Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 11/22 p. 18-20
  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Paboritismo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Pakikitunguhan ang Paboritismo?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pigilin ang Iyong Dila!
  • Tusong Pagsuway
  • Ang Panganib ng Pagbubukod sa Sarili
  • Ang Panganib ng Inggit
  • Bakit Nasa Kapatid Ko na Lamang ang Lahat ng Atensiyon?
    Gumising!—1997
  • Paano Nila Magagawa Iyon sa Akin?
    Gumising!—1989
  • Paano Kaya Ako Makatatakas sa Anino ng Aking Kapatid?
    Gumising!—2003
  • Ano ang Maaari Kong Gawin Kapag Binulyawan Ako ng Aking mga Magulang?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 11/22 p. 18-20

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Pakikitunguhan ang Paboritismo?

“Mas bata sa akin nang dalawang taon ang aking kapatid na babae at nasa kaniya na lamang lahat ang atensiyon. . . . Hindi naman yata tama iyon.”​—Rebecca.a

HABANG nakukuha ng iyong kapatid ang lahat ng atensiyon, lalo mo namang nadaramang hindi ka na pinapansin. At kung ikaw ay may kapatid na may pambihirang kakayahan, may malulubhang problema, o may interes o personalidad na katulad ng sa iyong mga magulang, talagang kailangan mong pagsikapang lubos na makatawag man lamang ng pansin! Habang iniisip mo ang tungkol dito, maaaring lalo ka namang nasasaktan at nagagalit.b

Gayunman, ang Bibliya ay nagbababala: “Maligalig kayo, ngunit huwag magkasala. Sabihin ninyo sa inyong puso, sa inyong higaan, at manahimik.” (Awit 4:4) Kapag ikaw ay naiinis at nagagalit, malamang na makapagsalita ka o makagawa ng isang bagay na baka pagsisihan mo sa dakong huli. Alalahanin mo kung paano nayamot si Cain dahil sa pinapaborang kalagayan ng kaniyang kapatid, si Abel, na tinatamasa mula sa Diyos. Binabalaan siya ng Diyos: “Nariyan ang kasalanan na nakayukyok sa pasukan, at para sa iyo ang paghahangad niyaon; at ikaw ba, sa iyong bahagi, ay makapangingibabaw roon?” (Genesis 4:3-16) Nabigo si Cain na makapangibabaw sa kaniyang damdamin, at ang resulta ay nagdulot ng kasakunaan!

Totoo, hindi ka naman magiging mamamatay-taong gaya ni Cain. Magkagayunman, ang paboritismo ay maaaring pagmulan ng pangit na damdamin at emosyon. Ang panganib kung gayon ay maaaring nakayukyok sa iyong pasukan! Anu-ano ang ilan sa mga ito? At paano ka makapangingibabaw sa kalagayang ito?

Pigilin ang Iyong Dila!

Nang si Beth ay 13, inakala niyang mas pinapaboran ng kaniyang mga magulang ang kaniyang kapatid na lalaki at di-makatuwiran ang pakikitungo sa kaniya. Nagunita niya: “Palagi kaming nagsisigawan ni inay, pero wala namang mabuting nagawa iyon. Hindi ko pinakikinggan ang kaniyang sinasabi, at hindi rin naman niya pinakikinggan ang aking sinasabi, kaya wala ring nangyari.” Marahil ay napagwari mo na rin na ang pagsigaw ay nagpapalubha lamang ng situwasyon. Sabi ng Efeso 4:31: “Ang lahat ng mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo kasama ng lahat ng kasamaan.”

Hindi mo kailangang sumigaw upang maitawid ang gusto mong sabihin. Mas makabubuti ang isang mahinahong paraan. Sabi ng Kawikaan 25:15: “Sa pamamagitan ng pagtitiis ay nahihikayat ang komandante, at ang malumanay na dila mismo ay nakababali ng buto.” Kaya kung ang iyong mga magulang ay waring mayroon ngang paborito, huwag kang maninigaw at magpaparatang. Maghintay ng tamang panahon, at pagkatapos ay kausapin sila sa mahinahon at magalang na paraan.​—Ihambing ang Kawikaan 15:23.

Kung pagtutuunan mong lagi ng pansin ang mga pagkukulang ng iyong mga magulang o susumbatan mo sila dahil sa kanilang “pagkadi-makatarungan”, lalo mo lamang silang inilalayo sa iyo o inilalagay sa kalagayan na ipagtanggol ang kanilang sarili. Sa halip ay ituon ang pansin sa nagiging epekto sa iyo ng kanilang mga paggawi. (‘Labis akong nasasaktan kapag hindi ninyo ako pinapansin.’) Malamang na isasaalang-alang nila ang iyong damdamin. Gayundin, “maging matulin sa pakikinig.” (Santiago 1:19) Malamang na may makatuwirang dahilan ang iyong mga magulang sa pagbibigay sa iyong kapatid ng labis na atensiyon. Marahil ay may mga suliranin itong hindi mo alam.

Ngunit paano kung ikaw ay mahilig manggalaiti at padalus-dalos kung magsalita kapag nagagalit? Inihahambing ng Kawikaan 25:28 sa isang bayang “walang pader” ang isang “lalaking walang pagpipigil sa kaniyang diwa”; malamang na siya’y magapi ng kaniyang sariling di-sakdal na mga simbuyo ng damdamin. Sa kabilang dako naman, ang kakayahang magpigil ng iyong damdamin ay isang tanda ng tunay na kalakasan! (Kawikaan 16:32) Kung gayon, bakit hindi hintaying huminahon muna bago sabihin ang iyong nadarama, anupat baka kailangang ipagpabukas na muna iyon? Maaari ring makatulong sa iyo kung iiwan muna ang situwasyon, anupat maaaring maglakad-lakad muna o mag-ehersisyo. (Kawikaan 17:14) Kung pipigilin mo ang iyong mga labi, maiiwasan mong makapagsalita ng isang bagay na masakit o may kamangmangan.​—Kawikaan 10:19; 13:3; 17:27.

Tusong Pagsuway

Ang isa pang patibong na dapat iwasan ay ang pagsuway. Napansin ng labing-anim-na-taóng-gulang na si Marie na hindi kailanman naparurusahan ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki kapag nanggugulo siya sa pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Palibhasa’y masama ang loob dahil sa waring pagkakaroon ng pinapanigan, “nagwelga” siya, anupat ayaw na niyang makibahagi sa pag-aral. Nagsasawalang-kibo ka ba o kaya’y sinasadyang di-makipagtulungan kapag inaakala mong may nangyayaring bagay na di-makatuwiran?

Kung oo, tantuin mo na ang gayong tusong mga taktika ay taliwas sa utos ng Bibliya na parangalan at sundin ang iyong mga magulang. (Efeso 6:1, 2) Isa pa, pinarurupok ng pagsuway ang iyong relasyon sa iyong mga magulang. Mas makabubuting ipakipag-usap ang iyong suliranin sa iyong mga magulang. Ipinahihiwatig ng Kawikaan 24:26 na ang isa “na nagbibigay ng tuwirang sagot” ay nagtatamo ng paggalang mula sa iba. Nang ipakipag-usap ni Marie ang bagay na iyon sa kaniyang ina, sila’y nagkaunawaan, at nagsimulang bumuti ang mga bagay-bagay.

Ang Panganib ng Pagbubukod sa Sarili

Ang isa pang mapanganib na paraan ng pakikitungo sa paboritismo ay ang paglalayo ng sarili sa iyong pamilya o paghahanap ng atensiyon mula sa mga di-mananampalataya. Ganito ang nangyari kay Cassandra: “Inilayo ko ang aking sarili sa aming pamilya at bumaling ako sa mga kaibigan sa sanlibutan na nakilala ko sa paaralan. Nagkaroon pa nga ako ng mga kasintahan, at ito’y lingid sa kaalaman ng aking mga magulang. Pagkaraan ay nakadama ako ng labis na panlulumo at inusig ako ng aking budhi sapagkat alam kong mali ang aking ginagawa. Gusto ko sanang makawala na sa kalagayang ito, pero hindi ko talaga masabi ito sa aking mga magulang.”

Mapanganib na ibukod mo ang iyong sarili mula sa iyong pamilya at sa kapuwa mananampalataya​—lalo na kung ikaw ay naiinis at hindi makapag-isip na mabuti. Ganito ang babala ng Kawikaan 18:1: “Ang isang nagbubukod ng kaniyang sarili ay humahanap ng kaniyang sariling mapag-imbot na nasa; siya’y nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.” Kung sa akala mo’y mahirap lumapit sa iyong mga magulang sa oras na ito, puntahan ang isang Kristiyanong kaibigan na gaya ng isa na inilarawan sa Kawikaan 17:17: “Ang tunay na kasamahan ay mapagmahal sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak pagka may kagipitan.” Karaniwan nang ang gayong “tunay na kasamahan” ay madaling matagpuan sa gitna ng mga maygulang na miyembro ng kongregasyon.

Nasumpungan ni Cassandra ang “isang tunay na kasamahan” sa panahon ng kaniyang pangangailangan: “Nang dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito [naglalakbay na ministro] sa aming kongregasyon, hinimok ako ng aking mga magulang na gumawang kasama niya. Napakapraktikal niya at ng kaniyang asawa, at nagkaroon sila ng tunay na malasakit sa akin. Naging palagay ang loob ko sa pakikipag-usap sa kanila. Hindi ko inisip na hahatulan nila ako. Alam nila na hindi komo’t pinalaki ka bilang isang Kristiyano ay hindi ka na magkakamali.” Ang kanilang nakapagpapatibay-loob at maygulang na payo ang kailangang-kailangan ni Cassandra!​—Kawikaan 13:20.

Ang Panganib ng Inggit

Ang Kawikaan 27:4 ay nagbababala: “May kalupitan ng pagngangalit, gayundin ng baha ng galit, ngunit sinong makatatayo sa harap ng paninibugho?” Ang inggit at panibugho sa pinapaborang kapatid ay nag-uudyok sa ilang kabataan upang maging mapusok sa kanilang pagkilos. Inamin ng isang babae: “Noong ako’y maliit pa, ang buhok ko’y manipis, kakaunti, at kulay kape samantalang ang aking kapatid ay may makapal at ginintuang buhok na hanggang baywang niya. Laging pinupuri ni itay ang kaniyang buhok. Siya raw ang kaniyang ‘Rapunzel.’ Isang gabi habang siya’y natutulog, kinuha ko ang gunting ni inay sa pananahi, patiyad na lumakad papalapit sa kaniyang kama at ginupit ko nang ginupit ang kaniyang buhok.”​—Siblings Without Rivalry, nina Adele Faber at Elaine Mazlish.

Samakatuwid nga, hindi kataka-taka na ilarawan sa Bibliya ang inggit bilang isa sa balakyot na “mga gawa ng laman.” (Galacia 5:19-​21; Roma 1:28-​32) Gayunpaman, tayong lahat ay “nakahilig sa pagkainggit.” (Santiago 4:5) Kaya kung binabalak mong ipahamak ang iyong kapatid, papangitin siya, o sa anumang paraan ay pagmukhain siyang hamak, malamang na ang inggit ay “nakayukyok sa pasukan,” anupat nagsisikap na makapangibabaw sa iyo!

Ano ang dapat mong gawin kapag nasusumpungan mo ang iyong sarili na nagkikimkim ng gayong nakapipinsalang damdamin? Una, subukang manalangin sa Diyos para sa kaniyang espiritu. Sabi ng Galacia 5:16: “Patuloy na lumakad sa espiritu at hindi kayo kailanman makagagawa ng makalamang nasa.” (Ihambing ang Tito 3:3-5.) Makatutulong din kung bubulay-bulayin mo ang tunay mong damdamin sa iyong kapatid. Masasabi mo bang talaga na wala ka man lamang kahit kaunting pagtingin sa isang iyon​—sa kabila ng iyong hinanakit? Buweno, ang Kasulatan ay nagsasabi sa atin na “ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin.” (1 Corinto 13:4) Kaya nga huwag mong pagtuunan ng isip ang mga bagay na negatibo at nakapupukaw ng inggit. Sikaping makigalak sa isang iyon kung siya man ay nakakakuha ng pantanging atensiyon mula sa iyong mga magulang.​—Ihambing ang Roma 12:15.

Ang pakikipag-usap mo sa iyong mga magulang ay maaari ring makatulong sa bagay na ito. Kung mapaniniwala mo sila na kailangang mabigyan ka ng higit na atensiyon, malaki ang maitutulong nito sa iyo upang mapaglabanan ang inggit sa iyong mga kapatid. Ngunit paano kung hindi bumubuti ang mga bagay-bagay sa loob ng tahanan at nagpapatuloy pa rin ang paboritismo? Huwag magalit, manigaw, o magrebelde sa iyong mga magulang. Sikaping mapanatili ang matulungin at masunuring pag-uugali. Kung kailangan, humiling ng alalay mula sa mga maygulang sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Higit sa lahat, maging malapit sa Diyos na Jehova. Tandaan ang mga salita ng salmista: “Bagaman pabayaan ako ng aking sariling ama at sariling ina, gayunma’y dadamputin ako ni Jehova.”​—Awit 27:10.

[Mga talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

b Tingnan ang artikulong “Bakit Nasa Kapatid Ko na Lamang ang Lahat ng Atensiyon?” sa Oktubre 22, 1997, isyu ng Gumising!

[Larawan sa pahina 19]

Maaaring malutas ang suliranin kung ipaliliwanag mo na nasusugatan ang iyong damdamin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share