Mas Mahaba ang Buhay ng mga Babae Ngunit Hindi Naman Laging Mas Mabuti
SA PALIBOT ng daigdig ang mga babae ay higit na may edad na kung mag-asawa, mas kakaunti ang mga anak, at mas mahaba ang buhay. “Nagbabago ang buhay ng mga babae,” ang ulat ng magasing UNESCO Sources. Sa pagitan ng 1970 at 1990, nadagdagan ang haba ng buhay ng mga babae sa pagsilang ng apat na taon sa mga bansang maunlad at halos siyam na taon naman sa nagpapaunlad na mga bansa. “Nangangahulugan ito na sa mga bansang mauunlad sa ngayon, ang mga babae ay 6.5 taon na mas mahaba ang buhay kaysa mga lalaki sa katamtaman. Sa nagpapaunlad na mga bansa ang kahigitan ay limang taon sa Latin Amerika at sa Caribbean, 3.5 taon sa Aprika at tatlong taon sa Asia at sa Pasipiko.”
Gayunman, para sa maraming babae, ang mas mahabang buhay ay hindi nangangahulugan ng mas mabuting buhay. Ang Our Planet, isang magasin ng United Nations, ay nagsasabi na para sa karamihan ng mga babae sa mundo, ang pangunahing mga karapatang pantao ay “isa [pa ring] matamis sa ibabaw ng keyk na hindi pa nila kailanman natitikman. Hinahanap pa rin nila ang basta ordinaryong tinapay at tubig.” Subalit, kahit ang pangunahing mga karapatang pantao, ang sabi ng UN, ay hindi matamo ng milyun-milyon sapagkat ang karamihan pa rin ng mga taong hindi marunong bumasa at sumulat, mga takas, at mahihirap ay mga babae. Sa kabila ng mga pagsulong, ang pagtatapos ng UNESCO Sources, “ang hinaharap ng kababaihan . . . ay tila mapanglaw.”