Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Bihag-Panagot Ako’y isang bilanggo na may dalawang taon pang bubunuin sa aking sentensiya. Dalawang ulit kong nabasa ang artikulong “Naging Bihag-Panagot Kami Nang Magkagulo sa Bilangguan.” (Nobyembre 8, 1996) Sa tuwina, ito’y nagpapaluha sa akin at para bang may nakabara sa aking lalamunan. Lagi kong inaasam-asam ang mga pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova sa bilangguang ito. Sila ay totoong nakapagpapalakas!
J. K., Estados Unidos
Hindi ako kailanman nakasulat sa inyo tungkol sa isang nakaraang artikulo, subalit ang artikulo tungkol sa mga bihag-panagot ay talagang nakapagpapatibay ng pananampalataya. Binigyang katiyakan muli ako nito na totoong pinalalakas ni Jehova ang kaniyang bayan kapag sila’y nasa kabalisahan.
K. D., Estados Unidos
Patnubay Talagang nasiyahan ako sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kaninong Patnubay ang Mapagkakatiwalaan Mo?” (Nobyembre 8, 1996) Ito’y talagang nakaaaliw at nakapagpapatibay-loob sa akin. Tulad ng marami, ako’y totoong nasiraan ng loob noon nang biguin ako ng mga taong inaasahan kong papatnubay sa akin. Ang ilustrasyon ng isang bata na nakahawak sa kamay ng kaniyang ama ay nagpaluha sa akin. Talagang nakapagpapasigla ng puso na malaman na sa Isaias 41:13, sinabi ni Jehova na kaniyang ‘hahawakan ang kamay’ ng kaniyang bayan.
M. S., Estados Unidos
Ako’y 17 taong gulang at kamakailan ay nagkaroon ako ng napakaraming problema. Sinabi sa akin ng isang kaibigan na manalangin ako at magbasa ako ng may kinalaman sa espirituwal na mga bagay. Pagkatapos kong mabasa ang artikulong “Kaninong Patnubay ang Mapagkakatiwalaan Mo?” ipinasiya ko na huwag mawalan ng pag-asa kundi humawak nang mas mahigpit sa kamay ng aking makalangit na Ama!
C. G., Estados Unidos
Sign Language Maraming salamat sa artikulong “Upang Makausap ang Aking Anak, Nag-aral Ako ng Ibang Wika.” (Nobyembre 8, 1996) Ako’y nagsosolong ina na may anak na lalaki na bingi na ngayo’y 24 na taong gulang na. Kaya alam ko mismo mula sa aking personal na karanasan kung ano ang dinanas ni Cindy Adams, at malaki ang aking paggalang sa bagay na kaniyang nagawa.
H. B., Alemanya
Naudyukan ako ng artikulo na mag-aral ng sign language para aking maibahagi ang mensahe ng Bibliya sa mga bingi at makipag-usap din sa mga kapatid sa kongregasyon na may kapansanan sa pandinig.
B. L., Venezuela
Nagdaos ako ng pag-aaral sa Bibliya sa isang binging tin-edyer na babae. Marami kaming natutuhan sa isa’t isa, sa kabila ng bagay na panimulang kaalaman lamang sa sign language ang alam naming dalawa. Nahimok ako ng pagbabasa ng tungkol sa determinasyon ni Cindy Adams na matutuhan ang wika alang-alang sa kaniyang anak na lalaki na pasulungin ang aking kakayahan sa magandang wikang ito upang maibahagi ko ang mabuting balita ng Bibliya sa mga taong bingi sa aming pamayanan.
S. T., St. Martin, Netherlands Antilles
Ako rin ay may anak na may kapansanan sa pandinig, at pinili namin ang paraan ng pakikipag-usap sa bibig. Itinutuon ng pamamaraang ito ang pansin sa paglinang sa pagsasalita at pagbabasa ng labi. Lumabas na ito’y mabuting pagpapasiya para sa aking anak na lalaki. Noong una ay kakaunti ang kaniyang napapakinabangan sa mga pulong sa kongregasyon. Subalit ngayon siya’y nakasusunod nang mabuti samantalang ako at ang iba ay nagpapaliwanag sa kaniya sa pamamagitan ng bibig. Siya’y nagpapahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at isa siyang di-bautisadong mamamahayag. Nagbunga na ang maraming taon ng pagpapagal. Ipinakikita ng aming karanasan na alinman sa American Sign Language o ang pamamaraang bibigan ay magiging kapaki-pakinabang hangga’t ang mga magulang at ang lokal na kongregasyon ay nagtutulungang mabuti upang himukin ang bata at makipag-usap sa kaniya.
M. T., Estados Unidos