Ano ang Pumupukaw sa Panahon ng Pagngangalit?
ISANG lalaki ang binaril at napatay habang nakaupo sa isang bar sa Prague, sa Czech Republic. Bakit? Nayamot ang lalaking bumaril sa malakas na musika na pinatutugtog ng biktima sa kaniyang sariling cassette player. Isang motorista ang pinalo hanggang mamatay ng isang hockey stick sa isang krosing sa Cape Town, Timog Aprika. Ang umatake sa kaniya ay maliwanag na nagalit dahil sa inilawan siya ng biktima ng mga ilaw ng kotse nito. Sinipa ng isang nagngangalit na dating kasintahan ng isang nars na Britano na naninirahan sa Australia ang pintuan nito sa harapan; binuhusan siya ng lalaki ng gasolina, sinilaban ito, at iniwan ang babae upang mamatay.
Ang mga balita ba ng pagngangalit—pagngangalit habang nasa daan, pagngangalit sa loob ng tahanan, pagngangalit habang nakasakay sa eroplano—ay pinalalaki? O katulad ng mga lamat sa mga dingding ng isang gusali, ang mga kapahayagan bang ito ng pagngangalit ay mga nakikitang palatandaan ng isang tunay na seryosong problema? Ipinakikita ng mga katotohanan na ang huli ay tama.
Sa daan, “ang mga ulat ng marahas na mga insidente ng trapiko ay tumaas ng halos 7 porsiyento bawat taon mula noong 1990,” ang sabi ng isang ulat kamakailan mula sa American Automobile Association (AAA) Foundation for Traffic Safety.
Sa tahanan, ang pagngangalit ay laganap. Halimbawa, ang pulisya sa Australia sa estado ng New South Wales ay nakasaksi ng 50-porsiyentong pagtaas sa mga iniulat na kaso ng karahasan sa tahanan noong taóng 1998. Isa sa bawat apat na babae sa bansa ring iyon na ikinasal o nakikisama nang di-kasal ay nakaranas ng karahasan dulot ng kanilang asawa o kinakasama.
Sa himpapawid ang ulat ay pareho rin. Ang panganib ng biglang pambubulyaw ng pasahero sa eroplano at pagsalakay sa mga tauhan nito, sa mga kapuwa pasahero, at maging sa mga piloto ay nagbunsod sa ilang pangunahing sasakyang panghimpapawid ng daigdig na paglaanan ang kanilang mga tauhan sa kabin ng pantanging gurnasyon na dinisenyo upang itali ang mararahas na nagkasala sa kanilang mga upuan.
Bakit tumataas ang bilang ng mga tao na waring walang kakayahang pigilin ang kanilang mga emosyon? Ano ang nag-uudyok sa mga gawang ito ng pagngangalit? Talaga bang posibleng kontrolin ang mga damdaming ito?
Bakit Lumaganap ang Pagngangalit?
Ang pagngangalit ay ang pagkadama o pagpapakita ng matinding galit. Ang mga gawa ng pagngangalit ay nangyayari kapag hinayaang mamuo ang galit hanggang sa ito’y sumiklab sa isang marahas na bugso ng emosyon. “Ang marahas na mga pagtatalo sa trapiko ay bihirang resulta ng isang insidente. Sa halip, ito’y waring resulta ng personal na mga saloobin at ng mga naipong kaigtingan sa buhay ng motorista,” ang sabi ni David K. Willis, presidente ng AAA Foundation for Traffic Safety.
Naka-aabuloy rin sa naipong kaigtingan ang napakaraming impormasyon na inasahang matututuhan natin sa bawat araw. Ang pabalat sa likod ng aklat na Information Overload, ni David Lewis ay nagsasabi: “Maraming manggagawa sa ngayon ang natatabunan ng napakaraming impormasyon . . . Palibhasa’y nalipos ng impormasyon, . . . sila ay naging labis na maigting, walang-ingat, hindi na makaganap nang mabuti sa tungkulin dahil sa kaigtingan sa maraming impormasyon.” Sa pagsipi sa isang halimbawa ng napakaraming impormasyon, isang pahayagan ang nagsabi: “Ang isang edisyon ng isang pahayagan na lumalabas mula Lunes hanggang Biyernes ay naglalaman ng impormasyon na kasindami niyaong mababasa ng isang karaniwang tao sa buong buhay niya noong ika-17 siglo.”
Kung ano ang ipinapasok natin sa ating bibig ay maaari ring makapagpatindi ng galit. Ipinakikita ng dalawang malawakang pag-aaral na ang pagtaas ng pagngangalit ay iniuugnay sa paninigarilyo, sa dami ng naiinom na inuming de-alkohol, at di-nakapagpapalusog na pagkain. Ang epidemyang ito ng kinaugaliang istilo ng pamumuhay ay nagpapatindi ng kaigtingan at kabiguan—kabiguan na sumisiklab sa anyo ng panunungayaw, pagkayamot, at kawalang-pagpaparaya.
Masasamang Asal at mga Pelikula
Sa kaniyang komento hinggil sa kaugnayan ng masamang asal at krimen, si Dr. Adam Graycar, direktor ng Australian Institute of Criminology (AIC), ay nagsabi: “Ang panunumbalik ng paggalang at kagandahang asal ay maaaring isa sa pinakamahahalagang hakbang upang mabawasan ang maliliit na krimen.” Itinataguyod ng institusyon ang pagtitiyaga, pagpipigil, at pag-iwas sa panunungayaw. Sinasabi nito na ang pagkabigo na gawin iyon ay maaaring magpabago sa magulong pag-uugali tungo sa pag-uugaling kriminal. Ang nakapagtataka, ang uri ng libangan na napili ng karamihan upang maibsan ang kabiguan at kaigtingan ay sa katunayan mas nagpapasigla pa sa kawalang-pagpaparaya at pagngangalit. Paano?
“Ang mga bata at matatanda ay sama-samang nagtutungo sa sinehan upang panoorin ang mga paglalarawan ng kamatayan at pagkalipol. Ang negosyo para sa mararahas na video ay malawak at malaki ang kita. Ang ‘mga laruang pandigma’ ay popular pa rin sa maraming bata, kahit na hindi ito laging gusto ng kanilang mga magulang. Lubos na nasisiyahan ang karamihan sa mga karahasan na ipinakikita sa telebisyon, kapuwa mga adulto at mga bata, at ang telebisyon ay may mahalagang papel sa paghahatid ng mga pamantayang pangkultura,” sabi ng isang AIC report. Paano ba ito nauugnay sa bugso ng pagngangalit sa lansangan at sa tahanan? Ang report ay nagpapaliwanag: “Ang mga pamantayan sa asal ng mga indibiduwal sa loob ng isang lipunan ay nahuhubog salig sa pagpapahintulot ng lipunang iyon sa karahasan.”
Maraming indibiduwal sa ngayon ang mangangatuwiran na ang pagbubulalas ng galit ay isang natural na pagtugon lamang sa kaigtingan, isang hindi maiiwasang reaksiyon sa ating matindi-ang-panggigipit at mapusok na lipunan. Kung gayon, totoo ba na talagang mabuting payo ang popular na kasabihang “Kapag galit ka, ilabas mo ito”?
Dapat Bang Pigilin ang Pagngangalit?
Kung paanong ang sumasabog na bulkan ay lumilikha ng pagkawasak sa mga naninirahan sa paligid nito, gayundin ang isang tao na nagpapahayag ng matinding galit ay pumipinsala sa mga naninirahan sa palibot niya. Malubha rin niyang pinipinsala ang kaniyang sarili. Sa anong paraan? “Ang pagbubulalas ng galit ay umaakay sa higit pang pagsalakay,” sabi ng The Journal of the American Medical Association (JAMA). Batay sa pagsasaliksik, ang mga lalaki na nagpapakita ng galit “ay malamang na mamatay sa edad na 50 kaysa roon sa hindi.”
Gayundin ang sabi ng American Heart Association: “Ang mga lalaki na nakararanas ng mga silakbo ng galit ay may dobleng panganib ng istrok kaysa sa mga lalaki na pinipigil ang kanilang galit.” Ang mga babalang ito ay kapuwa may-kinalaman sa mga lalaki at mga babae.
Anong payo ang totoong epektibo? Pansinin ang pagkakahawig sa pagitan ng payo ng sekular na mga awtoridad at ng pinakamalawak na ipinamamahaging awtoridad sa ugnayang pantao, ang Bibliya.
Supilin ang Galit—Iwasan ang Pagngangalit
Sabi ni Dr. Redford B. Williams sa JAMA: “Ang pinakasimpleng payo na, ‘kapag galit ka, ilabas mo ito,’ ay malamang hindi . . . makatulong. Ang mas mahalaga ay matutuhan kung paano susuriing mabuti ang iyong galit at pagkatapos ay supilin ito.” Iminungkahi niya na tanungin ang iyong sarili: “(1) Ang situwasyon bang ito ay mahalaga sa akin? (2) Ang akin bang mga pag-iisip at damdamin ay tama salig sa totoong mga katibayan? (3) Ang situwasyon bang ito’y puwedeng baguhin, upang sa gayon ay hindi ko na kailangan pang magalit?”
Kawikaan 14:29; 29:11 “Siyang mabagal sa pagkagalit ay sagana sa kaunawaan, ngunit ang walang pagtitimpi ay nagtatanyag ng kamangmangan. Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.”
Efeso 4:26 “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.”
Inirekomenda ni Frank Donovan, sa kaniyang aklat na Dealing With Anger—Self-Help Solutions for Men, na: “Ang takasan ang galit—o, mas espesipiko, takasan ang eksena at ang ibang tao kapag ikaw ay galit—ay isang pamamaraang may pantanging kahalagahan at kapakinabangan sa lalong matataas na antas ng galit.”
Kawikaan 17:14 “Ang pasimula ng pagtatalo ay gaya ng isang nagpapakawala ng tubig; kaya bago sumiklab ang away, umalis ka na.”
Si Bertram Rothschild, sa pagsulat sa pahayagang The Humanist, ay nagsabi: “Ang galit . . . ay pangunahin nang personal na pananagutan ng isa. Ang mga dahilan upang magalit ay nasa sa ating ulo. . . . Bale-wala ang natamong hinahangad na resulta na dulot ng galit kung ihahambing sa napakaraming beses na ginawa nitong mas malubha ang mga bagay. Mas mabuti na huwag magalit kaysa sa maranasan ito.”
Awit 37:8 “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit; huwag kang mag-init na hahantong lamang sa paggawa ng masama.”
Kawikaan 15:1 “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.”
Kawikaan 29:22 “Ang taong magagalitin ay pumupukaw ng pagtatalo, at ang sinumang madaling magngalit ay maraming pagsalansang.”
Inirerekomenda ng milyun-milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang payo sa itaas. Inaanyayahan ka namin na dumalo sa kanilang mga pagpupulong sa Kingdom Hall sa inyong lugar at personal mong mararanasan na ang pamumuhay ayon sa mga payo ng Bibliya ay talagang maaasahan, kahit na nabubuhay tayo sa isang panahon ng pagngangalit.
[Mga larawan sa pahina 23]
Katulad ng isang sumasabog na bulkan, ang isang tao na may di-mapigil na pagngangalit ay lumilikha ng kapinsalaan
[Larawan sa pahina 24]
Ang payo ng Bibliya ay talagang maaasahan