Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 11/22 p. 4-8
  • Ang Salot sa Ika-20 Siglo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Salot sa Ika-20 Siglo
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagiging Mas Mabagsik ang Dating mga Sakit
  • Sakit at Karalitaan
  • Mga Bagong Nakilalang Sakit
  • Mga Salik na Pabor sa Mikrobyo
  • Paghihiganti ng mga Mikrobyo
    Gumising!—1996
  • Isang Daigdig na Ligtas sa Sakit
    Gumising!—2004
  • Ang Kalagayan ng Pandaigdig na Kalusugan—Isang Lumalaking Agwat
    Gumising!—1995
  • Mga Tagumpay at Kabiguan sa Paglaban sa Sakit
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 11/22 p. 4-8

Ang Salot sa Ika-20 Siglo

ANG Black Death ng ika-14 na siglong Europa ay hindi humantong sa katapusan ng mundo, gaya ng inihula ng marami. Subalit kumusta naman sa ating panahon? Ang mga epidemya at mga sakit ba sa ating panahon ay nagpapahiwatig na tayo’y nabubuhay sa tinatawag ng Bibliya na “ang mga huling araw”?​—2 Timoteo 3:1.

‘Tiyak na hindi,’ maaaring isipin mo. Marami ang nagawa ng mga pagsulong sa medisina at siyensiya upang tulungan tayong maunawaan at labanan ang sakit ngayon kaysa sa anumang panahon sa kasaysayan ng tao. Ang mga siyentipiko sa medisina ay nakagawa ng maraming antibiotic at bakuna​—malalakas na panlaban sa mga sakit at mga mikrobyo na nagpapangyari ng mga ito. Ang mga pagsulong sa pangangalaga sa ospital gayundin sa paggamot sa tubig, sanitasyon, at paghahanda ng pagkain ay nakatulong din sa pakikipagbaka laban sa nakahahawang sakit.

Mga ilang dekada na ang nakalipas, inakala ng marami na ang pakikipagbaka ay halos tapos na. Nalipol na ang bulutong, at ang iba pang sakit ay inasintang lipulin. Mabisang nasugpo ng mga gamot ang di-mabilang na mga karamdaman. Ang mga propesyonal sa kalusugan ay tumingin sa hinaharap na taglay ang magandang pag-asa. Matatalo ang nakahahawang sakit; sunud-sunod na malilipol. Mananaig ang siyensiya ng medisina.

Subalit hindi ito nanaig. Ang nakahahawang sakit ngayon ay nananatiling ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa daigdig, na kumitil ng mahigit na 50 milyon katao noong 1996 lamang. Ang magandang pag-asa ng kahapon ay hinahalinhan ng lumalagong pagkabahala sa hinaharap. Ang The World Health Report 1996, na ginawa ng World Health Organization (WHO), ay nagbabala: “Karamihan ng pagsulong na nagawa sa nakalipas na mga dekada tungo sa pagpapabuti ng kalusugan ng tao ay nanganganib ngayon. Tayo’y nasa bingit ng isang pangglobong krisis sa nakahahawang sakit. Walang bansa ang ligtas.”

Nagiging Mas Mabagsik ang Dating mga Sakit

Ang isang dahilan sa pagkabahala ay na ang kilalang mga sakit, na dating inaakalang nadaig na, ay nagbabalik sa mga anyong mas nakamamatay at mas mahirap gamutin. Isang halimbawa ang tuberkulosis, isang sakit na dati’y itinuturing na talagang nasupil na sa maunlad na mga bansa. Subalit hindi naglaho ang tuberkulosis; ito ngayo’y kumikitil ng mga tatlong milyong tao sa isang taon. Kung hindi pagbubutihin ang mga hakbang upang masupil ito, halos 90 milyong tao ang inaasahang magkakasakit sa mga taon ng 1990. Ang tuberkulosis na hindi tinatablan ng gamot ay kumakalat sa maraming bansa.

Isa pang halimbawa ng sakit na muling lumitaw ay ang malarya. Apatnapung taon na ang nakalipas ay umasa ang mga doktor na mabilis na malilipol ang malarya. Ngayon ang sakit ay kumikitil ng mga dalawang milyong tao sa bawat taon. Ang malarya ay laganap, o laging naririyan, sa mahigit na 90 bansa at nagbabanta sa 40 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Ang mga lamok na nagdadala ng mga parasito ng malarya ay hindi na tinatablan ng mga pestisidyo, at ang mga parasito mismo ay hindi na rin tinatablan ng mga gamot anupat natatakot ang mga doktor na ang ilang uri ng malarya ay maaaring wala nang lunas sa malapit na panahon.

Sakit at Karalitaan

Ang iba pang mga sakit ay walang-awang pumapatay sa kabila ng pag-iral ng mabibisang pamamaraan upang sugpuin ang mga ito. Isaalang-alang halimbawa, ang spinal meningitis. May mga bakuna upang hadlangan ang meninghitis at mga gamot upang lunasan ito. Isang biglang paglitaw ang nagngalit sa bahagi ng Sahara sa Aprika maaga noong 1996. Malamang na wala kang gaanong nabalitaan tungkol dito; gayunman, ito’y kumitil ng mahigit na 15,000 katao​—ang karamiha’y mahihirap na tao, ang karamiha’y mga bata.

Ang mga impeksiyon sa gawing ibaba ng palahingahan, pati na ang pulmonya, ay kumikitil ng apat na milyong tao sa bawat taon, na ang karamihan sa kanila ay mga bata. Ang tigdas ay kumikitil ng isang milyong bata taun-taon, at ang tuspirina ng karagdagang 355,000. Marami sa mga kamatayang ito ay maaari sanang hadlangan ng murang mga bakuna.

Mga walong libong bata ang namamatay bawat araw dahil sa pagkaubos ng tubig sa katawan sanhi ng diarrhea. Halos lahat ng mga kamatayang ito ay mahahadlangan sana sa pamamagitan ng mabuting sanitasyon o malinis na maiinom na tubig o sa pamamagitan ng pagbibigay ng oral rehydration solution.

Karamihan ng mga kamatayang ito ay nangyari sa nagpapaunlad na bansa, kung saan sagana ang karalitaan. Halos 800 milyong tao​—isang malaking bahagi ng populasyon ng daigdig​—ang walang matanggap na pangangalaga sa kalusugan. Ganito ang sabi ng The World Health Report 1995: “Ang pinakamalaking sanhi ng kamatayan sa daigdig at ang pinakamalaking dahilan ng hindi mabuting kalusugan at pagdurusa sa buong daigdig ay nakatala halos sa dulo ng Internasyonal na Pag-uuri ng mga Sakit. Ito’y binigyan ng kodigong Z59.5​—matinding karalitaan.”

Mga Bagong Nakilalang Sakit

Ang iba pang sakit ay bago, kailan lamang nakilala. Ganito ang sabi ng WHO kamakailan: “Sa nakalipas na 20 taon, hindi kukulangin sa 30 bagong sakit ang lumitaw na nagsasapanganib sa kalusugan ng daan-daang milyong tao. Sapagkat marami sa sakit na ito ay walang gamot, lunas o bakuna at ang posibilidad na mahadlangan o makontrol ang mga ito ay natatakdaan.”

Halimbawa, isaalang-alang ang HIV at AIDS. Hindi pa kilala noong nakalipas na mga 15 taon lamang, ang mga ito ay nagpapahirap ngayon sa mga tao sa lahat ng kontinente. Sa kasalukuyan, mga 20 milyong nasa hustong gulang ang nahawahan ng HIV, at mahigit na 4.5 milyon ang nagkaroon ng AIDS. Ayon sa Human Development Report 1996, ang AIDS ang nangungunang sanhi ng kamatayan ngayon para sa mga nasa hustong gulang na wala pang 45 sa Europa at Hilagang Amerika. Sa buong daigdig, mga 6,000 tao ang nahahawa sa bawat araw​—isa sa bawat 15 segundo. Ipinahihiwatig ng mga pagtantiya sa hinaharap na ang bilang ng mga kaso ng AIDS ay patuloy sa mabilis na pagdami. Sa taóng 2010, ang haba ng buhay sa mga bansa sa Aprika at Asia na lubhang apektado ng AIDS ay inaasahang bababa sa 25 taon, ayon sa isang ahensiya sa Estados Unidos.

Ang AIDS ba ay isang di-pangkaraniwan at pambihirang sakit, o maaari kayang lumitaw ang iba pang epidemya ng sakit upang lumikha ng katulad o masahol pa ngang kapinsalaan? Ang WHO ay sumasagot: “Walang alinlangan, nagkukubli ang mga sakit na hindi pa kilala subalit may potensiyal na maging ang AIDS ng kinabukasan.”

Mga Salik na Pabor sa Mikrobyo

Bakit ba nag-aalala ang mga dalubhasa sa kalusugan tungkol sa mga epidemya ng sakit sa hinaharap? Ang isang dahilan ay ang paglaki ng populasyon sa mga lunsod. Sandaang taon ang nakalipas, halos 15 porsiyento lamang ng populasyon ng daigdig ang nakatira sa mga lunsod. Gayunman, tinataya ng mga hula na sa taóng 2010, mahigit sa kalahati ng mga tao sa daigdig ang titira sa mga lunsod, lalo na sa malalaking lunsod ng mahihirap na bansa.

Ang nakahahawang mikrobyo ay nananagana sa lubhang mataong mga lugar. Kung ang isang lunsod ay may mabuting pabahay gayundin ng sapat na mga sistema sa alkantarilya at tubig at mabuting pangangalaga sa kalusugan, ang panganib ng mga epidemya ay nababawasan. Subalit ang mga lunsod na pinakamabilis lumaki ay yaong nasa mahihirap na bansa. Ang ilang lunsod ay may isa lamang palikuran para sa bawat 750 katao o higit pa. Maraming lugar sa lunsod ang wala ring mabuting pabahay at malinis na maiinom na tubig gayundin ng mga pasilidad sa paggamot. Sa lugar na daan-daang libo katao ang siksikang nakatira sa napakaruming mga kalagayan, doon malamang na mabilis makahawa ang sakit.

Nangangahulugan ba ito na ang mga epidemya sa hinaharap ay doon lamang sa siksikan at lipos ng karalitaan na malalaking lunsod? Ang babasahing Archives of Internal Medicine ay sumasagot: “Dapat na lubusan nating maunawaan na ang mga nabubukod na dako ng matinding karalitaan, kawalang-pag-asa sa kabuhayan, at ang mga kahihinatnan nito ay nagbibigay ng saganang posibilidad upang mabilis na kumalat ang sakit at magapi ang teknolohiya ng natitira pang bahagi ng sangkatauhan.”

Hindi madaling ibukod ang sakit sa isang dako. Maraming tao ang patuloy na lumilipat. Araw-araw ay halos isang milyong tao ang tumatawid sa internasyonal na mga hangganan. Bawat linggo ay isang milyon ang naglalakbay sa pagitan ng mayayaman at mahihirap na bansa. Habang lumilipat ang mga tao, kasunod nila ang nakamamatay na mga mikrobyo. Ganito ang sabi ng The Journal of the American Medical Association: “Ang biglang paglitaw ng sakit saanman ay dapat ituring ngayon bilang isang banta sa karamihan ng mga bansa, at lalo na yaong nagsisilbing sentro ng internasyonal na paglalakbay.”

Kaya nga, sa kabila ng mga pagsulong sa medisina sa ika-20 siglo, patuloy na umaani ng mga buhay ng tao ang mga salot, at ikinatatakot ng marami na darating pa ang pinakagrabe. Ngunit ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hinaharap?

[Blurb sa pahina 4]

Ang nakahahawang sakit ay nananatiling siyang nangungunang sanhi ng kamatayan, na kumikitil ng mahigit sa 50 milyong tao noong 1996 lamang

[Kahon sa pahina 6]

Hindi Na Tinatablan ng Antibiotic

Maraming nakahahawang sakit ang pahirap nang pahirap na gamutin sapagkat ang mga ito ay hindi na tinatablan ng mga antibiotic. Ganito ang nangyayari: Kapag ang isang tao’y nahawahan ng baktirya, ang mga ito’y patuloy na dumarami, na ipinapasa ang kanilang henetikong katangian sa kanilang mga supling. Sa paggawa ng bawat bagong baktirya, may tsansa na magkaroon ng pagbabago​—isang bahagyang pagkakamali sa pagkopya na magbibigay sa bagong baktirya ng isang bagong katangian. Ang posibilidad na ang isang baktirya ay magbago sa isang paraan na gagawa rito na hindi na tablan ng antibiotic ay lubhang napakaliit. Subalit ang baktirya ay nagpaparami nang bilyun-bilyon, anupat kung minsan ay gumagawa ng tatlong salinlahi ng supling sa isang oras. Kaya, nangyayari ang hindi dapat mangyari​—paminsan-minsan, lumilitaw ang isang baktirya na mahirap patayin ng antibiotic.

Kaya kapag ang isang nahawahang tao ay uminom ng antibiotic, nalilipol ang mahihinang baktirya, at malamang na bumuti ang pakiramdam ng tao. Gayunman, ang hindi tinatablang baktirya ay nakaliligtas. Subalit ngayon ay hindi na ito nakikipagkompetensiya para sa mga sustansiya at teritoryo laban sa mga kapuwa mikrobyo. Ang mga ito’y malayang nakapagpaparami nang walang pumipigil. Yamang ang isang baktirya ay maaaring magparami nang mahigit na 16 na milyong baktirya sa loob ng isang araw, sandali lamang at ang tao’y muling nagkakasakit. Subalit, ngayon siya ay nahawa ng isang uri ng baktirya na hindi na tinatablan ng gamot na dapat sana’y papatay rito. Ang mga baktiryang ito ay makahahawa rin sa iba pang tao at sa kalaunan ay magbabagong muli upang hindi na tablan ng iba pang antibiotic.

Ganito ang sabi ng isang editoryal sa babasahing Archives of Internal Medicine: “Ang mabilis na pagdami ng baktirya, virus, fungus, at parasito na hindi na tinatablan ng ating kasalukuyang terapeutikong pamamaraan ay nagpapangyari sa isa na magtanong hindi kung, kundi kailan tayo matatalo sa digmaang ito ng tao laban sa daigdig ng mikrobyo.”​—Amin ang italiko.

[Kahon sa pahina 7]

Ilang Bagong Nakahahawang Sakit Mula Noong 1976

Kung Saan

Taon Unang Lumitaw

Nakilala Pangalan ng Sakit o Nakilala

1976 Legionnaires’ disease Estados Unidos

1976 Cryptosporidiosis Estados Unidos

1976 Ebola hemorrhagic fever Zaire

1977 Hantaan virus Korea

1980 Hepatitis D (Delta) Italya

1980 Human T-cell lymphotropic virus 1 Hapon

1981 AIDS Estados Unidos

1982 E. coli O157:H7 Estados Unidos

1986 Bovine spongiform encephalopathy* United Kingdom

1988 Salmonella enteritidis PT4 United Kingdom

1989 Hepatitis C Estados Unidos

1991 Venezuelan hemorrhagic fever Venezuela

1992 Vibrio cholerae O139 India

1994 Brazilian hemorrhagic fever Brazil

1994 Human and equine morbillivirus Australia

*Mga kaso ng hayop lamang.

[Credit Line]

Pinagkunan: WHO

[Kahon sa pahina 8]

Nagbabalik ang Dating mga Sakit

Tuberkulosis: Mahigit na 30 milyon katao ang inaasahang mamamatay sa tuberkulosis sa dekadang ito. Dahil sa di-mabisang paggamot sa sakit noon, ang tuberkulosis na hindi na tinatablan ng gamot ay nagbabanta ngayon sa daigdig. Ang ilang uri ay kasalukuyang hindi tinatablan ng mga gamot na dating walang mintis na lumipol sa baktirya.

Malarya: Ang sakit na ito ay nagpapahirap sa hanggang 500 milyong tao taun-taon, na kumikitil ng 2 milyon. Ang pagsawata ay nahadlangan dahil sa kawalan o maling paggamit ng mga gamot. Bunga nito, ang mga parasito ng malarya ay hindi na tinatablan ng mga gamot na dating pumatay sa mga ito. Lalo pang nagpapalubha sa problema ang lamok na hindi na tinatablan ng mga pamatay-insekto.

Kolera: Ang kolera ay kumikitil ng 120,000 tao sa isang taon, karamihan ay sa Aprika, kung saan ang mga epidemya ay naging lalong malaganap at mas madalas. Bagaman di-kilala noon sa Timog Amerika sa loob ng mga dekada, ang kolera ay humampas sa Peru noong 1991 at mula noon ay kumalat sa buong kontinente.

Dengue: Ang virus na ito na dala ng lamok ay nagpapahirap sa tinatayang 20 milyong tao sa bawat taon. Noong 1995 ang pinakamatinding epidemya ng dengue sa Latin Amerika at sa Caribbean sa 15 taon ay humampas sa di-kukulangin sa 14 na bansa roon. Ang mga epidemya ng dengue ay dumarami dahil sa lumalaking mga lunsod, sa pagkalat ng mga lamok na nagdadala ng dengue, at sa lansakang paglipat ng mga taong nahawahan.

Dipterya: Ang mga programa ng maramihang pagbabakuna na nagsimula 50 taon na ang nakalipas ay gumawa sa sakit na ito na lubhang bibihira sa industriyalisadong mga bansa. Gayunman, mula noong 1990, ang mga epidemya ng dipterya ay nagngalit sa 15 bansa sa Silangang Europa at sa dating Unyong Sobyet. Hanggang sa 1 sa 4 katao na nagkasakit ang namatay. Noong unang kalahati ng taóng 1995, halos 25,000 kaso ang naiulat.

Bubonic plague: Noong 1995, hindi kukulangin sa 1,400 kaso ng salot na tao ang iniulat ng World Health Organization (WHO). Sa Estados Unidos at sa iba pang lugar, ang sakit ay kumalat sa mga dakong dati’y walang salot sa loob ng mga dekada.

[Credit Line]

Pinagkunan: WHO

[Larawan sa pahina 5]

Sa kabila ng mga pagsulong sa pangangalaga sa kalusugan, hindi napahinto ng siyensiya ng medisina ang pagkalat ng nakahahawang sakit

[Credit Line]

Larawan ng WHO na kuha ni J. Abcede

[Larawan sa pahina 7]

Ang mga sakit ay madaling kumalat kapag ang mga tao ay siksikang nakatira sa napakaruming mga kalagayan

[Larawan sa pahina 8]

Mga 800 milyong tao sa nagpapaunlad na mga bansa ang walang tinatanggap na pangangalaga sa kalusugan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share