Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 8/22 p. 3
  • Tubig—Pinakabuhay ng Planeta

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tubig—Pinakabuhay ng Planeta
  • Gumising!—1997
  • Kaparehong Materyal
  • Nauubusan na ba ng Tubig ang Daigdig?
    Gumising!—2001
  • Kung Saan Mas Malala ang Krisis
    Gumising!—1997
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Krisis sa Tubig sa Mundo?
    Iba Pang Paksa
  • Saan Napunta ang Lahat ng Tubig?
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 8/22 p. 3

Tubig​—Pinakabuhay ng Planeta

WALANG kulay, walang amoy, walang lasa, at walang calorie, ang tubig ay mahalaga sa lahat ng buhay sa lupa. Walang tao, hayop, o halaman ang mabubuhay kung wala ito. Mula sa elepante hanggang sa mikrobyo, mahalaga ang tubig; at wala itong kahalili. Bawat isa sa mahigit na limang bilyong tao sa lupa ay kailangang kumonsumo, sa mga likido at pagkain, ng halos dalawa at kalahating litrong tubig araw-araw upang manatiling malusog. Walang tubig, walang buhay.

Kung walang tubig, imposibleng magtanim o maghayupan. Walang tubig, walang pagkain​—walang pagkain, walang buhay.

Mabuti na lamang, napakaraming tubig. Nang kunan ng litrato mula sa malayong kalawakan, ang ating maganda’t asul na planeta ay para bang nararapat tawaging Tubig, hindi Lupa. Oo, kung pantay na tatabunan ng tubig ang ibabaw ng planeta, ito’y mag-aanyo ng isang pangglobong karagatan na 2.5 kilometro ang lalim. Lahat ng kalupaan sa lupa ay magkakasiya sa Karagatang Pasipiko, maluwag pa nga.

Mangyari pa, karamihan ng tubig sa lupa ay nasa mga dagat, at maalat ang tubig-dagat. Kung tubig-dagat lamang ang iinumin ng isang tao, di-magtatagal at siya’y mamamatay dahil sa uhaw at pagkaubos ng tubig habang inilalabas ng kaniyang katawan ang labis na asin. Ang tubig-dagat ay hindi rin mabuti para sa agrikultura o sa industriya​—pinapatay nito ang karamihan ng mga pananim at madaling kalawangin ang karamihan ng mga makina. Kaya, sa kalakhang bahagi, magagamit lamang ng tao ang tubig-dagat kung aalisin nila ang asin, at iyan ay isang magastos na proseso.

Mga 3 porsiyento lamang ng tubig sa lupa ang tubig-tabang, hindi maalat. Halos lahat ng tubig-tabang​—mga 99 na porsiyento nito​—ang nasa mga glacier at sa mga ice cap o nasa kailaliman ng lupa. Tanging 1 porsiyento ang agad makukuha ng tao.

Waring hindi marami ang isang porsiyento. Malamang bang kapusin tayo ng tubig-tabang? Marahil ay hindi. Ganito ang sabi ng magasing People & the Planet: “Kahit na itong [1 porsiyento], kung pantay-pantay na ipamamahagi sa buong daigdig at makatuwirang ginagamit, ay magiging sapat upang tustusan ng dalawa o tatlong ulit ang kasalukuyang populasyon ng daigdig.”

Pangunahin na ang kabuuang dami ng tubig sa lupa ay hindi nadaragdagan o nababawasan. Ganito ang sabi ng Science World: “Ang tubig na ginagamit mo ngayon ay maaaring pumatid sa uhaw ng isang dinosauro noon. Iyan ay dahilan sa ang lahat ng tubig na mayroon tayo sa Lupa ngayon ang siyang taglay natin noon​—o tataglayin.”

Ito’y dahilan sa ang tubig sa loob at sa palibot ng daigdig ay walang-katapusang umiikot​—mula sa mga karagatan tungo sa atmospera, tungo sa lupa, sa mga ilog, at balik na muli sa mga karagatan. Ito’y gaya ng isinulat ng isang pantas na tao noong una: “Lahat ng sapa ay humuhugos sa dagat, gayunman ang dagat ay hindi kailanman umaapaw; sa dakong hinuhugusan ng mga sapa ay doon din nagsisihugos uli ang mga yaon.”​—Eclesiastes 1:7, New English Bible.

Subalit, sa kabila ng kasaganaan ng tubig-tabang sa lupa, maraming rehiyon ang dumaranas ng krisis. Susuriin ng susunod na mga artikulo ang mga problema at ang mga pag-asa upang lutasin ang mga ito.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Larawan ng NASA

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share