Pangangalaga sa Kalusugan ng mga Bata
NITONG nakaraang ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na The Progress of Nations, ipinakikita ang napakalaking pagsulong sa kalagayan ng kalusugan ng mga bata sa maraming lupain. Dahil sa sama-samang pagsisikap ng mga pamahalaan at internasyonal na mga organisasyon, bumaba ang bilang ng mga namamatay na batang wala pang limang taon ang edad sa ilang lupain. Gayunman, ipinakikita rin ng The Progress of Nations na sa bawat taon, milyun-milyon pa sanang buhay ng mga bata ang maililigtas sa pamamagitan ng simple at murang pamamaraan, lalo na sa nagpapaunlad na mga bansa. Maaaring makatulong sa mga magulang sa mga lupaing ito at sa iba pang lugar ang sumusunod na mga rekomendasyon.
Pagpapasuso sa ina. “Ang pagpapasuso sa ina ang pinakamahusay na posibleng pasimula tungo sa mabuting kalusugan at nutrisyon,” ang sabi sa ulat. Ayon sa World Health Organization (WHO), “mahigit na 1 milyong buhay ng sanggol sa isang taon ang maililigtas kung ang lahat ng sanggol ay eksklusibong pasususuhin sa ina sa loob ng mga unang anim na buwan.” Yamang ang mga ospital at mga paanakan ang nagtatakda ng mga patakaran, itinataguyod ng UNICEF at WHO ang “pagpapakitang-giliw sa sanggol sa ospital pa lamang.” Ang kanilang layunin ay upang maudyukan ang mga ospital na suportahan at payuhan nang wasto ang mga ina ng mga bagong-silang na sanggol hinggil sa pagpapasuso.
Pangangalaga sa kalusugan at malinis na tubig. “Mababawasan nang malaki ang bilang ng pagkakasakit sa pamamagitan ng ligtas na tubig, paggamit ng palikuran, paghuhugas ng mga kamay bago humawak ng pagkain, at maingat na paghahanda at pagtatabi ng pagkain,” sabi ng pag-uulat. Bagaman kailangan ang lubusang pagsisikap sa maraming komunidad upang magkaroon ng sapat nito, talagang kailangang-kailangan ang malinis na tubig para sa kalusugan ng bata at ng pamilya.
Nutrisyon. Maiiwasan ang kamatayan ng hanggang tatlong milyong bata taun-taon kung mahuhustuhan lamang sila ng bitamina A, ayon sa ulat. Malulutas at magagawan ng paraan ang problema, sabi nito, at maisasagawa kung aayusin ang diyeta, iingatan ang sustansiya ng pagkain, o maipamumudmod ang mga kapsula ng bitamina A. Ang pana-panahong pamumudmod ng dalawang-sentimong halaga (U.S.) ng mga kapsula ng bitamina A sa mga bata ay napatutunayan nang epektibo sa mga lupaing palasak ang kakulangan sa bitamina A. Inirerekomenda rin ang mga pagkaing gaya ng papaya, mangga, karot, mabeberdeng gulay, at itlog.
Oral Rehydration Therapy. Sinasabi ng UNICEF na kalahati sa mga batang namamatay taun-taon dahil sa diarrhea ang naiwasan sana sa tulong ng mumurahin at madaling-gawing timpla ng malinis na tubig, asin, at asukal o kaya’y pinulbos na bigas.a Patuloy pa ring bibigyan ng mga magulang ng pagkain ang bata. Oo, tinatayang isang milyong buhay taun-taon ang nailigtas na ng ganitong pamamaraan.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon sa pangangalaga ng kalusugan ng inyong mga anak, pakisuyong tingnan ang Gumising! ng Abril 8, 1995, pahina 3-14.
[Picture Credit Line sa pahina 11]
WHO