Ang “Didgeridoo” at ang Kaakit-akit na mga Ritmo Nito
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
SUMAMA kayo sa amin sa corroboree (masayang panggabing kapistahan) ng mga katutubong Aborigine sa Northern Territory ng Australia, ilang oras lamang ang layo mula sa Darwin, ang kabiserang lunsod nito. Sa halip na gawin ito bilang panimula sa pakikipaglaban ng tribo, maraming makabagong corroboree ang isinasagawa lalo na para sa mga turista. Ito ang uri ng aming pupuntahan.
Ang mga magtatanghal, na pintado ang mga katawan ng matitingkad na kulay, ay tahimik na nakatayo habang kanilang hinihintay ang musika upang magbigay ng pahiwatig para simulan ang kanilang sayaw. Biglang nagsimula ang musika, at ang katahimikan ng pagtatakip-silim ng liblib na lugar ay nabulabog ng napakalakas at dumadagundong na ritmo. Sinasaliwan pa ito ng pagpapatunog ng mga patpat—dalawang maiikling patpat na kahoy na pinaghahampas na kasaliw ng tugtog ng didgeridoo.
Marahil iilan sa labas ng Australia ang nakarinig sa didgeridoo, isang kakaibang instrumento ng musika ng mga Aborigine ng Australia. Ito’y karaniwang gawa sa hungkag na sanga ng punong eukalipto, at mas pinipili ang habang mula sa isa hanggang isa’t kalahating metro. Ang manunugtog ay nauupo sa lupa sa isang tabi ng malaking lugar ng pagtatanghalan, hihipan ang kaniyang didgeridoo—waring simple subalit nakatatawag-pansing instrumento.
Kakaibang Tunog
Bagaman ang didgeridoo ay naglalabas ng halos iisang tono—ito’y angkop na inilalarawan bilang “humuhugong na trumpeta”—ito’y maaaring lumikha ng sari-saring ritmo at tono. Sa isang saglit ito’y may tunog ng nag-iisang instrumento, subalit sa susunod, maaari itong magkaroon ng sari-saring lakas ng tunog at damdamin, tulad ng isang buong orkestra.
Bago dumating ang mga Europeo sa Australia mga 200 taon na ang nakalipas, ang nakaaalam lamang ng didgeridoo ay ang mga Aborigine na nagpapagala-gala sa mga lugar sa hilaga ng islang kontinente. Sa mga corroboree, ito’y musikang kasaliw ng sayaw na muling nagsasadula sa mitolohiya ng mga Aborigine tungkol sa paglalang. Noong panahong iyon, ang mahuhusay na manunugtog ng didgeridoo ay iginagalang na mabuti, at maging hanggang sa ngayon ang isang bihasang manunugtog ay itinuturing na isang kilalang miyembro ng tribo.
Malimit na sinasabayan ng bihasang mga manunugtog ang pangunahing mga nota ng didgeridoo ng mga tinutularang tinig ng mga hayop at ibon. Ang tawa ng ibong kookaburra; ang pag-alulong ng asong gubat ng Australia, o dingo; ang mayuming huni ng kalapati; at ang napakaraming iba pang mga tunog ay bahagi ng kanilang bihasang paggaya.
Ang The New Grove Dictionary of Music and Musicians ay nagsasabi ng ganito tungkol sa manunugtog ng didgeridoo: “Kabilang sa kaniyang mga katangian ang tumpak at maliksing paggamit ng dila, mahusay na pagpipigil ng hininga, ang tamang pagtitikom ng mga labi sa dulo ng tubo at ang napakagaling na memorya sa musika. . . . Bagaman wala siyang teknolohiya at mga materyal, at walang kaalam-alam sa ideya ng ihipan, reed, slide o mga butas para sa daliri, nagawa naman [ng Aborigine] ang isang simpleng kasangkapan na maging birtusong instrumento sa musika sa pamamagitan ng paggamit ng napakagaling na imahinasyon sa musika at pisikal na kakayahan.”
Walang alinlangan ang pinakakahanga-hangang bahagi ng musika ng didgeridoo ay ang tuluy-tuloy na nota, o ang hugong nito. Wari bang naipakikita ng isang manunugtog na siya’y may malalakas na baga, sapagkat maaaring walang patid ang musika na umaabot hanggang sampung minuto kung minsan.
Ang Paggawa ng Didgeridoo
Dahil sa taglay na matang sanay, ang isang katutubong bihasang-manggagawa ay maglilibot sa iláng para maghanap ng angkop na matigas na punungkahoy, lalo na ang eukalipto. Bagaman magagamit naman ang malambot na kahoy, nakapaglalabas ng mas magandang tono ang matitigas na kahoy. Ang puno ay kailangang matagpuang malapit sa bahay ng anay sapagkat ang mga anay ang tagagawa ng didgeridoo. Binubutas nila ang mga sanga na ginagamit sa musikal na instrumentong ito.
Pagkatapos na mapili ang sanga, ito’y puputulin sa nais na haba. Ang piniling haba ang tumitiyak sa tono ng gawa nang instrumento. Pagkatapos ang balat ng kahoy ay aalisin, ang labas ng malambot na balat ay kakayasin upang mahadlangan ang pagbitak, at lilinisin ang loob nito. Kapag ang pinakaloob ay kinain nang husto ng mga anay, dapat na makapasok ang isang malaki-laking barya sa loob nito. Ang susunod na hakbang ay ang pagpapalamuti, na maaaring maging kaakit-akit. Subalit hindi pa maaaring patunugin ang didgeridoo.
Ang balat sa palibot ng bibig ng manunugtog ay mamumula dahil sa palaging pagdaiti sa kahoy. Kaya lalagyan ng pagkit ang paligid ng ihipan ng didgeridoo, na nagiging makinis anupat hindi nakasasakit sa balat ng manunugtog. Gayunman, sa ngayon ang mga didgeridoo ay ginagawa na sa mga pabrika, malimit mula sa malalambot na kahoy. Subalit ang mga didgeridoo na gawa sa pabrika ay karaniwang mahina ang klase ng tunog at tono na mayroon naman ang likas na matitigas na kahoy.
Kaya, sa pagtatapos ng corroboree at sa pagwawakas ng aming gabi sa ilalim ng mga bituin sa tropikal na kapaligiran, hindi na basta isang bagay na kakaiba para sa amin ang didgeridoo. Ang totoo, ang namamalaging magandang himig ng didgeridoo ay isang pagkilala sa mga katutubong tao na mahihilig sa musika na nasa lupaing nasa ibaba ng mundo.
[Larawan sa pahina 24]
Ang didgeridoo ay maaaring may makukulay na pinta
[Larawan sa pahina 25]
Ang corroboree ng mga Aborigine
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Mga pahina 24-5 Mga Aborigine: Sa Kagandahang-loob ng Australian Northern Territory Tourist Commission