahilan na manginig doon sa mga may tulad-hayop na mga katangian, sapagkat sila’y babaguhin ng “kaalaman ni Jehova,” na siyang pupuno sa lupa.—Isaias 11:9; Ezekiel 34:28.
Natutupad na ngayon ang gayong pagbabago, tulad ng ipinakikita sa kasaysayan ng buhay ng isang dating miyembro ng yakuza sa Hapón.
[Larawan sa pahina 10]
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, masisiyahan ang lahat sa gawa ng kanilang mga kamay