Pagmamasid sa Daigdig
Inaabuso ang Inireresetang mga Gamot
Sa estado ng Victoria, Australia, iniuulat ng pahayagang Herald Sun sa Melbourne na “gumugugol ang mga Australiano ng $3 bilyon sa isang taon sa mga gamot at patuloy na nagiging sugapa sa inireresetang mga gamot na pamatay-kirot.” Nagbabala ang minister sa kalusugan sa Victoria na “ang pag-abuso sa inireresetang mga gamot ay unti-unting nagiging problema natin at ito’y maaaring makasama sa kalusugan at istilo ng buhay gaya ng ipinagbabawal na mga droga.” Sinabi rin niya ang kaniyang pagkabahala tungkol sa mga ulat na parami nang paraming tao ang ngayo’y ‘nagpapalipat-lipat ng mga doktor’ upang kumuha ng napakaraming reseta. Ang ilang tableta ay itinatago, pagkatapos ay dinudurog at isinasaksak sa ugat. Ayon sa isang surbey, ang porsiyento ng tao na gumagamit ng pamatay-kirot na mga gamot sa ibang dahilan maliban sa medikal na gamit nito ay tumaas mula 3 porsiyento noong 1993 hanggang 12 porsiyento noong 1995.
Inosenteng mga Biktima sa Rwanda
Nito lamang nakaraang lansakang pagpatay sa Rwanda, daan-daang libong babae ang hinalay at ginawa pa ngang mga seksuwal na alipin ang ilan. Kalimitan nang ang mga nanghahalay ay ang mga lalaki mismo na walang-awang pumatay sa mga asawa at mga kamag-anak ng mga babae. Halos 35 porsiyento ng mga biktima ng panghahalay ang nagdalang-tao. Pinili ng ilang babae ang magpalaglag o patayin ang sanggol bilang kalutasan sa kanilang mahirap na kalagayan; pinabayaan ng iba ang mga sanggol o ipinaampon ang mga ito. Gayunman, “sa katamtamang pagtantiya, may 2,000 hanggang 5,000 inaayawang mga bata sa Rwanda na ang mga ina ay hinalay noong panahon ng gera sibil,” ang ulat ng The New York Times. Napakaraming babaing balo at ang kanilang mga anak ang itinakwil sa kanilang mga komunidad. Sinasabi ng Times na “naging imposible para sa maraming babae ang makatagpo ng bagong asawa o magpasimula ng bagong buhay.” Nakikita ng ilang ina sa kanilang mga anak ang patuloy na pagpapaalaala sa kanilang kahihiyan at ang malupit na pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay. Dahil sa napakasaklap na mga alaalang ito, nahihirapan ang ilang ina na magpakita ng pagmamahal sa kanilang mga sanggol.
Mga Problema sa Paa
Ayon sa mga pagtantiya na isinagawa ng Health Service of Federal Association of Physicians sa Alemanya, kalahati sa mga mamamayan ng bansang iyan ang nagkakaproblema sa kanilang mga paa. “Pinababayaan ng maraming tao ang pangangalaga sa kanilang mga paa o inaabuso ang kanilang mga paa sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga sapatos na napakasikip o nakapipinsala sa kanilang kalusugan,” ang ulat ng pahayagang Nassauische Neue Presse. Ang laging pagsusuot ng de-takong na mga sapatos o napakasisikip na mga sapatos ay maaaring magbunga ng kirot sa tuhod, balakang, o likod. Ang mga sakit na sanhi ng fungi, gaya ng alipunga at mycosis, ay lalong lumalaganap. Ang isang paraan ng pag-iingat na iminumungkahi ng Federal Association of Physicians ay “pagbabanlaw nang husto at pagpapatuyo nang husto sa pagitan ng mga daliri sa paa.”
Pagkagumon sa Pamimili
Sa Ireland ang pagkagumon sa pamimili “ay kinikilala sa ngayon bilang isang pagkasugapa at itinuturing na malubhang pagkahumaling sa emosyon at isip na kasama ng alkohol, droga, pagsusugal at mga sakit na nakukuha sa pagkain na nangangailangan ng propesyonal na tulong,” ang sabi ng The Irish Times. Ang mga biktima ng pagkahumaling na ito ay maaaring gumastos ng malaki-laking salapi sa pagbili ng mga bagay na hindi naman nila kailangan. Ganito ang paliwanag ng ulat: “Ang tuwa sa pamimili ng mga damit ay naglalabas ng dopamine at serotonin sa katawan, na siyang lumilikha ng nararamdamang kaligayahan.” Para sa gumón na mga mamimili, tulad ng mga sugapa sa droga, ang rurok ng kasiyahan ay pahirap nang pahirap na makuha.
“Isang Hukbo ng Sumisibol na Manonood ng TV”
Isiniwalat ng isang surbey sa 21,000 pamilya sa Italya na ang karamihan ng mga bata sa Italya ay dumedepende sa TV. Sinabi ng pahayagang La Repubblica na “isang hukbo ng sumisibol na manonood ng TV” ang sanay na gumamit ng remote control sa edad nilang isang taon. Mahigit sa apat na milyong bata sa Italya sa pagitan ng mga edad na tatlo at sampu ang nagbababad sa TV, halos nahihipnotismo na sa loob ng dalawa at kalahating oras sa isang araw. Ikinababahala ng mga dalubhasa sa pangkaisipang kalusugan ang bagay na maraming bata na kasimbata ng anim hanggang walong buwan ang nanonood na ng TV.
Ang mga Babae at ang Pagpapatiwakal
“May 4,500 pagpapatiwakal ang nagaganap sa Britanya taun-taon: limang lalaki sa bawat isang babae,” ang ulat ng The Times ng London. Subalit ang bilang ng pagpapatiwakal sa kabataang mga babae sa pagitan ng 15 at 24 na taong gulang ay mabilis na dumami nitong nakaraang apat na taon. Ipinaliwanag ng isang propesor sa University of Southampton ang isa sa posibleng dahilan: “Ibig ng mga kabataang babae na maging mahusay sa kanilang mga trabaho kasabay ng pananagutan pa rin sa pangangalaga ng pamilya. Ang mga ina na nasa katamtamang kalagayan sa lipunan ay umuupa ng mga tagapag-alaga ng bata upang sila’y makapagtrabaho. Pagkatapos sila’y namimighati at sinusumbatan ng kanilang sariling budhi. Itinutulak ng kanilang katawan na sila’y maging mga ina at sinasabi ng kanilang isip na sila’y dapat na magtrabaho at kumita ng salapi.” Ipinalalagay ng propesor na kapag natipon ang lahat ng kaigtingan at panggigipit, ito ay maaaring lalo pang hahantong sa pagpapatiwakal.
“Pandaigdig na Sentro” ng AIDS
Ang India ay tulad ng isang “matulin na tren na pabulusok sa landas ng kapahamakan” at mabilis na nagiging “pandaigdig na sentro ng isa sa pinakamalupit na salot na kailanma’y humampas sa sangkatauhan,” ang sabi ng isang bagong pagsusuri na isinagawa ng Thames Valley University, sa London. Gayundin, sinabi ni Dr. Peter Piot, ang pinuno ng programa ng United Nations sa AIDS, sa ika-11 pandaigdig na pulong tungkol sa AIDS na biglang sumulpot ang India bilang isang bansa na may pinakamaraming bilang ng tao na nahawahan ng virus ng AIDS—mahigit na 3 milyon mula sa 950 milyong populasyon nito. Ayon sa pahayagang Indian Express, tinataya ng isang pagsusuri na ang mga babaing nagbibili ng aliw ay laging pinupuntahan ng 10 porsiyento ng mahigit na 223 milyong lalaki na mahilig sa sekso sa India. Ang mga babaing nagbibili ng aliw na nagtatrabaho sa malalaking lugar sa lunsod at natuklasang nahawahan ay karaniwang pinababalik sa kanilang bayang pinagmulan kung saan walang kaalaman tungkol sa sakit at kung saan mas kulang na mga pasilidad sa panggagamot kaysa ibang lunsod ang dahilan ng mabilis na pagkalat ng sakit. Tinataya na sa taóng 2000, ang India ay magkakaroon ng limang milyon hanggang walong milyon katao na positibo sa HIV at di-kukulangin sa isang milyon na may malalang mga kaso ng AIDS.
Mga Pinsala sa Isport
• “Ang pamimisikleta sa bundok ay nauuso nang husto, at ang mga namimisikleta ay humahantong sa ospital,” ang ulat ng Vancouver Sun ng Canada. Sa pagitan ng 1987 at 1994, ang ulat ng pahayagan, ang bilang ng mga taong namimisikleta sa kabundukan sa Estados Unidos ay dumami nang 512 porsiyento, mula sa 1.5 milyon tungo sa 9.2 milyon. Ang sabik na sabik na mga baguhan na namimisikleta nang higit sa kanilang kakayahan sa liblib na mga lugar at mga landas ang natutumba sa kanilang mga bisikleta at nagkakaroon hindi lamang ng mga sugat at gasgas kundi rin naman ng malulubhang pinsala sa bukungbukong, galanggalangan, balikat, at balagat. Ang ilang pinsala, bagaman hindi naman nagsasapanganib ng buhay, ay maaaring magdulot ng malala at pangmatagalang mga epekto. Ipinalalagay ni Dr. Rui Avelar, dalubhasa sa paggamot sa mga pinsalang dulot ng isport, na ang isang bali sa isa sa walong maliliit na buto sa galanggalangan ay malimit na di-napupuna sa X ray. Ganito ang kaniyang babala: “Kapag bumagsak ka na nakabuka ang kamay, dapat mong ikabahala ito nang lubusan.” Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng osteoarthritis sa galanggalangan at permanenteng pinsala.
• “Sa Alemanya, nasa pagitan ng 1.2 milyon at 1.5 milyon ang nagaganap na aksidente sa isport taun-taon,” ang ulat ng Süddeutsche Zeitung. Pinag-aralan ng mga tauhang gumagamot sa University of Bochum ang 85,000 pinsala dahil sa paglilibang at isport sa pagsisikap na makakuha ng tumpak, detalyadong impormasyon tungkol sa mga ito. Ang mga manlalaro ng soccer ay nakaranas ng halos 50 porsiyento ng lahat ng pinsala. Gayunman, kapag isinasaalang-alang ang bilang ng mga sumasali sa iba’t ibang isport, natuklasan ng mga mananaliksik na ang soccer, handball, at basketball ay may magkatulad na dami ng pinsala. Halos 1 sa 3 aksidente sa isport ay sa bukungbukong, na sinusundan ng 1 sa 5 aksidente sa tuhod.
Mag-ingat sa E. Coli O157:H7
“Ang biglang paglitaw ng pagkalason sa pagkain na sanhi ng isang mabagsik na uri ng E. coli bacteria . . . ay lumalaganap sa buong mundo,” ang babala ng The New York Times. “Ang dami ng baktirya na nagdadala ng lason ay dumarami, gayundin ang dami ng impeksiyon at pagkamatay sa buong daigdig.” Ang uri ng baktirya, na uring O157:H7, ay unang nakilala bilang isang problema noong 1982. Gayunman, sapol noo’y inangkin nito ang bagong gene upang makalikha ng lason na Shiga, na siyang sanhi ng Shigella dysentery. Kapag hindi ito agad nagamot, ang diarrhea ay maaaring magbunga ng pagdurugo sa loob, pinsala sa bato, at kamatayan. Noong 1993, sa hilagang-kanluran sa Estados Unidos, 4 katao ang namatay at 700 ang nagkasakit pagkatapos na makakain ng di-gaanong nalutong hamburger sa isang kilalang restawran. Sa nakalipas na mga taon ang biglang paglitaw ng sakit ay naganap din sa Aprika, Australia, Europa, at Hapon. Sa Estados Unidos lamang, ang E. coli O157:H7 ang dahilan ng pagkakasakit ng 20,000 bawat taon at mula sa 250 hanggang sa 500 namamatay. “Maaaring mapabuti ng mga mamimili ang kanilang kalagayan na hindi malason sa pamamagitan ng pagtiyak na naluto ang karne, lalo na ang giniling na karne, anupat ang temperatura sa loob ng karne ay umabot ng 155 digri Fahrenheit, na may sapat na init upang maalis ang pamumula-mula,” ang sabi ng Times.