Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 9/22 p. 12-14
  • Ano ang Masama sa Pagkita ng Salapi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Masama sa Pagkita ng Salapi?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang “Dambuhalang Alon ng Materyalismo”
  • “Determinadong Maging Mayaman”
  • ‘Bumubulusok sa Pagkasira’
  • Pagiging Timbang
  • Pera Ba ang Ugat ng Lahat ng Kasamaan?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Balanseng Pananaw sa Pera
    Gumising!—2015
  • Pera
    Gumising!—2014
  • Paano Ko Mapamamahalaan ang Aking Salapi?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 9/22 p. 12-14

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Ano ang Masama sa Pagkita ng Salapi?

“SALAPI ang talagang pinakamahalagang bagay sa daigdig.” Iyan ang sabi ng Britanong mandudula na si George Bernard Shaw. Sang-ayon ka ba sa kaniya? Marahil ay mas nakakatulad ka ng 17-anyos na si Tanya, na ang sabi: “Ayokong yumaman, basta makasapat lamang sa pinansiyal.” Itinuturing din ng kabataang si Avian ang salapi, hindi bilang siyang pinakamahalagang bagay sa daigdig, kundi bilang isang bagay na tutulong upang maabot ang tunguhin. Sabi niya: “Kailangan ang pera para sa aking mga pangangailangan, gaya ng damit at transportasyon.”

Alam mo bang ganiyan din ang pangmalas ng Bibliya? Sa Eclesiastes 7:12, sinasabi nito na ang ‘salapi ay pananggalang.’ Ang karalitaan ay inilarawan bilang “isang mahigpit na kaaway sa kaligayahan ng tao.” At ang pagkakaroon ng sapat na salapi ay makapagsasanggalang sa iyo​—sa paanuman​—mula sa mga problemang dulot ng karalitaan. Dahil sa salapi ay hindi ka rin gaanong maaapektuhan ng mga di-inaasahang sakuna. “Sinasabi ng Bibliya na ‘ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay dumarating sa ating lahat,’” sabi ng kabataang si Phyllis. “Hindi natin alam kung kailan darating sa atin ang kahirapan, kaya kailangang may naiipon tayong salapi.” (Eclesiastes 9:11) At samantalang waring mahalaga sa iyo ang salapi sa ngayon, maaaring gumanap pa ito ng mas mahalagang papel sa iyong kinabukasan.

Ang “Dambuhalang Alon ng Materyalismo”

Bagaman ang ilang kabalisahan sa pagkakaroon ng sapat na salapi ay likas at makatuwiran, para sa ilang kabataan ang salapi ay nagiging halos isang obsesyon. Nang tanungin ang 160,000 kabataan, “Ano ang pinakagusto mong mangyari sa iyong buhay?,” 22 porsiyento ang nagsabi, “Ang maging mayaman.”

Walang alinlangan na ang nagpapalalâ sa pagnanasang ito sa salapi ay ang tinatawag ng magasing Newsweek na “dambuhalang alon ng materyalismo” na humahampas sa daigdig. “Napakamateryalistiko kong tao at napakahilig sa mga kilalang etiketa,” sabi ng 18-anyos na si Martin. “Talagang sigurado ako na nakukuha mo ang gusto mo sa ibinabayad mo. Kaya nga, gumagastos ako nang malaki sa mga bagay na gusto ko.” Hindi lamang si Martin ang tanging kabataang ‘gumagastos nang malaki.’ Ganito ang pag-uulat ng U.S.News & World Report: “Noong nakaraang taon, ang mga nasa edad 12 hanggang 19 [sa Estados Unidos] ay gumastos nang napakalaki kaysa noon sa kanilang pamimili, anupat umabot sa $109 na bilyon ang napamili, isang 38 porsiyentong kahigitan kaysa noong 1990.”

Ngunit, saan kaya galing ang salaping ibinabayad ng mga kabataan sa lahat ng mga bagong damit, mga compact disc, at mga gamit sa computer? Ayon sa U.S.News & World Report: “Halos kalahati sa mga edad 16 hanggang 19 ang may part-time na trabaho.” Kung magiging timbang sana, ang pagkakaroon ng trabaho pagkatapos ng klase ay kapaki-pakinabang naman, anupat natuturuan nito ang isang kabataan na maging responsable. Pero, nagpapakalabis ang ilang kabataan sa bagay na ito. Ganito ang komento ng magasing Newsweek: “Nakikita ng mga sikologo at mga guro ang bigat sa mga [nagtatrabahong] estudyante. Halos wala silang panahon sa paggawa ng homework, at ang ginagawa ng mga gurong laging namamasdan ang mga estudyanteng madalas na hirap na hirap sa pagpigil sa kanilang antok ay ang ibaba na lamang ang mga pamantayan.”

Gayunman, iilan lamang sa mga nagtatrabahong kabataan ang handang iwanan ang kanilang pinagkakakitaan. “Importante ang pag-aaral,” sabi ng kabataang si Vanessa, “pero importante rin ang pera. Walang pakinabang na pera sa paggawa ng homework.” Gaano nga ba kahalaga sa iyo ang pagkita ng salapi? Ang pagkita ba ng marami nito ang iyong tunguhin sa buhay?

“Determinadong Maging Mayaman”

Tinatalakay ng Bibliya ang mga tanong na ito mismo. Sumulat si apostol Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.”​—1 Timoteo 6:9, 10.

Tiyak na alam ni Pablo ang kaniyang sinasabi. Bago naging isang Kristiyano, siya’y naging isa sa mga lider ng relihiyon na kilala bilang “mga Fariseo,” na inilalarawan ng Bibliya bilang “mangingibig ng salapi.” (Lucas 16:14) Gayunman, hindi naman hinatulan ng apostol ang pagkita mismo ng salapi. Sa halip, binabalaan niya yaong mga “determinadong maging mayaman” o, gaya ng pagkakasabi ng ibang salin, ang mga taong “naghahangad na maging mariwasa.” (Phillips) Ngunit ano naman ang masama sa paggawa nito?

Gaya ng paliwanag ni Pablo, ang gayong mga tao ay “nahuhulog sa tukso at sa silo.” Ganito rin ang punto sa Kawikaan 28:20 nang sabihin nito: “Siyang nagmamadali sa pagpapayaman ay hindi mamamalaging walang sala.” Palibhasa’y nag-aakalang sila’y kinakapos, ang ilang kabataan ay napilitang magnakaw.

Totoo, hindi iisipin ng karamihan sa mga kabataan ang magnakaw. Ngunit ang ilan ay baka makagawa ng katulad na mapanganib na paggawi. Ganito ang ulat ng Christianity Today: “Naniniwala ang ilang eksperto na ang labis-labis na pagsusugal ang pinakamabilis-lumaganap na kinahuhumalingan ng mga tin-edyer.” Sa isang lugar sa Estados Unidos, “halos 90 porsiyento ng mga tin-edyer ang ilegal na nakabili na ng mga tiket sa loterya sa pagsapit ng huling taon nila sa haiskul.” Ang ilang kabataan ay bumaling pa nga sa mas mapanganib na mga hakbangin. “Napakahirap makakita ng disenteng trabaho,” sabi ng 16-anyos na si Matthew. “Kaya halos karamihan ng pera ko ay galing sa pagbili at pagtitinda ng mga bagay-bagay. . . . Paminsan-minsan, nagtitinda ako [noon] ng [mga droga].”

‘Bumubulusok sa Pagkasira’

Totoo, ang pagkakaroon ng salapi ay maaaring makapagpadama ng kalayaan sa isang tao. Ngunit gaya ng paliwanag ni Pablo, sa dakong huli, ang paghahangad ng salapi ay aktuwal na magpapangyari sa isa na maging alipin ng “maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira.” Oo, minsang masakmal ka ng pag-ibig sa salapi, mangingibabaw ang kaimbutan, nakamamatay na paninibugho, at iba pang nakasasakit na nasa. (Ihambing ang Colosas 3:5.) Napansin ng isang artikulo sa magasing ’Teen na ang ilang tin-edyer ay maaaring labis na mainggit sa mga kotse at damit na pag-aari ng ibang kabataan “anupat nagngingitngit sila.” Ang gayong pagkainggit kung minsan ay “humahantong sa pagkasuklam sa sarili,” dagdag pa ng artikulo, “at ang isang tin-edyer ay wala nang ibang iniisip kundi ang mga bagay na wala siya.”

Kung gayon, pansinin na ang pagnanasang guminhawa ay hindi lamang magpapangyari sa isa na ‘mahulog sa tukso’ kundi maaaring ang isa’y ‘bumulusok din sa pagkapuksa at pagkasira.’ Ganito ang sabi ng komentarista sa Bibliya na si Albert Barnes: “Ang larawang nasa isip ay isang pagkawasak, kung saan ang isang barko at ang lahat ng nakasakay roon, ay sama-samang lumulubog. Wasak na wasak. Nasirang lahat ang kaligayahan, kagalingan, reputasyon, at ang kaluluwa.”​—Ihambing ang 1 Timoteo 1:19.

Kung gayon, angkop lamang ang pagkakasabi ni Pablo na ang lubus-lubusang “pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” Bunga nito, marami ang “nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.” Kuning halimbawa ang isang kabataan na tatawagin nating Rory. Sa edad na 12 ay nagsusugal na siya. “Ito ang paraan para magkapera nang walang ginagawa,” sabi niya. Di-nagtagal, daan-daang dolyar ang naging utang niya at napabayaan niya ang mga kaibigan, pamilya, at pag-aaral. “Sinubukan kong tigilan na,” inamin niya, ngunit paulit-ulit siyang nabigo. Patuloy niyang ‘sinasaksak ang kaniyang sarili ng maraming kirot’ hanggang sa humingi na siya ng tulong sa edad na 19. Kung gayon ay hindi nagpapalabis ang manunulat na si Douglas Kennedy nang, sa kaniyang aklat na Chasing Mammon, tinawag niya ang paghahangad sa salapi na “isang napakasakit na karanasan.”

Pagiging Timbang

Ang payo ni Solomon kung gayon ay kapit pa rin sa ngayon gaya noong nakaraang mga siglo: “Huwag kang magpagal upang magkamit ng kayamanan. Tumigil ka ng panghahawakan sa iyong sariling kaunawaan. Iyo bang itinitig sa wala ang iyong mga mata? Sapagkat tiyak na ito’y nagkakapakpak na gaya ng agila at saka lilipad patungo sa kalangitan.” (Kawikaan 23:4, 5) Pansamantala lamang ang materyal na kayamanan, kaya kamangmangan lamang kung gagawin mong pangunahing layunin sa iyong buhay ang paghahangad sa kayamanan. “Ayokong mabitag sa pulos materyalistikong tunguhin lamang,” sabi ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Maureen. “Alam ko,” sabi niya, “na ang magiging kapalit nito ay ang aking espirituwalidad kung ang aking aatupagin ay ang pagkita lamang ng salapi.”

Totoo, kailangan ang salapi. At ang pagkakaroon ng sapat na kinikita ay makatutugon sa iyong mga pangangailangan​—at marahil sa pana-panahon ay makatutulong pa nga sa iba sa materyal. (Efeso 4:28) Matutong magsikap sa trabaho upang kumita sa malinis na paraan. Gayundin, matutong magtipid, magbadyet, at may-katalinuhang gugulin ang iyong salapi. Subalit huwag kailanman ituring na ang salapi ang pinakamahalagang bagay sa buhay. Sikaping taglayin ang timbang na pangmalas na binanggit ng manunulat ng Kawikaan 30:8, na nanalangin: “Huwag mo akong bigyan ng kahit karalitaan o kayamanan man.” Kapag inuna ang espirituwal na kapakanan, matatamo mo ang pinakamagaling na uri ng kayamanan. Gaya ng sabi sa Kawikaan 10:22, “ang pagpapala ni Jehova​—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag dito ang kirot.”

[Larawan sa pahina 13]

Maraming kabataan ang naghahangad ng salapi upang makapantay nila ang kanilang mga kasamahan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share