Ang Kalagayan ng Pandaigdig na Kalusugan—Isang Lumalaking Agwat
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
NANG si Ali Maow Maalin ay magkasakit ng bulutong sa Somalia noong 1977, ito ay nagpangyaring siya’y maospital at mapalagay rin sa mga ulong-balita. Pagkatapos na siya’y gamutin at gumaling, ipinahayag ng WHO (World Health Organization) noong 1980 na ang bulutong—pagkatapos puminsala ng milyun-milyong tao sa loob ng mga dantaon—ay nalipol na mula sa balat ng lupa. Sinasabing si Ali ang kahuli-hulihang biktima sa daigdig.
Noong 1992, iniulat ng WHO ang iba pang mga pagsulong sa pangangalagang-pangkalusugan: Noong mga taon ng 1980, mas maraming tao sa nagpapaunlad na mga bansa ang nakakukuha na ng malinis na maiinom na tubig at mga pasilidad sa sanitasyon. Karagdagan pa, mas malaking porsiyento ng populasyon sa mahihirap na bansa ang nagkaroon ng medikal na pangangalaga sa kanilang lokal na pamayanan. Bunga nito, sa nakalipas na dekada, ang bilang ng mga batang namamatay ay bumaba sa ilang dako.
Nakatatakot na mga Katotohanan
Gayunman, ang mga tagumpay na ito ay nababawi ng mga kabiguan at nahihigitan ng unti-unting lumilitaw na mga banta. Isaalang-alang ang ilang nakatatakot na mga katotohanan.
HIV/AIDS—Mahigit na 17,000,000 katao sa buong daigdig ang nahawahan ng HIV, ang virus na nagiging sanhi ng AIDS. Halos 3,000,000 ang nahawahan sa loob lamang ng isang taon, humigit-kumulang 8,000 sa isang araw. Mahigit na isang milyong bata ang nagkaroon ng HIV. Ang mga kamatayan dahil sa AIDS sa gitna ng mga bata ay maaaring pawiin ang anumang pagsulong na nagawa sa pagliligtas sa mga bata sa nakalipas na mga dekada. At ang epidemya ng AIDS ay nag-uumpisa nang dumami nang bigla at mabilis sa maraming dako, gaya sa Asia. Mahigit na 80 porsiyento ng lahat ng mga biktima ng HIV, sabi ng Aids and Development, ay nakatira sa nagpapaunlad na mga bansa.
Tuberkulosis (TB)—Bagaman lubhang niwawalang-bahala sa nakalipas na dalawang dekada, ang TB ay minsan pang sumasalot sa daigdig, kumikitil ng mga tatlong milyong tao sa isang taon, ginagawa itong ang numero unong mamamatay-tao sa gitna ng nakahahawang mga sakit. Mahigit na 98 porsiyento ng mga kamatayang iyon ay nangyari sa nagpapaunlad na mga bansa. Upang palalain pa ang kalagayan, ang mga taong nahawahan ng HIV ay nagkakaroon din ng TB, bumubuo ng isang nakamamatay na pagsasama taglay ang mapangwasak na mga resulta. Inaasahang sa taóng 2000, isang milyong taong nahawahan ng HIV taun-taon ang mamamatay sa TB.
Kanser—Ang bilang ng mga kaso ng kanser sa nagpapaunlad na mga bansa ay mas marami ngayon kaysa roon sa mayayamang bansa.
Sakit sa Puso—“Malapit na tayo sa isang pangglobong malaking sakuna dahil sa sakit sa puso,” babala ni Dr. Ivan Gyarfas ng WHO. Ang sakit sa puso ay hindi na isang salot lamang sa industriyalisadong mga bansa. Sa Latin Amerika, halimbawa, dalawa hanggang tatlong ulit na mas maraming tao ang mamamatay mula sa sakit sa puso kaysa mula sa nakahahawang mga sakit. Sa loob ng ilang taon, ang mga sakit sa puso at mga atake serebral ang magiging pangunahing sanhi ng kamatayan sa lahat ng nagpapaunlad na mga bansa.
Tropikal na mga Sakit—Ang WHO ay nagbababala: “Ang tropikal na mga sakit ay waring kumalat nang malawak at mabilis na para bang hindi masawata, na ang kolera ay kumakalat sa mga bansa sa Amerika . . . , apektado naman ng mga epidemya ng yellow fever at dengue ang mas maraming tao, at ang kalagayan ng malarya ay sumásamâ.” Ang magasing Time ay nagsasabi: “Sa mas mahihirap na bansa ng daigdig, ang pakikipagbaka sa nakahahawang sakit ay isa nang malaking kapahamakan.” Ang bilang ng mga taong namamatay dahil sa malarya lamang ay halos dalawang milyon sa isang taon sa ngayon—ito ang kalagayan pagkatapos ipalagay na ito ay lubusan nang nalipol mga 40 taon na ang nakalipas.
Sakit na Diarrhea—Ang nasasawi sa gitna ng mga kabataan sa nagpapaunlad na mga bansa ay nakagigitla. Halos 40,000 bata ang namamatay araw-araw bilang resulta ng impeksiyon o malnutrisyon; isang bata ang namamatay tuwing walong segundo mula sa sakit na diarrhea lamang.
Ang Kalusugan at ang Karalitaan—Ang Kaugnayan
Ano ang ipinahihiwatig sa atin ng kalagayang ito ng kalusugan? “Ang nagpapaunlad na mga bansa ay hinampas ng dalawang problema,” sabi ng isang dalubhasa sa kalusugan. “Sila ngayon ay hinahampas ng lahat ng lumilitaw na makabagong talamak na mga sakit gayundin ng umiiral pang tropikal na mga sakit.” Ang resulta? Isang nakababalisang “heograpikal na agwat” ang lumitaw, sabi ng aklat na Achieving Health for All by the Year 2000. Sa gayon, ang pangangalaga sa kalusugan sa mga 40 bansa sa Aprika at Asia ay “hindi kaagapay ng iba pa sa daigdig.” Napakalaki ng agwat sa kalusugan—at lumalaki pa.
Bagaman may maraming dahilan para sa lumalaking agwat na ito, ang isang pangunahing sanhi ng hindi mabuting kalusugan, sabi ng magasing World Health, “ay karalitaan.” (Ihambing ang Kawikaan 10:15.) Kadalasan ay hinahatulan ng karalitaan ang mga tao sa di-sapat na mga tirahan na walang sanitasyon, walang malinis at sapat na tubig, at siksikang tirahan. Ang tatlong salik na ito ay hindi lamang humahadlang sa kalusugan kundi sa katunayan ay nagdadala ng mga sakit. Idagdag pa rito ang malnutrisyon, na nagpapahina sa mga depensa ng katawan laban sa sakit, at mauunawaan mo kung bakit ang karalitaan ay nakapipinsala sa kalusugan kung paanong ang mga anay ay nakapipinsala sa kahoy.
Kapag ang nakamamatay na mga sakit ay magpangyari sa mga tahanan na mahawahan ng mga mikrobyong nagdadala ng sakit, sumasalanta sa mga katawan, at pumapatay sa mga bata, ang mahihirap ang lubhang apektado. Pansinin ang ilang halimbawa. Sa mahihirap na dako sa Timog Aprika, ang paglitaw ng tuberkulosis ay sandaang ulit na mas mataas kaysa sa mga dako ng mayayaman sa bansa ring iyon. Sa mga lugar ng mahihirap sa Brazil, anim na ulit ng mga tao ang namamatay dahil sa pulmunya at trangkaso kaysa nakapalibot na mas mayayamang bansa. At ang bilang ng mga sanggol na namamatay sa mga pamilyang dukha sa India ay sampung ulit na mas mataas kaysa mayayamang pamilya sa India. Ang masakit na katotohanan ay maliwanag: ‘Ang karalitaan ay mapanganib sa iyong kalusugan!’
Hindi kataka-taka na mahigit isang bilyon ng mahihirap sa daigdig ay nakadarama ng pagkasiphayo. Ang pinakasaligang mga dahilan ng karalitaan ay hindi nila kaya, at ang nagdudulot ng sakit na mga resulta ay nangingibabaw sa kanilang buhay. Kung ikaw ay pinahihirapan ng karalitaan, maaaring nadarama mo ring ikaw ay walang pag-asang nakakulong sa miserableng panig ng agwat ng kalusugan. Gayunman, mahirap man o hindi, may ilang hakbang na makukuha mo upang pangalagaan ang iyong kalusugan at yaong sa iyong mga anak. Anu-ano ang mga hakbang na iyon? Ang sumusunod na artikulo ay nag-aalok ng ilang mungkahi.