Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 8/8 p. 16-17
  • Ang Makulay na Daigdig ng mga Bahura ng Korales

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Makulay na Daigdig ng mga Bahura ng Korales
  • Gumising!—1997
  • Kaparehong Materyal
  • Korales—Nanganganib at Namamatay
    Gumising!—1996
  • Espongha—Simple Pero Kamangha-mangha
    Gumising!—2006
  • Malambot na Korales—Bulaklak na Hayop sa Dagat
    Gumising!—1989
  • Korales
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 8/8 p. 16-17

Ang Makulay na Daigdig ng mga Bahura ng Korales

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PAPUA NEW GUINEA

MGA bahura ng korales ang halos nakapaligid sa buong baybayin ng Papua New Guinea. Noong unang panahon minalas ito ng mga marino na wala kundi isang panganib lamang. Subalit para doon sa mga naggalugad sa mga tubig sa paligid nito, ang mga bahura ng korales ang pintuang-daan tungo sa isang daigdig ng kagandahan, kulay, at katahimikan​—isang magandang tanawin sa ilalim ng tubig!

Ang pagsisikap na makunan ng litrato ang daigdig na ito sa ilalim ng tubig ay isang tunay na hamon. Sa isang bagay, ang mga bagay sa ilalim ng tubig ay waring mga tatlong-ikaapat ng kanilang aktuwal na layo; kaya mahirap ang pagpopokus. Sinisipsip, ikinakalat, at nire-refract ng tubig ang liwanag. Maaari ring lubhang magbagu-bago ang kulay ayon sa panahon, sa anggulo ng araw, sa pagkanaroroon ng mga lumot at plankton, sa lalim ng tubig, at sa uri at kulay sa kailaliman ng dagat. Higit sa lahat, ang tubig, ang kinukunan ng litrato, at ang potograpo mismo ay laging kumikilos!

Magkagayon man, ang ilang potograpo ay nagtagumpay sa bagay na ito. Ang mga litratong nakikita mo rito ay kinuha noong naggagalugad sa ilalim ng dagat. Hayaan mong ipakilala kita sa apat na kaakit-akit na mga nilalang na kinunan ng litrato sa ilalim ng alon.

Ipinakikita ng larawan 1 ang isang magandang naninirahan sa ilalim ng tubig na tinatawag na tiger cowry (Cypraea tigris). Ang pangalang ito’y di-pangkaraniwan dahil sa bagay na ang napakagandang kabibeng ito ay batik-batik, hindi guhitan. Dito masusumpungan ang tiger cowry, yamang ito’y nanginginain sa mga korales at mga espongha. Gayon na lamang ang paghanga ng sinaunang mga Tsino rito anupat ginamit nila ang kabibe nito bilang isang anyo ng salapi. Dito sa Papua New Guinea, ang mga kabibeng cowry ay ginagamit pa rin bilang barya sa ilang katutubong pamilihan. Gayunman, sa kalakhang bahagi, kinokolekta ito ng lokal na mga residente dahil sa makinis na kagandahan nito.

Makikita sa larawan 2 ang magandang kulay na tube worm (Spirobranchus giganteus). Maaari itong tumira sa patay na korales o humukay ng lungga sa buháy na korales. Kapag nagpapahinga, para itong bulaklak. Subalit kapag ito’y gutom, ipinupulupot nito ang mga galamay nito upang mag-anyong “lambat” upang agad na siluin ang nagdaraang piraso ng pagkain. Kapag kumikilos ang mabalahibo nitong mga galamay, para itong isang hanay ng mumunting mga mananayaw na iwinawagayway ang kanilang mga pamaypay. Ang nilalang na ito ay sampung milimetro lamang ang lapad. Subalit kailangang maging maingat ang potograpo na huwag kumilos nang bigla. Sa unang pahiwatig ng panganib, sa isang kisap mata, ang magandang mumunting nilalang na ito ay agad na nagbabalik sa kanilang tirahang korales.

Ang larawan 3 ay espongha. Medyo nahahawig ito sa sintetik na uri ng esponghang lumulutang sa inyong bathtub. Ang espongha ay talagang isang nabubuhay na hayop, hindi isang halaman. Ito’y butas-butas na masa ng mga selula na kumikilos nang sama-sama sa lubhang kakatwang paraan. Ang aklat na The Undersea ay nagsasabing ang mga selula ng mga espongha “ay hindi lubhang organisado o umaasa sa isa’t isa. Sa gayon, kung ang isang nabubuhay na espongha ay napiraso, ang bawat bahagi sa wakas ay bumubuo ng isang bagong espongha. Kahit na magkahiwa-hiwalay ang indibiduwal na mga selula, ang mga ito’y kumikislut-kislot na parang amoeba hanggang sila’y magsama-sama at maging buong mga espongha muli.”

Di-gaya ng isang halaman, na gumagawa ng sarili nitong pagkain, ang espongha ay “nangangaso” ng pagkain nito. Sinisipsip nito ang nakapaligid na tubig at sinasala ito para sa organikong mga bagay. Tulad ng iba pang hayop, tinutunaw nito ang pagkain nito at inilalabas ang dumi nito. Masusumpungan mo ang mga espongha na nakadikit sa mga bato o sa mga kabibe sa pinakasahig ng dagat.

Sa wakas, sa larawan 4 nariyan ang hamak na paros. Hindi ito kumikilos at madali itong masumpungan sa mga batong korales o basta nasa pinakasahig ng dagat. Ang karamihan ay kumakain sa pamamagitan ng pagsala sa mga plankton mula sa tubig. Ang paros ay tinatawag na bivalve mollusk dahil sa may dalawang kabibe ito, o mga balbula. Ang mga ito’y pinagkakabit ng isang litid at nagbubukas at nagsasara sa pamamagitan ng dalawang malalakas na kalamnan. Kung kailangang kumilos ng paros, ito’y bumubuka at ang laman ng paa nito ay lumalabas nang kaunti. Subalit kapag lumapit ang isang kaaway, nagbabalik ito sa kaniyang kabibe at nagsasara!

Ang mga larawang ito’y isang sulyap lamang sa kaakit-akit na mga tanawin na makikita sa karagatan ng mga korales​—isa pang dako kung saan naitatanghal ang karunungan ni Jehova sa paglalang.​—Roma 1:20.

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

1. Ginagamit pa ring salapi ang tiger cowry

2. Ang mga “bulaklak” na ito ay talagang mga tube worm

3. Ang espongha ay isang hayop, hindi halaman

4. Ang paros ay kumakain ng plankton sa dagat (ipinakikita ang bibig)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share