Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 10/8 p. 4-7
  • Ang Paghahanap sa Isang Paraisong Walang Suliranin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Paghahanap sa Isang Paraisong Walang Suliranin
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbukod ba ang Lunas?
  • Walang Krimen?
  • Kumusta Naman ang mga Sektang Nagbabalita Tungkol sa Araw ng Kapahamakan?
  • Isang Paraisong Walang Suliranin
  • Paraiso—Guniguni Ba Lamang?
    Gumising!—1987
  • “Magkita-kita Tayo sa Paraiso!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Paraiso sa Lupa—Panaginip Lang Ba Ito o Magkakatotoo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
  • Isang Paraisong Walang Suliranin—Malapit Nang Magkatotoo
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 10/8 p. 4-7

Ang Paghahanap sa Isang Paraisong Walang Suliranin

“ANG gusto lamang naming gawin ay lumikha ng isang ligtas at marahil ay makalumang istilo ng buhay kung saan ang mga tao’y nagmamalasakit sa isa’t isa,” ang paliwanag ng isang Britanong mag-asawa. Nagpasiya silang humanap ng isang paraiso sa isla sa tropiko at magtatag doon ng isang komunidad na sama-samang mamumuhay nang mapayapa. Tiyak na nauunawaan mo ang kanilang mga damdamin. Sino ang hindi masasabik na tanggapin ang pagkakataong ito na mabuhay sa isang paraisong walang suliranin?

Pagbukod ba ang Lunas?

Ang ideya na pagtira sa isang isla ay nakaaakit sa maraming humahanap ng paraiso, sapagkat ang pagbubukod ay nag-aalok ng isang sukat ng katiwasayan. Pinipili ng ilan ang mga isla sa Baybaying Pasipiko ng Panama o sa mga isla sa Caribbean, gaya niyaong sa Belize. Ibinabaling naman ng iba ang kanilang pansin sa pagkagagandang lugar sa Karagatan ng India​—ang Seychelles, halimbawa.

Ang lohistiko ng pagtatatag ng isang nabubukod na komunidad ay mahirap gunigunihin. Kahit na may sapat na perang makukuha, maaaring higpitan ng umiiral na mga batas ng pamahalaan ang madaliang pagbili ng lupa. Subalit ipagpalagay nang maaaring makuha ang isang minimithing isla sa tropiko, lumigaya ka kaya roon? Ang iyo kayang paraiso ay walang suliranin?

Ang liblib na mga isla sa palibot ng baybayin ng Britanya ay pinamumuhayan ngayon ng dumaraming tao. Ang kanilang bagong mga naninirahan ay pangunahin nang mga taong gustong mapag-isa at naghahanap ng kapayapaan. Isang lalaking namumuhay nang mag-isa sa 100-ektaryang isla ng Eorsa, sa kanlurang baybayin ng Scotland, ay nagsasabing hindi siya kailanman nalulungkot dahil napakarami niyang pangangalagang ginagawa para sa kaniyang kawan ng sandaang tupa. Ang iba naman na napag-isa sa isla ay agad na nalulungkot. Ang iba ay iniulat na nagtangkang magpakamatay at nangailangang iligtas.

Maraming tao ang nag-aakala na ang pagkaganda-gandang isla sa tropiko ay isa nang paraiso. Ang pamumuhay sa isang lugar na katamtaman ang klima na may iilang sukdulang lagay ng panahon ay nakaaakit sa kanila. Ngunit ang pagkabahala sa posibleng pag-init ng globo at ang bunga nitong pagtaas ng antas ng dagat ay ikinatakot ng maraming tagaisla. Ang mga naninirahan sa mabababang isla na bumubuo sa teritoryo ng Tokelau sa Kanlurang Pasipiko gayundin yaong mga nakakalat sa Maldives sa Karagatan ng India, mga isla na hindi na hihigit pa sa anim na piye ang taas sa dagat kapag taog (high tide), ay nakadarama rin ng pangamba.

Halos 40 iba’t ibang pamahalaan ang nagsama-sama sa pederasyon ng Small Island Developing States upang mangampanya ng suporta para sa kanilang suliranin. Bagaman ang mga naninirahan sa maliliit na isla ay karaniwan nang may mahahabang buhay at kakaunting sanggol lamang nila ang namamatay, patuloy nilang nakakaharap ang malulubhang problemang pangkapaligiran. Pinahihina ng mga natapong langis at maruruming dagat ang ekonomiya ng ilang isla. Ang iba ay naging tambakan ng basura para sa nakalalasong dumi na nais itapon ng malalaking bansa.

Kahit na ang pagiging lubhang kanais-nais ng mga isla bilang mga kanlungan para sa mga naghahanap ng paraiso ay isa ring banta. Paano? Ang mga turistang dumaragsa sa maaraw na mga baybayin ng mga isla ay nagiging sanhi ng matinding pagsisiksikan at pagkaubos ng kakaunting likas-yaman. Pinalalala rin ng mga pumapasyal na ito ang problema sa polusyon. Sa Caribbean, halimbawa, isang-ikasampu lamang ng dumi sa imburnal na mula sa 20 milyong bisita sa bawat taon ang nalalagyan ng gamot.

Katulad din nito ang nangyayari sa iba pang eksotikong mga lugar. Isaalang-alang ang nangyayari sa Goa sa gawing kanluran ng baybayin ng India. “‘Sinasalaula ang paraiso’ ng maramihang turismo,” ang pahayag ng Independent on Sunday ng London. Ipinakikita ng opisyal na mga tantiya ang pagdami mula sa 10,000 turista noong 1972 tungo sa mahigit na isang milyon sa unang mga taon ng dekada ’90. Nagbabala ang isang grupo na ang delikadong ekolohiya at pambihirang kultura ng Goa ay nanganganib dahil sa kasakiman ng mga may-ari ng otel na sabik kumita nang malaki sa pagdagsa ng mga turista. Pinatutunayan ng isang ulat ng pamahalaan ng India na ilang otel ang ilegal na itinayo sa dalampasigan. Hinukay ang buhangin, itinumba ang mga punungkahoy, at pinatag ang mga burol ng buhangin. Ang dumi sa imburnal ay pinaagos sa dalampasigan o tumatagas sa kalapit na mga palayan, anupat ikinakalat ang dumi.

Walang Krimen?

Sinisira ng dahan-dahang pagsalakay ng krimen ang reputasyon ng kahit na pinakamapayapang pook. Mula sa munting isla ng Barbuda sa Caribbean ay dumating ang ulong-balitang ulat na “Pamamaslang sa Paraiso.” Dinetalye nito ang nakatatakot na pagpatay sa apat katao na nakasakay sa isang maluhong yate na nakadaong sa baybayin ng isla. Ang mga pangyayaring gaya nito ay nagpapasidhi ng pagkabahala sa paglaganap ng krimen sa buong rehiyon.

“Inuudyukan ng Droga ang mga Labanan ng mga Gang sa ‘Paraiso’” ang ulong-balita ng isang ulat sa The Sunday Times ng London tungkol sa isang bansa sa Sentral Amerika. Ikinalungkot ng isang lokal na editor ang bagay na naglaho na ang kapayapaan, na nagkokomento: “Ngayo’y karaniwan nang bumangon sa umaga at masumpungan ang isang 16-anyos na kabataang nakahandusay sa lansangan at naliligo sa dugo.”

Yaong nangangarap mamuhay sa isang paraisong komunidad ay umaasang makaaakit sa mga taong gustong mamuhay nang mapayapa. Subalit ano ba ang katotohanan? Mabilis na lumitaw ang mga di-pagkakaunawaan sa kaso ng mag-asawang Britano na nabanggit sa simula. Maliwanag na gusto ng ilang aplikante na sumali sa kanilang pakikipagsapalaran upang pagkakitaan ng salapi ang iminungkahing kaayusan. “Ayaw namin ng mga lider,” sabi ng tagapagtaguyod. “Ang ideya ay magbakas-bakas tayo ng ating kayamanan upang matupad ang ating mga plano. Tinatawag ko itong isang Utopianong komunidad.” Hindi ito ang una sa gayong proyekto.​—Tingnan ang kahon na “Mga Eksperimento Ukol sa Paraisong Komunidad.”

Ang ilan namang naghahanap ng paraiso ay naniniwalang makakamit nila ang kanilang tunguhin sa pamamagitan ng pagwawagi sa isang loterya. Subalit ang pinansiyal na pakinabang na natamo sa ganitong paraan ay bihirang magdulot ng kaligayahan. Iniulat ng The Sunday Times, noong Pebrero 1995, na ang pamilya na nanalo sa pinakamalaking loterya sa Britanya hanggang sa ngayon ay dumaranas ng mapait na pag-aaway; ang pagwawagi ay walang naidulot sa kanila kundi “hinanakit, alitan at pagkasiphayo.” Karaniwan na ito sa gayong mga kalagayan.

Sa isang pagsusuri tungkol sa paghahanap ng tao sa Utopia, ang peryodistang si Bernard Levin ay nagkokomento tungkol sa “panaginip ng biglang yaman,” at iginigiit niya: “Tulad ng napakaraming panaginip, hindi malayong mangyari ang masamang panaginip. Napakaraming napatunayang mga kuwento tungkol sa biglang yaman na humahantong sa lubos na kasakunaan (kasali na ang mga pagpapakamatay) anupat hindi ito masasabing nagkataon lamang.”

Kumusta Naman ang mga Sektang Nagbabalita Tungkol sa Araw ng Kapahamakan?

Ang ibang pakana tungkol sa paraiso ay mayroong mas masamang pahiwatig. Sa pag-uulat tungkol sa pagkubkob ng mga ahenteng nagpapatupad ng batas ng pamahalaan sa Waco, Texas, sa lugar ng mga Branch Davidian noong 1993, isang pahayagan ang nagkomento sa “kombinasyon ng mga baril, pagsupil sa isipan at sa isang propeta ng araw ng kapahamakan” na siyang umakay sa kapahamakan. Nakalulungkot nga, hindi ito nabubukod na pangyayari.

Ang mga tagasunod ng yumaong Bhagwan Shree Rajneesh, isang espirituwal na lider na Indian, ay nagtayo ng isang komunidad sa Oregon subalit nilabag ang moral na sensibilidad ng kanilang mga kapuwa. Ang kayamanan ng kanilang lider at ang pag-eeksperimento sa sekso na isinasagawa nila ay sumira sa pag-aangkin nilang sila’y nakapagtatag ng “isang magandang oasis.”

Maraming kulto na pinangunahan ng mga taong umaasa sa paraiso ang humihiling na ang kanilang mga tagasunod ay magsagawa ng kakatwang mga ritwal, na kung minsa’y nagbubunga ng mararahas na pagtatalo. Ganito ang paliwanag ng kolumnista sa pahayagan na si Ian Brodie: “Ang mga kulto ay nag-aalok ng isang kanlungan at isang isinaayos na lipunan para sa mga nag-aakalang sila’y nag-iisa o hindi makayanan ang mga panggigipit ng tunay na daigdig.” Gayunpaman, pinatutunayan ng kaniyang pananalita ang bagay na gustung-gusto ng maraming tao na mamuhay sa isang paraiso.

Isang Paraisong Walang Suliranin

Ang listahan ng mga problema ay tila walang-katapusan: polusyon, krimen, pag-abuso sa droga, pagsisiksikan, etnikong labanan, kaguluhan sa pulitika​—bukod pa sa mga problemang karaniwan sa lahat ng tao, ang sakit at kamatayan. Ang konklusyon ay na walang paraiso sa planetang ito na lubusang walang suliranin. Gaya ng inaamin ni Bernard Levin: “May itim na marka sa rekord ng sangkatauhan, at sa wari’y naroroon na ito mula pa sa pasimula ng tao. Ito’y ipinahihiwatig ng kawalan ng kakayahan ng taong mamuhay nang maligaya na malapit sa iba pang tao.”

Subalit, magkakaroon ng isang pangglobong paraiso na talagang walang suliranin. Ang panahong itatagal nito ay ginagarantiyahan ng isang kapangyarihang nakahihigit sa tao. Oo, mahigit na limang milyong tao ang sa kasalukuya’y gumagawa upang makamit ang tunguhing iyan, at sila’y nagtatamasa na sa gitna nila ng mahalagang pagkakaisa at isang kapaligirang walang suliranin. Saan mo sila masusumpungan? Paano ka magkakaroon ng gayunding pag-asa at mga pakinabang na tinatamasa nila ngayon? At gaano ang itatagal ng dumarating na Paraisong ito?

[Kahon sa pahina 6]

Mga Eksperimento Ukol sa Paraisong Komunidad

Sa simula ng ika-19 na siglo, ang sosyalistang Pranses na si Étienne Cabet (1788-1856) at ang 280 kasama ay nagtatag ng isang sama-samang pamayanan sa Nauvoo, Illinois, upang mamuhay ayon sa kaniyang mga adhikain. Subalit sa loob ng walong taon bumangon ang pag-aaway sa komunidad anupat agad itong nagkawatak-watak, gaya ng nangyari sa katulad na mga grupo sa Iowa at California.

Isa pang Pranses, si Charles Fourier (1772-1837), ang nagkaroon ng mga ideya para sa isang kooperatibang pamayanang pang-agrikultura na may nagbabagong tungkulin para sa lahat ng mga miyembro nito. Ang bawat indibiduwal ay tatanggap ng gantimpala batay sa tagumpay ng grupo bilang kabuuan. Subalit ang mga pamayanang batay sa kaisipang ito kapuwa sa Pransiya at sa Estados Unidos ay panandalian lamang.

Kasabay nito, ang taga-Wales na repormador ng lipunan na si Robert Owen (1771-1858) ay nagmungkahi ng kooperatibang mga nayon kung saan daan-daang tao ang mamumuhay na magkakasama na may iisang kusina at dakong kainan para sa lahat. Ang indibiduwal na mga pamilya ay titira sa kanilang sariling mga apartment at aalagaan ang kanilang mga anak hanggang sila’y umabot sa gulang na tatlo. Pagkatapos noon, ang pangangalaga sa mga bata ay pangangasiwaan ng buong pamayanan. Subalit nabigo ang mga eksperimento ni Owen, at malaking halaga ang nawala sa kaniya.

Si John Noyes (1811-1886) ang naging tagapagtatag ng tinatawag ng The New Encyclopædia Britannica na “ang pinakamatagumpay sa Utopianong sosyalistang mga komunidad sa Estados Unidos.” Nang talikuran ng kaniyang mga tagasunod ang monogamong pag-aasawa at pahintulutan ang mga pagtatalik sa pamamagitan lamang ng pagkakasundo ng isa’t isa, si Noyes ay naaresto sa salang pangangalunya.

Ang Laissez Faire City, isang uri ng “kapitalistang Utopia” sa Sentral Amerika, ay isang kamakailang pagtatangka na lumikha ng gayong Utopianong komunidad, ulat ng The Sunday Times ng London. Ang proyekto ay naghanap ng mga mamumuhunan. Palibhasa’y naakit ng pag-asang mamuhay sa “makahimalang lunsod ng ika-21 siglo,” ang mga naghahanap ng paraiso ay inanyayahang magpadala ng $5,000 at sumali sa isang anyo ng piramideng pagbebenta, naghahanap ng mga taong may gayunding kaisipan na mamumuhunan naman ng kanilang salapi. Ayon sa ulat, ang nagawa lamang ng lahat ng halaga ng salaping ito ay bayaran ang tiket sa eroplano upang tingnan ang proyekto “sakaling mahikayat ang bansa na bigyan ito ng lugar para sa pagtatayuan ng gusali, at isang maliit na otel ang itatayo roon,” ang sabi ng pahayagan. Walang makatotohanang pag-asa ng anumang “paraiso” na naitatag doon.

[Larawan sa pahina 7]

Ang isang isla ay nakaaakit sa maraming naghahanap ng paraiso. Subalit sinisira ng krimen ngayon kahit na ang pinakamapayapang mga pook

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share