Pagmamasid sa Daigdig
Nanganganib na mga Uri
Sa Alemanya ang Federal Minister for the Environment, na si Angela Merkel, ay tahasang nagpahayag ng kaniyang pagkabahala sa mataas na porsiyento ng mga uri ng mga bagay na nanganganib sa lupaing iyon. Sa paglalabas ng isang aklat hinggil sa kapaligiran, na inilathala ng ministri, ibinunyag ni Merkel ang ilang nakababahalang estadistika. Tinataya ng mga dalubhasa na sa mga hayop na may mga gulugod na katutubo sa Alemanya, “40 porsiyento ng lahat ng mamal, 75 porsiyento ng mga reptilya, 58 porsiyento ng mga amphibian, 64 na porsiyento ng mga isdang nabubuhay sa tabang na tubig, at 39 na porsiyento ng mga ibon ay mga nanganganib na uri,” ayon sa ulat ng Süddeutsche Zeitung. Ang mga halaman ay hindi nakahihigit sapagkat 26 na porsiyento ng lahat ng uri nito ay nanganganib. Ang nakaraang mga pagsisikap upang bawasan ang panganib sa likas na kapaligiran ay hindi nakasapat. Si Merkel ay nanawagan ukol sa “isang bagong estratehiya upang maipagsanggalang ang kalikasan.”
Pagsasanggalang sa mga Bata Mula sa mga Kidnaper
Sa Alemanya ay lumalaki ang pagkabahala ng mga magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak, palibhasa’y dumami kamakailan ang pagkidnap sa mga batang babae sa bansang iyon. Ayon sa Nassauische Neue Presse, si Julius Niebergall, isang terapist ng German Association for the Protection of Children, ay nagmungkahi ng ilang paraan upang makapag-ingat. Halimbawa, maaaring ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang ilang lugar na kanilang dinaraanan nang paroo’t parito sa paaralan—isang tindahan o isang bahay—kung saan sila maaaring humingi ng tulong sa panahon ng kagipitan. Maaari ring turuan ang mga bata na huwag makipag-usap sa mga estranghero o pahintulutan ang mga estranghero na hipuin sila. Idiniin ni Niebergall na “dapat mabatid ng mga bata na sila’y maaaring tumanggi,” kahit na sa mga adulto. Lalo na kapag nasa ilalim ng pananakot ng isang posibleng kidnaper, ang mga bata ay dapat humingi ng tulong sa iba pang adulto. Maaari ninyong ituro sa kanila na magsabi ng, “Tulungan ninyo ako. Ako’y natatakot sa taong ito.”
Mararahas na Pasahero
Ang mga komersiyal na kompanya ng eroplano ay nag-ulat ng biglang pagdami ng ginagawang karahasan ng mga naiinis na pasahero. Dahilan sa pagkabalisa sa mga bagay tulad ng pagkaantala ng eroplano at pagkawala ng mga dala-dalahan, ang mga pasahero “ay nanlulura sa mga tagapagsilbi sa eroplano, naghahagis ng mga lalagyan ng pagkain at kung minsan ay nananakit ng mga kawani. May pagkakataong kanilang inaatake pa nga ang mga piloto,” ayon sa ulat ng The New York Times. Ang mga opisyal ay nababahala lalo na’t ang gayong pag-atake ay nangyayari samantalang lumilipad na ang eroplano, yamang ito’y maaaring maging dahilan ng pagbagsak. Ang isang kompanya ng eroplano ay nag-ulat na halos 100 kaso ng bibigan o pisikal na pananakit ang nangyayari bawat buwan. Ang Times ay nagsabi na ang “mga nanggugulong pasahero ay kapuwa lalaki’t babae, mula sa magkakaibang kulay, magkakaibang edad at pare-parehong kinasusuyaan maging sa economy, business o first class man. Ang halos isa sa bawat tatlo ay nakainom.”
Nagpapatuloy ang Pagtutuli sa mga Babae
Ang pagtutuli sa ari ng babae (female genital mutilation o FGM) ay isang patuloy na suliranin sa maraming bansa, lalo na sa Aprika, ayon sa The Progress of Nations 1996, isang taunang ulat na inilathala ng United Nations. Bagaman ang ilang bansa ay nagpatibay na ng mga batas laban sa malupit na gawaing ito, halos dalawang milyong batang babae pa rin ang tinutuli bawat taon. Ang mga biktima ay kadalasang nasa pagitan ng 4 at 12 taóng gulang. “Bukod pa sa kagyat na takot at kirot, maaaring magbunga ito ng matagal na pagdurugo, impeksiyon, pagkabaog, at kamatayan,” wika ng ulat. (Para sa higit pang impormasyon hinggil sa FGM, tingnan ang Abril 8, 1993, isyu ng Gumising!, mga pahina 20-3.)
Tulong ng Aso sa mga Epileptik
Sa Inglatera ang mga aso ay sinasanay upang magbigay ng babala sa mga dumaranas ng epilepsi bago pa sumumpong ito. Ito’y magbibigay ng sapat na panahon sa pasyente upang makapaghanda sa sumpong, ayon sa ulat ng The Times ng London. “Dahilan sa pagbibigay sa aso ng gantimpala sa kaniyang pagtahol sa panahon ng sumpong,” batay sa paliwanag ng manedyer ng isang organisasyon sa pagkakawanggawa na nagpapakadalubhasa sa pagsasanay sa mga aso para sa mga taong may kapansanan, “ang aso ay nagiging pamilyar sa mga palatandaan at sintomas na ipinakikita agad ng mga maysakit bago sila sumpungin. Sa pagkaalam na ang gayong pagtahol ay magdudulot ng gantimpala, kaagad na nagiging sensitibo ang aso sa gayong mga palatandaan.”
Mga Bagong Saloobin sa Hapon
Ang Japan Youth Institute ay gumawa kamakailan ng isang surbey sa 1,000 estudyante sa haiskul sa Hapon, ang ulat ng The Daily Yomiuri. Inihayag ng surbey na ang 65.2 porsiyento ng mga estudyante ay walang nakikitang masama sa pagliban sa mga klase. Halos 80 porsiyento ang may gayunding pangmalas hinggil sa pagsuway sa mga guro, at ipinagwawalang-bahala ng halos 85 porsiyento ng mga estudyante ang pagsuway sa mga magulang. Ayon sa The Daily Yomiuri, ang gayunding surbey ay nagpakita na 25.3 porsiyento ng mga kabataang babae ang nag-aakalang ang prostitusyon habang nasa paaralan pa ay isang personal na bagay.
Mga Mapanganib na Ugali sa Pagmamaneho
● “Ang limampung porsiyento ng lahat ng kamatayan sa pagmamaneho sa Brazil ay dahilan sa pag-inom,” wika ng pahayagang Gazeta do Povo ng Curitiba, Brazil. Ang pagmamaneho nang lasing ay nagiging dahilan ng “mahigit sa 26,000 kamatayan taun-taon.” Ang mga aksidenteng ito ay “kadalasang nagaganap sa maiikling biyahe at sa mabuting kalagayan ng panahon.” Bagaman ang lasing na tsuper ay waring panatag, ang kaniyang liksi ay nababawasan, anupat isinasapanganib ang kaligtasan niya at niyaong mga nasa lansangan. Ang mga pagsubok ay nagpapakita na kapag nasa impluwensiya ng alkohol, mahirap, o kaya’y imposible pa nga na harapin ang mga di-inaasahang pangyayari. Ayon sa pahayagan, ang pag-aalis ng alkohol sa katawan sa pamamagitan ng metabolismo ay maaaring magtagal ng anim hanggang walong oras at kahit na ang matapang na kape o malamig na paligo ay di makatutulong sa isang lasing na tsuper upang makapagmaneho nang ligtas.
● Ayon sa surbey ng Britanya, ang karaniwang motorista ay nakagagawa ng 50 malulubhang pagkakamali bawat linggo. Sa pangkalahatan, ang sinuring 300 tsuper ay umamin na sila’y naging pabaya ng di kukulangin sa 98 porsiyento ng kanilang pagbibiyahe, ayon sa ulat ng The Times ng London. Sa 1 sa 2 paglalakbay, sila’y nakaranas ng pagkagalit. Ang nagagawang panganib ng karamihang tsuper ay ang pagpapatulin, at mahigit sa kalahati sa mga ito ang nagsabi na sila’y naaksidente na. Ang pananaliksik sa Toronto, Canada, ay nagpapakita na ang mga tsuper na gumagamit ng telepono sa kotse habang nagmamaneho ay apat na ulit na malamang na maaksidente. Ang panganib ay nasa pinakamataas na antas sa unang sampung minuto pagkatapos na magsimula ang isang tawag, sapagkat malamang na makalingat ang tsuper at ang bilis ng kaniyang reaksiyon ay maging mabagal.
Pagluluto—Isa Bang Pumapanaw na Sining?
Ayon sa 12-buwang pag-aaral sa ugali ng pagkain sa Australia sa estado ng Queensland, ang pagluluto ay maaaring maging isang pumapanaw na sining. Ang The Courier Mail ay nag-uulat na ang karamihan sa mga taong wala pang 25 taóng gulang ay walang kasanayang kinakailangan sa pagluluto ng kanilang sariling pagkain. Ang tagapagsalita hinggil sa pangmadlang kalusugan na si Margaret Wingett, awtor ng pag-aaral, ay nagsabi na noon ang mga kabataan—lalo na ang mga babae—ay nag-aaral magluto sa tahanan sa tulong ng kanilang mga ina o sa paaralan. Ngunit ngayo’y waring ang karamihan sa mga kabataan, lakip na ang mga babae, ay hindi marunong magluto at hindi interesadong matuto. Mas gusto ng marami yaong mga nasa pakete o lutong pagkain. Naniniwala ang ilan na ang ganitong ugali sa pagkain ay maaaring umakay sa pagdami ng may alta presyon, diyabetis, at sakit sa puso.
Mga Gusaling Radyaktibo
Ayon sa magasing Asiaweek, “105 gusali na binubuo ng 1,249 na apartment ay kontaminado” ng radyaktibidad sa hilagang Taiwan. Ito’y natuklasan ng kawani ng isang kompanya ng kuryente samantalang ipinakikita sa kaniyang anak kung paano gumagana ang isang monitor ng radyasyon. Habang kinukuha niya ang reading sa kanilang kusina, siya’y nabigla nang makitang ang indicator ay tumalon sa mapanganib na antas. Ginawa ang higit pang pagsisiyasat, na nagpatunay na kontaminado ang gusali ng apartment lakip na ang iba pa. Ang mga pagsusuri ay nagpakita na ang radyasyon ay nanggagaling sa mga bakal na nasa pagitan ng mga pader ng gusali. Ang mga awtoridad ay hindi magkaisa kung paano napunta sa bakal ang radyaktibidad.
Mga Kasangkapang High-Tech Laban sa Magnanakaw
Ang microdot, na noo’y gustung-gusto ng mga espiya sa pagpapadala ng mga lihim na mensahe, ay ginagamit na rin sa Britanya upang mahadlangan ang pagnanakaw. Ang mga tuldok, na ang bawat isa’y hindi lalaki sa isang tuldok, ay naglalaman ng direksiyon sa koreo ng isang maybahay na may 60 o 70 ulit ang dami at ito’y ginagamit upang markahan ang mga bagay na nakaaakit sa mga magnanakaw. Ang The Times ng London ay nag-ulat na ang mga tuldok ay “nakalagay sa isang botelyang may malapot na pandikit na may kasamang brotsa, tulad ng isang botelya ng pampakintab sa kuko. Ito’y naglalaman ng hanggang 1,000 microdot at maaaring maingat na ipahid nang kaunti ng bumili sa kaniyang gamit o pahiran ang buong gamit ayon sa gusto niya.” Ang posibleng magnanakaw ay binababalaan ng isang maliwanag na etiketa at hindi siya nakatitiyak na natanggal niya ang lahat ng nakatagong tuldok. Gayundin, may isang chip ng computer, na ginawa upang kilalanin ang mga nasawing piloto sa Digmaan sa Vietnam, ang ngayo’y ginagamit upang kilalanin ang mga iginuhit na larawan, mga eskultura, o mga muwebles. Ito’y mas maliit pa sa isang butil ng bigas, at ang chip kapag isiningit ay hindi makikita at nagtataglay ng mga detalye gaya ng kasaysayan ng pagmamay-ari, paglalarawan, at pangalan ng may-ari, na mababasa ng isang scanner. Ang impormasyong ito ay makatutulong upang mapatunayan ang pagmamay-ari ng mga bagay kapag nasumpungan sa mga kriminal, ang wika ng The Times.