Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 10/22 p. 25-27
  • Bakit Nasa Kapatid Ko na Lamang ang Lahat ng Atensiyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Nasa Kapatid Ko na Lamang ang Lahat ng Atensiyon?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Nagpapakita Sila ng Paboritismo
  • Di-pantay na Pakikitungo​—Kawalan ba ng Katarungan?
  • Matutong Umunawa
  • Bakit Ako Pa ang Naging Bunso?
    Gumising!—1992
  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Paboritismo?
    Gumising!—1997
  • Bakit Napakahirap Pakisamahan ang Aking mga Kapatid?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Nila Magagawa Iyon sa Akin?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 10/22 p. 25-27

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Bakit Nasa Kapatid Ko na Lamang ang Lahat ng Atensiyon?

“Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit kapag ang aking mga kapatid ang gumagawa ng kapilyuhan, gayon na lamang ang kanilang nakukuhang atensiyon​—positibo at negatibo. Pero ako na laging masunurin, binabale-wala nila ako.”​—18-taóng-gulang na si Kay.a

“Ang aking mga kapatid ay binibigyan ng higit na atensiyon at pinakikitunguhan nang mas maganda. Kung mabigyan man ako ng atensiyon iyon ay kalimitan nang dahil sa ako’y pinagsasabihan. Bumubuti ang pakiramdam ko kapag nalaman kong pinagsasabihan din sila.”​—15-taóng-gulang na si Ruth.

“Sa tingin ko’y mas maraming tinatanggap na pribilehiyo at atensiyon ang aking mga nakatatandang kapatid.”​—13-taóng-gulang na si Bill.

MULA nang tayo’y isilang, lahat tayo’y nangangailangan ng atensiyon mula sa ating mga magulang. At kung sa tingin mo’y hindi naibibigay sa iyo ang iyong patas na bahagi nito, makatuwiran lamang na ikaw ay masaktan at magdamdam. Lalo na nga kung waring ang iyong mga kapatid​—ang panganay, ang bunso, ang pinakamabait, o maging ang pinakamatigas ang ulo​—ay siyang laging napag-uukulan ng pansin. Madarama mo pa nga marahil ang nadama ni David nang isulat niya: “Gaya ng patay at wala sa puso, ako’y nilimot na nila; ako’y naging gaya ng basag na sisidlan.”​—Awit 31:12.

Nakasasama ng loob kapag nakikita mong binibigyan ng atensiyon ang isang kapatid na siyang gusto mong mangyari sa iyo. Ngunit lagi bang nangangahulugan iyan na hindi ka mahal? Hindi naman. Kung minsan ay may mga kabataan na labis na nabibigyan ng atensiyon dahil sa pambihirang abilidad o dahil sa pagiging palakaibigan. Sabi ng 11-taóng-gulang na si Kenneth: “Bagaman ang aking nakababatang kapatid, si Arthur, ay nasa ikatlong grado pa lamang, tumutugtog siya sa banda na kasama ng mga nasa ikalimang grado. Magaling din siya sa isport at matematika. Sa katunayan, nakakakuha siya ng mga A sa lahat ng klase niya sa paaralan. Kung minsan naiisip kong mas gusto siya ng mga tao kaysa sa akin, pero hindi naman ako naiinggit sa kaniya. Siguro kaunti lang.”

Mayroon namang mga kabataan na tumatanggap ng pinakamalaking bahagi ng panahon ng kanilang mga magulang dahil lamang sa sila ang panganay​—o bunso. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa batang si Jose: “Inibig ni Israel si Jose nang higit kaysa sa lahat ng iba pa niyang mga anak sapagkat siya ang anak sa kaniyang katandaan.” (Genesis 37:3, 4) Sa kabilang dako naman, inakala ng 18-taóng-gulang na si Todd na mas inaayunan ang kaniyang kapatid dahil sa pagiging panganay nito. Naaalaala niya: “Minsan ay pinagdala kami ng paborito naming litrato noong kami’y sanggol pa lamang para sa isang prodyek sa paaralan. Iilan lamang ang nakita kong mga litrato ko at napansin kong mas maraming litrato ang aking nakatatandang kapatid. Nagtaka ako kung bakit.”

Kung sa bagay, malimit na ibinibigay ang labis na atensiyon dahil sa ang isang anak ay may problema​—marahil mga problemang lingid sa iyong kaalaman. “Noong ako’y mga 16 anyos, nagkaproblema ang aking nakatatandang kapatid,” paliwanag ni Cassandra, ngayo’y 22. “Hindi niya matiyak kung talagang gusto niyang paglingkuran si Jehova, kung kaya halos siya na lamang ang pinag-ukulan ng atensiyon ng aking mga magulang. Noong panahong iyon, hindi ko maintindihan kung bakit. Ang akala ko’y hindi na nila ako mahal. Nalungkot ako at inakala kong ako’y wala nang halaga​—nagalit din ako.”

Kung Bakit Nagpapakita Sila ng Paboritismo

Gayunman, kung minsan ay nagkakasala ang mga magulang sa pagpapakita ng lantarang paboritismo. Inamin ng isang ina: “Batid kong nasasaktan ang aking anak na si Paul, na makitang labis naming ipinagkakapuri ang aming anak na babae. Dineretso niya kami, ‘Lagi kayong nagkakatinginan ni Daddy kapag may sinabi si Liz.’ Hindi namin agad naunawaan ang ibig niyang sabihin. Saka lamang namin napagtanto na lagi kaming nagkakatinginan na para bang sinasabing ‘napakagaling niyang talaga ’no?’ Dahil itinawag-pansin niya iyon sa amin, pinagsikapan naming mabuti na huwag nang maulit iyon.”

Ngunit bakit nga ba may paboritismo ang mga magulang? Maaaring ang dahilan ay ang ginawang pagpapalaki sa kanila noon. Halimbawa, kung ang nanay mo ay lumaki bilang bunsong anak, mas madali silang nagkakaunawaan ng kaniyang bunsong anak. Bagaman hindi niya namamalayan, maaaring ang palagi niyang kinakampihan ay ang isang iyon. O maaaring mas malapit ang isang magulang sa isang anak na kapareho niya ang ugali at hilig. Tingnan ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Isaac at Rebeka may kinalaman sa kanilang kambal na anak, sina Jacob at Esau: “Ang mga batang lalaki ay lumaki pa, at si Esau ay naging isang lalaki na nakaaalam kung paanong mangaso, isang lalaki ng parang, ngunit si Jacob ay isang walang-kapintasang lalaki, nananahanan sa mga tolda. At si Isaac ay may pag-ibig kay Esau, sapagkat ito ay nangangahulugan ng pinangaso sa kaniyang bibig, samantalang si Rebeka ay isang mangingibig ni Jacob.”​—Genesis 25:27, 28.

Ano ang dapat mong gawin kapag waring inaayunan ng iyong mga magulang ang isa sa iyong mga kapatid?b Maaari mong subukang ipakipag-usap ito sa iyong mga magulang sa isang paraang mahinahon at di-nagpaparatang. (Kawikaan 15:22) Kung buong-paggalang mo silang pakikinggan, baka maunawaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang pangmalas. Maaaring makatulong ito upang maibsan ang iyong pagkasiphayo. (Kawikaan 19:11) Sabi ng isang tin-edyer: “Talagang naiinis ako dahil mas malapit si Inay sa aking kapatid na lalaki kaysa sa akin. Nang tanungin ko siya tungkol dito, ipinaliwanag niya na dahil kamukhang-kamukha siya ni Itay, kung kaya mas malapit siya rito. At dahil sa kamukhang-kamukha niya ako, mas malapit naman sa akin si Itay. Gayundin naman, dahil sa magkamukhang-magkamukha kami, nagkakainisan tuloy kami. At dahil sa magkamukhang-magkamukha naman si Itay at ang aking kapatid na lalaki, nagkakayamutan tuloy sila. Nang maipaliwanag niya iyon sa akin​—bagaman hindi ko ikinatuwa ang tungkol doon​—natanggap ko na rin.”

Di-pantay na Pakikitungo​—Kawalan ba ng Katarungan?

Bakit nga ba naman hindi ipareho na lamang ng mga magulang ang kanilang pakikitungo sa bawat isa? Si Beth, ngayo’y 18, ay nagsabi: “Noong ako’y mga 13, naniniwala akong ang aking kapatid na lalaki at ako ay dapat pakitunguhan nang pantay​—parehung-pareho. Pero ako lamang ang palaging nasisigawan, samantalang siya naman ay hinahayaan sa lahat ng bagay. At mas palagi siyang kasama ni Itay sa pagkukumpuni ng kotse. Parang hindi naman tama iyon.”

Ngunit ang di-pantay na pakikitungo ay hindi naman laging kawalan ng katarungan. Tingnan kung paano pinakitunguhan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga apostol. Walang-alinlangang mahal niyang lahat ang 12, ngunit 3 lamang sa kanila ang inanyayahan niya upang masaksihan ang ilang pantanging kaganapan, kabilang ang pagbuhay-muli sa anak na babae ni Jairo at ang pagbabagong-anyo. (Mateo 17:1; Marcos 5:37) Isa pa, napakatalik ng pakikipagkaibigan ni Jesus kay apostol Juan. (Juan 13:23; 19:26; 20:2; 21:7, 20) Ito ba’y di-pagkakapantay-pantay? Tiyak iyan. Mali ba iyon? Hindi naman. Sapagkat bagaman partikular na mas malapit si Jesus sa ilan, hindi naman niya pinabayaan ang pangangailangan ng iba pa niyang mga apostol.​—Marcos 6:31-34.

Sa katulad na paraan, maaaring isa sa iyong mga kapatid ay tumatanggap ng pantanging atensiyon dahil sa talino, personalidad, o pangangailangan. Mangyari pa, masakit itong makita. Ngunit ang tanong ay, napapabayaan ba naman ang iyong pangangailangan? Kapag kailangan mo ang payo, tulong, o suporta ng iyong mga magulang, handa ba silang tumulong sa iyo? Kung gayon, masasabi mo bang talaga na ikaw ay biktima ng kawalan ng katarungan? Hinihimok tayo ng Bibliya na makitungo sa iba “ayon sa kanilang mga pangangailangan.” (Roma 12:13) Yamang ikaw at ang iyong mga kapatid ay mga indibiduwal na may iba’t ibang pangangailangan, talagang imposible para sa inyong mga magulang na pakitunguhan kayo nang pare-pareho sa lahat ng pagkakataon.

Sa gayon ay napagtanto ni Beth, na binanggit kanina, na ang pantay na pakikitungo ay hindi laging makatarungan at na ang makatarungang pakikitungo ay hindi laging pantay. Sabi niya: “Naunawaan kong ang aking kapatid na lalaki at ako ay dalawang magkaibang tao at kailangang pakitunguhan nang magkaiba. Kung gugunitain, hindi ako makapaniwala na hindi ko naunawaan iyon noong ako’y bata pa. Marahil iyon ay dahil sa iyong pangmalas sa mga bagay-bagay sa ganiyang edad.”

Matutong Umunawa

Oo, ang “iyong pangmalas sa mga bagay-bagay” ay may malaking magagawa kung paano mo haharapin ang iyong kalagayan. Gaya ng may kulay na salamin, maaaring makulayan ng iyong emosyon ang tingin mo sa mga bagay-bagay. At ang emosyonal na pangangailangan ng atensiyon at pagsang-ayon ng magulang ay matindi. Ganito ang komento ng mga mananaliksik na sina Stephen Bank at Michael Kahn: “Kahit na marating pa ng mga magulang ang mahirap-abuting pangarap na mapakitunguhan nang pantay-pantay ang kanila mismong iba’t ibang mga anak, iisipin pa rin ng bawat anak na ang kanilang mga magulang ay pumapanig sa isa sa mga anak.”

Halimbawa, tingnan muli ang sinabi ng tatlong kabataan na binanggit sa pasimula. Mukhang malungkot nga ang kanilang kalagayan bagaman ang totoo: Sila’y magkakapatid! Oo, bawat isa’y nag-aakalang mas nabibigyan ng atensiyon ang iba at na siya ay binabale-wala! Kung gayon, madalas na medyo nagiging pilipit ang pangmalas natin sa mga bagay-bagay. “Ang isang taong may unawa ay malamig ang espiritu,” sabi ng Kawikaan 17:27. Ang may unawa ay tumitingin sa mga bagay-bagay sa paraang makatotohanan at walang pagtatangi, hindi sa emosyon. Ang kaunawaan ay makatutulong sa iyo na mapagtantong bagaman hindi pare-pareho ang pagtingin sa inyo ng inyong mga magulang, wala naman silang nasa isip kundi ang kapakanan ninyong lahat! Kung uunawain mo ito ay maiiwasan mong magalit at magdamdam.

Subalit, paano kaya kung may katuwiran naman ang iyong palagay na hindi ka nga nabibigyan ng nararapat na atensiyon? Ano ang maaari mong gawin? Ito’y isasaalang-alang sa darating na isyu ng Gumising!

[Mga talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

b Higit pang tatalakayin sa darating na artikulo ang paksa hinggil sa pakikitungo sa paboritismo.

[Larawan sa pahina 26]

Ang di-pantay na pakikitungo ay maaaring magtinging di-makatarungan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share