“Kung Ano ang Hinahabol ng Labuyo sa Ulanan...”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria
NANG matanggap ng aming maliit na kongregasyon sa gawing timog ng Nigeria ang suplay nitong tract na Kingdom News Blg. 34, na ipinamahagi sa buong mundo, sabik na sabik kami na ipamahagi ang mga kopya sa lahat ng lugar sa aming teritoryo. Hindi madaling atas iyan. Matatagpuan sa loob ng aming teritoryo ang mga kampong sakahan, na nagtatanim ng kamoteng-kahoy, tugi, at iba pang pagkain. Ang mga kampong ito ay nasa liblib na dako ng tropikal na maulang gubat. Napakahirap marating ang mga lugar na ito subalit hindi naman imposible. Tutal, kalooban ng Diyos na ipaabot ang mabuting balita sa lahat ng uri ng tao, maging sa mga magbubukid sa kagubatan.—1 Timoteo 2:3, 4.
Kaya, noong Oktubre 16, 1995, 18 sa amin ang naghanda nang 7:30 n.u. patungo sa kampong sakahan na kung tawagin ay Abomgbada, na tatlo’t kalahating kilometro ang layo. Sa paano man, kailangan naming tumawid sa isang sapa. Hanggang baywang ang taas ng tubig.
Upang makarating sa iba pang kampo nang araw ring iyon, kinailangan naming tumawid sa mas malaking sapa. Sa pagkakataong ito, apat na kapatid na lalaki at isang kapatid na babae lamang ang tumawid dito. Ang iba pang kasama sa grupo ay naiwan.
Marami kaming nasumpungang nakikinig na mga tao nang araw na iyon. Nakaragdag pa sa aming kagalakan ang tinawag naming kabayaran sa amin mula sa palumpungan. Habang kami’y naglalakbay, namitas kami at kumain ng mga prutas na tumutubo sa ilang. Nakakilala kami ng mapagpatuloy na mga magsasaka na nagpahalaga sa aming pagsisikap na marating sila; binigyan nila kami ng dalandan upang mapatid ang aming uhaw. Nakausap namin ang 250 katao, anupat naipamahagi namin ang lahat ng tract na dala namin.
Isang Malaking Hamon
Ang tunay na hamon ay sumapit pagkalipas ng dalawang araw. Matatagpuan sa layong labindalawang kilometro ang Ose Anasi, isang kampo na marahil ay hindi pa kailanman narating ng organisadong pangangaral. Ang ilan ay nag-aatubiling magtungo roon. Napakapanganib ng pagtawid sa Ilog Urasi, at marami sa amin ang hindi marunong lumangoy. Ang paglalakad ay mapanganib dahil sa matatalas na mga tuod ng puno. Ang mapuputik na lugar ay madulas, at maaari kang masaktan kapag nahulog ka. Ang ilang yaring-kamay na mga tulay ay hindi matitibay. May mga ahas, buwaya, at mga sapa na punô ng linta.
Labing-anim sa amin ang nagpasiyang magpunta. Nilakad namin ang halos isa’t kalahating kilometro bago kami nakasakay sa isang bangka upang tumawid sa mabilis at mapanganib na Ilog Urasi. Upang marating ang bangka, kailangan naming bumaba sa matarik na burol. Maulang panahon noon, at malaki ang tubig sa ilog. Ang buong lugar ay luwad ang pinakalupa; at kung tag-ulan, napakadulas nito. Nang kami’y makababa sa bangka, natuklasan namin na ang daanan ay naging sapa na isang metro ang lalim sa ilang lugar. Doon nagsimula ang aming tunay na mga problema.
Nilakad namin ang daanan sa sapa na ito nang halos 30 minuto. Napakadulas ng lupa anupat marami sa amin ang nahulog sa maputik na tubig, anupat nabasa ang aming mga Bibliya, magasin, at mga tract. Masasaya kami, anupat kung sinuman ang mahulog sa amin, kaming lahat ay nagkakatawanan, kasali na mismo ang nahulog.
Habang kami’y patawid sa isang maliit na sapa, ang mga linta ay kumapit sa aming mga binti. Isang kabataang sister na kinapitan ng linta sa binti ang nagtititili. Sigaw pa rin siya nang sigaw pagkatapos na maalis ang linta. Kahit iyan ay naging katawa-tawa sa amin bilang bahagi ng aming abentura, at nagpatuloy kami sa aming paglalakbay.
Sa isa pang sapa na aming tinawid, isang brother ang nagpasiya na huwag maglakad gaya ng iba kundi lumukso. Nagawa niyang lumukso sa tubig subalit hindi siya nakaiwas sa putik. Siya’y nadulas, at sumubsob sa putik. Siya’y tumayo, sinuri ang kaniyang sarili, wala namang nasumpungang sugat, at pagkatapos ay nagsabi: “Walang problema; bahagi ito ng karanasan.” Naalaala namin na naranasan din ni apostol Pablo ang “mga panganib sa ilog,” marahil ay mas mapanganib pa kaysa aming nakaharap.—2 Corinto 11:26.
Tumulay kami sa isang tulay na yaring-kamay, na mukhang mapanganib, subalit nakatawid kaming lahat dito. Pagkatapos niyan ang lugar ay naging mas madulas, kung kaya mas madalas ang pagkadulas.
Kasama namin ang isang regular payunir na brother na halos 70 taóng gulang na. Lumabas siya nang umagang iyon upang batiin kami sa aming mabuting paglalakbay. Subalit pagkatapos naming manalangin para sa pagbasbas ni Jehova, nagtanong siya: “Paano ko magagawang magpaiwan samantalang kayong lahat ay nangangaral?” Nagpumilit siyang sumama, at walang sinumang nakapigil sa kaniya upang siya’y magpaiwan. Sinabi niya na si Jehova ay sasakaniya. Kaya sumama siya.
Nang siya’y bumulagta sa madulas na lupa, walang tawanan. Dahil sa kami’y nag-aalala, tinanong namin siya kung siya’y nasaktan. Ang sagot niya: “Hindi. Dinahan-dahan ko ang pagbagsak para hindi masaktan ang lupa.” Lumuwag ang aming dibdib samantalang nagtawanan at naalaala namin ang Isaias 40:31, na nagsasabing “yaong mga nagsisiasa kay Jehova ay manunumbalik ang lakas.”
Mapagpahalagang mga Tagapakinig
Sa wakas ay narating namin ang aming patutunguhan. Totoong nakapagpapatibay-loob ang tugon ng mga tao. Isang lalaki ang natakot nang makita niya kaming papalapit sa kaniyang kubo, subalit nang kaniyang malaman kung sino kami, aniya: “Hindi ako makapaniwala na nagawa ninyo ang gayong kahirap na paglalakbay upang mangaral lamang sa amin. Pinasasalamatan namin ito.” Tumugon kami sa pamamagitan ng isang lokal na kasabihan: “Kung ano ang hinahabol ng labuyo sa ulanan ang mahalaga rito.” Naunawaan ito ng lalaki.
Isa pang magsasaka ang nagsabi: “Kung narating ng pangangaral ang lugar na ito, nangangahulugan iyan na nakarating sa amin ang kaligtasan.” Marami ang may katanungan, na aming sinagot. Hiniling nila sa amin na kami’y magbalik, at ipinangako naming kami’y babalik.
Sa Ose Anasi ay nakapaglagay kami ng 112 tract—ang lahat ng dala namin. Lahat-lahat, kami’y nakapagpatotoo sa halos 220 katao.
Nang kami’y papauwi na, kami’y naligaw. Gugugol ng isa’t kalahating oras upang matunton muli ang aming daan pabalik sa kampo, at gumagabi na noon. Tahimik kaming nanalangin kay Jehova at nagpasiya kaming magpatuloy, bagaman nangangahulugan iyon ng paglalakad sa dumadaluyong na sapa na umaabot hanggang sa aming balakang.
Pagkatapos naming makatawid, nasumpungan namin ang aming daan at gayon na lamang ang aming gulat nang aming natuklasan na kami ngayo’y malapit na malapit na sa aming uuwian. Ang pagkaligaw nami’y naging shortcut na siyang nagpaikli sa aming paglalakbay nang hindi kukulanging isang oras! Mangyari pa, lahat kami ay masaya at nagpasalamat kay Jehova. Habang papalubog ang araw, nakauwi kami sa tahanan—pagod at gutom subalit masaya.
Nang maglaon, habang ikinukuwento namin ang aming mga karanasan sa araw na iyon, isang sister ang nagsabi: “May narinig akong kuwento tungkol sa lugar na iyon, kaya alam ko na ako’y madudulas. Kung hindi lamang dahil sa mabuting balita, hindi ako pupunta sa lugar na ito, kahit na bayaran pa ako!” Isang brother ang nagsabi: “Sa wakas ay nakarating ang mabuting balita sa Ose Anasi!”
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang pagtawid sa isang lokal na tulay
Tumawid kami sa maraming sapa na punô ng mga linta
Sa ibaba ng mapanganib na daanang ito, sumakay kami sa isang bangka upang tumawid sa Ilog Urasi