KABANATA 31
Paano Ako Magiging Balanse sa Pakikinig ng Musika?
Gaano kahalaga sa iyo ang musika?
□ Mabubuhay ako kahit wala ito.
□ Mamamatay ako kung wala ito.
Kailan ka nakikinig ng musika?
□ Kapag nagbibiyahe
□ Kapag nag-aaral
□ Sa lahat ng oras
Ano ang paborito mong klase ng musika, at bakit? ․․․․․
LIKAS sa atin na masiyahan sa musika. At para sa maraming kabataan, napakahalaga ng musika. “Hindi ako mabubuhay kung wala ito,” ang sabi ng 21-anyos na si Amber. “Wala yatang oras na hindi ako nakikinig ng musika—kahit pa nga naglilinis ako, nagluluto, nag-aaral, o kahit may inaasikaso lang ako sandali sa labas.”
Ang ritmo ay maaaring base lamang sa simpleng matematika, pero higit pa riyan ang musika—hindi lamang ito pumupukaw sa isip kundi tumatagos rin hanggang sa pinakamalalim nating emosyon. Kung paanong “ang salita sa tamang panahon [ay] O anong buti!” ang isang awit naman sa tamang panahon ay talagang nakagiginhawa! (Kawikaan 15:23) “Minsan, naiisip ko, parang walang nakakaintindi sa akin,” ang sabi ng 16-anyos na si Jessica. “Pero kapag nakikinig ako sa paborito kong banda, alam kong hindi lang ako ang nade-depress.”
Pinag-aawayan o Pinagkakasunduan?
Baka hindi gusto ng mga magulang mo ang paborito mong musika. “Sasabihin ni Tatay, ‘Patayin mo nga ’yan! Nakakabingi!’” ang sabi ng isang binatilyo. Dahil paulit-ulit kang napagsasabihan, baka naiirita ka na at pakiramdam mo’y maliit na bagay lang, ginagawa pang malaking isyu ng mga magulang mo. “Bakit, nu’ng bata ba sila, gusto rin kaya ng mga magulang nila ’yung pinakikinggan nilang musika?” ang katuwiran ng isang dalagita. Ganito naman ang reklamo ni Ingred, 16 anyos: “Ang matatanda talaga, ang hilig sa luma. Sana maintindihan nila na maganda rin naman ang musikang pinakikinggan ng mga kabataan ngayon!”
Tama si Ingred. Karaniwan na, iba talaga ang gusto ng matatanda sa gusto ng mga bata. Pero hindi naman ibig sabihin nito na lagi na lang pag-aawayan ang musika. Ang kailangan lang ay humanap ka ng mapagkakasunduan ninyo ng mga magulang mo. Kung iginagalang nila ang Bibliya, hindi ka gaanong mahihirapan. Bakit? Dahil makakatulong sa iyo at sa iyong mga magulang ang Salita ng Diyos para malaman ninyo kung anong mga musika ang talagang di-angkop sa mga Kristiyano at kung ano naman ang nakadepende lang sa panlasa ng isa. Para magawa ito, dalawang bagay ang kailangan mong pag-isipan: (1) ang mensahe ng musikang pinakikinggan mo at (2) kung gaano kalaking panahon ang nauubos mo sa pakikinig dito. Pag-usapan muna natin ang tanong na . . .
Ano ang Mensahe ng Pinakikinggan Kong Musika?
Parang pagkain ang musika. Ang tamang uri at tamang dami ay makabubuti sa iyo. Ang maling uri naman, kakaunti man ito, ay makasasama sa iyo. Nakalulungkot, pagdating sa musika, kung alin pa ang di-tama, iyon ang masarap pakinggan. “Kung bakit kasi ’pag maganda ang tugtog, ang pangit naman ng lyrics,” ang reklamo ng kabataang si Steve.
Mahalaga pa ba ang mensahe kung maganda naman ang tugtog? Para masagot mo iyan, tanungin ang iyong sarili: ‘Kung may gustong magbigay sa akin ng lason, ano ang gagawin niya para mapainom ito sa akin? Ihahalo ba niya ito sa suka o sa tsokolate?’ Nagtanong ang tapat na lalaking si Job: “Hindi ba sinusubok ng tainga ang mga salita kung paanong nilalasahan ng ngalangala ang pagkain?” (Job 12:11) Sa halip na basta pakinggan ang isang awit dahil gusto mo ang tugtog nito—ang tsokolate, wika nga—‘subukin ang mga salita’ sa pamamagitan ng pagsusuri sa pamagat at liriko nito. Bakit? Dahil ang liriko ng musika ay makaaapekto sa iyong isip at ugali.
Nakalulungkot, marami sa mga musikang nauuso ngayon ay may lirikong tungkol sa sex, karahasan, at pag-abuso sa droga. Kung pakiramdam mo’y wala namang epekto sa iyo ang gayong mga liriko, tumatalab na sa iyo ang “lason.”
Huwag Maging Sunud-sunuran
Baka naiimpluwensiyahan ka na ng mga kasama mong mahilig sa di-magagandang musika. Nariyan din ang industriya ng musika. Dahil sa radyo, Internet, at TV, naging maimpluwensiya at malakas pagkakitaan ang industriyang ito. Ginagamit ng industriyang ito ang galíng ng mga advertiser para magustuhan mo ang nauusong mga musika ngayon.
Pero kung nagpapadala ka lang sa idinidikta ng iyong mga kasama o ng media pagdating sa musikang pinakikinggan mo, ipinauubaya mo sa kanila ang karapatan mong magpasiya. Nagiging sunud-sunurang alipin ka na lamang. (Roma 6:16) Pinapayuhan ka ng Bibliya na labanan ang impluwensiyang iyon ng sanlibutan. (Roma 12:2) Kaya mabuti kung sasanayin mo ang iyong “mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Paano mo magagamit ang iyong kakayahan sa pang-unawa sa pagpili ng musika? Pansinin ang sumusunod na mga mungkahi:
Suriin ang pabalat. Kadalasan nang isang tingin mo pa lang sa pabalat o advertisement ng kanta, alam mo na kung ano ang nilalaman nito. Kung ang larawan dito ay may bahid ng karahasan, imoralidad, o espiritismo, magduda ka na. Malamang na ang musikang nilalaman nito ay di-angkop sa mga Kristiyano.
Tingnan ang liriko. Ano ang sinasabi nito? Gusto mo ba talagang paulit-ulit itong pakinggan o kantahin? Kaayon ba ito ng mga paniniwala mo at ng mga turo ng Bibliya?—Efeso 5:3-5.
Pansinin ang epekto. “Napansin kong nakaka-depress ang marami sa mga kantang pinakikinggan ko,” ang sabi ng kabataang si Philip. Totoo, hindi pare-pareho ang epekto ng musika sa lahat ng tao. Pero ano ang iyong nadarama pagkatapos mong pakinggan ang kanta? Tanungin ang iyong sarili: ‘Masama ba ang naiisip ko matapos kong marinig ang tugtog o liriko? Natututo ba ako ng mga salitang-kanto dahil sa mga ito?’—1 Corinto 15:33.
Isaalang-alang ang damdamin ng iba. Ano ang masasabi ng iyong mga magulang sa pinakikinggan mong musika? Tanungin mo ang opinyon nila. Isipin mo rin kung ano ang nadarama ng mga kapuwa mo Kristiyano. Nababahala ba sila sa mga pinakikinggan mo? Kung handa mong isakripisyo ang personal mong mga kagustuhan dahil iginagalang mo ang damdamin ng iba, palatandaan ito na may-gulang ka na.—Roma 15:1, 2.
Kung sasagutin mo ang nabanggit na mga tanong, matutulungan kang pumili ng musikang magpapasigla sa iyo nang hindi naman magpapahina sa kaugnayan mo sa Diyos. Pero may dapat ka pang pag-isipan.
Kailan Masasabing Sobra?
Ang magandang musika, gaya ng masustansiyang pagkain, ay makabubuti sa iyo. Pero may magandang babala ang isang kawikaan: “Pulot-pukyutan ba ang nasumpungan mo? Kumain ka ng sapat sa iyo, upang hindi ka magpakalabis sa pagkain nito anupat isusuka mo iyon.” (Kawikaan 25:16) Kilalang nakapagpapagaling ang pulot-pukyutan. Pero anumang sobra ay nakasasama. Ang aral? Dapat kang maging balanse.
Gayunman, may ilang kabataan na hindi balanse—hinahayaan nilang maging sentro ng buhay nila ang musika. Halimbawa, ganito ang inamin ni Jessica: “Lagi akong nakikinig ng musika—kahit na nag-aaral ako ng Bibliya. Sabi ko sa mga magulang ko, nakakatulong ito para makapag-isip ako nang maayos. Pero ayaw nilang maniwala.” Katulad ka rin ba ni Jessica?
Paano mo malalamang marami ka nang nauubos na panahon sa pakikinig ng musika? Tanungin ang iyong sarili:
Ilang oras ba akong nakikinig sa musika maghapon? ․․․․․
Magkano ang nagagastos ko para sa musika buwan-buwan? ․․․․․
Nakaaapekto ba ito sa kaugnayan ko sa aking pamilya? Kung oo, ano ang puwede mong gawin para mapabuti mo ang iyong situwasyon? ․․․․․
Baguhin ang Kaugalian Mo sa Pakikinig
Kung marami ka nang panahong nauubos sa pakikinig ng musika, makabubuti kung magtatakda ka ng limitasyon at babalansehin mo ang iyong kaugalian sa pakikinig. Halimbawa, baka puwedeng alisin mo muna sa tainga mo ang headphone para hindi ka maghapong nakababad sa pinakikinggan mo. O baka puwedeng hindi ka muna magpatugtog ng musika pag-uwi mo.
Subukan mong magkaroon ng ilang sandali ng katahimikan. Makakatulong ito sa iyong pag-aaral. “Mas marami kang matututuhan kung mag-aaral ka nang walang pinakikinggang musika,” ang sabi ni Steve. Subukan mong mag-aral nang walang pinatutugtog na musika, at makikita mong mas makakapag-isip ka nang maayos.
Makabubuti rin kung magkakaroon ka ng iskedyul ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya. May pagkakataong pumunta noon si Jesu-Kristo sa isang tahimik na lugar para manalangin at magbulay-bulay. (Marcos 1:35) Sa isang tahimik na lugar ka rin ba nag-aaral? Makakatulong ito para sumulong ang kaalaman mo tungkol sa Diyos at tumibay ang kaugnayan mo sa kaniya.
Pumili Nang Tama
Isa ngang regalo ng Diyos ang musika, pero hindi mo ito dapat abusuhin. Huwag mong tularan ang dalagitang si Marlene, na nagsabi: “May kantang alam kong hindi ko dapat pakinggan. Pero ang ganda kasi eh.” Isipin mo na lang kung ano ang magiging panganib nito sa kaniya! Huwag mo siyang tularan. Huwag mong hayaang pasamain ka ng musika o kontrolin nito ang buhay mo. Patuloy mong sundin ang mga pamantayang Kristiyano pagdating sa pagpili ng musika. Manalangin sa Diyos at humingi sa kaniya ng tulong. Makisama sa mga taong sumusunod din sa mga pamantayan ng Bibliya.
Nakakarelaks ang musika. Puwede kang samahan nito kapag nalulungkot ka. Pero hindi nito maaalis ang problema mo. Hindi nito mapapantayan ni mapapalitan man ang mga kaibigan mo. Kaya huwag mong hayaan na maging sentro ito ng buhay mo. Masiyahan sa pakikinig ng musika, pero manatili kang balanse.
Kailangan mo rin namang magrelaks paminsan-minsan. Paano makatutulong sa iyo ang mga pamantayan ng Bibliya para makapili ka ng kasiya-siyang libangan?
TEMANG TEKSTO
“Hindi ba sinusubok ng tainga ang mga salita kung paanong nilalasahan ng ngalangala ang pagkain?”—Job 12:11.
TIP
Kung gusto mong maunawaan ng iyong mga magulang kung bakit nagugustuhan mo ang isang kanta o banda, ipakita mong interesado ka rin sa mga musikang pinakikinggan nila. Kung gagawin mo ito, malamang na maging interesado rin sila sa pinakikinggan mong musika at mauunawaan nila kung bakit nagugustuhan mo ito.
ALAM MO BA . . . ?
Kung nag-aalangan kang iparinig sa mga magulang mo ang paborito mong mga kanta, malamang na may mali sa gusto mong musika.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Para maging balanse ako pagdating sa musika, ang gagawin ko ay ․․․․․
Kung hinihikayat ako ng mga kasama ko na makinig sa musikang hindi angkop sa mga Kristiyano, ang sasabihin ko sa kanila ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit napakahalagang maging maingat ka sa pagpili ng musika?
● Paano mo malalaman kung ang isang awit ay angkop sa isang Kristiyano?
● Ano ang puwede mong gawin para masiyahan ka sa iba’t ibang klase ng musika?
[Blurb sa pahina 259]
“Kung minsan, nakikinig na pala ako sa isang kantang hindi ko dapat pakinggan. Kapag nangyayari iyon, pinapatay ko ito kaagad. Dahil kung hindi, baka magustuhan ko na iyon at patuloy ko pang pakinggan.”—Cameron
[Kahon/Mga larawan sa pahina 258]
Masiyahan sa Iba’t Ibang Klase ng Musika
Mas marami ka na bang nagugustuhang pagkain ngayon kaysa noong limang taóng gulang ka pa lang? Kung oo, nasanay ka na kasi sa iba’t ibang lasa ng pagkain. Ganiyan din sa musika. Huwag lamang iisang klase ang pakinggan mo. Bakit hindi mo subukang pakinggan ang ibang klase ng musika? Baka magustuhan mo rin ang mga iyon.
Ang isang paraan para magawa mo iyan ay mag-aral kang tumugtog ng instrumento. Maaaring mahirap itong gawin pero kasiya-siya naman at matututo ka pa ng ibang mga klase ng musika bukod sa mga nauuso ngayon. Paano ka naman magkakaroon ng panahon para mag-aral? Puwede mong bawasan ang panahon mo sa panonood ng TV o paglalaro ng mga video game. Pansinin ang sinabi ng ilang kabataan.
“Nakakatuwang tumugtog ng instrumentong pangmusika. Magandang paraan ito para ipahayag ang iyong nadarama. Dahil natuto akong tumugtog ng mga bagong kanta, mas marami na akong alam na klase ng musika ngayon.”—Brian, 18, tumutugtog ng gitara, drum, at piyano.
“Kailangan ang praktis para maging mahusay ka sa pagtugtog ng instrumento. At hindi ito laging madali. Pero kapag natugtog mo nang maganda ang isang awit, talagang matutuwa ka kasi may isang bagay kang nagawa.”—Jade, 13, tumutugtog ng viola.
“Kapag may problema ako o nade-depress, naggigitara ako. Nakakatulong ito sa akin na magrelaks. Ang sarap ng pakiramdam ko kapag maganda at nakagiginhawa ang musikang tinutugtog ko.”—Vanessa, 20, tumutugtog ng gitara, piyano, at klarinete.
“Iniisip ko noon, hindi ako magiging kasinghusay ng iba. Pero nagtiyaga ako sa pagpapraktis. Ngayon, nasisiyahan na ako kapag maganda ang pagkakatugtog ko sa isang kanta. Mas napapahalagahan ko na rin ang galíng ng ibang manunugtog.”—Jacob, 20, tumutugtog ng gitara.
[Larawan sa pahina 255]
Ang musika ay gaya ng pagkain. Ang tamang uri at tamang dami ay mabuti sa iyo. Ang maling uri, kakaunti man, ay masama sa iyo