Pagod—Isang Di-Nakikitang Silo sa mga Drayber ng Trak
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALEMANYA
HABANG lumilipas ang oras, ang pinagsamang nakababagot na tunog ng malakas na makina at ang matinis na tunog ng trak na 14 ang gulong na nasa daan ang siyang nagpapahirap sa drayber ng trak na paglabanan ang pagod. Ang mga palatandaan sa daan ay hindi na napapansin dahil sa liwanag ng ilaw sa unahan. Walang anu-ano, ang trailer ay pumaling sa magkabilang panig; lumihis na ito sa daan.
Dahil sa pagbawi sa manibela, nagawang maibalik ng drayber ang 40-toneladang sasakyan sa daan. Palibhasa’y natauhan, nabatid niya na wala siyang maalaala sa nakalipas na ilang segundo. Siya’y dumaranas ng pagkapagod.a
Ang sinumang nakikipaglaban sa pagkapagod habang nagmamaneho ay madaling maidlip nang sandali. Kung iisipin ang siksikang daan sa ngayon, iyan ay talagang mapanganib—maging para sa ibang nasa daan. Halimbawa, sa Timog Aprika, kasali sa lahat ng aksidente ng mga sasakyang may mabibigat na kargada na naganap sa pagitan ng Enero 1989 at Marso 1994, mahigit na 35 porsiyento ay dahil sa mga drayber na nakakatulog habang nagmamaneho.
Sinabi ni Propesor G. Stöcker, isang mananaliksik may kinalaman sa kaugalian ng mga nagmamaneho, sa magasing Aleman na Fahrschule na ang tumitinding pagkapagod ay humahantong sa pag-aantok at may mga epekto na katulad niyaong dulot ng alak. Mangyari pa, ang kaniyang komento ay kumakapit sa mga nagmamaneho ng lahat ng sasakyan, hindi lamang sa mga nagmamaneho ng trak.
Ang mga Sanhi ng Pagkapagod
Bakit ang mga aksidente na nauugnay sa pagkapagod ay malimit na maganap, samantalang sa maraming bansa inirerekomenda ng batas, o itinatakda pa nga, ang pinakamahabang oras na makapagmamaneho ang isang drayber ng trak? Bilang pagpapasimula, kailangan nating suriin ang kabuuang oras na ipinagtatrabaho ng mga drayber ng trak, kasali na rito ang oras na ginugugol hindi lamang sa pagmamaneho kundi sa paggawa ng iba pang atas din naman. Ang mga oras na ito ng trabaho ay malimit na mahaba at hindi pare-pareho.
Karamihan sa mga drayber ng trak ay nasisiyahang makitang natapos ang gawain mula sa pasimula hanggang sa katapusan, na nangangahulugang maihahatid ang mga produkto sa isang parokyano anuman ang kalagayan ng panahon. Ang kahusayan ay sinusukat sa layo ng binibiyahe at bigat ng inihahatid na kargada. Ang oras ng trabaho ay maaaring lampas sa karaniwan. Sa Alemanya ang karamihan ng mga tao ay nagtatrabaho nang wala pang 40 oras sa isang linggo, subalit maraming drayber ng trak ang nagtatrabaho nang doble pa riyan.
Sa ibang bansa ang kalagayan ay gayundin. Sa Timog Aprika ang sahod ay mababa, kaya ang mga drayber ay nagsisikap na dagdagan ang kanilang kinikita sa pamamagitan ng pagmamaneho ng mas mahahabang oras. Ipinakikita ng mga ulat sa India na bagaman pinahihintulutan ng mga kompanyang naghahatid ng kargada na magkaroon ng sapat na oras ang mga drayber upang makumpleto ang kanilang paglalakbay, dinaragdagan ng maraming nagmamaneho ng trak ang kanilang kita sa pamamagitan ng karagdagang paghahatid sa mas maraming lugar, na nangangailangan ng mas maraming oras ng pagmamaneho. Kaya kailangan nilang bawasan ang pagtulog upang makabalik sa kompanya nang nasa tamang oras.
Sa European Union, upang mapakinabangan nang husto ang pinakamahabang bilang ng oras na ipinahihintulot ng batas, ang isang drayber ng trak ay makagugugol ng 56 na oras sa pagmamaneho sa isang linggo. Subalit sa susunod na linggo, ang pinakamahabang bilang ng oras niya sa pagmamaneho ay bababa ng 34. Ang oras ng kaniyang pagtatrabaho, kasali na ang oras ng pagkakarga at pagdidiskarga, ay itinatala ng isang sumusubaybay na kagamitan. Ginagawang posible ng talaang ito na masuri kung sumusunod nga ba sa regulasyon ang bawat drayber.
Ang isa pang salik na nakaaapekto sa haba ng oras na ginugugol sa pagmamaneho ay ang pangmalas ng may-ari. Ang kaniyang trak ay kumakatawan sa mahal na pamumuhunan na kailangan niyang pakinabangan, hangga’t maaari sa loob ng 24 na oras na walang sagabal sa paglalakbay. Ang kompetisyon sa mga kompanyang naghahatid ay tumitindi, at ginigipit ng mga manedyer ang mga drayber upang boluntaryong magtrabaho nang mas mahabang oras.
Pagkapagod ang nagiging resulta kapag mahaba ang oras ng trabaho at gayundin kapag nagsimula ito sa di-pangkaraniwang oras. Halimbawa, karaniwang nagsisimula ang trabaho sa pagitan ng ala-una at alas-kuwatro ng umaga. Iyan ang panahon kapag ang maraming drayber ay mahinang-mahina at ang kanilang pagtutuon ng isip ay napakahina. Lalong tumitindi ang panggigipit kapag ang mga kompanyang pinaghahatiran ay may kaunting paninda lamang, anupat humihiling na ihatid ang mga kargada ‘sa tamang oras.’ Nangangahulugan iyan na kailangang dumating ang drayber sa lugar ng mamimili dala ang kargada sa mismong oras na pinag-usapan. Ang nagsisikip na trapiko, masamang panahon, at mga kalyeng ginagawa ay maaaring magpaantala anupat ito ang kailangang punan ng drayber.
Sa kabila ng mga paghihigpit sa bilang ng oras na ipinahihintulot sa pagmamaneho, ang paminsan-minsang pagsisiyasat ng pulisya ay nagsisiwalat pa rin ng mga paglabag sa batas. Ayon sa magasing Polizei Verkehr & Technik, “halos 1 sa 8 drayber ng trak, bus, at mga naghahatid ng mapanganib na kargada ay hindi sumusunod sa bilang ng oras na hinihiling sa pagmamaneho at pamamahinga.” Noong panahon ng pagsusuri sa trapiko sa Hamburg, natuklasan ng pulis ang isang drayber ng trak na gumugol ng 32 oras sa pagmamaneho ng kaniyang trak na walang pahinga.
Pagkilala sa Panganib
Isang drayber na nagmamaneho sa malayuang distansiya na naghahatid ng kargada sa buong mundo sa loob ng 30 taon ay tinanong tungkol sa problema sa pagkapagod. Ganito ang sabi niya: “Ang pagmamataas at sobrang pagtitiwala ay maaaring magpangyari sa isang drayber na ipagwalang-bahala ang pagkapagod. Diyan nangyayari ang aksidente.” Ang mga palatandaan ng pagkapagod ay nakatala sa kahon sa pahina 22.
Ang pagkilala sa panimulang nagbababalang mga palatandaan ay makapagliligtas ng buhay. Isang pagsusuri sa Estados Unidos na ginagawa ng National Transportation Safety Board ang nagsiwalat ng isang nakatatakot na estadistika: Sa 107 drayber na nakaligtas sa mga aksidente ng nag-iisang trak, 62 ang nauugnay sa pagkapagod. Kaya, binibigyan ng malaking importansiya ng industriya ang pagpapasulong sa teknikal na mga pantulong na nagbibigay ng anumang babala kailanma’t nakatutulog ang drayber.
Isang kompanya sa Hapon ay gumagawa ng elektronikong sistema na gumagamit ng video camera na nagmamasid kung gaano kalimit kinukurap ng drayber ang kaniyang mga mata. Kapag napakarami at matagal ang mga pagkurap, isang nakarekord na tinig ang magbababala sa kaniya sa mapanganib na kalagayan niya. Isang kompanya sa Europa ang gumagawa ng isang kagamitan na tumitiyak kung gaano kaayos minamaneho ang sasakyan. Kapag gumigiwang-giwang ang trak, tutunog ang isang babala sa loob ng trak. Gayunman, matagal pa bago makagawa ng mabisang pantulong.
Pagsalunga sa Panganib
Ang pagkapagod ay pasaherong hindi dapat inaanyayahan at tinatanggap sa halos lahat ng sasakyan. Ang tanong ay kung paano ito mapaaalis. Ang ilang drayber ay umiinom ng maraming inuming may caffeine, upang matuklasan lamang nila na hindi pa rin sila nilulubayan ng pagkapagod. Ang iba naman ay bumabaling sa ibang pampasigla (stimulant). Sabihin pa, ang mga ito’y nagsasapanganib ng kanilang kalusugan. Sa Mexico ang ilang drayber ay kumakain ng siling labuyo (napakaanghang na sili) upang manatiling gising.
Bago magsimula ng maagang pagtatrabaho, makabubuti na magkaroon ng sapat na tulog. At, bilang isang simpleng simulain, dapat na sumunod ang isa sa ipinahintulot na bilang ng oras sa pagmamaneho. Sa Timog Aprika, inirerekomenda ng mga dalubhasa ang pamamahinga pagkatapos ng limang oras na pagmamaneho. Sa mahaba’t tuluy-tuloy na daan, dapat na panatilihin ng drayber ang kaniyang isip na aktibo at nakatuon. Ang ilang drayber ay nakikinig sa radyo o nakikipag-usap sa ibang drayber sa CB radio. Isang drayber, na isang Saksi ni Jehova, ang nakikinig sa mga cassette na may mga tema sa Bibliya, gaya ng Ang Bantayan at Gumising! at mga talata mula sa Bibliya. Ang iba pang tip ay masusumpungan sa kahon sa pahinang ito.
Ang pagkita nang sapat upang makasapat sa pamumuhay ay patuloy na nagiging mahirap, kaya ang pagiging timbang ay hindi madali. Binabale-wala ng ilang kompanya o mga manedyer ang panganib na ibinabanta ng pagkapagod sa mga drayber. Kung gayon, makabubuting isaisip ng lahat na nauugnay sa negosyo ng paghahatid kung ano ang napag-alaman sa ngayon tungkol sa pagkapagod. Karagdagan pa, ang mga drayber ay malimit na may kapaki-pakinabang na mga tip mula sa kanila mismong karanasan, na makatutulong sa iba upang malabanan ang pag-aantok.
Mangyari pa, ang pinakamabuting paraan upang manatiling gising ay pagbigyan ang kahilingan ng katawan: Kung nararamdaman mo ang anumang nagbababalang palatandaan, huminto sa susunod na lugar na maaaring pagpahingahan at matulog. Pagkatapos, saka harapin minsan pa ang hamon ng pagmamaneho. Huwag pabayaang mahulog sa di-nakikitang patibong ng pagkapagod!
[Talababa]
a Yamang kakaunti ang bilang ng mga babaing nagmamaneho ng trak sa Alemanya, ang kasariang panlalaki ay ginamit sa artikulong ito.
[Kahon sa pahina 22]
Mga Nagbababalang Palatandaan na Nangangailangan ng Agad na Pagkilos
• Humahapdi ba ang iyong mga mata o bumibigat ang talukap ng iyong mga mata?
• May naguguniguni ka bang mga bagay o nasusumpungan mo ang iyong sarili na nangangarap nang gising?
• Ang daan ba ay parang kumikipot, anupat nagpapangyari sa iyo na magmaneho sa gitna ng linya?
• Ang ilang bahagi ba ng iyong paglalakbay ay hindi mo maalaala?
• Mas malikot ba ang paggamit mo ng manibela at mga preno kaysa karaniwan?
Ang pagsagot ng oo sa isa lamang sa mga tanong sa itaas ay nangangahulugan na kailangan mo ang agad na pamamahinga
[Kahon sa pahina 23]
Sa Malayuang Distansiyang mga Paglalakbay
• Matulog nang sapat
• Huwag umasa sa mga pampasigla (stimulant)
• Palaging mamahinga, mag-ehersisyo upang sumigla
• Isaisip na ang tuluy-tuloy at mahabang daan ay lalo nang mapanganib
• Huwag maglakbay nang gutom. Sanayin ang iyong sarili na kumain ng mabuti: pagkaing hindi mabigat sa tiyan at masustansiya
• Uminom nang marami, subalit iwasan ang alak