Pagmamasid sa Daigdig
Negosyo ng Alipin sa Brazil
“Mahigit sa sampung ulit ang ipinadalang mga alipin sa Brazil kaysa ipinadadala sa Estados Unidos—subalit gayon na lamang karami ang namatay na mga alipin na patungong Brazil anupat ang bilang ng itim na mga alipin noong 1860 sa Brazil ay kalahati lamang ng dami sa Estados Unidos,” ang ulat ng ENI Bulletin ng World Council of Churches (WCC). Tinataya na 40 porsiyento ng mga aliping Aprikano ang namatay sa ilalim ng pinakakatawan ng barko. Upang mapataas ang kanilang halaga, ang mga aliping Aprikano ay sabay-sabay na binautismuhan sa pamamagitan ng pagwiwisik ng tubig sa kanila samantalang binibigkas ng mga pari “ang mga salita para sa bautismo.” Sa isang pahayag sa isang serbisyo ng “pag-alaala, pagsisisi at pagbabalik-loob” na ginanap sa Salvador, Brazil, si Aaron Tolen, isang lider ng WCC mula sa Cameroon, ay nagsabi: “Hindi lamang ang mga nagdala sa atin dito ang may kagagawan sa trahedyang ito. Tayong mga Aprikano ay may pananagutan din. Pinababa natin mismo ang ating pagkatao sa pamamagitan ng pagbebenta sa ating mga kababayang lalaki at babae na parang mga paninda.”
Mga Europeong Maninigarilyo
Ang mga mamamayang Europeo at mga Tsino ang pinakamalalakas na maninigarilyo kung indibiduwal na saligan ang pag-uusapan, ang ulat ng Nassauische Neue Presse ng Frankfurt, Alemanya. Sa European Union, 42 porsiyento sa kalalakihan at 28 porsiyento sa kababaihan ang naninigarilyo. Gayunman, ang mga porsiyentong ito ay totoong napakataas sa grupo ng mga nasa edad na 25 hanggang 39. Ang paninigarilyo ang kumikitil sa 100,000 katao sa Alemanya at 100,000 karagdagan pa sa Britanya taun-taon. Kamakailan, ang pangulo ng Czech Republic, si Václav Havel, na malakas manigarilyo sa loob ng maraming taon, ay ginamot dahil sa kanser sa baga. Iniuulat ng Süddeutsche Zeitung na ang pangulo ay sumulat sa kilusang Europeo na tinatawag na Paninigarilyo o Kalusugan na nagsasabing hinahangaan niya ang sinuman na nakakayang ihinto ang bisyo ng paninigarilyo.
Pagkakasakit Dahil sa Ingay?
Ang pagkahantad sa ingay, maging sa napakahinang antas, ay maaaring magdulot sa iyo ng sakit, ayon sa mga pagsusuri ng magasing New Scientist sa Britanya. Sa liwanag ng gayong mga pagtuklas, binago ng World Health Organization ang mga tuntunin nito hinggil sa ligtas na mga antas ng ingay kung gabi. Ang pantanging pagkabahala ay isang katunayan na nagpapakitang ang mga bata ang partikular na nanganganib. Natuklasan sa isang pagsusuri na ang mga batang nakatira malapit sa internasyonal na paliparan sa Munich ay kapuwa may mataas na presyon ng dugo at mas mataas na antas ng adrenaline. Natuklasan din ng mga mananaliksik na ang mga bata ay nagkakaroon ng diperensiya sa kanilang kakayahang magbasa at sa kanilang pangmatagalang memorya. Ang mga taong waring nasasanay sa ingay ay “laging may dinaranas na kabayaran sa kanilang sistema,” ang sabi ng espesyalista sa ingay na si Arline Bronzaft. “Ang ingay ay isang kaigtingan at sa dakong huli’y nagkakaroon ng diperensiya ang katawan.”
Mga Panganib ng Pestisidyo
Ayon sa International Rice Research Institute sa Pilipinas, ang produksiyon sa bigas ay mananatiling pareho kung hindi gumamit ang mga magsasaka ng anumang pestisidyo. Isang siyentipiko na kasama sa institusyon ang nagbigay-alam sa World Food Summit, na ginanap sa Pilipinas, na ang malawakang pag-iisprey ng ani ay kapuwa magastos at hindi kinakailangan. Hindi lamang nag-iisprey ang mga magsasaka sa maling panahon ng taon, ang ulat ng magasing New Scientist, kundi napapatay rin nila ang maling mga insekto. Higit pa rito, maraming magsasaka ang nagwawalang-bahala sa payong pangkaligtasan sa pagsasaboy ng mga kemikal, at gumagamit ng pinong isprey, na madaling masinghot, o kanilang naihahalo sa lupa ang pamatay ng damo at isinasaboy ito sa pamamagitan ng kamay. Iniuulat ng World Health Organization na ang pestisidyo sa buong mundo sa kasalukuyan ang sanhi ng pagkamatay ng 220,000 katao at matinding pagkalason ng tatlong milyon taun-taon.
Inilarawan ng mga Tin-edyer ang Huwarang mga Magulang
Paano ilalarawan ng mga tin-edyer ang huwarang magulang? Upang malaman ito, sinurbey ng tagapayo sa paaralan at sikologong si Scott Wooding ang mahigit na 600 tin-edyer. Yamang ang inaasahan ni Wooding na papupurihan ng mga kabataan ang pagiging maluwag, nagulat siya sa kanilang mga sagot sa kaniya. Walang pagbabagong sinabi ng mga tin-edyer na ibig nila ang “kawalang kinikilingan, pagmamahal (‘ibig nilang marinig ang mga salitang: “Mahal kita” ’), pagpapatawa, [at] pagbibigay ng mabuting halimbawa,” ang ulat ng pahayagang The Toronto Star. Natuklasan din ni Wooding na ibig ng mga tin-edyer na tulungan sila ng kanilang mga magulang na mapasulong ang pagpapahalaga sa responsibilidad. Kapag sila’y nakagawa ng pagkakamali, inaasahan nila ang disiplina. Ang pinakamahalaga, sinabi ng mga kabataan na hinahangad nilang makasama ang kanilang mga magulang sa mas mahabang panahon.
Walang Dugong Gamot
“Ang takot sa sakit na dala ng dugo at patuloy na kakulangan ng ipinagkakaloob na dugo ang pumukaw sa malaking pagsisikap na alisin ang pagsasalin hangga’t maaari,” ang ulat ng pahayagang The Globe and Mail. Ang gamot at pag-oopera na walang dugo ay dumedepende sa maingat na pagkontrol ng pagkawala ng dugo, at “maraming bagong mga pamamaraan ang orihinal na ginawa upang gamutin ang mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng Globe. Ganito ang sabi ni Dr. James A. Robblee, isang anesthetist sa University of Ottawa Heart Institute, isa sa maraming ospital na nagpapatupad ng mga programa sa pag-oopera nang walang dugo: “Sa aking palagay ay talagang sila [ang mga Saksi ni Jehova] ang lubusang gumising sa atin sa bagay na ito.”
Mula sa “Stone Age” Tungo sa mga “Shotgun”
Isang napakalawak na reserbadong maulang kagubatan sa pagitan ng Brazil at Venezuela ang tinitirhan ng mga Yanomami Indian. Ang Yanomami na unang “natuklasan” noong mga taon ng 1960 ay unti-unting inihantad sa makabagong mga imbensiyon gaya ng mga kawil, salamin, posporo, at radyo. Gayunman, ang pinakabagong kagamitan na nakaabot sa kanila—ang shotgun—ay nagsasapanganib sa “pinakahuling tribo ng Stone Age sa mga bansa sa Amerika,” ang ulat ng The Daily Journal sa Caracas, Venezuela. Sa pamamagitan ng pagpapalitan at pagbebenta, ipinakilala ng mga minero ng ginto, mga negosyante sa kagubatan, at mga misyonero ang mga shotgun sa sinaunang kultura ng Yanomami. Subalit ang di-sinasadyang pagbaril na ikinamatay ng tatlong Yanomami sa loob ng isang linggo ay isang nakagigitlang paalaala kung paanong ang pakikipag-ugnayan sa makabagong sibilisasyon ay may kapaha-pahamak na mga kahihinatnan. Gaya ng sabi ni Claudia Andujar, ang pinuno ng Pro-Yanomami Commission: “Isip-isipin kung gaano kapanganib para sa isang tribo ang biglang pagdaragdag ng mga baril at pulbura na ipinagmamalaki ang kakayahan nitong lumaban sa pamamagitan ng mga panang may lason, bato at pambambo.”
Ang Pagbabalik ng “Blue Whale”
Ang panghuhuli ng mga blue whale ay mahigpit na ipinatupad sapol noong 1946. Noon pa man, ang malakas na mga mamal na ito na may habang 30 metro at tumitimbang ng 150 tonelada ay hinuhuli hanggang sa ito’y halos nalipol na. Subalit sa ngayon, dahil sa Sound Surveillance System ng Navy ng Estados Unidos, isiniwalat na ang Hilagang Atlantiko ay pinaninirahan ng marami-raming balyena, kasali na ang mga finback gayundin ang humpback, minke, at ang pambihirang blue whale. “Mas maraming balyena na nasa dalampasigan ng Britanya kaysa dating inaakala,” ang sabi ng The Sunday Telegraph ng London. Ang mga mikroponong pantubig na nasa pinakasahig ng dagat na ang lalim ay umaabot ng 3,000 metro ay unang dinisenyo upang matunton ang mga submarino. Gayunman, natuklasan na ang mga ito’y napakahusay ring kumuha ng mahihinang frequency ng tinig ng mga balyena. Sinasabing ang tinig ng blue whale ay umaabot sa layong 3,000 kilometro sa ilalim ng tubig.
Mga Klase Para sa Diborsiyo?
Sa Pima County, Arizona, E.U.A., ang mga magulang na ibig magdiborsiyo ay hinihilingang kumuha ng apat-at-kalahating-oras na seminar upang maunawaan ang epekto nito sa kanilang mga anak, ang ulat ng The Dallas Morning News. Ang mga klase ay dinisenyo upang tulungan ang mga magulang na malaman “kung paano gumawa ng mga iskedyul sa pagdalaw” at mag-isip “kung sa anong edad maaari nang sumama ang bata sa magulang na di-nangangalaga para magbakasyon kung tag-init.” Higit na mahalaga, maipaunawa sa mga magulang kung ano ang diborsiyo sa paningin ng bata, ang sabi ng direktor ng klase na si Frank Williams. “Subalit, iniisip-isip ko kung bakit ang pagtuturong gaya nito ay sapilitan sa pagtatapos ng prosesong ito,” ang sabi ng pampamilyang abogado na si Alyce Pennington. Bakit hindi “pumasok sa klaseng gaya nito bago pa man sila ikasal?”
Ang may Pinakamaraming Bilanggo sa Daigdig
Noong 1995 ay may 615 katao sa bilangguan sa bawat 100,000 residente ng Estados Unidos, ang sabi ng Kagawaran ng Katarungan sa Estados Unidos. Ito’y doble ng dami ng bilanggo noong 1985, anupat nagpangyaring ito’y maging pinakamataas na bilang sa daigdig, ang ulat ng The Wall Street Journal. Ang Russia ang ikalawa sa puwesto, na may 590 sa bawat 100,000, salig sa pinakabagong impormasyon na nakuha (1994).