Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 11/22 p. 21-23
  • Pagkagalit Habang Nasa Daan—Paano Mo Haharapin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkagalit Habang Nasa Daan—Paano Mo Haharapin?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sanhi at Epekto
  • Iwasang Pagmulan ng Pagkagalit Habang Nasa Daan
  • Biktima Ka Ba?
  • Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho
    Gumising!—1988
  • Daan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ano ang Pumupukaw sa Panahon ng Pagngangalit?
    Gumising!—2002
  • Ikaw ba’y Isang Walang-Ingat na Tsuper?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 11/22 p. 21-23

Pagkagalit Habang Nasa Daan​—Paano Mo Haharapin?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

ANG kawalan ng pagpipigil at ang bunga nitong karahasan ay nagiging palasak na sa mga balita sa daigdig. Karagdagan pa sa pagkagalit dahil sa trolley (na doon ay ibinubulalas ng mga mamimiling gumagamit ng mga trolley, o mga food cart, ang galit sa isa’t isa sa supermarket) at pagkagalit habang nasa telepono (na dahil sa teknolohiya ay maaaring paghintayin ka upang makuha ang ibang tawag), ang pagkagalit habang nasa daan ang nakatawag ng pansin ng mga tao sa Britanya.

Gayon na lamang kalaganap ang pagkagalit habang nasa daan anupat sinabi sa ulat ng 1996 tungkol sa mga paggawi sa pagmamaneho na sa Britanya ay “umabot na [ito] sa antas ng pagiging epidemya, anupat halos kalahati ng lahat ng nagmamaneho ay nakaranas na ng ilang anyo ng pag-atake o pang-aabuso sa nakalipas na taon”! Mas masahol pa ang naging surbey ng Automobile Association at nag-ulat na “siyam sa sampung motorista ang nagsasabi na sila’y naging biktima na ng pagkagalit habang nasa daan.” Kapansin-pansin, ipinakita sa surbey ring iyon na “anim lamang sa sampung [motorista] ang umamin na sila’y nawalan ng pagpipigil habang nagmamaneho.”

Ano ang dahilan ng pagkagalit habang nasa daan? Kung ikaw ay isang biktima, ano ang magagawa mo upang maingatan ang iyong sarili? Kung ikinagagalit mo ang paraan ng pagmamaneho ng iba, ano ang dapat mong gawin? Oo, yamang ang pagkagalit habang nasa daan ay nagiging palasak sa buong daigdig, paano mo ito haharapin?

Sanhi at Epekto

Hindi na isang bagong bagay ang galít na mga tsuper. Ang isang lumabag noong unang panahon ay ang makatang Ingles na si Lord Byron. Noong 1817 ay lumiham siya na doo’y isinalaysay niya ang isang pag-aaway sa daan na kinasangkutan niya. Ayon sa ulat, naging “pangahas” sa kabayo ni Byron ang isang nasa daan. Bilang resulta, sinuntok ng makata ang tainga ng lalaki.

Sa karamihan ng mga bansa, habang dumarami ang sasakyan, nagiging gabundok naman ang pagkasiphayo ng mga tsuper. Ang pinagmumulan ng mararahas na pangyayari sa pagmamaneho ay inilarawan ng mga pahayagan sa Estados Unidos noong mga taon ng 1980 bilang “pagkagalit habang nasa daan.” Bagaman wala namang batas hinggil dito, angkop na inilalarawan ng pagkagalit habang nasa daan ang emosyon na siyang ugat ng maraming karahasang nagagawa ng mga motorista dahil sa paraan ng pagmamaneho ng ibang tsuper.

Talamak na ngayon sa ating mga daan ang ugaling ako-muna. Sinabi ng mga mananaliksik hinggil sa mga paggawi sa pagmamaneho na “halos lahat ng mga gumagawa ng karahasan o kapusukan ay naniniwalang sila ang makatuwirang mga biktima ng walang-pakisamang ugali ng iba,” ayon sa The Times ng London. Gaano man kawalang-taros ang pagmamaneho ng isang tsuper sa kaniyang sasakyan, para sa kaniya’y siya pa rin ang may katuwiran. Subalit kapag ang ibang tsuper ay bahagyang nakalabag sa tamang asal sa daan, sumisiklab ang pagkagalit habang nasa daan.

Ang pagdami ng pang-aabuso sa droga, na laganap sa mga kabataan, ay nagiging dahilan din ng pagkagalit habang nasa daan. Ang pag-abuso sa cocaine, ayon sa isang consultant sa ospital, “ay maihahambing sa pagmamaneho nang nakainom.” Ang mga tsuper na nagdodroga ay madalas na sobra ang tiwala sa kanilang sariling kakayahan. Bilang resulta, ang ilan ay nagmamaneho nang napakabilis. Ang iba nama’y nagmamaneho nang pamali-mali, anupat hindi makapagpasiya nang tama.

Isaalang-alang din ang epekto ng tensiyon sa isang nagmamaneho. Isinisi ni Propesor Cary Cooper ng Manchester University sa igting at kawalang-katiyakan ng pang-araw-araw na buhay sa mga taóng ito ng 1990 ang laganap na pagkagalit habang nasa daan. “Ang mga tsuper ay nagiging mas tensiyonado at ang bilang ng mararahas na pag-atake ay dumarami,” sabi ng isang tagapagsalita ng Royal Automobile Club. Inamin ng isang abalang ehekutibo ng public relations na ngayo’y gumugugol ng mahabang oras sa pagmamaneho papunta at pauwi mula sa trabaho na nawawala na ang pasensiya niya ngayon. “Nambubulyaw agad ako ngayon at nagagalit sa maliliit na bagay na dati’y bale-wala sa akin,” sabi niya ayon sa ulat ng The Sunday Times. Marahil ay gayon ka rin. Kung oo, ano ang magagawa mo?

Iwasang Pagmulan ng Pagkagalit Habang Nasa Daan

Unawain mo na ang ibang tsuper ay hindi naman perpekto. Sila, paminsan-minsan, ay lalabag sa mga alituntunin. Isaalang-alang mo ang bagay na ito sa iyong pagmamaneho. Isaisip ang maaaring mangyari. Halimbawa, baka nagmamaneho ka sa gawing-loob, o sa linyang para sa mababagal na sasakyan, sa isang maraming-linyang haywey. Pero papalapit ka sa isang salikop (junction) na sa isang kalye, o pasukang daan, ay isa-isang dumaraan ang mga sasakyan papasok sa haywey. Malayo pa, nakikita mo na ang isang kotseng papasók sa haywey na nasa kalye. Ikakatuwiran mo ba na nauna ka na roon, na may karapatan kang manatili sa iyong kinaroroonang linya? Bakit ka magbibigay sa nagsasalikop na mga sasakyan? Bakit mo ipipihit ang manibela sa ibang linya, kung puwede naman, para makapasok ang ibang tsuper sa haywey? Subalit mag-isip-isip ka, ano ang mangyayari kung igigiit mo ang pananatili sa iyong linya at hindi ka magmemenor? Baka gayundin ang iniisip ng tsuper na papasók sa haywey. Tiyak, dapat na may isang magbibigay; kung hindi, magkakaroon ng aksidente.

May katalinuhan, ang isang tsuper na umiiwas pagmulan ng pagkagalit habang nasa daan ay alisto sa mangyayari at makonsiderasyong nagmamaneho. Nagbibigay siya kung kaya niya, at hindi siya nagagalit kung hindi man pasalamatan ng kabilang tsuper ang kagandahang-loob na ipinakita rito. Tinatantiya ng isang kinatawan ng Institute of Advanced Motorists ng Britanya na 1 sa bawat 3 tsuper ang may mapanganib na problema sa paggawi. Bagaman sanáy magmaneho ang mga tsuper na ito, hindi naman sila mapagbigay. Tinatawag niya silang “magagaling na tsuper pero masasamang motorista.”

Karamihan sa mga tsuper kung minsan ay walang pakialam sa iba pang nasa daan. Ngunit iyan ay hindi katuwiran para gawin iyon. Isaalang-alang ang posibleng ibubunga nito. Tiyak na hindi mo nanaising pagmulan ng banggaan ng sunud-sunod na sasakyan dahil sa katigasan ng iyong ulo. Huwag mong pahintulutang manaig ang iyong emosyon. Ganito ang payo ng isang eksperto sa pagmamaneho: “Hindi ka dapat kailanman maimpluwensiyahan o gumanti sa kapusukan sa daan.” Tanggihan ang pagsali sa samahan ng mga nagngangalit habang nasa daan!

Biktima Ka Ba?

Talaga namang bawat tsuper ay minsan nang naging biktima ng pagkagalit habang nasa daan. Ang pag-amba, ang paninigaw, ang mapusok na pagmamaneho ay pawang maaaring makatakot at talaga ngang nakatatakot. Tiyak na ang pinakamagaling na proteksiyon ay ang pag-iwas sa away. Isang biktima ang natakot nang isang kapuwa tsuper ang gustong mauna sa kaniya. Sa wakas, nilampasan siya ng galít na tsuper, biglang humarang sa kaniya, at nagmabagal nang husto anupat nangamba ang biktima na magbabanggaan ang kanilang mga sasakyan. Matagal-tagal ding nagpatuloy ito at natapos lamang nang lumiko ang biktima sa ibang ruta.

Kung nakikita mong gustong mauna sa iyo ng ibang tsuper, gawin mo ang magagawa mo upang palampasin sila. Iwasang igiit ang iyong karapatan sa iyong dinaraanan. Kung nalaman mong nakainis ka sa iba, humingi ng paumanhin. Ipakita mong humihingi ka ng paumanhin kahit na hindi mo sinasadya ang iyong pagkakamali. Alalahanin mo na ang malumanay na salita ay nakapapawi ng poot.

Ngunit kung, sa anumang kadahilanan, ikaw ang siyang biktima ng atake ng pagkagalit habang nagmamaneho, huwag kang gaganti. “Huwag kang maghihiganti sa masamang ginawa sa iyo,” ang payo ng magasing Focus. “Huwag kang magdadala sa iyong sasakyan ng anumang bagay na magagamit bilang isang mapanganib na sandata.” Iba pang tip: Palaging ikandado ang mga pinto ng sasakyan at isara ang mga bintana. Iwasang makipagtitigan sa sumasalakay.

Ang nasa itaas na mga mungkahi sa pagharap sa pagkagalit habang nasa daan ay hindi na bago. Kasuwato nito ang payo na ibinigay ni Haring David ng Israel noon: “Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan,” ang payo niya. “Huwag kang mainggit sa mga gumagawa ng kalikuan. Bayaan mo ang galit at iwan ang poot.”​—Awit 37:1, 8.

Bagaman lumalago ang pagkagalit habang nasa daan, huwag hayaang lumago ito sa iyo!

[Kahon/Larawan sa pahina 23]

Pagsugpo sa Pagkagalit Habang Nasa Daan

Sinabi ng Automobile Association na kung tungkol sa pag-aalis ng pagkagalit habang nasa daan, “ang pagbabago ng saloobin ay kasinghalaga ng pagbalangkas ng mga pamamaraang panghadlang.” Ang pagkakaroon ng makatotohanang pangmalas kapuwa sa iyong kakayahan sa pagmamaneho at sa kakayahan ng ibang gumagamit ng daan ay mahalaga sa pagharap sa pagkagalit habang nasa daan. Bagaman kitang-kita mo ang mga pagkakamali ng iba, huwag mo namang kalilimutan ang iyong sariling pagkakamali sa pagmamaneho. Tanggapin mo ang katotohanan na may mga tsuper na binabale-wala ang mga alituntunin sa daan. Kapag nagmamaneho ka, tiyakin na alertung-alerto ka. Ang pagod ay nagpapalala ng tensiyon. Ang saglit na pagkawala ng konsentrasyon ay maaaring magdulot ng kamatayan.

Isaalang-alang din ang sumusunod na mga payo, at pansinin kung paano ito nauugnay sa mga kawikaan ng marunong na si Haring Solomon.

• Napapansin ba ng iyong mga pasahero ang iyong galit? Marahil ay iminumungkahi nilang huminahon ka. Huwag mong tanggihan ang payo nila anupat pagalit mong sinasagot sila na huwag kang pakialaman. Alalahanin mo, ang isang mahinahong saloobin ay mas nakalulusog at maaaring literal na makatulong sa iyo upang mabuhay pa nang mas mahabang panahon! “Ang pusong mahinahon ang buhay ng katawan.”​—Kawikaan 14:30.

• Bigyang-konsiderasyon ang ibang tsuper, at iwasan ang mga problema. “Ang marunong ay natatakot at lumalayo sa masama, ngunit ang mangmang ay nagngangalit at nagtitiwala sa sarili.”​—Kawikaan 14:16.

• Pahupain ang galit sa pamamagitan ng kilos o salitang humihingi ng tawad. “Ang sagot, kung mahinahon, ay pumapawi ng poot.”​—Kawikaan 15:1.

• Maaaring ang iba’y nagagalit agad habang nasa daan, pero hindi kailangang tularan mo sila. “Huwag kang makipagkaibigan sa sinumang magagalitin.”​—Kawikaan 22:24.

• Iwasang masangkot sa pag-aaway ng iba. “Bago mag-init ang alitan, lumayo ka na.”​—Kawikaan 17:14.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share