Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 10/8 p. 5-8
  • Kung Bakit Nakaaapekto sa Atin ang Musika

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Bakit Nakaaapekto sa Atin ang Musika
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Elemento ng Musika
  • Armonya, Di-Pagkakasuwato ng Tono, at Melodya
  • Musika at ang Utak
  • Musika, mga Liriko, at Ikaw
  • Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
    Gumising!—1993
  • Mag-ingat Laban sa Hindi Mabuting Musika!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Paano Ako Magiging Balanse sa Pakikinig ng Musika?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Magiging Matalino Ka ba sa Pagpili?
    Gumising!—2011
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 10/8 p. 5-8

Kung Bakit Nakaaapekto sa Atin ang Musika

ANG musika at wika ay pantao lamang. Mahirap gunigunihin ang isang daigdig kung wala ang alinman sa mga ito. “Kapuwa ang wika at musika ay mga katangian ng lahi ng tao na waring pambuong-daigdig,” ang sabi ng aklat na The Musical Mind. Ang mga ito ay mga aspekto ng ating pangangailangang makipag-ugnayan. Kaya maaaring sabihin na, gaya sa wika, kapag “nagsasalita” ang musika, “nakikinig” ang ating damdamin.

Bakit at paano nagsasalita ang musika sa ating damdamin? Upang masagot ito, kailangan nating isaalang-alang ang: (1) mga elemento mismo ng musika at kung paano ito binabasa ng ating utak; (2) ang kayarian ng ating damdamin at kulturang kinalakhan, na nakaiimpluwensiya sa ating reaksiyon sa musika; at (3) ang wika, na maaaring makaapekto rin sa ating reaksiyon.

Ang mga Elemento ng Musika

Ang mga katangian ng musika ay kadalasang tinutukoy bilang “mga elemento ng musika.” Kasali sa mga elementong ito ang tono, o uri ng tunog, ng isang instrumento. Halimbawa, ang French horn ay inilalarawan bilang “maringal,” o matindi, at ang tunog nito ay ibang-iba sa “hambog” na trumpeta. Bagaman ang dalawa ay kapuwa kabilang sa iisang pamilya, o grupo, ng mga hinihipang instrumento, bawat isa sa mga ito ay naglalabas ng mga overtone, o mga harmonic, na may iba’t ibang lakas. Ito ang nagbibigay sa bawat instrumento ng kakaibang “boses” nito. Ginagamit ng mga kompositor ang mga katangiang ito upang makalikha ng mga tunog na makapupukaw sa damdamin ng mga tagapakinig.

Marahil ang isa sa unang mga elementong nakilala natin ay ang ritmo​—malamang na samantalang tayo ay nasa sinapupunan pa, anupat nakikinig sa tibok ng puso ng ating ina. Sinasabi na ang pagtugon sa ritmo ng musika ay maaaring naiimpluwensiyahan, nang di-namamalayan, ng tibok ng ating puso o maging ng ating paghinga. Kaya naman, marahil ay hindi lamang nagkataon na waring mas gusto ng karamihan sa mga tao ang tiyempo ng musika na nasa pagitan ng 70 at 100 kumpas bawat minuto​—kapareho ng katamtamang tibok ng puso ng isang malusog na adulto. Kahit paano ay ganito ang ipinahiwatig sa babasahing Perceptual and Motor Skills.

Lumilitaw ang napakaraming sari-saring musika na maaaring malikha ng mga elementong ito kapag ang magkakaibang instrumento at ang mga tunog at melodya na pinalalabas ng mga ito ay binigyang-pansin. Ang makabagbag-damdaming tunog ng bassoon sa ikalawang bahagi ng concerto ni Mozart para sa bassoon ay maaaring pumukaw ng matitinding emosyon at damdamin. Ang malungkot na tunog ng isang plawtang shakuhachi ng Hapon ay banayad na makaaantig sa puso. Ang paos na tunog ng tenor saxophone ay nagpapangyari na mamalagi sa isip ng marami ang isang melodyang blues. Ang paulit-ulit at maindayog na baho ng isang tuba sa isang bandang Aleman ay karaniwan nang pumupukaw ng masayang damdamin. Ang malalambing na tono ng mga biyolin na tumutugtog ng isang balseng Strauss ang nagpapakilos sa maraming tagapakinig na magnais na sumayaw. Nagkakaroon ng gayong mga epekto dahil ang “musika ay nagsasalita sa buong katauhan ng tao,” ayon kay Clive E. Robbins, ng Nordoff-Robbins Music Therapy Center, sa New York.

Armonya, Di-Pagkakasuwato ng Tono, at Melodya

Ang armonya ay gumagawa ng kalugud-lugod na tunog, samantalang pangit naman ang nagagawa ng di-pagkakasuwato ng tono. Subalit alam mo ba na ang mga elementong ito ay nagiging kapupunan ng isa’t isa sa ilang musika? Ang isang piyesa ng musika na waring may armonya ay baka may mas maraming di-nagkakasuwatong tono kaysa sa inaakala mo. Ang palaging pagsasama ng armonya at di-nagkakasuwatong tono ay naglalaan ng pagbabagu-bago, bagaman karamihan ay hindi namamalayan, sa pagtaas ng tensiyon, na naibubulalas sa ating emosyon. Ang ganitong malumanay na pagbabagu-bago ng emosyon ay nakagiginhawa, samantalang ang basta di-nagkakasuwatong tono ng musika lamang ay makaiinis at makapupukaw ng di-kaayaayang damdamin​—gaya ng nangyayari kapag ikinayod ang mga kuko sa isang maliit na sulatan o pisara. Sa kabilang panig, kung ang musika ay nakabatay lamang sa armonya, magiging kayamut-yamot ito.

Ang melodya ay ang magandang pagkakaayos ng bawat nota nang sunud-sunod. Ayon sa ilang awtoridad, ang salita ay galing sa Griegong salita na meʹlos, na nangangahulugang “awit.” Ang melodya, ayon sa mga diksyunaryo, ay kalugud-lugod na musika, anumang kalugud-lugod na tunog.

Gayunman, hindi lamang sunud-sunod na tunog ang lumilikha ng kalugud-lugod na melodya. Halimbawa, ang malalaking patlang na palaging nasa pagitan ng sunud-sunod na mga nota ay maaaring magpatindi sa puwersa ng melodya ngunit hindi magpapaging kalugud-lugod dito. Sa kabilang banda, ang sunud-sunod na mga nota na may kaunting malalaking patlang ay maaaring lumikha ng isang kaayaayang melodya. Ang iba’t ibang ayos ng mga nota at mga patlang ay nagbibigay ng isang malungkot o masayang katangian sa isang melodya. Gaya ng armonya, ang isang melodya ay lumilikha ng sarili nitong tensiyon at pagbubulalas, anupat nakaaapekto sa ating damdamin dahil sa pagtaas at pagbaba ng tono​—alalaong baga, kung gaano kataas o kababa ang tunog ng isang nota.

Kapag pinagsama-sama, ang lahat ng elementong ito ay lumilikha ng malalakas na puwersa na maaaring magpasigla o magpaginhawa sa ating damdamin. Dahilan ito sa iba’t ibang paraan ng pagtanggap at pagbasa ng ating utak sa musika.

Musika at ang Utak

Sinasabi ng ilan na ang wika at lohika ay pangunahin nang pinangangasiwaan ng kaliwang bahagi ng ating utak, samantalang ang musika ay binabasa ng kanang bahagi ng utak, na pangunahin nang kaugnay ng damdamin at emosyon. Totoo man ito o hindi, maliwanag na ang musika ay nakapupukaw ng kagyat na reaksiyon mula sa mga tagapakinig. Ganito ang pagkakasabi rito ng babasahing Perceptual and Motor Skills: “Ang musika ay nagtataglay ng kapangyarihang lumikha ng damdamin at emosyon sa isang mabilis at epektibong paraan. Ang isang bagay sa aklat na mangangailangan ng maraming pangungusap upang mailarawan . . . , ay maaaring ipahayag sa musika sa pamamagitan lamang ng isang measure o isang chord.”

Hinggil sa pagtutulungan ng paningin at pakinig at ang mga reaksiyon sa bawat isa sa mga ito, ang aklat na Music and the Mind ay may ganitong interesanteng sinabi: “May mas malapit na kaugnayan ang pakinig at ang pagkapukaw ng damdamin kaysa ang paningin at ang pagkapukaw ng damdamin. . . . Ang pagkakita sa isang nasugatang hayop o nagdurusang tao na nananahimik ay pupukaw lamang ng kaunting reaksiyon ng damdamin sa isang tagapagmasid. Subalit minsang magsimulang humiyaw ang mga ito, ang nagmamasid ay karaniwan nang napupukaw nang matindi.”

Musika, mga Liriko, at Ikaw

Isang grupo ng mga dalubhasa ang nag-aangkin na ang isang piyesa ng musika ay may pare-parehong epekto sa lahat ng nakikinig. Gayunman, sinasabi naman ng isa pa na ang reaksiyon sa isang melodya o awit ay nagpapabanaag sa kasalukuyang kalagayan ng isip o nakaraang karanasan ng isang indibiduwal. Maaaring ipaghalimbawa rito ang isang taong namatayan ng mahal sa buhay na nakarinig ng isang awitin, marahil sa isang dako ng pagsamba. Ang awitin ay maaaring magpagunita ng mga alaala at magdulot ng kalungkutan o magpaluha pa nga sa isang namimighati. Maaari namang awitin ng iba na wala sa gayong kalagayan ang awit ding iyon na taglay ang masayang kalooban.

Isaalang-alang din ang mga paglalarawang nabanggit na hinggil sa French horn at sa trumpeta. Maaaring hindi ka sumang-ayon na ang French horn ay may maringal na tunog. Baka para sa iyo ay masigla o masaya ang tunog nito, samantalang ang trumpeta ay maaaring waring mas puno ng damdamin. Sa loob ng bawat isa sa atin, may isang bukod-tanging bukal ng damdamin na mapababalong ng musika​—kaya naman, tumutugon tayo sa ating sariling paraan.

Tumutulong ang musika upang maiugnay ang mga salita o mga ideya sa damdamin. Kaya naman kakaunting mga anunsiyo sa telebisyon o radyo ang inihaharap nang walang saliw na musika. Kadalasan ay hindi malaki ang nagagawa ng mga salita. Subalit, kapag ang angkop na saliw ng musika ang ginamit, ang anunsiyo ay magkakaroon ng epekto sa damdamin ng mga tagapakinig. Totoong-totoo nga na ang tunguhin ng halos lahat ng pag-aanunsiyo ay gawing reaksiyon ng emosyon ang pagbili sa halip na ng makatuwirang pag-iisip!

Bagaman ang pag-aanunsiyo ay may di-kanais-nais na epekto sa bulsa ng publiko, mayroon pang mas seryosong disbentaha ang kapangyarihan ng mga liriko at musika. Sinasabi ng Journal of Youth and Adolescence na sa pamamagitan ng mga liriko na inuulit-ulit, itinuturo ng mga kompositor ng musika sa mga kabataan na ipagwalang-bahala ang mga opinyon ng iba at “magmatigas.” Ayon sa isa pang pinagmulan, ang mga mensahe na ipinahahayag sa pamamagitan ng “kontrobersiyal na mga lirikong rap . . . , na mas malinaw kaysa sa kasabay nitong mga heavy metal,” ay maaaring manuot sa kabuuang damdamin ng tagapakinig at magbunga ng paggawing laban sa lipunan.

Maaari bang hadlangan ang mga negatibong reaksiyon kung ang isang tao ay basta makikinig lamang sa musika at ipagwawalang-bahala ang mga liriko? Buweno, dapat kilalanin na sa kalakhang bahagi, talagang ang mga salita sa musikang heavy metal at rap ay mahirap pakinggan. Sa katunayan, kadalasan ay halos hindi na ito maintindihan dahil sa di-karaniwang lakas ng tunog ng musika. Gayunman, may salita man o wala, ang mensahe ay naroon pa rin sa maindayog na ritmo at paulit-ulit na melodya!

Paano? Buweno, ang ilan sa mga pamagat lamang ay lumilikha na ng mga larawan. Bukod dito, ang uri ng musika mismo ay kadalasang siya na ring mensahe. Anong mensahe ang ipinahihiwatig? Isang babasahin ng mga kabataan ang nagsabi: “Waring isa itong larawan ng kapangyarihan, lakas, at seksuwal na pananagumpay.” Ganito ang sinabi pa ng isa: “Ang mga pangunahing tema . . . ay labis na paghihimagsik, karahasan, pag-aabuso sa nakalululong na mga bagay, kahalayan sa sekso, labis na kaluguran, at Satanismo.”

Sinasabi ng ilang kabataan na bagaman maaaring totoo ito, hindi naman masama ang epekto nito sa kanila. Ikakatuwiran nila na ang gayong musika ay kapaki-pakinabang dahil nakatutulong ang mga ito upang ‘matiyak nila kung sino sila’ bilang mga indibiduwal. Gayon nga kaya? Ganito ang sinabi ng Journal of Youth and Adolescence: “Ang galit, mga tema hinggil sa paglaban, at ang kapangyarihang iniuugnay ng ilang kabataang lalaki sa heavy metal ay maaaring lalo nang katanggap-tanggap sa pagtatapos ng maghapon para sa mga kabataang lalaking may mabababang marka pagkatapos batahin ang isang araw sa paaralan na sinasabihang ang isa ay hindi nakapasa.” Pagkatapos ay sinabi nito: “Ang kakatwa o nakalilito rito ay na ang paghahanap ng mga kabataan ng mas panatag at totoong sarili ay nagsasangkot ng paggamit sa isang instrumentong pangmadla at ginagamit ng lahat. Sa halip na humanap ng tunay na pambihirang mga karanasan sa kanilang pag-iisa, ang mga kabataan ay bumabaling sa mga ginawang huwaran na inilaan ng mga industriyang pangkomersiyo.” Sa ibang salita, may nagdidikta sa mga kabataang ito kung ano ang iisipin at kung ano ang dapat madama.

Suriin natin ang mga konsiyertong rock. Ano ang epektong naidudulot nito sa mga pulutong na nanonood sa mga ito? Ang aklat na Music and the Mind ay sumasagot: “Walang-alinlangan na, sa pamamagitan ng pagpukaw sa emosyon ng pulutong at sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga emosyong iyon ay magsasama-sama sa halip na magbubukud-bukod, maaaring lubhang makaimpluwensiya ang musika sa pagpawi sa mapanuring paghatol, ang bulag na pagpapadaig sa damdamin sa pagkakataong iyon, na totoong mapanganib na katangian ng paggawi ng isang pulutong.” Ang ilang tagpo ng magugulong pagpapakasasa sa mga konsiyertong rock ay naglalarawan sa katotohanan ng mga salitang iyan.

Kaya, upang maiwasan na marumihan ang isip at puso, dapat na maging mapamili tayo sa ating pinipiling musika. Paano natin ito magagawa? Ang ating pangwakas na artikulo ang sasagot sa tanong na ito.

[Larawan sa pahina 7]

Kadalasan ay pinangyayari ng musika na magnais ang mga tagapakinig na sumayaw

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share